Pagtuturo ng Para sa Lakas ng mga Kabataan
Ang Kahalagahan ng Edukasyon
Ang edukasyon ay mahalagang bahagi ng ebanghelyo at ng paghahandang makibahagi sa lipunan at maglaan para sa sarili at sa pamilya.1 Tinalakay ni Elder Craig A. Cardon ng Pitumpu ang kahalagahan ng edukasyon sa mga pahina 54–55 ng isyung ito.
“Sa mundong ito na lalong nagiging kumplikado, ang edukasyon ay isa sa pinakamahahalagang makamtan sa buhay,” pagsulat niya. “At yamang totoo na ang karagdagang edukasyon ay karaniwang nagbibigay ng pagkakataon para sa dagdag na temporal na pagpapala, ang higit na pagpapahalaga sa karagdagang kaalaman ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na magkaroon ng mas malaking impluwensya sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng Panginoon.”
Sinasabi sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: “Dapat kasama sa inyong edukasyon ang pag-aaral ng mga espirituwal na bagay. Pag-aralan ang mga banal na kasulatan at ang mga salita ng mga propeta sa mga huling araw. Makibahagi sa seminary at institute. Ipagpatuloy habambuhay ang pag-aaral tungkol sa plano ng Ama sa Langit. Tutulungan kayo ng espirituwal na pag-aaral na ito na mahanap ang kasagutan sa mga pagsubok ng buhay at mag-aanyaya sa pagsama ng Espiritu Santo.”2
Mga Mungkahi sa Pagtuturo sa mga Kabataan
-
Basahin ang bahaging edukasyon sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Ibahagi ang sarili ninyong magandang karanasan sa paaralan at sa pag-aral ng ebanghelyo. Matatalakay ninyo ang pamantayang ito sa inyong tinedyer at masasagot ang anumang itatanong niya.
-
Tulungan ang inyong tinedyer na magtakda ng mga mithiin sa trabaho at pag-aaral batay sa kanyang mga talento at interes. Tulungan siyang matukoy ang ilang hakbang para masimulan ang pagkakamit ng mga mithiing ito.
-
Isiping magdaos ng family home evening tungkol sa kahalagahan ng edukasyon (magandang gamitin ang artikulo nina Elder Dallin H. Oaks at Kristen M. Oaks, “Pagkatuto at mga Banal sa mga Huling Araw,” Liahona, Abr. 2009, 26–31).
-
Pumunta sa youth.lds.org at mag-klik sa “For the Strength of Youth” sa ilalim ng Youth Menu. Sa ilalim ng “Education,” matatagpuan ninyo ang mga banal na kasulatan tungkol sa edukasyon, mga video (tingnan, halimbawa, ang “Surfing or Seminary?”), mga programa sa radyo ng Mormon Channel, mga tanong at mga sagot, at mga artikulo, pati na mga mensahe ng mga General Authority.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo sa mga Bata
Masayang matuto ng mga bagong bagay, ngunit maaaring mahirap ding matuto. Kasama sa isyu sa buwang ito ang kuwentong pinamagatang “Handa nang Magbasa” (pahina 66). Ang kuwento ay naglalarawan sa isang batang babaeng may dyslexia na nahihirapang magbasa nang malakas at kung paano siya hinikayat ng mga batang Primary na gawin ang kanyang makakaya. Isiping basahin ang kuwentong ito sa inyong mga anak at pag-usapan ang sumusunod na mga tanong:
-
Ano ang pakiramdam ni Mary nang subukin niyang gawin ang isang bagay na mahirap? Bakit mahalaga na patuloy na matuto kahit mahirap itong gawin?
-
Ano ang ginawa ng ibang mga bata para tulungan si Mary? Ano ang magagawa ninyo para tulungan ang iba na matuto sa bahay, sa simbahan, at sa paaralan?