Pagpipitagan sa Diyos ang Simula ng Karunungan
Mula sa mensahe sa isang pagtatapos na ibinigay noong Abril 10, 2009, sa Brigham Young University–Idaho. Para sa buong teksto sa Ingles, bisitahin ang http://web.byui.edu/DevotionalsAndSpeeches.
Napakahalaga ng karunungan ng mundo kapag mapagpakumbaba itong nagpailalim sa karunungan ng Diyos.
Nabubuhay tayo sa isang mundong halos mapuno ng impormasyon. Simbolo siguro ng mundong ito ang kamangha-manghang Wikipedia, na siyang pinakamalaking online encyclopedia sa mundo. Para maunawaan ninyo kung gaano kalawak ito, noong 2012 ito ay mayroon nang mahigit 2.5 bilyong salita sa Ingles lamang at mahigit 22 milyong artikulo sa mga 284 wika. Mahigit 70 bersyon ng wika ng Wikipedia ang may di-kukulangin sa 10,000 artikulo bawat isa. Mahigit 4 na milyong artikulo ang nasa bersyong Ingles.1
Ang pagdagsa ng napakaraming impormasyon sa atin ay napatunayan din sa dumaraming gumagamit ng mga social networking site tulad ng Facebook, na inilunsad noong 2004 at mahigit 1 bilyon ang aktibong gumagamit nito sa buong mundo noong 2012,2 o ng YouTube, na inilunsad noong 2005, kung saan diumano’y ilang video clip ang napanood na nang mahigit 100 milyong beses.
Sa pagdagsang ito ng impormasyon, kailangang-kailangan natin ng karunungan, karunungang alamin at unawain kung paano iangkop ang ating natututuhan. Si T. S. Eliot, isang nananalig na Kristiyano na sumulat ilang taon na ang nakararaan, ay nangungusap sa ating mundo ngayon:
O mundo ng tagsibol at taglagas, ng buhay at kamatayan!
Pag-iisip at pagkilos na walang-katapusan,
Imbensyon at eksperimentong walang-hanggan,
Dulot ay kaalaman sa paggawa, ngunit hindi pangkapayapaan;
Kaalaman sa wika, ngunit hindi ukol sa katahimikan;
Kaalaman sa pananalita, at kamangmangan sa Salita ng Diyos.
Lahat ng ating kaalaman ukol sa temporal, hatid ay espirituwal na kamangmangan,
Espirituwal na kamangmangang naglalapit sa atin sa kamatayan,
Kamatayang sasapit at sa Diyos ay hindi makababalik.
Nasaan ang espirituwal na Buhay na naglaho sa ating makamundong pamumuhay?
Nasaan ang karunungan na naglaho sa ating kaalaman?
Nasaan ang kaalaman na naglaho sa impormasyon?
Ang lumipas na panahon sa dalawampung siglo
Ay lalong naglayo sa atin sa Diyos at naglapit sa atin sa Kamatayan.3
Gaano ninyo nauunawaan ang karunungan? Ang ilan ay maaaring iugnay sa isang dalaga, na masayang-masaya sa kanyang nalalapit na kasal, na nagsabi sa kanyang mga magulang, “Ikakasal na po ako. Matatapos na ang lahat ng problema ko.” At bumulong ang kanyang ina sa kanyang ama, “Tama, pero hindi niya alam kung saan iyon magtatapos.”
Habang lalo akong natututo tungkol sa karunungan ng Diyos, lalo akong naniniwala na nasa simula pa lang ako ng karunungan. Nakadarama ako ng pagpapakumbaba na matanto na marami pa akong dapat matutuhan. Ngayon, sana’y mag-ibayo ang ating pagnanais na magtamo ng karunungan, lalo na ng karunungan ng Diyos.
Ang mga Pagpapala ng Karunungan
Nais kong bigyang-diin ang ilang alituntunin ng karunungan. Una, sa ating panahon na puno ng impormasyon at kaalaman, dapat tayong maghangad ng karunungan. Maraming aspeto at uri ang karunungan. Ang karunungang natamo nang maaga ay naghahatid ng malalaking pagpapala. Ang karunungan sa isang bagay ay maaaring hindi magamit sa iba. At sa huli, ang karunungan ng mundo, kahit sa maraming pagkakataon ay napakahalaga, ay nagiging napakahalaga kapag mapagpakumbaba itong nagpailalim sa karunungan ng Diyos.
Nakalarawan sa mga banal na kasulatan ang dalawang uri ng karunungan: ang karunungan ng mundo at ang karunungan ng Diyos. Ang karunungan ng mundo ay may positibo at negatibong bahagi. Sa pinakamasamang paglalarawan, maaari itong ilarawan na bahagyang katotohanan, na may halong katalinuhan at manipulasyon, upang makamtan ang makasarili o masasamang layunin.
Isang halimbawa mula sa Aklat ni Mormon ang lalaking si Amlici. Sinasabi sa mga banal na kasulatan na “isang lalaki, na tinatawag na Amlici, siya na napakatusong tao, oo, isang matalinong tao sa karunungan ng sanlibutan … ay nakapanghikayat ng maraming tao sa kanya.” Inilarawan pa sa mga banal na kasulatan na si Amlici ay isang “masamang tao, … [na ang] layunin [ay] wasakin ang simbahan ng Diyos” (Alma 2:1–2, 4; idinagdag ang pagbibigay-diin). Hindi tayo interesado sa ganitong uri ng karunungan.
May isa pang uri ng karunungan ng mundo na hindi masama. Sa katunayan ito ay napakabuti. Ang karunungang ito ay sadyang natatamo sa pamamagitan ng pag-aaral, pagninilay, pagmamasid, at kasipagan. Napakahalaga at napakalaking tulong nito sa mga bagay na ating ginagawa. Para sa mabuti at disenteng mga tao, nararanasan natin ito sa buhay na ito.
Maaalala ninyo ang komento ng Amerikanong awtor na si Mark Twain: “Noong ako ay 14 na taong gulang, napakamangmang ng aking ama na halos ayaw ko siyang kasama. Pero nang tumuntong na ako sa edad na 21, namangha ako sa dami ng natutuhan niya sa loob ng 7 taon.”4 Kung mapagmasid tayo, kung mapag-isip tayo, marami tayong matututuhan sa paglipas ng panahon.
Naaalala ko noong magtapos ako sa kolehiyo. Naglakbay ako mula Brigham Young University patungong Preston, Idaho, USA, kung saan nakatira ang lola kong si Mary Keller. Noon ay 78 taong gulang siya at mahina na. Pumanaw siya pagkaraan ng dalawang taon. Isa siyang kahanga-hangang babae, at alam ko na kung makikinig ako at matututo sa kanyang mga karanasan, magkakaroon ako ng karunungang makatutulong sa akin sa buhay.
Maiiwasan natin ang marami sa malulungkot na karanasang dumarating sa buhay ng ilang tao sa maagang pagtatamo ng karunungan—karunungang pambihira sa ating edad. Hangarin natin ang karunungang ito—maging mapag-isip, magmasid nang husto, pag-isipan ang nararanasan ninyo sa buhay.
Magkakaroon din tayo ng karunungan sa ating propesyonal at personal na mga mithiin. Bibigyan ko kayo ng dalawang halimbawa.
Si Dr. DeVon C. Hale ay isang manggagamot sa Salt Lake City na lumaki sa Idaho Falls, Idaho. Namangha ako sa kanyang kaalaman at karunungan pagdating sa mga sakit na laganap sa mga tropikong lugar. Hindi lamang sa kaalaman ni Dr. Hale kundi maging sa kanyang pag-unawa kung paano gamitin ang kaalamang iyon, isinasaayos ang ilang impormasyon at matalinong pinagpapasiyahan ang bawat isa. Isang pagpapala ang magkaroon ng gayong uri ng karunungang medikal para sa mga misyonero sa buong mundo.
Ikalawang halimbawa: Nang mag-aral sa elementarya ang panganay naming anak na lalaki sa lugar namin sa Tampa, Florida, USA, gustung-gusto naming makilala ang kanyang guro sa kindergarten na si Mrs. Judith Graybell. Nasa 50s na ang kanyang edad at kayang-kaya niyang magturo sa mga batang musmos. Alam niya kung paano sila hihikayatin, kailan sila pupurihin, at kailan magiging mahigpit sa kanila. Nasa kanya ang kaalamang turuan sila, ngunit higit pa riyan ang taglay niya. Sinikap naming makapasok ang bawat anak namin sa klase niya sa kindergarten.
Ang dalawang taong ito ay nagpakita ng natatanging karunungan sa mundo. Ang kanilang karunungan ay nakatulong sa marami at naging daan para magtagumpay sila sa kanilang propesyon.
Gayunman, dapat nating matanto ang mga limitasyon ng karunungang ito. Ang karunungan mo sa isang bagay ay maaaring hindi mo magamit sa ibang bagay. Halimbawa, maaaring hindi ko gustong si Mrs. Graybell ang magsuri ng mga sakit na laganap sa tropiko, at hindi ko rin gustong si Dr. Hale ang magturo sa klase ng anak ko sa kindergarten.
Ang mas mahalaga, ang karunungang naghahatid ng tagumpay sa mundo ay dapat maging handang magpailalim sa karunungan ng Diyos at huwag isipin na makahihigit ito.
Tandaan: hindi lahat ng karunungan ay nilikhang pantay-pantay.
Sabi ng Mang-aawit, “Ang pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan” (Awit 111:10). Ang ibig sabihin ng banal na kasulatan ay na ang “malaking pagpipitagan”5 sa Panginoon ang simula ng karunungan. Ang matinding pagpipitagang iyan ay dumarating dahil “taglay [ng ating Ama sa Langit] ang lahat ng karunungan, at lahat ng kapangyarihan, kapwa sa langit at sa lupa” (Mosias 4:9). Perpekto ang Kanyang karunungan. Ito ay dalisay. Ito ay hindi makasarili.
Ang karunungang ito, kung minsan, ay salungat sa karunungan ng mundo, ibig sabihin ay magkasalungat ang karunungan ng Diyos at ang karunungan ng mundo.
Naaalala ba ninyo ang mga salita ng Panginoon sa Isaias?
“Sapagka’t ang aking mga pagiisip ay hindi ninyo mga pagiisip, o ang inyo mang mga lakad ay aking mga lakad, sabi ng Panginoon.
“Sapagka’t kung paanong ang langit ay lalong mataas kay sa lupa, gayon ang aking mga lakad ay lalong mataas kay sa inyong mga lakad, at ang aking mga pagiisip kay sa inyong mga pagiisip” (Isaias 55:8–9).
Ang karunungan ng Diyos ay hindi mapapasaatin nang dahil sa karapatan; dapat natin itong hangarin. “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya” (Santiago 1:5; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang karunungan ng Diyos ay isang espirituwal na kaloob. “Huwag maghangad ng mga yaman kundi ng karunungan, at masdan, ang mga hiwaga ng Diyos ay ilalahad sa iyo, at pagkatapos ikaw ay yayaman” (D at T 6:7; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang paghahangad sa karunungan ng Diyos ay laging may kaakibat na pagsunod sa mga kautusan.
Karaniwan, ang espirituwal na kaloob na karunungan ay dumarating nang paunti-unti kapag tapat at masigasig natin itong hinangad. “Magbibigay ako sa mga anak ng tao ng taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin, … at pinagpala ang mga yaong nakikinig sa aking mga tuntunin, … sapagkat matututo sila ng karunungan; sapagkat siya na tumatanggap ay bibigyan ko pa ng karagdagan” (2 Nephi 28:30; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ganito ang sinabi ni Joseph Smith: “Ang mga bagay ukol sa Diyos ay napakahalaga; at matutuklasan lamang ito sa paglipas ng panahon, at sa karanasan, at sa maingat at malalim at taimtim na pag-iisip.”6 Walang dagliang kasiyahan sa paghahangad sa karunungan ng Diyos.
Sa huli, ang pinagmumulan ng karunungan ng Diyos ay iba sa pinagmumulan ng karunungan ng mundo. Ang karunungan ng Diyos ay matatagpuan sa mga banal na kasulatan, sa mga turo ng mga propeta (tulad ng sa pangkalahatang kumperensya), at, mangyari pa, sa ating mga panalangin (tingnan sa D at T 8:1–2). At sa tuwina, ang karunungang ito ay laging ibinibigay sa atin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Sinabi ni Apostol Pablo:
“Sapagka’t sino sa mga tao ang nakakakilala ng mga bagay ng tao, kundi ang espiritu ng tao, na nasa kaniya? gayon din naman ang mga bagay ng Dios ay hindi nakikilala ng sinoman, maliban na ng Espiritu ng Dios. …
“Na ang mga bagay na ito ay atin namang sinasalita, hindi sa mga salitang itinuturo ng karunungan ng tao, kundi sa itinuturo ng Espiritu” (I Mga Taga Corinto 2:11, 13; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Sa pamamagitan ng karunungan ng Diyos, makikita natin ang higit pa sa ating kasalukuyang sitwasyon dahil, sabi nga sa banal na kasulatan, “ang Espiritu ay … nagsasabi … ng mga bagay kung ano talaga ang mga ito, at mga bagay kung ano talaga ang magiging ito” (Jacob 4:13).
Ang karunungan ng Diyos ay karunungang marapat nating tapat na pag-ukulan ng pansin.
Karunungan at Ikapu
Marahil ang pinakamahalagang punto ay hindi lahat ng karunungan ay nilikhang pantay-pantay. Kailangan nating malaman na kapag salungat ang karunungan ng mundo sa karunungan ng Diyos, dapat nating ipailalim ang ating kalooban sa karunungan ng Diyos.
Tayo ay mga anak ng Diyos. Tayo ay mga espirituwal na nilikha na may misyon sa buhay. Tayong mga tapat sa pag-aaral ng karunungan ng mundo at ng karunungan ng Diyos ay hindi dapat malito kung aling karunungan ang mas mahalaga.
Ibabahagi ko sa inyo ang karanasan ng isang kahanga-hangang Banal sa mga Huling Araw sa São Paulo, Brazil. Ikinuwento niya na nahirapan siyang magpasiya kung magbabayad siya ng ikapu o ng matrikula. Ganito ang sabi niya:
“Pinagbawalan ng unibersidad … ang mga estudyanteng may utang [o hindi pa nakabayad ng matrikula] na kumuha ng mga pagsusulit.
“Naaalala ko noong … gipit na gipit ako sa pera. Huwebes ko natanggap ang suweldo ko. Nang kuwentahin ko ang budget ko sa isang buwan, napansin ko na hindi sapat ang pera ko para [parehong mabayaran] ang aking ikapu at matrikula. Kailangan kong pumili ng isa sa kanila. Ang mga pagsusulit tuwing ikalawang buwan ay magsisimula sa susunod na linggo, at kung hindi ko kukunin ang mga ito, maaaring masayang ang pag-aaral ko sa taong iyon. Hirap na hirap ako. … [Nasaktan ako].”
Narito ang tuwirang pagsalungat ng karunungan ng mundo sa karunungan ng Diyos. Kahit napakabuti at napakamatwid ninyo, masusumpungan ninyo sa inyong buhay, kung kayo ay tapat sa inyong sarili, na masasaktan kayo kapag nadama ninyo na nahaharap kayo sa ilan sa [mahihirap na sitwasyong] ito.
Babalikan ko ang kanyang kuwento. Una, binayaran niya ang kanyang ikapu pagsapit ng Linggo. Nang sumunod na Lunes ikinuwento niya ang nangyari:
“Papatapos na ang oras ng trabaho nang lapitan ako ng amo ko at ibinigay ang mga huling gagawin sa araw na iyon. … Bigla siyang huminto, tumingin sa akin at nagtanong, ‘Kumusta ang pag-aaral mo?’ [Inilarawan niya ito bilang isang malupit na tao, at ang nasabi lang niya ay:] ‘Ayos naman po!’”
At umalis na ito. Biglang pumasok ang sekretarya sa silid. Sabi nito, “Kasasabi lang ng Bos[s] na mula ngayon, ang kumpanya na ang magbabayad ng buong matrikula mo at mga libro. Bago ka umalis, dumaan ka sa mesa ko at sabihin mo sa akin ang mga babayaran para maibigay ko sa iyo bukas ang tseke.”7
Kung matalas ang pakiramdam ninyo, malalaman ninyo na maraming beses na kayong nahaharap sa ganitong uri ng mga pagsubok sa buhay ninyo. Kanino kayo magtitiwala? Makinig sa tuwirang babala ng Panginoon sa atin:
“O ang kahambugan, at mga kahinaan, at kahangalan ng mga tao! Kapag sila ay marurunong [sa karunungan ng mundo] inaakala nila na sila ay matatalino, at sila ay hindi nakikinig sa payo ng Diyos, sapagkat isinasaisang-tabi nila ito, inaakala nilang alam nila sa kanilang sarili [ang karunungan ng mundo], kaya nga, ang kanilang karunungan ay kahangalan at wala silang pakinabang dito. At sila ay masasawi.
“Subalit ang maging marunong [sa karunungan ng mundo] ay mabuti kung sila ay makikinig sa mga payo ng Diyos” (2 Nephi 9:28–29; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Sinabi naman ni Pablo:
“Saan naroon ang marunong? … hindi baga ginawa ng Dios na kamangmangan ang karunungan ng sanglibutan?” (I Mga Taga Corinto 1:20).
“Sinoma’y huwag magdaya sa kaniyang sarili. Kung ang sinoman sa inyo ay nagiisip na siya’y marunong sa kapanahunang ito, ay magpakamangmang siya, upang siya ang maging marunong.
“Sapagka’t ang karunungan ng sanglibutang ito ay kamangmangan sa Dios” (I Mga Taga Corinto 3:18–19; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang pagsubok kadalasan ay kung tutulutan natin ang karunungan ng Diyos na maging gabay natin kapag sumalungat ito sa karunungan ng mundo.
Nanaghoy si Ammon, “Sapagkat ayaw nilang maghangad ng karunungan [karunungan ng Diyos], ni hindi nila nais na mamuno siya sa kanila” (Mosias 8:20). Kapag iniisip ko ang mga taong handang pailalim sa karunungan ng Diyos, naiisip ko ang isang kaibigan kong taga-China, si Xie Ying, na malaki ang isinakripisyo upang sumapi sa Simbahan at magmisyon sa New York. Naiisip ko ang dalawang anak kong babae, kapwa napakatatalino at may master’s degree ngunit pinili ang pagiging ina at pag-aaruga ng mga anak. Naiisip ko ang isang kaibigang taga-South America na nagbitiw sa trabahong mataas ang suweldo nang malaman niya na hindi nagbabayad ng buwis ang kanilang kumpanya. Inuna nilang lahat ang karunungan ng Diyos kaysa karunungan ng mundo.
Ang malungkot, kayang linlangin ng karunungan ng mundo ang matatalinong tao. Ganito ang sabi ni Joseph Smith: “Napakaraming matalinong lalaki at babae rin sa ating kalipunan na sobra ang talino para turuan pa; samakatwid mamamatay sila sa kawalan ng muwang, at sa pagkabuhay na mag-uli ay matutuklasan nila ang kanilang pagkakamali.”8
Karunungan at Pananalapi
Sa naghihirap nating ekonomiya, tatalakayin ko ang usapin tungkol sa personal na pananalapi. Sa ating kasalukuyang sitwasyon lahat tayo ay mas mapagpakumbaba at madaling turuan—ngunit balikan natin ang huling ilang taon.
Itinuturo ng mundo na kung mayroon tayong gusto, dapat natin itong makuha. Hindi na natin dapat hintayin ito. Mangutang tayo para mapasaatin ito ngayon. Makakautang tayo sa paggamit ng mga credit card, o maaari nating isangla sa bangko ang bahay na pag-aari natin. Maisasangla natin ang anumang pag-aari natin, kahit ang ating edukasyon. Ang mga bagay na nakuha natin sa pangungutang ay palaging tataas ang halaga, at uunlad tayo. Ang karunungan ng mundo ay nagsasabing ang halaga ng buwanang hulog sa utang ay nagiging mas mahalaga kaysa sa laki ng kabuuang utang. Ang hulog sa utang ay tila kaya natin, at kung wala na tayong pambayad, ang huling opsiyon natin ay bankruptcy o pagkalugi.
Isipin naman natin ngayon ang karunungan ng Diyos tungkol sa personal na pananalapi, na lagi nang itinuturo ng mga propeta. Ang pundasyon ay pag-asa sa sarili at pagtatrabaho. Nagagamit natin nang wasto ang pera kapag binayaran natin ang ating buong ikapu at nagbigay ng malaking fast offering. Mas mababa ang ating paggastos kaysa ating kinikita, at pinipili nating unahin ang ating mga pangangailangan kaysa ating gusto. Iniiwasan nating mangutang maliban kung para sa pinaka-pangunahing mga pangangailangan. Hindi tayo lumalagpas sa budget. Nag-iipon tayo ng kaunting pera. Tapat tayo sa lahat ng ating obligasyon.
Mga 14 na taon na ang nakararaan, nagbabala si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008): “Gusto kong sabihin na dumating na ang panahon para ayusin natin ang ating tahanan. Napakarami sa ating mga tao ang kapos na ang kanilang kinikita para sa kanilang ikabubuhay. Sa katunayan, ang ilan ay nabubuhay na sa panghihiram. … May mga palatandaan ng mga maunos na panahong darating na kailangan nating bigyang-pansin.”9
Ilang taon na ang nakalilipas sa tugatog ng ating kaunlaran, sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson:
“Mga kapatid, iwasan ang pilosopiya na ang mga luho noon ay mga pangangailangan na ngayon. Hindi talaga kailangan ang mga ito kung hindi natin itutulot. Maraming nangungutang nang matagalan [para lamang matuklasan] na may mga pagbabagong nagaganap: nagkakasakit o nawawalan ng silbi ang mga tao, nalulugi o nagbabawas ng mga tauhan ang mga kumpanya, nawawalan sila ng trabaho, dumarating ang mga kalamidad. Sa maraming dahilan, hindi na magawang bayaran ang malalaking utang. Parang espada ni Damocles na nakaumang sa ating ulunan ang ating utang at nagbabantang ipahamak tayo.
“Hinihimok ko kayong mamuhay ayon sa kinikita ninyo. Hindi maaaring gumastos ang isang tao nang higit sa kinikita niya nang hindi nangungutang. Ipinapangako ko sa inyo na higit kayong liligaya kaysa kung lagi na lang kayong nag-aalala kung saan kukuha ng susunod na pambayad sa walang kabuluhang utang.”10
Nakikita ba ninyo kung paano maaaring sumalungat ang karunungan ng Diyos sa karunungan ng mundo? Hindi halos makita ang pagkakaiba sa pagpipilian kapag tila maayos ang lahat. Iniisip ng maraming miyembro ng Simbahan na sana’y mas nakinig silang mabuti.
Ito ang karunungan ng Diyos.
Iminumungkahi ko na isipin ninyo ang ilan sa mga isyung kinakaharap ninyo. Guhitan sa gitna ang isang pirasong papel. Ilista ang karunungan ng mundo sa kaliwa at ang karunungan ng Diyos sa kanan. Isulat ang mga isyung magkakasalungat.
Ano ang mga pinipili ninyo?
Sa bahagi 45 ng Doktrina at mga Tipan, na bumabanggit sa mga kaganapang hahantong sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, muling ikinuwento ng Panginoon ang tungkol sa sampung dalaga at iniwan sa atin ang mga salitang ito: “Sapagkat sila na matatalino at nakatamo ng katotohanan, at tinanggap ang Banal na Espiritu bilang kanilang patnubay, at hindi mga nalinlang—katotohanang sinasabi ko sa inyo, sila ay hindi puputulin at itatapon sa apoy, kundi mananatili sa araw na yaon” (D at T 45:57).
Hangarin natin ang karunungan ng Diyos. Kasalukuyang naghihirap ang ekonomiya sa iba’t ibang dako ng mundo, at nagdudulot ito ng ilang alalahanin sa plano nating trabaho, propesyon, at pagkita. Ngunit maraming mabubuti at mauunlad na araw sa hinaharap. Marami tayong matututuhan ngayon mismo tungkol sa karunungan. Ipinapangako ko na sasainyo ang mga pagpapala ng Panginoon kapag naghangad kayo ng karunungan—karunungan ng Diyos.