Makabuluhang Pagtuturo sa Tahanan
Apat na paraan ng pagtuturo natin sa ating mga anak ng mahahalagang aral sa buhay.
Ang pagsamantala sa mga sandali para maturuan ang aming walong anak ay kapwa mahirap at kasiya-siya. Ngunit batid na “ang tahanan ang una at pinakaepektibong lugar para matuto ng mga aral sa buhay ang mga bata,”1 ginawa naming mag-asawa ang lahat para tulungan ang aming mga anak na matutuhan ang mga aral na iyon. Narito ang ilang alituntuning nakatulong sa amin.
Gawin ang Pinakamaiinam na Bagay
Dahil sumasali na ang aming mga anak sa mas maraming aktibidad, ang pagpriyoridad sa mas mahahalagang bagay ay lalong kinailangan. Ipinaalala sa atin ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol na “hindi sapat na dahilan ang pagiging maganda ng isang bagay para gawin ito. … May ilang bagay na mas maganda kaysa iba, at ito ang mga bagay na dapat nating unahin sa ating buhay.” Sabi pa niya: “Dapat kumilos ang mga magulang upang makapag-ukol ng oras para sa panalangin ng pamilya, pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng pamilya, family home evening, at iba pang mahahalagang pagsasama-sama at pakikipagsarilinan sa bawat isa na nagbibigkis sa isang pamilya at nagtuturo ng pagpapahalaga sa mga bagay na walang hanggan sa mga bata. Dapat ituro ng mga magulang ang mga priyoridad ng ebanghelyo sa halimbawa ng ginagawa nila kasama ang kanilang mga anak.”2
Naging mabuting payo ito sa aming pamilya. Nang pagnilayan at ipagdasal naming mag-asawa ang mga aktibidad ng aming mga anak sa labas ng bahay, ang ilan sa mga bagay na inakala naming mahalaga ay hindi naman pala mahalaga. Lalo akong nagulat nang tanungin ko ang aming mga anak kung gusto nilang sumali sa isang basketball team na ako ang coach. Ang sagot nila ay, “Hindi na po siguro,” kasabay ng, “Dad, may basketball ring tayo sa bakuran, at gusto namin kapag nakikipaglaro kayo sa amin at nakikipaglaro tayo sa mga kapitbahay natin. Mas madalas tayong makaiskor!”
Pag-aralan at Sundin ang mga Banal na Kasulatan
Malaki ang pagkakaiba ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan at pag-aaral nito. Itinuro ng sinaunang propetang si Josue na magtatagumpay tayo sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan kapag ito ay ating “pagbubulayan araw at gabi” at “[susunding] gawin ang ayon sa lahat na nakasulat dito” (Josue 1:8; idinagdag ang pagbibigay-diin). Sa pag-aaral ng banal na kasulatan ng aming pamilya, nagiging lubos ang tagumpay namin kapag binibigyan namin ng panahon ang aming mga anak na pag-isipan ang partikular na mga tanong at inaanyayahan namin silang “gawin ang ayon sa lahat na nakasulat.”
Isang gabi kumakain kami ng meryenda sa labas at nagbabasa ng Aklat ni Mormon tungkol sa pagkalipol ng mga Nephita. Naisip naming tanungin ang mga bata kung bakit sa palagay nila naging napakasama ng mga Nephita. Sinabi ng anim-na-taong-gulang na si Celeste na sa palagay niya ay hindi na nagdarasal araw-araw ang mga Nephita at Lamanita. Sumang-ayon kaming lahat na ang pagkalipol ng mga Nephita ay nagsimula sa pagkalimot nilang magdasal at iba pang tila maliliit na bagay. Sa sandaling iyon, naisip kong anyayahan ang mga bata na magdasal nang mas taimtim at may damdamin.
Kinabukasan kinumusta ko ang pagdarasal nila. Nagbigay ito sa kanila ng pagkakataong magbahagi ng kanilang mga karanasan at nagbigay sa akin ng pagkakataong magbahagi pa ng aking patotoo tungkol sa panalangin. Hindi lahat ng karanasan sa pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya ay naging ganito kaganda, ngunit kapag tinalakay namin at inanyayahan namin silang gawin ito bilang bahagi ng aming pag-aaral, lalong nagiging makabuluhan ang mga banal na kasulatan.
Tulungan ang mga Bata na Maging Responsable
Naging mabisa sa amin ang pagbibigay ng mga asaynment sa aming mga anak at hinahayaan naming sila mismo ang mag-isip ng mga detalye. Kapag tinutulutan namin ang aming mga anak na makibahagi at tumulong sa ilang desisyon ng pamilya, mas aktibo silang nakikibahagi. Nadarama rin nila na responsibilidad at pananagutan nila ito at sa gayon ay natututo silang “gumawa ng maraming bagay sa kanilang sariling kalooban, at isakatuparan ang maraming kabutihan” (D at T 58:27). Narito ang ilang bagay na nakatulong sa aming mga anak na maging mas responsable:
-
Para sa family home evening, tulungan silang maghanda ng lesson, banal na kasulatan, o talento na sila ang pumili.
-
Tulutan silang pumili ng himnong kakantahin ng lahat sa pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya at pagkatapos ay imbitahan ang isang bata na mag-alay ng panalangin.
-
Hayaan silang tumulong sa pagpaplano at maging responsable sa isang bahagi ng pamamasyal ng pamilya.
-
Magdaos ng family council kasama sila tungkol sa paghawak ng pera at hayaan silang tumulong sa pagpapasiya kung ano ang mga bibilhin.
-
Ituro sa kanila kung paano gawin ang isang trabaho at sabihing sila ang bahala sa trabahong iyon sa loob ng isang linggo.
-
Gumawa ng buwanang proyektong pangserbisyo ng pamilya at hayaang sila ang magdesisyon kung sino ang tutulungan ng pamilya.
-
Hayaang magpalitan sila sa pagpili ng taong bibisitahin sa isang araw ng Linggo.
-
Sila ang papiliin ng aktibidad ng pamilya para sa isang partikular na gabi sa buwang iyon.
Gabayan Sila
May mga pagkakataon na kaming mag-asawa ay parang mga pastol na pilit na tinitipon ang aming mga anak para magdasal o mag-aral ng banal na kasulatan. Ngunit may ibang mga pagkakataon na nakadarama kami ng kaligayahan habang buong puso naming ginagabayan at pinangangalagaan ang aming munting kawan. Kung hindi kami maingat, makalalampas sa amin ang mga sandaling ito ng paggabay.
Dumating ang isang sandaling iyon habang kinukumutan ko ang aming mga anak sa kanilang kama. Itinanong ng isa sa mga anak kong lalaki, “Dad, ano po ang nakakatukso sa inyo?”
Nabigla ako sa tanong niya.
Pagkatapos ay sinabi niya, “Matagal na po nating pinag-uusapan kung ano ang nakakatukso sa amin, at naisip namin kung anong mga bagay ang nakakatukso sa inyo.”
Alam ko na tamang oras ito para turuan sila, pero pagod na ako sa maghapong pagtatrabaho. Hindi ko na gustong makipag-usap nang masinsinan sa dalawang batang lalaking ito nang hatinggabing iyon, lalo na’t may pasok sa eskuwela kinabukasan.
Pero pumasok sa isipan ko ang kuwento tungkol sa Tagapagligtas sa balon. Kahit matapos maglakad nang 30 milya (48 km) o mahigit pa, nag-ukol siya ng oras para turuan ang Samaritana (tingnan sa Juan 4). Nagpasiya ako na baka isa ito sa mga sandaling iyon sa “balon,” kaya naupo ako at tinanong ko sila kung inaakala nila na kasalanan ang tuksuhin. Natahimik sila, at pagkatapos ay nagsimula kaming magsalita at makinig sa isa’t isa. Itinuro ko sa kanila ang tungkol sa pagharap ng Tagapagligtas kay Satanas (tingnan sa Mateo 4) at pinatotohanan ko ang mga pagpapalang nagmumula sa paglaban sa tukso.
Isa iyon sa mga espesyal na sandali bilang isang magulang. Medyo malalim na ang gabi nang matulog kami, ngunit sulit ang galak na nadama ko sa hindi ko pagtulog kaagad.
“Ang isa sa ating mahahalagang oportunidad ay ang sagutin ang anak kapag taimtim siyang nagtanong, na inaalala na hindi sila laging nagtatanong, na hindi sila laging madaling turuan, na hindi sila laging makikinig,” pagtuturo ni Elder Richard L. Evans (1906–71) ng Korum ng Labindalawang Apostol. “At madalas ay kailangan nating umayon sa kanilang kalagayan, sa kanilang panahon, at hindi laging ayon sa ating kalagayan, at sa ating panahon. … Kung malaman nila na mapagkakatiwalaan nila tayo sa mga tanong nila na hindi gaanong mahalaga, maaaring kalaunan ay pagkatiwalaan nila tayo sa mas mahahalagang tanong.”3
Hinirang at Tinulungan ng Panginoon
Ang pangangalaga sa mga anak ng Diyos ay mabigat na responsibilidad. Tuwing madarama ko na nagkukulang ako bilang magulang, ipinaaalala ko sa aking sarili ang sinabi minsan ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang Diyos ding iyon na naglagay ng bituing yaon sa mismong lugar na ginagalawan nito libu-libong taon bago ito nakita sa langit sa Betlehem upang ipagdiwang ang pagsilang ni Jesus ay nag-ukol din ng gayong panahon upang mailagay ang bawat isa sa atin sa mismong lugar na ginagalawan natin upang, kung gugustuhin natin, ay magtaglay tayo ng liwanag, upang ang ating liwanag ay hindi lamang aakay sa iba kundi magbibigay din ng kapanatagan sa kanila.”4
Ang pahayag na ito ay nagpapasigla sa akin kapag pinanghihinaan ako ng loob. Pinalalakas nito ang loob naming mag-asawa sa aming mga kakayahan bilang mga magulang, batid na may dahilan kaya ibinigay sa amin ang aming mga anak at pinagkakatiwalaan kami ng Ama sa Langit.
Nawa’y pagpalain Niya ang inyong pamilya habang sama-sama ninyong pinag-aaralan ang ebanghelyo, tinutulungan ang inyong mga anak na maging responsable, at sinasamantala ang mahahalagang sandaling iyon ng pagtuturo.