2013
Ipinatupad ng Simbahan ang Bagong Kurikulum ng mga Kabataan para sa 2013
Enero 2013


Ipinatupad ng Simbahan ang Bagong Kurikulum ng mga Kabataan para sa 2013

Simula sa buwang ito, lubos na ipatutupad ng mga guro at lider sa buong Simbahan ang bagong kurikulum ng mga kabataan, Come, Follow Me: Learning Resources for Youth [Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Mga Sanggunian sa Pag-aaral ng mga Kabataan], na unang ipinahayag sa liham ng Unang Panguluhan noong Setyembre.

Sa lds.org/youth/learn, makikita ng mga guro at lider ng Young Women, Aaronic Priesthood, at Sunday School ang mga aralin sa 23 wika. Lahat ng aralin ay maaaring i-print. Ang mga miyembrong walang Internet access ay dapat kontakin ang kanilang lider ng priesthood para malaman kung paano ipatutupad ang Come, Follow Me [Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin] sa kanilang lugar.

“Pinagsama sa bagong kurikulum ang mga pangunahing doktrina ng ebanghelyo pati na ang mga alituntunin ng pagtuturo ayon sa paraan ng Tagapagligtas,” sabi sa liham ng Unang Panguluhan. “Tiwala kami na magpapala [ito] sa mga kabataan sa kanilang pagsisikap na lubos na magbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo.”

Sa Come, Follow Me [Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin], bawat buwan ng taon ay may nakaatas na paksa ng doktrina, at pag-aaralan ng lahat ng klase sa Sunday School, Young Women, at Aaronic Priesthood ang paksa sa buwang iyan.

Bawat aralin ay may apat na bahagi: espirituwal na paghahanda para sa mga guro, mga ideya para mapasimulan ang paksa, mga ideya para sa partikular na aktibidad, at isang bahaging nag-aanyaya sa mga kabataan na kumilos. Hinihilingan ang mga guro na maghangad ng inspirasyon sa pagpili at pag-aakma ng mga aralin sa mga pangangailangan ng kanilang mga estudyante.

Kasama rin sa web site ang mga video na makakatulong para ipaliwanag kung paano ipatutupad ang bagong kurikulum, mga ideya sa paghahanda ng nakatutuwang mga aktibidad sa pag-aaral, at isang bagong gabay na aklat, ang Teaching the Gospel in the Savior’s Way [Pagtuturo ng Ebanghelyo sa Paraan ng Tagapagligtas].

Caption

Credit