2013
Mga Ideya para sa Family Home Evening
Enero 2013


Mga Ideya para sa Family Home Evening

Ang isyung ito ay naglalaman ng mga artikulo at aktibidad na magagamit sa family home evening. Ang mga sumusunod ay ilang halimbawa.

“Pagpipitagan sa Diyos ang Simula ng Karunungan,” pahina 20: Isiping talakayin ang karunungan ng mundo kumpara sa karunungan ng Diyos. Maaari ninyong basahin ang 2 Nephi 9:28–29 at mag-isip ng mga sitwasyon na ang karunungan ng mundo ay kaiba sa karunungang itinuturo ng ebanghelyo. Magpasiya kung aling landas ang tatahakin ninyo sa bawat sitwasyon.

“Tema ng Mutwal sa 2013,” pahina 50: Basahin ang mga artikulo nina Elaine S. Dalton at David L. Beck tungkol sa 2013 Tema ng Mutwal. Isiping magpalitan ng mga paraan na bawat miyembro ng pamilya ay makakatulong na maging banal na lugar ang tahanan. Maaari kayong magdispley ng isang larawan ng templo sa inyong tahanan at magtakda ng mithiing magpunta sa templo bilang pamilya.

“Patuloy na Mag-ensayo,” pahina 56: Isiping magdaos ng talent show ng pamilya. Imungkahi na dumating nang handa ang bawat miyembro ng pamilya na magbahagi ng isang kasanayan o talento. Pagkatapos ay basahin ang artikulong “Patuloy na Magpraktis” at talakayin kung paano mapagpapala ng pagpapraktis at pagbabahagi ng mga talento ang mga nasa paligid natin.

“Ang Patotoo ni Evelyn tungkol sa Templo,” pahina 70: Isiping gumawa ng scavenger hunt ng “patotoo ng pamilya.” Maglagay ng mga larawan sa paligid ng silid at ipakolekta sa mga miyembro ng pamilya ang mga bagay na pinaniniwalaan nila (halimbawa: mga retrato ng inyong pamilya, ang templo, si Pangulong Thomas S. Monson, binyag, tithing slip, kabataang disenteng manamit). Magtapos sa pagtalakay kung bakit ninyo pinaniniwalaan ang bawat isa sa mga ito.

Mga Aral sa Dilim

Isang araw ng Oktubre sinabi ng anak naming si Júlia, na madalas mainip sa family home evening, “Hindi pa tayo nag-family home evening sa dilim. Maaari po ba nating gawin iyon?” Nag-isip kami kung paano namin siya tuturuan at ano ang ituturo namin sa kanya sa dilim.

Pinatay namin ang mga ilaw, at nabalot kami ng dilim. Pagkatapos ay binuksan ng asawa ko ang kanyang cell phone at nagsimulang magturo tungkol sa Liwanag ni Cristo. Ipinamalas niya kung paano tayo aalisin ng Liwanag ni Cristo mula sa kadiliman at aakayin bilang pamilya pabalik sa Kanya. Ang ilaw mula sa cell phone ay di-gaanong maliwanag, pero sapat lang para makakita kami.

Nang panaka-nakang likas na namamatay ang ilaw ng cell phone, naipakita namin sa aming anak kung ano ang magiging buhay namin nang wala ang Tagapagligtas na si Jesucristo. Napakalakas ng Espiritu, at naging lubos na mapitagan ang aming anak. Kahit ngayon naaalala pa rin niya ang paborito naming family home evening at ang mensaheng itinuro.

Valquíria Lima dos Santos, Brazil