2013
Gawaing Misyonero
Enero 2013


Mensahe sa Visiting Teaching

Gawaing Misyonero

Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at, kung angkop, talakayin ito sa kababaihang dinadalaw ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang inyong mga kapatid at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society. Para sa iba pang impormasyon, pumunta sa reliefsociety.lds.org.

Relief Society seal

Pananampalataya, Pamilya, Kapanatagan

Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay isinusugo “upang gumawa sa … ubasan [ng Panginoon] para sa kaligtasan ng mga kaluluwa ng tao” (D at T 138:56), na kinabibilangan ng gawaing misyonero. Hindi tayo kailangang pormal na tawagin sa misyon para ibahagi ang ebanghelyo. Nakapaligid sa atin ang ibang mga tao na ang buhay ay pagpapalain ng ebanghelyo, at kapag inihanda natin ang ating sarili, kakasangkapanin tayo ng Panginoon. Magagampanan ng mga visiting teacher ang kanilang espirituwal na mga responsibilidad at makatutulong na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).

Nang iorganisa ni Propetang Joseph Smith ang Relief Society noong 1842, sinabi niya na ang kababaihan ay hindi lamang mangangalaga sa mga dukha kundi magliligtas din ng mga kaluluwa.1 Ito pa rin ang ating layunin.

“Ipinagkakatiwala [ng Panginoon] ang patotoo sa katotohanan sa mga taong magbabahagi nito sa iba,” sabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan. “Bukod pa rito, lubos na inaasahan ng Panginoon ang mga miyembro ng Kanyang Simbahan na ‘buksan [ang kanilang mga] bibig sa lahat ng panahon, nagpapahayag ng [Kanyang] ebanghelyo nang may tunog ng kagalakan’ (D at T 28:16). … Kung minsan mapapakilos ng iisang parirala ng patotoo ang mga kaganapang umaapekto sa buhay ng isang tao sa kawalang-hanggan.”2

Mula sa mga Banal na Kasulatan

Doktrina at mga Tipan 1:20–23; 18:15; 123:12

Mula sa Ating Kasaysayan

Ang kuwento tungkol kay Olga Kovářová ng dating Czechoslovakia ay isang halimbawa ng gawaing misyonero ng miyembro mula sa kasaysayan ng ating Relief Society. Noong 1970s, si Olga ay isang doctoral student at naghahanap ng mas makabuluhang espirituwal na buhay. Napansin niya ang 75-taong-gulang na si Otakar Vojkůvka, na isang Banal sa mga Huling Araw. “Kahit pitumpu’t limang taong gulang ang kanyang edad ang kanyang puso ay parang halos labingwalong taong gulang lamang at masayahin siya,” sabi niya.“Hindi ito pangkaraniwan sa Czechoslovakia noong panahong iyon ng kawalan ng tiwala at pag-asa.”

Tinanong ni Olga si Otakar at ang kanyang pamilya kung bakit sila masaya. Ipinakilala siya ng mga ito sa iba pang mga miyembro ng Simbahan at binigyan siya ng Aklat ni Mormon. Sabik niya itong binasa at hindi nagtagal siya ay bininyagan at kinumpirma. Simula noon naging mabuting impluwensya na si Olga sa mundong puno ng mapaniil na pulitika at pang-uusig sa relihiyon. Naglingkod siya bilang Relief Society president sa kanyang maliit na branch at tumulong na mailigtas ang kaluluwa ng iba sa pamamagitan ng pagdadala sa kanila kay Cristo.3

Mga Tala

  1. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 531.

  2. Dieter F. Uchtdorf, “Paghihintay sa Daan Patungong Damasco,” Liahona, Mayo 2011, 76.

  3. Tingnan sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society (2011), 111–14.

Paglalarawan ni Matthew Reier