Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Ang Limang-Minutong Aral
Nahuli ako nang limang minuto at nakaupo na ang lahat. Siguradong hindi magiging dahilan ang maikling oras na iyon para hindi ako makadalo sa graduation ko sa unibersidad.
Sa pagtatapos ng huling taon ko sa unibersidad, dadalo ako sa seremonya ng pagtatapos kung saan lahat ng bagong magsisipagtapos, na nakasuot ng tradisyonal na toga, ay tatanggap ng diploma mula sa isang mataas na opisyal. Inasam ko ang sandaling ito, isang pagdiriwang ng apat-na-taong paghihirap sa pag-aaral. Noong umaga ng seremonya ng pagtatapos, tumanggap ako ng sulat mula sa unibersidad pero hindi ko na ito binuksan.
Nagsimula ang seremonya nang ala-1:30 n.h., at nagpaiskedyul ako na magpakuha ng retrato bago pa ito nagsimula. Sa kasamaang-palad, may pila sa pagpapakuha ng retrato, at nakita ko sa relo na palapit na nang palapit ang oras ng graduation. Pero matagal na akong naghintay at determinado akong magpakuha ng retrato. Nang sa wakas ay matapos ako 10 minuto bago magsimula ang graduation, tumakbo ako papunta sa bulwagan.
Gayunman, pagdating ko roon, sarado na ang mga pinto at nakabantay ang mga guwardiya. Hiniling kong papasukin ako, pero tumanggi ang mga guwardiya, at sinabi nila sa akin na dapat ay nakaupo na ako 15 minuto bago magsimula ang seremonya. Noon ko lang narinig ang patakarang iyon, kaya nagreklamo ako. Pero hindi kumilos ang mga guwardiya. Apat na taon akong nag-aral nang husto para makatapos sa kursong ito, at hindi ko iyon makukuha sa seremonya ng pagtatapos. Naupo ako sa bulwagan kasama ng mga manonood.
Nang makauwi ako at buksan ko ang sulat na natanggap ko nang umagang iyon, nabasa ko ang isang malinaw na tagubilin na dapat ay nakaupo na ako roon 15 minuto bago magsimula ang seremonya o hindi ako papapasukin. Parang isa ako sa mga hangal na dalaga sa talinghaga ng Tagapagligtas:
“At samantalang [ang mga hangal na dalaga ay] nagsisiparoon sa pagbili, ay dumating ang kasintahang lalake; at ang mga nahahanda ay nagsipasok na kasama niya sa piging ng kasalan: at inilapat ang pintuan.
“Pagkatapos ay nagsirating naman ang mga ibang dalaga, na nagsisipagsabi, Panginoon, Panginoon, buksan mo kami.
“Datapuwa’t sumagot siya at sinabi, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi ko kayo nangakikilala” (Mateo 25:10–12).
Bagama’t tila mabigat na parusa ang hindi papasukin sa isang mahalagang pagdiriwang dahil sa maituturing na isang maliit na pagkakamali, napagtanto ko na gayon din ang mga pagpapasiya at mga ibubunga nito. Kapag pinulot ko ang isang dulo ng patpat mula sa lupa, pinulot ko na rin ang kabilang dulo nito. Gayundin sa anumang pagpapasiya, pinipili ko hindi lamang ang gagawin ko kundi pati na rin ang ibubunga nito—kahit hindi ko pa alam ang ibubunga nito.
Si Satanas ang may nais na magtuon tayo sa mga pagpapasiya nang hindi na iniisip ang ibubunga ng mga ito. Madalas niya itong gawin sa pag-akit sa atin na magtuon sa gusto ng katawan, ang “kagustuhan ng laman” (2 Nephi 2:29), at sa dagliang kasiyahan.
Sa kabilang banda, nais ng ating Ama sa Langit na magtuon tayo sa kaligayahan at walang-hanggang mga pagpapala. Inaasahan Niyang iisipin natin ang mga ibubunga ng ating mga pagpapasiya at ang mga bunga ay makahihikayat sa atin na gumawa ng mabuti: “Sila ay malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng dakilang Tagapamagitan ng lahat ng tao, o piliin ang pagkabihag at kamatayan” (2 Nephi 2:27).
Bagama’t hindi ako nagpapasalamat na hindi ko pormal na natanggap ang diploma ko, nagpapasalamat ako sa natutuhan ko sa karanasang ito na walang hanggan ang kabuluhan—na kailanman ay hindi ko gugustuhing gumawa ng isang pasiyang hahadlang sa pagtanggap sa akin sa kinaroroonan ng Kasintahang Lalaki. Sa halip na mapagsarhan at masabihang “Hindi ko kayo nangakikilala,” sisikapin kong gumawa ng mga pagpapasiyang magtutulot sa akin na marinig mula sa Kanya na, “Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon” (Mateo 25:21).