2013
Kilalanin si Lorenzo Snow
Enero 2013


Mga Kabataan

Kilalanin si Lorenzo Snow

Narito ang ilang bagay na maaaring hindi ninyo alam tungkol sa ikalimang Pangulo ng Simbahan.

Ngayong taon ang manwal para sa mga klase ng Relief Society at Melchizedek Priesthood ay nakatuon sa buhay at mga turo ni Pangulong Lorenzo Snow (1814–1901). Kung hindi man gagamitin ng klase ninyo ang aklat na ito, hindi ito nangangahulugan na hindi na ninyo malalaman ang ilang bagay tungkol sa kanya. Ang buhay ni Pangulong Snow ay kamangha-mangha at puno ng mga pagsubok at tagumpay.

Tagapagtanggol ng Ebanghelyo

Unang narinig ni Lorenzo Snow ang tungkol sa Simbahan noong binatilyo pa siya. Noong una ayaw niyang magpabinyag, kahit masayang tinanggap ng kapatid niyang si Eliza (ang mismong Eliza R. Snow na sumulat ng maraming himno ng mga Banal sa mga Huling Araw at naglingkod bilang ikalawang pangkalahatang pangulo ng Relief Society) ang ebanghelyo. Gayunman, kasiya-siya ang doktrina ng Simbahan para sa kanya. Nang mag-aral si Lorenzo sa kolehiyo sa Oberlin, Ohio, madalas niyang ibahagi ang mga paniniwala ng Simbahan sa mga estudyanteng tinuturuan na maging mga pastor na Protestante. Bagama’t hindi pa siya nangakong magpabinyag, inilahad niya nang napakahusay ang ebanghelyo kaya’t kinilala ng maraming estudyante sa Oberlin na posibleng totoo ang ipinanumbalik na Simbahan.

Dahil isa siyang mahusay na misyonero bago niya tinanggap ang ebanghelyo, hindi kataka-taka na naging mas masigasig at tapat si Lorenzo sa gawain matapos siyang binyagan. Noong mga unang taon niya bilang miyembro ng Simbahan, tinawag siya nang ilang beses para magmisyon. Una siyang naglingkod sa Ohio, sinundan ng Missouri, Kentucky, at Illinois, USA. Kalaunan ay ipinadala siya sa Great Britain upang tumulong sa pag-organisa ng Simbahan sa England. Habang naroon, binigyan pa niya ng mga kopya ng Aklat ni Mormon sina Queen Victoria at Prince Albert. Kalaunan ay nagmisyon siya sa Italy, Switzerland, at sa isang lugar na kalaunan ay nakilala bilang Hawaiian Islands.

Himala sa Karagatan

Nang lisanin ni Elder Snow ang England para bumalik sa Nauvoo, Illinois, isinama niya ang isang malaking grupo ng mga bagong miyembro. Lahat sila ay sasakay sa barkong Swanton at naghanda para sa mahabang paglalakbay patungong North America.

Bagama’t hindi masungit ang kapitan ng Swanton sa mga Banal sa mga Huling Araw na sakay ng kanyang barko, hindi rin naman siya magiliw. Karaniwan ay malayo siya sa kanila. Ngunit pagkaraan ng mga dalawang linggo sa karagatan, may nangyari. Nasugatan nang malubha sa isang aksidente ang steward ng kapitan. Hindi na inasahan pa na mabubuhay ang steward hanggang kinabukasan.

Ngunit may iminungkahi ang isa sa matatapat na babaeng nangangalaga sa agaw-buhay na marino. Sinabi niya sa steward na maaari siyang basbasan ni Elder Lorenzo Snow at maaari nitong mailigtas ang kanyang buhay. Ang steward—na nagtatrabaho para maitaguyod ang kanyang asawa’t dalawang anak sa Germany—ay tuwang-tuwang pumayag.

Nang maghatinggabi na, ginising si Elder Snow at pinakiusapang magpunta sa silid ng agaw-buhay na lalaki. Pagdating niya, nakausap niya ang kapitan ng barko. Pinasalamatan siya ng kapitan sa pagpunta ngunit nagpahayag ito ng kawalang-pag-asa sa sitwasyon. Nakita ni Elder Snow na matagal nang umiiyak ang kapitan.

Pumasok siya sa silid, ipinatong ang kanyang mga kamay sa ulo ng steward, at binigyan ito ng basbas ng priesthood. Agad-agad nang matapos ni Elder Snow ang basbas, naupo ang lalaki at tumindig mula sa kama. Lubos na gumaling ang steward, at ginawang muli ang kanyang mga tungkulin kinabukasan.

Ang Kahalagahan ng mga Kaluluwa

Nagdulot ng pagbabago ang paggaling ng steward sa mga pasahero ng Swanton. Nagsimulang makisalamuha ang kapitan sa mga Banal kapag may oras siya, at pinag-aralan pa niya ang ebanghelyo at dumalo sa mga pulong ng Simbahan. Humanga rin ang iba pang mga marino. Nang dumating ang barko sa destinasyon nito, magiliw na nagpaalam ang mga tripulante sa mga Banal. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood, hindi lamang naligtas ang buhay ng isang tao, kundi nakita rin ng ilan ang kapangyarihan at pagmamahal ng Diyos. Kalaunan ay nabinyagan ang steward at ang maraming tripulante ng barko.

Marami pang ibang kagila-gilalas na pangyayari sa buhay ni Pangulong Lorenzo Snow. Kaya sa taong ito, habang pinag-aaralan ng matatanda ang Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Lorenzo Snow, bakit hindi rin ninyo ito pag-aralan? Tuwing Linggo o kapag may libreng oras kayo, mababasa ninyo ang ilan sa mga turo ni Pangulong Snow. Mas marami kayong maiaambag sa mga talakayan ng pamilya tungkol sa ebanghelyo, at sa pag-aaral nito ay makikilala ninyo ang isang kamangha-manghang lalaking naging propeta ng Diyos.

Mga paglalarawan nina Thomas S. Child at Jeanette Andrews; MAPA © istockphoto/thinkstock

Nagmisyon sa Hawaii.

Nagmisyon sa ilang lugar sa Estados Unidos.

Nagturo ng mga alituntunin ng ebanghelyo sa mga estudyante ng ministeryo.

Pinagaling ang steward ng kapitan habang naglalakbay pabalik sa North America.

Nagbigay ng mga kopya ng Aklat ni Mormon kina Queen Victoria at Prince Albert.