Pickles, Singkamas, at Patotoo Inspirasyon mula sa Buhay at mga Turo ni Pangulong Lorenzo Snow
Sa pag-aaral ninyo ng mga turo ni Pangulong Lorenzo Snow sa taong ito, makikilala ninyo siya bilang isang propeta, tagakita, at tagapaghayag na ang payo ay lubhang mahalaga ngayon.
Kung nakakita na kayo ng larawan ni Lorenzo Snow, ang ikalimang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, maaalala ninyo siguro ang mahaba niyang balbas at maamong mukha. At kung tumigil kayo nang ilang sandali para suriin ang larawang iyon, maaaring natitigan ninyo ang mga mata ni Pangulong Snow—malamlam ngunit hindi napapagod, matanda na ngunit puno ng sigla at ningning.
Maaaring narinig na ninyo na inspirado si Pangulong Snow na magturo tungkol sa ikapu, at maaalala ninyo siguro na nabasa na ninyo ang tungkol sa sagradong karanasan niya sa Salt Lake Temple.
Pero alam ba ninyo kung bakit niya naranasan ito sa templo at kung ano ang naging resulta nito? Gusto mo bang malaman ang kuwento tungkol sa paghahayag na natanggap niya tungkol sa batas ng ikapu?
At gusto mo rin bang malaman ang tungkol sa kanyang mga mata at mukha? Matapos makilala si Pangulong Lorenzo Snow, isinulat ng isang pastor ng ibang relihiyon: “Ang kanyang mukha ay larawan ng kapayapaan; ang kanyang presensya ay panalangin para sa kapayapaan. Sa kapayapaang nasa kanyang mga mata hindi lamang ‘tahimik na panalangin’ ang makikita, kundi espirituwal na lakas. … Nangibabaw sa akin ang lubhang kakaibang damdamin, na ‘nakatayo ako sa banal na lugar.’”1 Gusto ba ninyong malaman ang mga pakikipagsapalaran, pagsubok, tagumpay, kalungkutan, kagalakan, at paghahayag na nagsama-sama para magkaroon ng gayong kaanyuan?
Sa taong ito, pag-aaralan ng kababaihan ng Relief Society at ng kalalakihan ng Melchizedek Priesthood ang Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Lorenzo Snow. Habang natututo kayo mula sa mga turo ni Pangulong Snow at tinatalakay ninyo ang mga ito sa simbahan at sa tahanan, makikilala ninyo siya nang higit pa sa mukhang-mabait na lalaki sa lumang ipinintang larawan. Makikilala ninyo siya bilang isang taong maka-Diyos—isang propeta, tagakita, at tagapaghayag na ang payo ay lubhang mahalaga ngayon.
Para ganahan kayo, narito ang ilang halimbawa ng mga turo at kuwentong makikita ninyo sa kurso ng pag-aaral sa taong ito. Sa kasunod na mga talata, ang kabanata at mga pahina ay tumutukoy sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Lorenzo Snow.
Maaalala ninyo siguro ang isang magandang mensahe sa pangkalahatang kumperensya kung saan inihambing ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pagbabalik-loob sa paraan ng pag-aatsara ng pipino.2 Hindi si Elder Bednar ang unang Apostol na gumawa ng paghahambing na ito. Ibinahagi rin ni Pangulong Snow ang ideyang ito 150 taon na ang nakalipas:
“Maglagay ng isang pipino sa isang bariles ng suka at kaunti lang ang epektong dulot nito sa unang oras, at sa unang 12 oras. Suriin ninyo ito at makikita ninyo na sa balat lamang ang epekto nito, dahil kailangan ng mas mahabang panahon para gawin itong atsara. Ang pagkabinyag ng isang tao sa simbahang ito ay may epekto sa kanya, ngunit hindi ang epekto na magiging atsara siya kaagad. Hindi nito maipauunawa sa kanya ang batas ng karapatan at ng tungkulin sa unang 12 o 24 na oras; dapat siyang manatili sa simbahan, tulad ng pipino na nakababad sa suka, hanggang sa mapuno siya ng tamang diwa o espiritu.”3
Nang magsalita si Pangulong Snow tungkol sa pagbabalik-loob, mula iyon sa kanyang karanasan. Madalas niyang banggitin ang dalawang kaganapan—ang isa ay nangyari bago siya sumapi sa Simbahan at ang isa naman ay kaagad pagkatapos ng kanyang binyag at kumpirmasyon—na tumulong sa kanya na “mapuno siya ng tamang espiritu.” Mababasa ninyo ang mga salaysay ng mga karanasang ito sa mga pahina 1, 3, 65, at 73–74.
“Bakit tinatawag ang [isang] lalaki na magsilbing pangulo ng mga tao?” ang minsang itinanong ni Pangulong Snow. “Para ba magkaroon ng impluwensya at pagkatapos ay tuwirang gamitin ang impluwensyang iyon para sa sarili niyang kapakinabangan? Hindi, ang totoo, tinawag siyang magsilbi sa isang katungkulan ayon sa alituntuning pinagbatayan nang ibigay ang priesthood sa Anak ng Diyos, kaya dapat siyang magsakripisyo. Para sa kanyang sarili? Hindi, kundi para sa kapakanan ng mga taong pinamumunuan niya. … Maging lingkod ng kanyang mga kapatid, hindi maging kanilang amo, at magsikap para sa kanilang kabutihan at kapakanan.”4
Bilang pinuno ng Simbahan, ipinamuhay ni Pangulong Snow ang alituntuning ito, at kung minsan ay nakakakita siya ng malikhaing mga paraan para magawa ito. Halimbawa, gumamit siya minsan ng singkamas, kobrekama, at straw para pasiglahin ang isang grupo ng naghihirap na mga Banal. Ang salaysay na ito ay matatagpuan sa kabanata 7. Para mabasa ang ilan sa kanyang mga turo tungkol sa pamumuno sa Simbahan, tingnan sa kabanata 18.
Si Pangulong Snow ay isang mahusay, malikhain, at epektibong pinuno dahil alam niya kung sino ang tunay na Pinuno. Itinuro niya, “Ang dakilang gawaing naisasakatuparan ngayon—ang pagtitipon ng mga tao mula sa mga bansa ng mundo ay hindi nagmula sa kaisipan ng sinumang tao o ng alinmang grupo ng mga tao; kundi ito ay nagmula sa Panginoon na Makapangyarihan.”5 Bilang tugon sa isang pagtitipon ng mga miyembro ng Simbahan na nagparangal sa kanya sa kanyang ika-85 kaarawan, sinabi niya, “Dama ko na anuman ang nagawa ko ay hindi iyon dahil kay Lorenzo Snow, at ang mga karanasang naghatid sa akin sa katungkulang ito bilang Pangulo ng Simbahan—hindi si Lorenzo Snow ang may gawa nito, kundi ang Panginoon ang gumawa nito.”6
Itinuro niya ang katotohanang ito sa kanyang buong ministeryo, ngunit naalala niya ito sa isang sagrado at personal na paraan bago siya naging Pangulo ng Simbahan. Naging senior na Apostol siya sa Simbahan nang mamatay si Pangulong Wilford Woodruff noong Setyembre 2, 1898. Sa pag-aakalang hindi niya kakayanin ang responsibilidad na ito, nagtungo siyang mag-isa sa isang silid sa Salt Lake Temple para manalangin. Hiniling niya na patnubayan siya ngunit wala siyang nadamang sagot sa kanyang panalangin, kaya pagkaraan ng ilang sandali nilisan niya ang silid at pumasok sa isang malaking pasilyo. Doon dumating ang sagot. Nakatayo ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa kanyang harapan, nakaangat nang mga tatlong talampakan (1 m) mula sa sahig, at sinabi sa kanya kung paano pamumunuan ang Simbahan. Para malaman pa ang iba tungkol sa karanasang ito, tingnan sa kabanata 20.
Si Pangulong Snow ay kilalang-kilala sa pagtanggap ng paghahayag tungkol sa batas ng ikapu. Para sa mga miyembro ng Simbahan noong 1899, ang paghahayag na ito ay nagsimula sa isang matapang na pagpapahayag: “Dumating na ang panahon upang lahat ng Banal sa mga Huling Araw, na hangad maghanda para sa hinaharap at matatag na tumayo sa wastong pundasyon, ay gawin ang kalooban ng Panginoon at magbayad ng kanyang buong ikapu. Iyan ang salita ng Panginoon sa inyo.”7
Tapat na tumugon ang mga Banal sa mga Huling Araw sa payo ng kanilang propeta, at pinagpala silang lahat ng Panginoon dahil dito. Patuloy ang impluwensya ng paghahayag na iyon ngayon, sapagkat ang mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang dako ng mundo ay tumatanggap ng espirituwal at temporal na mga pagpapala dahil sa pagsunod sa batas ng ikapu. Para mabasa ang karanasang humantong sa paghahayag na ito at mga pagpapalang kasunod nito, tingnan sa kabanata 12.
Gaya ng bawat propeta, nagbigay ng napakalakas na patotoo si Pangulong Snow tungkol kay Jesucristo. Itinuro niya: “Lahat tayo ay umaasa kay Jesucristo, sa kanyang pagparito sa mundo upang buksan ang daan para magkaroon tayo ng kapayapaan, kaligayahan, at kadakilaan. At kung hindi niya isinagawa ang mga sakripisyong ito hindi natin matatamo ang mga pagpapala at pribilehiyong ito na tiniyak sa atin sa ebanghelyo.”8 Pinatotohanan niya ang pagsilang, mortal na ministeryo, Pagbabayad-sala, at personal na pakikibahagi ng Tagapagligtas sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan, at Ikalawang Pagparito. Para sa iba pang mga patotoo tungkol kay Jesucristo, tingnan sa kabanata 24.
Mangyari pa, ang maikling artikulong ito ay halimbawa lamang ng buhay at ministeryo ni Pangulong Snow. Sa pag-aaral ninyo ng Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Lorenzo Snow, marami kayong makikitang iba pang nagbibigay-inspirasyong kuwento, kabilang na ang mga kuwento ng unang pagkakataon niyang magturo bilang misyonero, ang pagkagulat niya nang matawag siya sa Korum ng Labindalawang Apostol, ang kanyang damdamin noong nasa barko siya sa Atlantic Ocean sa gitna ng matinding unos, at apat na pagkakataon na iniligtas ng kapangyarihan ng priesthood ang mga tao (kabilang si Lorenzo Snow mismo) mula sa kamatayan. Marami kayong matututuhan mula sa kanyang mga turo tungkol sa iba’t ibang paksa, kabilang na ang pagkakaisa, pagpapakumbaba, mga tipan, gawain sa templo, ugnayan ng pamilya, pagsisikap na maging perpekto, priesthood, Relief Society, at kagalakang dulot ng pagbabahagi ng ebanghelyo.
Kung pinag-ukulan ninyo ng oras na basahin at pagnilayan ang ilan sa mga salaysay at turong binanggit sa artikulong ito—o kung determinado kayong basahin ito kaagad sa mga darating na araw—makatitiyak kayo na masisiyahan si Pangulong Snow sa inyong pagsisikap. Buong buhay siyang nag-aral, at itinuro niya na dapat tayong “magsikap nang husto” para “sumulong sa mga alituntunin ng katotohanan” at “madagdagan ang makalangit na kaalaman.”9 Ipinayo niya, “Bawat pinakahuling araw o bawat pinakahuling linggo ay dapat maging pinakamainam na naranasan natin, ibig sabihin, dapat tayong sumulong nang kaunti sa bawat araw, sa kaalaman at karunungan, at sa kakayahang gumawa ng kabutihan.”10
Nawa’y sumulong ang buhay ninyo ngayong taon sa pag-aaral ninyo ng Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Lorenzo Snow. Sa inyong pag-aaral, maaaring maranasan ninyo ang naranasan ng butihing pastor na personal na nakaharap ni Pangulong Snow. Kapag tiningnan ninyo ang kanyang maamong mukha at mga matang puno ng kapayapaan, madarama rin ninyo na kayo ay nakatayo sa banal na lupa—hindi dahil kilala ninyo si Lorenzo Snow kundi dahil napalapit kayo sa inyong Ama sa Langit at kay Jesucristo, na kanyang pinatotohanan.