2013
Edukasyon
Enero 2013


Para sa Lakas ng mga Kabataan

Edukasyon

Elder Craig A. Cardon

Ang naragdagang kaalaman ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na maging mas malaking impluwensya sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng Panginoon.

Sa malaking hangarin at pananabik para sa kapakanan ng kanilang kaluluwa, tinuruan ni Jacob ang mga tao ni Nephi “hinggil sa mga bagay na nangyayari, at yaong mga mangyayari pa” (2 Nephi 6:4). Sila ay kanyang mga kababayan, at mahal niya ang mga ito. Itinuro niya sa kanila kung sino sila talaga at ang mga pangako ng Panginoon hinggil sa kanila. Nang magturo siya sa kanila tungkol sa Tagapagligtas, bumulalas siya: “O kaydakila ng kabanalan ng ating Diyos! Sapagkat nalalaman niya ang lahat ng bagay, at walang anumang bagay na hindi niya alam” (2 Nephi 9:20; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Marapat na alalahanin iyan kapag isinaalang-alang ninyo ang kahalagahan ng edukasyon. Ilang siglo bago iyon, sa ibang panig ng daigdig, si Amang Abraham ay “hinangad ang mga pagpapala ng mga ama” at hinangad “din na maging isang tao na nagtataglay ng maraming kaalaman, at maging isang higit na dakilang tagasunod ng kabutihan, at magtaglay ng higit na kaalaman” (Abraham 1:2).

Kayong lahat ay minamahal na mga anak ng Diyos1 at “mga anak ng mga propeta; at kayo ay … sakop ng tipang ginawa ng Ama [kay Abraham]” (3 Nephi 20:25). Tulad ni Abraham, may kakayahan kayong “magtaglay ng higit na kaalaman” habang itinuturo sa inyo ang mga bagay na “kapaki-pakinabang ninyong maunawaan” (D at T 88:78).

Sinabi ng Panginoon na kabilang sa kanais-nais na kaalaman ang “mga bagay maging sa langit at sa lupa, at sa ilalim ng lupa; mga bagay na nangyari na, mga bagay na nangyayari, mga bagay na malapit nang mangyari; mga bagay na nasa tahanan, mga bagay na nasa ibang bansa; ang mga digmaan at ang mga bumabagabag sa mga bansa, at ang mga kahatulan na nasa lupa; at kaalaman din tungkol sa mga bansa at sa mga kaharian” (D at T 88:79).

young man carrying stack of books

Mga paglalarawan ni Robert Casey

Bakit? Bakit napakahalagang makapag-aral? Ang Panginoon mismo ay nagbigay ng napakagandang pananaw: “Upang kayo ay maging handa sa lahat ng bagay kapag kayo ay muli kong isusugo upang gawin ang tungkulin kung saan ko kayo tinawag, at ang misyon na aking iniatas sa inyo” (D at T 88:80).

Sa mundong ito na lalong nagiging kumplikado, ang edukasyon ay isa sa pinakamahahalagang makakamit sa buhay. At kahit totoo na ang karagdagang edukasyon ay karaniwang nagbibigay ng pagkakataong magtamo ng dagdag na temporal na mga gantimpala, ang higit na kahalagahan ng naragdagang kaalaman ay ang pagkakataong maging mas malaking impluwensya sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng Panginoon. Gaya ng ipinaliwanag sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: “Ang edukasyon ay mahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit na tutulong sa inyong maging higit na katulad Niya. Nais Niyang mag-aral kayo at pagbutihin ang inyong mga kasanayan at talento, ang kakayahan ninyong gampanang mabuti ang inyong mga tungkulin, at ang kakayahan ninyong pahalagahan ang buhay.”2

Itinuro din ni Propetang Joseph Smith: “Sa kaalaman ay may kapangyarihan. Higit ang kapangyarihan ng Diyos kaysa lahat ng iba pang nilalang, dahil higit ang Kanyang kaalaman.”3

Sa mabubuting kadahilanan, kailangan ninyo sa pormal na edukasyon, sa loob ng ilang taon, na matuto ng maraming kasanayan at paksa, na ang ilan ay maaaring hindi pamilyar sa inyo o kaya’y hindi kayo nasisiyahang pag-aralan. Magkagayunman, dapat kayong maging masigasig sa inyong pag-aaral, dahil palalawakin nito ang inyong pananaw at ang kakayahan ng inyong isipan na matutuhan din ang iba pang mga bagay. Tunay na ang pagkalantad ninyo sa maraming mahahalagang kasanayan at paksa ay magbibigay sa inyo ng pagkakataong matukoy ang mga kasanayan at paksang talagang interesado kayo. Taglay ang ganitong interes, habang patuloy kayong nag-aaral, magkakaroon kayo ng pagkakataong pag-aralan pang lalo ang mga bagay na talagang ikinasisiya ninyong gawin.

Ibinahagi ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ang mahalagang payo ng kanyang ama na kumuha ng kursong “gustung-gusto mong gawin para kapag wala kang ibang kailangang isipin, iyon ang iisipin mo.”4 Pinayuhan namin ni Sister Cardon ang aming mga anak na kumuha ng kurso at karerang gustung-gusto nila nang sa gayon ay “masaya silang papasok sa trabaho.”

Binalaan ni Jacob ang kanyang mga tao laban sa “mga kahinaan, at kahangalan ng mga tao!” Ipinaliwanag niya, “Kapag sila ay marurunong, inaakala nila na sila ay matatalino, at sila ay hindi nakikinig sa payo ng Diyos.” Idinagdag pa niya ang nagpapadakilang katotohanang ito: “Subalit ang maging marunong ay mabuti kung sila ay makikinig sa mga payo ng Diyos” (2 Nephi 9:28–29).

Maging marunong at makinig sa Panginoon. Pagpapalain at pauunlarin Niya kayo sa pagsasakatuparan ng Kanyang mga layunin.

Mga Tala

  1. Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.

  2. Para sa Lakas ng mga Kabataan (buklet, 2011), 9.

  3. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 309.

  4. Sa Gerald N. Lund, “Elder Henry B. Eyring: Molded by ‘Defining Influences,’” Liahona, Abr. 1996, 28.