2013
Mga Banal na Lugar sa Inyong Buhay
Enero 2013


Mga Banal na Lugar sa Inyong Buhay

Elaine S. Dalton

Inaanyayahan kayo ng tema ng Mutwal sa taong ito na huwag magtuon sa mundo kundi sa kaharian ng Diyos. Gaya ng itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, tayo ay nakatira sa teritoryo ng kaaway.1 “Tumayo sa mga banal na lugar” ang susi para manatiling ligtas.

Nag-aanyaya ng mahahalagang tanong ang temang ito: Ano ang banal na lugar? Nasaan ang banal na lugar? Paano tayo makatatayo sa mga banal na lugar? Paano natin magagawang mas banal ang mga lugar na regular nating tinitirhan? Sa paghahanap ninyo ng mga sagot sa mga tanong na ito, ang mga sagot ninyo ang gagabay sa inyong mga pakikisama, pagpili ng mga aktibidad, at pananamit, pananalita, at mga kilos.

Nangako kayong patatatagin ang inyong tahanan at pamilya. Sikaping gawing banal na lugar ang inyong tahanan, na puspos ng Espiritu ng Panginoon. Maaari ninyong suportahan ang panalangin at pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya.

Ang inyong silid ay maaaring maging banal na lugar na nag-aanyaya sa Espiritu. Kung titingnan ng propeta ang inyong silid, ituturing kaya niyang banal ang lugar na ito? Itinuturing ba ninyo itong banal?

Makatatayo tayo sa mga banal na lugar kapag nagpunta tayo sa simbahan. Itinuturo sa mga banal na kasulatan na ang mga ward at stake ng Sion ay mga banal na lugar na “maaaring maging isang tanggulan, at isang kanlungan mula sa bagyo” (D at T 115:6).

Ang pinakabanal na lugar sa mundo ay ang templo. Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Mga kaibigan kong kabataan na mga tinedyer na ngayon, laging ituon ang inyong tingin sa templo. Huwag gumawa ng anumang bagay na hahadlang sa pagpasok ninyo sa mga pintuan nito at sa pagtanggap ng sagrado at walang hanggang mga pagpapala roon. Pinupuri ko kayo na regular na pumapasok sa templo para magsagawa ng mga binyag para sa mga patay.”2 Laging maging karapat-dapat na magkaroon ng current temple recommend, kahit napakalayo ng templo.

Saanman kayo naroroon kung saan naroon ang Espiritu ay maaaring maging banal na lugar. Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) na ang mga banal na lugar ay higit na may kinalaman sa kung paano mamuhay ang isang tao kaysa kung saan siya nakatira.3 Kung kayo ay namumuhay nang marapat sa palagiang patnubay ng Espiritu Santo, kayo ay nakatayo sa banal na lugar.

Bawat templo ay may nakasulat na “Kabanalan sa Panginoon.” Hangaring laging tumayo sa mga banal na lugar. Kapag ipinamumuhay ninyo ang mga pamantayan, nagdarasal kayo araw-araw, at binabasa ninyo ang mga banal na kasulatan—lalo na ang Aklat ni Mormon—madarama ninyo ang patnubay ng Espiritu Santo. Ang Panginoon mismo ay nangako sa inyo, “Sapagkat katotohanang sinasabi ko sa iyo, na mahahalagang bagay ang naghihintay sa iyo” (D at T 45:62). Sang-ayon ako at pinatototohanan ko na ito ay totoo!

Mga Tala

  1. Tingnan sa Boyd K. Packer, “Paano Magiging Ligtas sa Teritoryo ng Kaaway,” Liahona, Okt. 2012, 34–37.

  2. Tingnan sa Thomas S. Monson, “Ang Banal na Templo—Isang Tanglaw sa Mundo,” Liahona, Mayo 2011, 93.

  3. Tingnan sa Doctrine and Covenants Student Manual: Religion 324 and 325, ika-2 edisyon (manwal ng Church Educational System, 2001), 196.