2013
Patuloy na Mag-ensayo
Enero 2013


Patuloy na Mag-ensayo

Gusto ko nang tumigil. Sulit ba ang lahat ng pagod na ito?

fingers on a piano keyboard

Larawang kuha ng iStockphoto © Brian Steele

“Ayaw ko na pong mag-aral tumugtog ng piyano,” sabi ko sa nanay ko. Ilang taon na akong nag-aaral at pagod na ako sa kaeensayo. Gusto ko nang tumigil. Tutal, hindi naman ako gaanong mahusay. Dahil medyo mahina ang pandinig ko at nagsusuot ako ng hearing aid, hindi ko itinuring na may talento ako sa musika. Maraming ensayo palagi ang kailangan para matutuhan ang tono ng isang kanta.

Walang gaanong sinabi ang nanay ko kundi sinabi lang niya sa akin na dapat kong ituloy ang pag-aaral hanggang matuto akong tumugtog ng mga himno. Matapos magreklamo nang husto at ang patuloy na panghihikayat ng mga magulang ko, nagpasiya akong huwag tumigil.

Mabilis na lumipas ang ilang taon at libu-libong milya papunta sa isang chapel sa kabundukan ng gitnang Guatemala. Bilang misyonero, dumalo ako noon sa isang district conference. Maaga akong dumating at nakita ko ang isang piyano roon, kaya naupo ako at nagsimulang tumugtog ng mga himno. Karamihan sa mga ward at branch ay may maliit na electric keyboard na mahirap tugtugin, kaya tuwang-tuwa akong makatugtog sa totoong piyano. Bunga nito ay hinilingan akong saliwan ang kongregasyon para sa kumperensya.

Ano ang nagpabago sa saloobin ko noong bata pa ako at noong misyonero na ako? Nadama ko ang kapangyarihan ng Espiritu sa pamamagitan ng musika.

Habang nasa misyon, nagkaroon ako ng maraming pagkakataong gamitin ang natutuhan ko sa musika. Nasiyahan ako sa maraming pagkakataong kumanta at tumugtog ng piyano nang halos linggu-linggo sa sacrament meeting. Hindi ko malilimutan ang pakikinig sa matatapat na miyembrong Guatemalan na iyon na kumanta ng mga himno. Tinuruan ko ang mga miyembro ng mga bagong himnong hindi pamilyar sa kanila. Nagturo ako ng kaunting basic piano lesson. Kinakantahan namin ng mga kompanyon ko ang mga taong tinuturuan namin noon. Kahit sintunado ang pagkanta namin, laging naroon ang Espiritu para antigin ang puso ng mga tao.

Nalaman ko na hindi mahalaga kung ano ang iyong mga talento; mapag-aaralan mo pa ring matuto ng musika at pagbutihin ito. Hindi ako kailanman magiging bantog na piyanista sa mundo, at marami sa mga miyembro sa Guatemala ang hindi kailanman mapapabilang sa Tabernacle Choir. Pero hindi mahalaga iyon. Maaari pa rin kaming masiyahan na madama ang Espiritu sa pamamagitan ng musika. Labis ang pasasalamat ko na hinikayat ako ng aking mga magulang na mag-aral tumugtog ng piyano, at nagpapasalamat ako na patuloy akong nag-ensayo.