2013
Ang Unang Panalangin Ko Tungkol sa Unang Pangitain
Enero 2013


Ang Unang Panalangin Ko Tungkol sa Unang Pangitain

Jing-juan Chen, Taiwan

Nang magdesisyon akong magpabinyag, iyon ay dahil sa nalutas ang ilan sa mga problema ko habang tinuturuan ako ng mga misyonero. Hindi iyon dahil sa nanalangin ako at tumanggap ng patotoo na ang Aklat ni Mormon ay totoo o na nakita ni Joseph Smith ang Ama sa Langit at ang kanyang Anak na si Jesucristo. Inanyayahan ako ng mga misyonero na ipagdasal ang mga bagay na ito, ngunit hindi ko iyon ginawa kailanman. Basta naniwala lang ako sa itinuro sa akin ng mga misyonero.

Tatlong taon matapos akong binyagan, isang miyembrong babae ang tumayo sa pulpito ng chapel at nagbahagi ng kanyang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon at kay Joseph Smith. Pinakiusapan niya ang lahat na pag-isipan ang tanong na ito: “Talaga bang ipinagdasal natin kung totoo ang Aklat ni Mormon at ang karanasan ni Joseph Smith?” Matindi ang epekto ng tanong na ito sa akin, at naisip ko, “Hindi ko pa naipagdasal ang mga bagay na ito, pero dapat kong gawin ito at gagawin ko ito.”

Nahikayat akong isagawa ito dahil mahina ang pananampalataya ko noon at mababaw ang aking patotoo sa mga banal na kasulatan. Nang gabing iyon nanalangin ako sa aking Ama tungkol kay Joseph Smith at sa katotohanan ng Aklat ni Mormon.

Wala akong anumang naramdaman nang una akong manalangin, ni noong ikalawang panalangin. Hindi ako nawalan ng pag-asa, binuksan ko ang mga banal na kasulatan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–17, kung saan inilarawan kung paano nagtungo si Joseph sa kakahuyan upang manalangin:

“Ako ay nakakita ng isang haligi ng liwanag na tamang-tama sa tapat ng aking ulo, higit pa sa liwanag ng araw, na dahan-dahang bumaba hanggang sa ito ay pumalibot sa akin.

“Hindi pa natatagalan nang ito’y lumitaw na natuklasan kong naligtas na ang aking sarili. … Nang tumuon sa akin ang liwanag, nakakita ako ng dalawang Katauhan.”

Habang binabasa ko ang mga salita, nagsimula akong manginig na parang may kuryenteng dumaloy sa buong katawan ko. Noon din ay nalaman ko na tunay ngang nakita ni Joseph Smith ang Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo. Alam ko na napasaatin ang Aklat ni Mormon dahil ipinasalin ito ng Diyos sa Kanyang propeta.

Nagpapasalamat ako na ibinigay sa akin ng Ama sa Langit ang patotoong ito sa katotohanan ng Unang Pangitain. Natanto ko na kung hindi naipanumbalik ang ebanghelyo, hindi ko sana nakilala ang aking Manunubos. Alam ko na ang kabuuan ng ebanghelyo ay totoo, at alam ko na matatanggap ko ang mga pangako ng Diyos kung tapat akong magtitiis hanggang wakas.