2013
Pagtulong sa mga Kabataan na Maging Mahuhusay na Mag-aaral at Guro
Enero 2013


Pagtulong sa mga Kabataan na Maging Mahuhusay na Mag-aaral at Guro

Binibigyang-diin sa bagong kurikulum ng mga kabataan na, Come, Follow Me: Learning Resources for Youth [Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Mga Sanggunian sa Pag-aaral ng mga Kabataan], ang apat na paraan upang epektibong matulungan ng mga magulang, guro, at lider ang mga kabataan na lubos na magbalik-loob sa ebanghelyo.

Sa salaysay sa banal na kasulatan na naganap noong kabataan ni Jesucristo, nalaman natin na ang 12-taong-gulang na Tagapagligtas ay natagpuan “sa templo, na nakaupo sa gitna ng mga guro, at sila ay nakikinig sa kanya at nagtatanong sa kanya.

“At ang lahat ng sa kaniya’y nangakakarinig ay nagsisipanggilalas sa kaniyang katalinuhan at sa kaniyang mga sagot” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 2:46).

Mula pagkabata aktibo nang nakikilahok ang Tagapagligtas sa pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo. Sa templo, nagturo ng mga alituntunin ng ebanghelyo ang Tagapagligtas sa mga taong itinuturing na mas may pinag-aralan at maraming alam kaysa Kanya. Subalit naunawaan Niya na ang pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo ay bahagi ng “[gawain ng Kanyang] Ama” (Lucas 2:49) at pangunahin sa Kanyang banal na misyon sa lupa.

Walang alinlangang si Jesucristo ang pinakamahusay na mag-aaral at guro ng ebanghelyo, kahit noong bata pa siya; gayunma’y umunlad ang kakayahan Niyang unawain at ituro ang doktrina. Sinabi sa atin sa mga banal na kasulatan na Siya ay “nagpatuloy nang biyaya sa biyaya, hanggang sa tanggapin niya ang kaganapan” (D at T 93:13). Kapag iniayon ng mga kabataan ngayon ang kanilang buhay sa alam nilang totoo, sila man ay tunay na magbabalik-loob sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo at uunlad sa karunungan “[na]ng taludtod sa taludtod, [na]ng tuntunin sa tuntunin” (2 Nephi 28:30).

Sa isang gabay sa bagong mga materyal sa kurikulum ng mga kabataan, ipinahayag ng Unang Panguluhan, “Kayo ay tinawag ng Panginoon na tulungan ang mga kabataan na lubos na magbalik-loob sa ebanghelyo.”1 Kapag pinag-aralan at tinularan natin ang pagmiministeryo ng Tagapagligtas, lubos nating matutulungan ang ating mga kabataan sa kanilang pag-aaral, pamumuhay, at pagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo. Tulad ng Tagapagligtas, espirituwal nating maihahanda ang ating sarili, matutugunan ang mga pangangailangan ng ating mga kabataan, mahihikayat silang tuklasin ang mga katotohanan ng ebanghelyo, at mahahamon silang magbalik-loob kapag kumilos sila nang may pananampalataya.

Espirituwal na Paghahanda

Bago nagsimula ang Kanyang mortal na ministeryo, espirituwal na inihanda ng Tagapagligtas ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng masigasig na pag-aaral, pagdarasal, at pag-aayuno. Siya ay “inakay ng Espiritu … sa ilang, upang makasama ang Diyos” at “[nag-ayuno nang] apat na pung araw at apat na pung gabi” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 4:1–2). Sa pagtatapos ng Kanyang ayuno, naharap ang Tagapagligtas sa iba’t ibang tukso ng kaaway. Nakatulong ang napag-aralan sa mga banal na kasulatan nang harapin ni Jesus ang bawat tuksong nakasaad sa mga talata sa mga banal na kasulatan (tingnan sa Mateo 4:3–10). Ang espirituwal na paghahanda ay hindi lamang nagbigay sa Kanya ng kakayahang matagumpay na mapaglabanan ang tukso sa buong buhay Niya, kundi naituro din Niya nang may kapangyarihan ang ebanghelyo sa buong panahon ng Kanyang ministeryo.

Ang pagtuturo sa mga kabataan ay nangangailangan ng higit na paghahanda kaysa mabilisang pagbabasa ng manwal bago tayo magturo. Iniutos ng Panginoon, “Huwag hangaring ipahayag ang aking salita, kundi hangarin munang matamo ang aking salita” (D at T 11:21). Tayo ay espirituwal na naghahanda sa pamamagitan ng mapanalanging pag-aaral ng mga banal na kasulatan at ng mga salita ng mga buhay na propeta upang matutuhan ang totoong doktrina. Kapag naghanda tayo sa ganitong paraan, pagtitibayin ng Espiritu Santo ang katotohanan ng doktrina at ipapaalala ang mga karanasan natin sa pamumuhay ng doktrina na maaari nating ibahagi.

Sa pagtuturo sa mga kabataang babae tungkol sa kahalagahan ng personal na paghahayag, nagkaroon ng inspirasyon si Estefani Melero mula sa Lima Peru Surco Stake na ibahagi ang kanyang karanasan sa pagtatamo ng patotoo sa edad na 14. Nagpatotoo siya sa mga kabataang babae na nang taimtim siyang nanalangin na malaman ang katotohanan ng ebanghelyo, isang tinig ang tila bumulong sa kanyang puso ng mga salitang hindi niya nalimutan kailanman. “Alam mong totoo ito, Estefani. Alam mo na noon pa man.”

Kapag pinag-aralan at ipinamuhay natin ang doktrinang itinuturo natin, nagiging higit pa tayo sa mga guro—nagiging mga saksi tayo ng katotohanan.

Mga Tanong na Pagninilayan: Ano pang ibang mga talata sa banal na kasulatan ang nagpapakita kung paano inihanda ng Tagapagligtas ang Kanyang sarili na magturo? Paano nakaapekto sa bisa ng inyong mensahe ang pagsisikap ninyong maghandang magturo?

Magtuon sa mga Pangangailangan

Sa pakikipag-usap Niya sa mayamang binatang pinuno, ipinakita ng Tagapagligtas na naunawaan Niya ang mga pangangailangan ng Kanyang mga tinuturuan. Nagsimula ang pinuno sa tanong na: “[Ano’ng] gagawin ko upang magmana ng walang hanggang buhay?” Matapos ituro ng Tagapagligtas ang kahalagahan ng pagsunod sa mga kautusan, tumugon ang binatang pinuno, “Ginanap ko ang lahat ng mga [kautusan] buhat pa sa aking pagkabata.” Batid na “isang bagay pa” ang kulang sa puso ng pinuno, hinamon ni Jesus ang binata na ipagbili ang lahat ng mayroon siya, ibigay ito sa mahihirap, at sumunod sa Kanya. (Tingnan sa Lucas 18:18–23.) Kapag ipinagdasal nating makatanggap ng paghahayag at malaman ang mga interes, inaasam, at hangarin ng mga kabataan, malalaman natin—tulad ng Tagapagligtas—kung paano sila tuturuan at hahamunin na ipamuhay ang ebanghelyo sa personal at makabuluhang mga paraan.

Ipinahayag ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, na ang ating “mga kabataan ay lumalaki sa teritoryo ng kaaway.”2 Bilang mga magulang at guro, dapat nating maunawaan ang hirap na kinakaharap ng ating mga kabataan. Sinabi ni Kevin Toutai, isang youth Sunday School teacher sa Columbine Colorado Stake, “Ang mga hamong kinakaharap ng mga kabataan ay hindi maituturo mula sa isang manwal. Personal na paghahayag iyon na natatanggap natin bilang mga guro na sumulong at ihanda ang ating mga kabataan na malabanan si Satanas araw-araw. Nalaman ko na hindi kayo basta-basta makakaharap sa araw ng Linggo na may dalang manwal at magturo.”

Ang pagtulong sa mga kabataan na matutuhan at maipamuhay ang ebanghelyo ay kinapapalooban ng pinagsamang pagsisikap ng mga magulang, lider, adviser, at guro. Kapag humiling tayo ng inspirasyon ng Espiritu Santo, mabisa nating maituturo ang doktrina na maghahanda sa mga kabataan sa kinakaharap nilang mga tukso at hamon.

Mga Tanong na Pagninilayan: Ano ang kaibhan ng mundo ngayon sa mundo noong kabataan ninyo? Anong mga hamon ang nakikita ninyo na kinakaharap ng mga kabataan? Aling mga doktrina ng ebanghelyo, kapag naunawaan, ang tutulong sa kanila na matagumpay na harapin ang mga hamon?

Anyayahan ang mga Kabataan na Tuklasin ang mga Katotohanan ng Ebanghelyo

Tinuruan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga disipulo sa mga paraang nakahikayat sa kanila na tuklasin ang katotohanan at magkaroon ng sariling patotoo. Sa pagtuturo sa mga Nephita, sinabi Niya:

“Nahihiwatigan ko na kayo ay mahihina, na hindi ninyo nauunawaan ang lahat ng salitang inuutos sa akin ng Ama na sabihin sa inyo sa panahong ito.

“Kaya nga, magsiuwi kayo sa inyong mga tahanan, at bulay-bulayin ang mga bagay na aking sinabi, at tanungin ang Ama, sa aking pangalan, upang kayo’y makaunawa, at ihanda ang inyong mga isip para sa kinabukasan” (3 Nephi 17:2–3).

Ang pagtuturo na katulad ni Cristo ay higit pa sa pagbabahagi lamang ng impormasyon. Kinapapalooban ito ng paggabay sa mga kabataan na maunawaan nila mismo ang doktrina. Kahit matukso tayong turuan sila tungkol sa ebanghelyo, magiging mas epektibo tayo kapag tinulungan natin silang mahanap nila mismo ang mga sagot, magkaroon ng sariling patotoo, at ituro sa kanila kung paano mahahanap ang mga sagot kapag may iba pa silang mga tanong. Tulad ng binigyang-diin sa bagong kurikulum ng mga kabataan na, Come, Follow Me: Learning Resources for Youth [Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Mga Sanggunian sa Pag-aaral ng mga Kabataan], maaari din natin silang anyayahang magbahagi ng mga karanasan nila sa pamumuhay ng ebanghelyo at patotohanan sa kanilang mga kaklase ang mga bagay na alam nilang totoo.

Kamakailan ay nagkuwento si Elder Kim B. Clark, Area Seventy at president ng BYU–Idaho, tungkol sa isang deacons quorum na ang adviser ay tinatalakay sa kanila ang panalangin. Biglang nagtaas ng kamay ang deacons quorum president at sinabing, “Gusto kong magtanong sa korum. Ilan sa inyo ang handang mangako na magdarasal tuwing umaga at gabi araw-araw sa buong linggong ito?” Nagtaas ng kamay ang lahat ng miyembro ng korum maliban sa isang binatilyo, na walang tiwalang magagawa niya ang hamon na iyon. Naupo ang adviser at minasdang magturo at magpatotoo ang mga miyembro ng korum sa kanilang kaklase tungkol sa panalangin, at tinulungan ang binatilyong iyon na magkaroon ng tiwalang tanggapin ang hamon.

Mga Tanong na Pagninilayan: Sa anong mga paraan ninyo napansin na hinikayat ng mga guro ang mga miyembro ng klase na aktibong makibahagi sa pag-aaral? Paano mo matutulungang magkaroon ng regular na pag-aaral sa ebanghelyo ang mga kabataang tinuturuan mo? Maliban sa mga talakayan, ano pa ang ibang mga paraan para maisali ang mga kabataan sa pag-aaral ng ebanghelyo?

Maghikayat ng Pagbabalik-loob

Ang pagbabalik-loob ay habambuhay na prosesong kinapapalooban ng pag-aaral at pamumuhay ng ebanghelyo araw-araw. Higit pa sa pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa ebanghelyo, ang pagbabalik-loob ay “[nagdudulot] sa atin na gumawa at magkaroon ng kahihinatnan.3 Matapos magturo sa Kanyang mga disipulo tungkol sa pagiging mahabagin ng mabuting Samaritano, hinamon sila ng Tagapagligtas na, “Humayo ka[yo], at gayon din ang gawin [ninyo]” (Lucas 10:37). Hinikayat Niya sila na hindi lang maging mga tagapakinig ng salita kundi kumilos nang may pananampalataya sa Kanyang mga turo.

Dapat nating hikayatin ang mga kabataan na masigasig na ipamuhay ang ebanghelyo dahil ang pagbabalik-loob ay hindi karaniwang nangyayari sa minsanang pagtuturo. Ang pagbabalik-loob ay pinakamainam na nangyayari kapag naunawaan ng mga kabataan ang totoong doktrina at nagtatag ng mga huwaran sa pag-aaral ng ebanghelyo at matwid na pamumuhay, tulad ng paghihikayat nating gawin nila sa Come, Follow Me [Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin].

Sinabi ni Krista Warnick, president ng Young Women sa Arapahoe Colorado Stake, “Ang mga kabataan ngayon ay nahaharap sa napakaraming hamon na ni hindi ko narinig noon hanggang sa magkaedad ako. Halos lahat ng patotoo ko ay natamo ko nang magsarili ako at gawin ko at isakatuparan ang mga bagay na natutuhan ko sa mga Young Women class. Ang pagbibigay ng mga hamon at pagkakataon sa mga kabataan na manampalataya ay tutulong sa kanila na magkaroon ng mga saligan ng kanilang mga patotoo sa napakabatang edad.”

Ang hamon na magbalik-loob ay hindi lamang para matutuhan natin ang ebanghelyo kundi para magbago rin tayo dahil sa natututuhan natin. Kailangang ipaunawa natin sa ating mga kabataan na ang “malaking pagbabago” (Alma 5:14) ng puso ay maaaring hindi mangyari kaagad, ngunit mangyayari ito nang paunti-unti kapag palagi silang nag-aaral, palaging nananalangin, at sinusunod ang mga utos. Kapag ginawa nila ang mga bagay na ito, mapapansin nila na nagbabago ang kanilang mga hangarin, pag-uugali, at kilos ayon sa kalooban ng Ama sa Langit.

Mga Tanong na Pagninilayan: Ano ang nagawa ng pagsisikap ninyong matutuhan at maipamuhay ang ebanghelyo sa sarili ninyong pagbabalik-loob? Paano kayo napalakas ng inyong mga magulang at guro at lider ng Simbahan?

Pagsuporta sa Ating mga Kabataan

Ang Come, Follow Me [Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin]. ay kumakatawan sa isang bahagi lamang ng gawaing suportahan ang mga kabataan. Bukod pa sa responsibilidad ng bawat kabataan na mas lubos na magbalik-loob, “ang mga magulang ay may pangunahing tungkulin na tulungan ang kanilang mga anak na makilala ang Ama sa Langit at Kanyang Anak na si Jesucristo.”4 Kaya nating mga nagtuturo sa mga kabataan na suportahan ang mga magulang at sundan ang halimbawa ng Tagapagligtas kapag espirituwal tayong naghanda, nagtuon tayo sa mga pangangailangan ng mga kabataan, inanyayahan natin silang tuklasin ang mga katotohanan ng ebanghelyo, at binigyan natin sila ng mga pagkakataong kumilos nang may pananampalataya at magbalik-loob. Kapag sinikap nating tularan si Jesucristo, nagiging mas mahuhusay tayong mag-aaral at guro, at tinutulungan natin ang magiging mga lider ng ating mga komunidad at ating Simbahan na maging mahuhusay na mag-aaral at guro.

Mga Tala

  1. Teaching the Gospel in the Savior’s Way [Pagtuturo ng Ebanghelyo sa Paraan ng Panginoon] (isang gabay sa Come, Follow Me: Learning Resources for Youth [Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Mga Sanggunian sa Pag-aaral ng mga Kabataan], 2012), 2.

  2. Boyd K. Packer, “Payo sa Kabataan,” Liahona at Ensign, Nob. 2011, 16.

  3. Dallin H. Oaks, “Ang Paghamon na Magkaroon ng Kahihinatnan,” Liahona, Ene. 2001, 40; Ensign, Nob. 2000, 33.

  4. Handbook 2: Administering the Church (2010), 1.4.1.

Ang espirituwal na paghahanda—pag-aaral, pagdarasal, at pag-aayuno—ay tumutulong kapwa sa guro at mag-aaral na madama ang impluwensya ng Espiritu.

Si Cristo sa Emaus, ni Walter Rane © IRI

Pinatatatag ng mga kabataan ang isa’t isa kapag nagbahagi sila ng kanilang mga karanasan sa pamumuhay ng ebanghelyo.`

PAGLALARAWAN NI craig dimond

Ang mga magulang ay may pangunahing tungkulin na tulungan ang kanilang mga anak na tuklasin ang mga katotohanan ng ebanghelyo, at bawat kabataang babae at lalaki ay may responsibilidad na mas lubos na magbalik-loob. Sinusuportahan ng mga lider at guro ang mga pagsisikap na ito.

PAGLALARAWAN NI Richard Romney