2013
Pananampalataya, Pag-asa, at mga Ugnayan
Enero 2013


Pananampalataya, Pag-asa, at mga Ugnayan

Elder Michael T. Ringwood

Ang pagnanais, paniniwala, at pag-asa ay dapat maghikayat sa atin na magkaroon ng mga ugnayang hahantong sa pag-aasawa.

“Talaga po bang gumawa kayo ng pro-and-con list?” Ang may pagkamanghang tanong ng anak kong lalaking tinedyer ay tumutukoy sa isang listahang nakita niya sa isa sa mga journal ko. Hindi ito karaniwang pro-and-con list; listahan ito ng ginawa ko 30 taon na ang nakararaan, bago ko niyayang magpakasal ang kanyang ina. Hindi ko alam kung ilang lalaki ang gumagawa ng listahang katulad ng sa akin, pero kapag naiisip ko ang pag-aasawa noong 24-na-taong-gulang akong estudyante sa kolehiyo, tila iyon ang tamang gawin.

Wala akong maalala na may iba pang itinanong ang anak ko noong araw na iyon tungkol sa aking panliligaw; nakatuon siya nang husto sa listahan. Naaalala ko pa na pahiyaw niyang sinasabi sa kanyang mga kapatid, “Gumawa ng listahan si Itay tungkol kay Inay! Halikayo’t tingnan ninyo!” Gayunman, habang ginugunita ko ang araw na iyon, naisip ko ang maraming bagay na maaari sana niyang itanong.

Mahal n’yo siya, ‘di po ba? Dapat ito ang una niyang tanong. Oo sana ang isasagot ko; kaya ko nga ginawa ang listahan. Talagang mahal ko siya, at ninais ko higit sa lahat na maging maligaya siya. Ang listahan ay mas tungkol sa pagtiyak kung mapapasaya ko siya kaysa tungkol sa kung mahal ko ba siya o hindi.

Masaya po ba kayo kapag magkasama kayo? Muli, oo sana ang isasagot ko; kaya ko nga ginawa ang listahan. Paraan iyon upang makita ko kung magkakatotoo ang inaasam ko na lagi siyang magiging masaya sa piling ko.

Naisip po ba ninyo na siya ang tamang pakasalan? Siguro ito ang pinakamatinding tanong sa lahat. Oo sana ang isasagot ko; talagang naniwala ako na “siya na nga” iyon, pero gusto kong makatiyak na ang paniniwala ko ay magtutulak sa akin na gawin iyon.

Palagay ko hindi ko pa lubos na natatanto noon ang epekto ng mga turo ng mission president ko tungkol sa pananampalataya at mga nakapaloob dito na pagnanais, paniniwala, at pag-asa sa panliligaw ko. Sa paglipas ng panahon na mas malinaw ko na itong naunawaan, lubos akong nagpapasalamat kay President F. Ray Hawkins sa impluwensya niya sa akin. Nasa akin pa ang mga itinala ko noong 20-taong-gulang akong misyonero nang buksan ng bata pang mission president ko ang mga banal na kasulatan at ipaliwanag ang mga elemento ng pananampalataya na kalaunan ay magiging bahagi ng pinakamahalagang desisyong gagawin ko sa aking buhay.

Mga Turo ni Alma Tungkol sa Pananampalataya

Kabilang sa mga ibinahagi ni President Hawkins tungkol sa pananampalataya ay ang mga turo ni Alma sa mga maralitang Zoramita. Tinukoy ni Alma ang pangangailangang magkaroon ng bahagyang pananampalataya, na tinukoy niya bilang pagnanais (tingnan sa Alma 32:27). Ang pagnanais na mangyari ang isang bagay ay malaking impluwensya sa atin na gawin ang kailangang mga hakbang para maragdagan ang ating pananampalataya.

Ang pangalawa para magkaroon ng bahagyang pananampalataya ay ang itinuro ni Alma na nagmumula sa pagnanais: paniniwala. Iniutos niya sa mga Zoramita na pairalin ang kanilang pagnanais hanggang sa maniwala sa paraang magbibigay-puwang sila sa kanilang puso para sa kanyang mga salita (tingnan sa talata 27). Ang kombinasyong ito ng pagnanais at paniniwala ay nagsisimulang lumaki sa ating puso, at nalalaman nating mabuti ito. Sinisimulan nitong palakihin ang ating kaluluwa at liwanagin ang ating pang-unawa. Nagsisimula itong maging masarap. (Tingnan sa talata 28.)

Ang pag-asa ay isa pang mahalagang bahagi ng pananampalataya. Sinabi ni Alma sa mapagpakumbabang mga Zoramita na ang pananampalataya ay hindi pagkakaroon ng perpektong kaalaman tungkol sa mga bagay-bagay. Ito ay “umaasa sa mga bagay na hindi nakikita, ngunit totoo” (Alma 32:21; idinagdag ang pagbibigay-diin). Itinuro din ni Mormon na ang pag-asa ay isang mahalagang bahagi ng pananampalataya nang sabihin niya kay Moroni, “Paanong kayo ay makaaabot sa pananampalataya, maliban kung kayo ay magkakaroon ng pag-asa?” (Moroni 7:40). Ang pag-asa ay mailalarawan bilang kakayahang makita na may magandang mangyayari sa hinaharap.1 Ang aking listahan ang paraan ko ng pagtingin sa hinaharap nang may pananampalataya at, tulad ni Abraham, malaman na “may higit na kaligayahan at kapayapaan” (Abraham 1:2) para sa akin nang pakasalan ko ang aking asawa.

Sa pagkakaroon ng pagnanais na manampalataya, kinailangan ko ang paniniwala at pag-asa para malubos ang aking pananampalataya, at kinailangan kong kumilos sa paghiling kay Rosalie na magpakasal sa akin. Ang listahan—na pagpapakita ng pagnanais, paniniwala, at pag-asa ko—ay mahalaga sa pagbibigay sa akin ng lakas ng loob na gawin ang kailangan para malubos ang aking pananampalataya. Itinuro ni Santiago na ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay (tingnan sa Santiago 2:17). Wala sanang pagnanais, paniniwala, o pag-asa na nakatulong sa akin sa paghahanap ng higit na kaligayahan at kapayapaan na natagpuan ko sa pag-aasawa kung hindi ako hinikayat ng mga bahaging iyon na yayain siyang pakasal. (Ang malungkot, nang una kong yayain si Rosalie na magpakasal sa akin, hindi ang sagot niya sa akin, pero ibang kuwento naman iyon. Sa gayong sitwasyon—kapag hindi umayon ang mga bagay-bagay sa plano o itinakdang panahon natin—mahalaga pa rin ang papel ng pananampalataya sa ating buhay.) Kinailangan pa naming magtiis at magtiyaga nang kaunti, at kalaunan nga’y nagpakasal kami sa araw na umuulan ng niyebe noong Disyembre 1982.

Ang pananampalataya ay mahalaga sa lahat ng ginagawa natin, pati sa pagdedeyt at panliligaw. Ang pagnanais, paniniwala, at pag-asa na tunay ngang may higit na kaligayahan at kapayapaang naghihintay sa atin ay dapat maghikayat sa ating kumilos upang magkaroon ng mga ugnayang hahantong sa pag-aasawa. Nais ba ninyong sundin ang plano ng kaligayahan? Naniniwala ba kayo na ang pagsunod sa plano ay hahantong sa higit na kaligayahan at kapayapaan? (Maniwala kayo kapag sinabi ko sa inyo na ang pagsunod sa plano at pagpapakasal sa templo ay talagang humahantong sa higit na kaligayahan at kapayapaan.) Umaasa ba kayo na magiging masaya ang inyong buhay-may-asawa? Dahil umaasa kayo, nakikita ba ninyo ang inyong sarili na nasa mas magandang kalagayan sa hinaharap? Kung oo ang sagot ninyo sa mga tanong na ito, samakatwid dapat kayong kumilos para malubos ang inyong pananampalataya. Makipagdeyt kayo! Tumanggap ng imbitasyong magdeyt! Magpunta sa mga lugar na makakakilala kayo ng iba pang mga young adult na kapareho ninyo ang opinyon. Sa madaling salita, tahakin ang landas na hahantong sa higit na kaligayahan at kapayapaan.

Halimbawa ng Pananampalataya ni Joseph Smith

Tingnan natin si Joseph Smith bilang isang halimbawa ng pananampalataya at nagpakita ng pagnanais, paniniwala, at pag-asa.

Nais noon ni Joseph na mahanap ang tunay na Simbahan ni Jesucristo. Napakatindi ng pagnanais niya kaya nahikayat siya na buksan ang mga banal na kasulatan, kung saan nabasa niya, “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios” (Santiago 1:5). Pinag-isipan niya ang talatang ito. Ninais niyang magkaroon ng karunungan, at naniwala siya na matatanggap niya ito kung hihingin niya sa Diyos. Ginawa lamang niya ang tama: nanalangin siya at humingi sa Diyos. Sandali nating pag-isipan ito ngayon. Nais ni Joseph na malaman ang katotohanan. Naniwala siya sa mga salita ni Santiago. Umasa siyang sasagutin siya. Ngunit kung tumigil siya roon, wala sana tayo rito ngayon. Ang pagkilos ayon sa pananampalataya ay nangahulugan ng pagpunta niya sa kakahuyan at pagdarasal doon. Naniniwala ako na noong pumunta si Joseph sa kakahuyan upang manalangin, umasa siyang makakamtan niya ang sagot pag-alis niya roon. Maaaring hindi niya inasahang makita ang Ama sa Langit at si Jesucristo, ngunit inasahan niyang makatatanggap siya ng sagot. Kaygandang halimbawa ng pananampalataya! Siya ay nagnais, naniwala, umasa, at kumilos.

Binago ng pananampalataya ng isang 14-na-taong-gulang na batang lalaki ang mundo. Dahil sa panalangin ni Joseph sa Sagradong Kakahuyan, bumukas ang kalangitan at muling nangusap ang Diyos sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng isang propeta.

Isa sa Inyong mga Pagkakataon na Magpakita ng Pananampalataya

Patuloy na nangungusap ang Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang propeta ngayon. Mahigit isang taon at kalahati pa lang ang nakararaan, sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson:

“May panahon para pag-isipang mabuti ang pag-aasawa at humanap ng isang katuwang na nais ninyong makapiling magpasawalang-hanggan. Kung matalino ang inyong pagpili at kayo ay desididong magtagumpay sa inyong pagsasama, wala nang ibang higit na magpapaligaya sa inyo sa buhay na ito.

“Kapag magpapakasal na kayo, … nanaisin ninyong makasal sa bahay ng Panginoon. Para sa inyo na maytaglay ng priesthood, dapat ay wala nang ibang pagpipilian. Mag-ingat dahil baka masira ang pagiging karapat-dapat ninyong makasal sa gayong paraan. Mapananatili ninyo sa angkop na hangganan ang inyong pagliligawan habang masaya pa rin kayong magkasama.”2

Ang inyong pagnanais, paniniwala, at pag-asa ay maaaring hindi makita sa isang listahan, na tulad ng sa akin, ngunit paano man ninyo ipakita ang mga katangiang ito, tutulungan kayo nitong malubos ang inyong pananampalataya sa pagsunod sa propeta ng Panginoon sa paghahanap ng mapapangasawa na higit na magpapaligaya sa inyo. Ang inyong pagnanais, paniniwala, at pag-asa ay tutulong din sa inyo na pumili nang may katalinuhan.

Ang mga pagpapala ng pagpiling hangarin at pangalagaan ang walang-hanggang kasal ay magbibigay-daan upang maranasan natin ang mga bunga ng ebanghelyo, na inilarawan ni Alma bilang “pinakamahalaga, … pinakamatamis sa lahat ng matamis, at … pinakadalisay sa lahat ng dalisay.” Sabi pa niya, “Kayo ay magpapakabusog sa [mga] bungang ito hanggang sa kayo ay mapuno, upang hindi na kayo magutom pa, ni hindi na kayo mauuhaw” (Alma 32:42). Sa halip na katakutan ang hinaharap, magkaroon ng pananampalataya na magtutulot sa inyo na makamtan ang mga pangako ng Panginoon.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Dennis F. Rasmussen, “What Faith Is,” sa Larry E. Dahl at Charles D. Tate Jr., eds., The Lectures on Faith in Historical Perspective (1990), 164.

  2. Thomas S. Monson, “Kapangyarihan ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2011, 68.

Paglalarawan ni Ann Higgins

Mga paglalarawan nina Craig Dimond at Justin John Soderquist