2013
Pagbabahagi ng Aking Liwanag
Enero 2013


Pagbabahagi ng Aking Liwanag

Dolores Sobieski, California, USA

Isang di-karaniwang araw iyon para sa Southern California, USA, na may kulog, kidlat, malakas na ulan, at matinding init. Inasam kong makapagpahinga at manood ng pelikula sa bahay kong air-conditioned. Ngunit pag-upo ko, nadama ko na dapat kong tawagan ang kaibigan kong si Sherrill.

Nang tumawag ako, nalaman ko na nawalan siya ng kuryente mula pa nang umagang iyon. Nag-alala siya na baka mabulok ang pagkain at masira ang gatas sa freezer, kaya inilipat namin ang pagkain niya sa refrigerator ko.

Nang sumunod na gabi nakatayo kami ni Sherrill sa harapan ng bahay niya. Lahat ng bahay sa kalye nila ay napakadilim, samantalang ang mga bahay sa katapat na kalye ay may kuryente. Isang bahay ang umagaw ng aking pansin. Sa katapat na kalye, napakaliwanag ng bahay habang nakaupo ang mga tao sa balkon at nag-uusap-usap, nagtatawanan, at nagkakasayahan.

Nang sumunod na mga araw, hindi mawala sa isipan ko ang tagpong iyon. Kitang-kita ang pagkakaiba: napakadilim sa isang kalye at napakaliwanag sa katapat na kalye nito; mga taong nakaupo sa dilim habang nagsasaya ang kanilang mga kapitbahay sa liwanag.

Pinag-isip ako ng tagpong iyon kung gaano kadalas ako katulad ng mga tao sa katapat na kalye—nagsasaya sa liwanag ng ebanghelyo habang nakaupo ang iba sa kadiliman. Nakinita ko ang sarili ko na nakaupo sa balkon kasama ang ilang kaibigan sa simbahan, nagsasaya sa liwanag ng ebanghelyo nang hindi ito ibinabahagi sa iba.

Lahat ng tao sa mundo ay isinilang na may taglay na liwanag—ang Liwanag ni Cristo. Bilang mga miyembro ng Simbahan, pribilehiyo nating dagdagan ang liwanag na iyon sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ebanghelyo. Itinuro ng Tagapagligtas:

“Masdan, ang mga tao ba ay magsisindi ng kandila upang ilagay sa ilalim ng takalan? Hindi, kundi sa isang kandelero, at ito ay nagbibigay-liwanag sa lahat ng nasa bahay;

“Samakatwid hayaan na ang inyong ilaw ay magliwanag sa harapan ng mga taong ito, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit” (3 Nephi 12:15–16).

Bilang mga miyembro ng Simbahan, responsibilidad nating ibahagi sa ating kapwa ang ating patotoo tungkol kay Cristo—lalo na sa mga taong wala pang liwanag ng ebanghelyo. Matapos maranasan ito, ipinasiya kong maging uri ng taong mapagkakatiwalaan ng Ama sa Langit na magbabahagi ng ebanghelyo sa mga tao kahit mahirap itong gawin.