Mensahe ng Unang Panguluhan
Ang Tinig ng Panginoon
Inaanyayahan ng Doktrina at mga Tipan ang lahat ng tao saanmang dako na pakinggan ang tinig ng Panginoong Jesucristo (tingnan sa D at T 1:2, 4, 11, 34; 25:16). Ito ay puno ng Kanyang mga mensahe, babala, at nakahihikayat na mga pangaral na ibinigay sa hinirang na mga propeta sa pamamagitan ng paghahayag. Sa mga paghahayag na ito makikita natin kung paano masasagot ng Diyos ang ating mga dalangin ng pananampalataya sa mga mensahe ng tagubilin, kapayapaan, at babala.
Sa ating mga dalangin hangad nating malaman ang ipagagawa sa atin ng Diyos, ang dapat nating gawin para magkaroon ng kapayapaan at kaligayahan sa buhay na ito at sa kabilang-buhay, at ang naghihintay sa atin sa hinaharap. Ang Doktrina at mga Tipan ay puno ng mga sagot sa mga tanong na iyon ng mga karaniwang tao at ng mga propeta na mapagpakumbabang nanalangin. Maaari itong maging mahalagang gabay na magtuturo sa atin kung paano makatanggap ng mga sagot sa mga tanong tungkol sa ating temporal na kapakanan at walang-hanggang kaligtasan.
Mahalagang magpakumbaba at sumampalataya sa Panginoong Jesucristo. Sinagot ng Panginoon si Oliver Cowdery tungkol sa kanyang hangarin na tumulong sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon: “Tandaan na kung walang pananampalataya ay wala kang magagawa; samakatwid humingi nang may pananampalataya. Huwag lapastanganin ang mga bagay na ito; huwag hilingin yaong hindi mo dapat hilingin” (D at T 8:10).
Paulit-ulit sa Doktrina at mga Tipan, hinihingi ng Panginoon na sumampalataya at magpakumbaba tayo bago Niya tayo tulungan. Ang isang dahilan nito ay maaaring hindi Siya sumasagot sa paraang inaasahan natin. Ni hindi rin laging madaling tanggapin ang mga ito.
Nakalarawan sa kasaysayan ng Simbahan at mga karanasan ng ating mga ninuno ang katotohanang ito. Taimtim na nanalangin ang aking lolo-sa-tuhod na si Henry Eyring para malaman ang dapat niyang gawin nang marinig niyang itinuturo ang ipinanumbalik na ebanghelyo noong 1855. Dumating ang sagot sa isang panaginip.
Nanaginip siya na nakaupo siya sa may mesa kasama si Elder Erastus Snow ng Korum ng Labindalawang Apostol at isang elder na nagngangalang William Brown. Tila isang oras na itinuro ni Elder Snow ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Pagkatapos ay sinabi ni Elder Snow, “Sa pangalan ni Jesucristo iniuutos ko sa iyo na ikaw ay magpabinyag at ang lalaking ito [si Elder Brown] … ang magbibinyag sa iyo.”1 Nagpapasalamat ang aking pamilya na sumampalataya at nagpakumbaba si Henry Eyring na magpabinyag nang alas-7:30 ng umaga sa isang naipong tubig-ulan sa St. Louis, Missouri, USA, kay Elder Brown.
Ang sagot sa kanyang panalangin ay hindi mula sa naririnig na tinig ng Panginoon. Sinagot iyon sa isang pangitain at panaginip sa gabi, tulad ng nangyari kay Lehi (tingnan sa 1 Nephi 8:2).
Itinuro sa atin ng Panginoon na maaari din nating matanggap ang sagot sa pamamagitan ng nararamdaman natin. Sa Doktrina at mga Tipan, itinuro Niya kay Oliver Cowdery, “Masdan, sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo at mananahanan sa iyong puso” (D at T 8:2).
At hinikayat Niya si Oliver nang ganito: “Hindi nga ba’t ako ay nangusap ng kapayapaan sa iyong isipan hinggil sa bagay na ito? Ano pang mas higit na katibayan ang iyong matatamo kundi ang mula sa Diyos?” (D at T 6:23).
Natutuhan ko sa Doktrina at mga Tipan, kasaysayan ng Simbahan, at sa kasaysayang itinago ni Henry Eyring tungkol sa kanyang misyon kaagad pagkatapos siyang mabinyagan na ang mga sagot ay maaaring madama bilang mga babala at kapayapaan.
Noong Abril 1857, dumalo si Elder Parley P. Pratt ng Korum ng Labindalawang Apostol sa isang kumperensya sa lugar na ngayon ay Oklahoma, USA, na. Itinala ni Henry Eyring na ang “isipan [ni Elder Pratt] ay puno ng malulungkot na alalahanin … , na hindi mawari ang hinaharap o anumang paraan para makatakas.”2 Kasunod niyon ay itinala kaagad ni Henry ang malungkot na balitang pinaslang ang Apostol. Nagpatuloy si Elder Pratt sa kanyang paglalakbay kahit nakaramdam siya ng panganib, tulad ng ginawa ni Propetang Joseph sa pagpunta sa Carthage.
Pinatototohanan ko na laging sinasagot ng Panginoon ang mapagpakumbabang panalangin na may pananampalataya. Itinuturo sa atin ng Doktrina at mga Tipan at ng ating personal na karanasan kung paano kikilalanin ang mga sagot na iyon at tanggapin ang mga ito nang may pananampalataya, ito man ay patnubay, pagpapatibay ng katotohanan, o babala. Dalangin ko na lagi nating pakinggan at kilalanin ang magiliw na tinig ng Panginoon.