2013
Ang Makita ang Kabutihan ni Kylie
Enero 2013


Ang Makita ang Kabutihan ni Kylie

Hindi namin matagalan ang isa’t isa. Magiging magkaibigan pa kaya kami?

girls in cafeteria

Paglalarawan ni Taia Morley

Noong nasa ikaapat na grado ako, nasa pinakamagaling na klase ako sa lahat. Lahat ng tungkol sa klaseng iyon ay perpekto—maliban kay Kylie (binago ang pangalan). Salbahe siya sa halos lahat ng tao, pati na sa akin. Nakita kong itinulak niya ang iba sa pasilyo, at ilang beses din niya akong itinulak. Umiiyak ako pag-uwi ko dahil hindi ko maunawaan kung bakit niya ako inaapi.

Wala siyang kaibigan. Mag-isa siya sa mesa sa tanghalian dahil walang gustong tumabi sa kanya. Ikinuwento ko sa nanay ko si Kylie, at binigyan niya ako ng matalinong payo na nagpabago sa buhay ko: “Baka naman kailangan lang niya ng kaibigan.”

Ikinagulat ko ito. Paano ko naman pakikitaan ng kabaitan ang isang taong hindi magdadalawang-isip na tawagin ako sa nakaiinsultong pangalan? Bagama’t atubili, nagpasiya akong maging mas mabait kay Kylie at sikapin siyang unawain. Nang mas makilala ko na siya, nalaman ko na mabait naman pala siya. Hindi nagtagal ay nalaman ko na matindi pala ang pinagdaraanan niya sa buhay. Magulo ang kanilang pamilya, at iniiwasan niya ang usapang bumabanggit sa “pamilya.”

Isang araw sa oras ng tanghalian, katabi ko sa upuan ang mga kaibigan ko. Dahil salbahe si Kylie sa iba, may ilang batang babaeng hindi rin magandang makitungo sa kanya. Sinimulan nilang pagtawanan si Kylie, habang nagsasalita nang malakas para marinig niya sila. Sinabi nila, “Huwag kang uupo sa tabi namin—KAHIT KAILAN!” “Ano’ng amoy iyon? Ah, si Kylie!” at “Lumayo ka nga sa amin!” Naupo ako roon at nakinig.

At may munting tinig akong narinig sa aking isipan: “Kumilos ka.” Tumayo ako at naramdaman ko na nakatingin silang lahat sa akin. “Tama na!” sabi ko. “Bakit kayo sinasabihan ng ganyan ang isang tao? Maging mabait naman kayo sa kanya!” Natahimik ang lahat. Nang umupo ako, tiningnan ko si Kylie. Pumihit siya at tumingin sa akin na puno ng pasasalamat.

Noong nasa ikaanim na grado ako palapit na ang ika-12 kaarawan ko, at gusto kong magdaos ng party kasama ang ilang kaibigan. Nang tanungin ako ni Inay kung may gusto pa akong imbitahan, narinig kong muli ang munting tinig sa aking isipan: “Imbitahan mo si Kylie.”

“Gusto ko pong imbitahan si Kylie,” sabi ko kay Inay.

“Talaga?”

Tumango ako. Pagkatapos ng birthday party, nagkalapit-lapit kami nang husto ng mga kaibigan ko, kasama na si Kylie, kaya nagkita-kita kami tuwing Biyernes sa huling tatlong buwan ng pasukan. Laging naroon si Kylie. Naging matatalik kaming kaibigan.

Ngayon ay nasa ikawalong grado na ako at lumipat na kami sa ibang estado, pero madalas akong makipag-ugnayan kay Kylie, na isa pa rin sa matatalik kong kaibigan. Kung minsan itinatanong ng ibang mga kaibigan ko kung paano kami nagkalapit nang husto.

“Sa ikaapat na grado siga siya sa klase, at magkagalit kami noon,” sabi ko.

“Kung gayon, paano kayo naging mabuting magkaibigan?”

“Hinanap ko ang kabutihan sa kanya. Bawat isa ay may kaunting kabutihan, at sinikap kong hanapin ito sa kanya.”