2013
Nagkataon Lang Ba na Nagtagpo ang Aming Landas?
Enero 2013


Mga Kuwento mula sa Kumperensya

Nagkataon Lang Ba na Nagtagpo ang Aming Landas?

Pangulong Thomas S. Monson, “Isipin ang mga Pagpapala,” Liahona, Nob. 2012, 88.

Isang napakaginaw na Sabado ng gabi sa taglamig ng 1983–84, naglakbay kami ni Sister Monson ng ilang milya papunta sa lambak ng Midway, Utah, kung saan mayroon kaming bahay. Ang temperatura ng gabing iyon ay minus 24 degrees Fahrenheit (–31°C), at gusto naming matiyak na maayos ang lahat sa aming tahanan doon. Tiningnan namin at nakita naming ayos naman, kaya’t umalis na kami para bumalik sa Salt Lake City. Halos ilang milya pa lang kami … nang tumigil sa pag-andar ang aming kotse. … Tuluyan na kaming nahimpil doon. …

Atubili man nagsimula kaming maglakad papunta sa pinakamalapit na bayan, at humahagibis ang mga kotseng dumaraan. Sa wakas isang kotse ang tumigil, at isang binata ang nag-alok ng tulong. … Ang mabait na binatang ito ang naghatid sa amin sa aming tahanan sa Midway. Tinangka ko siyang bayaran … , pero sinabi niyang … isa siyang Boy Scout at gusto niyang makatulong. Nagpakilala ako sa kanya, at nagpasalamat siya sa pribilehiyong makatulong. Dahil ipinalagay ko na nasa edad na siya para magmisyon, tinanong ko siya kung may plano siyang magmisyon. Sinabi niya na hindi niya tiyak kung ano talaga ang gusto niyang gawin.

Nang sumunod na Lunes ng umaga, sinulatan ko ang binatang ito at pinasalamatan ko siya sa kanyang kabaitan. Sa sulat hinikayat ko siyang maglingkod sa full-time mission. …

Makalipas ang mga isang linggo tumawag ang ina ng binatang ito at sinabing napakahusay ng kanyang anak ngunit dahil sa ilang impluwensya sa buhay nito, unti-unting nawala ang matagal na niyang hangaring magmisyon. Sinabi niya na silang mag-asawa ay nag-ayuno at nanalangin na magbago ang kanyang puso. … Gusto [niyang] ipaalam sa akin … na itinuring niyang sagot sa kanilang mga dalangin para sa kanya ang naganap noong maginaw na gabing iyon. Sabi ko, “Sang-ayon ako sa iyo.”

Makaraan ang ilang buwan at mas marami pang pakikipag-ugnayan sa binatang ito, tuwang-tuwa kami ni Sister Monson na nakadalo kami sa kanyang missionary farewell bago siya umalis papuntang Canada Vancouver Mission.

Nagkataon lang ba na nagtagpo ang aming landas sa maginaw na gabing iyon ng Disyembre? Hindi ako naniniwalang nagkataon lang iyon. Sa halip, naniniwala ako na ang pagtatagpo namin ay sagot sa taos-pusong panalangin ng isang ama’t ina para sa kanilang minamahal na anak.

Isiping isulat ang inyong mga ideya sa inyong journal o talakayin ang mga ito sa iba.