Maaari Ba Ninyo Akong Basbasan?
Art Crater, New York, USA
Maraming taon na ang nakararaan sinamahan ko sa ospital ang isang kapatid na dinadalaw ko sa home teaching ko, si Brother Schaaf, para bigyan ng basbas ng priesthood ang kanyang asawa bago ito operahan. Kasama ni Sister Schaaf sa kuwarto ng ospital ang isang babae na nagngangalang Annie Leddar, isang matagal nang pasyente na may terminal cancer na inaasahang hindi na magtatagal ang buhay.
Hinila ko ang kurtina sa pagitan ng dalawang kama ng ospital para ipantabing bago ko simulan ang basbas, pero tumigil ako. Dahil hindi ko gustong ipuwera si Annie, ipinaliwanag ko ang gagawin namin at itinanong ko kung gusto niyang makita ang pagbabasbas. Sinabi niyang gusto niya itong makita. Ang asawa niya, na pumanaw na, ay naging pastor sa ibang relihiyon, at interesado siya sa pinaniniwalaan natin. Nagpatuloy kami ni Brother Schaaf sa pagbabasbas habang nakikinig si Annie.
Pagkaraan ng ilang araw, bago umuwi si Sister Schaaf mula sa ospital, itinanong ni Annie kung maaari din siyang bigyan ng basbas ng priesthood. Buong kagalakang bumalik kami ni Brother Schaaf sa ospital para bigyan siya ng basbas. Hindi gumaling si Annie sa kanyang kanser, pero lumakas siya.
Interesado siyang malaman pa ang tungkol sa ebanghelyo, kaya pinakiusapan ko ang mga misyonero na dumaan sa ospital para turuan siya. Pinakinggan niya ang mensahe ng ebanghelyo nang buong puso at nagpasiyang magpabinyag. Linggu-linggo matapos siyang binyagan, pinupuntahan namin si Annie sa ospital para dalhin sa simbahan nang naka-wheelchair.
Dahil maysakit si Annie, hirap siyang maglakad, pero hindi naglaon ay nagkaroon siya ng sariling paraan para mapaglingkuran ang Panginoon. Dinalhan namin siya ng makinilya, at gumugol siya ng maraming oras araw-araw sa ospital sa paggawa ng family history. Nalampasan ni Annie ang taning sa kanyang buhay at nabuhay pa siya nang tatlong taon at nakapaghanda ng daan-daang pangalan ng pamilya para mabinyagan sa templo bago siya pumanaw.
Pagkamatay ni Annie, ginawa ni Sister Schaaf ang proxy temple work para sa maraming ninunong babae ni Annie.
Ang alam ko, si Annie lang ang miyembro ng kanyang pamilya na sumapi sa Simbahan. Hindi naging interesado ang nabubuhay niyang mga kapamilya tungkol sa pagsapi niya sa Simbahan, ngunit tiyak ko na marami sa kanyang mga namatay na kapamilya ang nagpapasalamat sa gawaing ginawa sa templo para sa kanila.
Anong malay natin, baka ang mga taong nakikilala natin ay handa nang tanggapin ang ebanghelyo. Nagpapasalamat ako na nadama ko ang pagsibol ng patotoo—sa puso ni Annie matapos niyang masaksihan ang pagbabasbas ng priesthood—na yumabong at nagpala sa daan-daang anak ng Ama sa Langit.