Ang Aklat ni Mormon—Ibahagi Ito
Nalaman kong totoo ang Aklat ni Mormon dahil sa tatlong bagay na nadama ko nang basahin ko ito.
Noong ako’y 18 taong gulang, nakatira ako sa Lima, Peru, kung saan ako ipinanganak at lumaki. Noong panahong iyon nakita ng aking ama ang isang mabait na kaibigan na matagal na niyang hindi nakita.
Humanga ang aking ama dahil mukhang bumata at magarang manamit ang kaibigan niya. Tinanong niya ang kanyang kaibigan kung ano ang nangyari sa kanya na naging dahilan ng pagbabagong ito. “Kapapanalo mo pa lang ba sa lotto?” tanong niya. Sumagot ang kaibigan, “Kung tutuusin, mas matindi pa riyan. Mormon na ako ngayon, at gusto kong ibahagi ang ebanghelyo sa iyo at sa pamilya mo.”
Inakala ng aking ama na nagbibiro lang ang kaibigan niya, kaya sinabi niyang, “OK, kung gusto mong ipadala ang mga misyonero ninyo, gawin mo.” Pero talagang seryoso ang taong ito tungkol dito, at sa loob ng ilang araw ay dumating at kumatok sa pintuan namin ang mga misyonero. Iyon ang simula ng isang napakagandang karanasan.
Itinuro sa amin ng mga misyonero ang tungkol sa Aklat ni Mormon at nag-iwan ng kopya para basahin namin. Naganap ito noong tag-init, at habang nagbabakasyon ako nang ilang buwan pagkatapos ng unang taon ko sa unibersidad. Kaya’t kinuha ko ang aklat nang hapong iyon pagkatapos ng talakayan at sinimulan itong basahin.
Binasa ko nang binasa ang bawat pahina, at hindi ako makatigil. May kung anong mahika na nagmumula sa aklat. Gustung-gusto kong magbasa at marami na akong nabasang mga aklat, pero kakaiba ang isang ito. Nahalina ako sa aklat, at makaraan ang ilang oras ng pagbabasa, sinabi ng aking ina, “Juan, patayin mo na ang ilaw! Gusto nang matulog ng mga kapatid mo.” At sinabi kong, “Opo, sandaling-sandali na lang po,” at patuloy akong nagbasa. Kahit maraming oras na akong nagbabasa, hindi ako nagutom, ni nauhaw, ni ayaw kong matulog.
Bago ko natapos basahin ang aklat, alam kong may espesyal na bagay dito. Nagkaroon ako ng patotoo dahil sa tatlong bagay na naranasan ko habang binabasa ko ang aklat sa unang pagkakataon.
Ang unang naranasan ko noong mga oras na iyon ay ang matinding kapanatagan na kaiba sa anumang bagay na naranasan ko na. Ilang oras kong nadama ang kapanatagang ito.
Ang ikalawang naranasan ko habang nagbabasa ako noon ay ang kagalakan. Hindi iyon katulad ng kaligayahang nakasanayan kong madama kapag kasama ko ang mga kaibigan ko o binili ko ang isang bagay na gustung-gusto ko. Hindi iyon kaligayahan; iyon ay kagalakan. Habang nagbabasa ako, nagsimula akong maiyak at natanto kong, “Wow, gusto ko ito!”
At ang ikatlong bagay na naranasan ko ay ang kaliwanagan. Nang simulan kong magbasa, mahirap unawain iyon dahil may mga salitang tulad ng Nephi at Pagbabayad-sala na hindi pamilyar sa akin. Ngunit pagkaraan ng ilang oras ng pagbabasa, nabuksan ang aking isipan, at para bang nagkaroon ng liwanag sa aking isipan at mas lalo ko itong naunawaan nang patuloy kong basahin ang aklat.
Nalaman ko kalaunan na ang tatlong karanasang iyon ay ilan sa mga paraan ng pagpapahiwatig sa atin ng Espiritu. Natanggap ko ang Espiritu, at handa na akong magpabinyag, ngunit kinailangan kong hintaying magkaroon ng sariling patotoo ang mga miyembro ng aking pamilya. Sa wakas, noong Abril 6, 1972, kami ng aking ina at kapatid na babae ay bininyagan. Naroon ang aking ama at dalawa ko pang kapatid at pinanood ang mga pinagdaraanan namin, at makalipas ang ilang buwan, bininyagan din sila.
Ang Simbahan at ang ebanghelyo ay dumating sa buhay ko sa tamang sandali. Sa unang taon ko sa unibersidad, nalantad na ako sa maraming pilosopiya ng mga tao at mga bagong ideya at paraan ng pamumuhay na lubhang kaiba sa mga nakasanayan ko. Marami sa mga pagpapahalagang natutuhan ko sa dati kong simbahan noong bata pa ako ang nasubukan sa mga bagong ideyang napag-alaman ko.
Mahirap iyon para sa akin dahil nalito ako. Napakaraming bagong bagay na pakiramdam ko ay hindi tama, ngunit normal lamang sa iba. At ang kaalamang natamo ko ay hindi sapat para ipagtanggol ang aking mga pinahahalagahan.
Matapos akong mabinyagan, nanibago ako sa pagbalik ko sa unibersidad. May sasabihin ako ngayon para makatugon nang may pagmamahal sa iba. Masasabi ko nang may tiwala, “Hindi, salamat na lang, palagay ko hindi iyan para sa akin.” At ngayon alam ko na kung bakit ko kinailangang sabihin iyon. Tamang-tama ang dating ng Simbahan at ng Aklat ni Mormon sa akin. Talagang nagpapasalamat ako dahil binago nito ang buhay ko.
Mapalad ako dahil sa desisyon kong sumapi sa Simbahan. Sa Simbahan nakilala ko ang pinakamatatalik kong kaibigan. Napakamahiyain ko noon, at mas gusto kong nag-iisa, nag-aaral, nagbabasa ng mga aklat ko, at nagsasayang mag-isa. Pero nang dumating ang Simbahan sa buhay ko, nalaman ko kung ano ang tunay na kaibigan. Nakilala ko ang isang napakabuting dalaga sa Simbahan na siyang napangasawa ko. Nakilala ko ang mga lider ng priesthood at mga taong nagmalasakit sa akin. Sa Simbahan ng Panginoon, natagpuan ko ang kailangan ko.
Matatagpuan ng maraming tao ang kailangan nila sa Simbahan. Huwag matakot na ibuka ang inyong bibig sa inyong mga kaibigan at sabihing, “Naniniwala ako rito. Gusto kong ibahagi ito sa iyo.” Kung minsan maririnig mo ang matatanda na sinasabi kung ano ang tama at mali, pero kapag may kaibigan kang kaedad mo na ganoon din ang sinasabi, susundin mo ang taong iyon. Sa kung anong dahilan, mas malakas ang impluwensya ng ating mga kaibigan kaysa matatanda. Kaya maging mabuting halimbawa dahil hindi ninyo alam na baka may naghihintay na isang Juan Uceda roon. Hindi ninyo malalaman kung hindi kayo magbubuka ng bibig at magsasabing, “Juan, gusto kitang imbitahang sumama sa simbahan namin. Gusto kong basahin mo ang aklat na ito.” Kung gagawin ninyo ang simpleng bagay na iyon, maaari ninyong mabago ang buhay ng ibang tao.