2013
Ang Kapangyarihan, Galak, at Pagmamahal sa Pagtupad ng Tipan
Nobyembre 2013


Ang Kapangyarihan, Galak, at Pagmamahal sa Pagtupad ng Tipan

Inaanyayahan ko ang bawat isa sa atin na suriin kung gaano natin kamahal ang Tagapagligtas, gamit bilang panukat kung gaano tayo kagalak sa pagtupad ng ating mga tipan.

Gusto kong magsimula sa kuwentong umaantig sa puso ko.

Isang gabi pinapasok ng isang lalaki ang kanyang limang tupa sa kulungan para doon magpalipas ng magdamag. Natutuwang nagmasid ang pamilya niya nang sabihin niyang, “Pumasok na kayo,” at agad tumingin ang limang tupa sa kanyang direksyon. Nagtakbuhan ang apat na tupa papunta sa kanya. Magiliw niyang tinapik-tapik sa ulo ang bawat isa sa apat. Kilala ng mga tupa ang tinig niya at mahal siya ng mga ito.

Ngunit ang panlimang tupa ay hindi tumakbo papunta sa kanya. Isa itong malaking babaing tupa na ilang linggo pa lang ipinamigay ng may-ari, na nag-ulat na ito ay mailap, matigas ang ulo, at lagi nitong inililigaw ang ibang mga tupa. Tinanggap ng bagong may-ari ang tupa at itinali sa tulos sa kanyang bukid nang ilang araw para matuto itong huwag gumala. Matiyaga niya itong tinuruang mahalin siya at ang ibang mga tupa hanggang sa maikling lubid na lang ang nakatali sa leeg nito pero hindi na nakatulos.

Nang gabing iyon habang nakamasid ang kanyang pamilya, nilapitan ng lalaki ang tupa, na nakatayo sa gilid ng bukid, at magiliw na muling sinabi, “Halika na. Hindi ka na nakatali. Ikaw ay malaya na.” Pagkatapos ay magiliw niya itong nilapitan, hinaplos ito sa ulo, at lumakad siyang kasama nito at ng iba pang mga tupa pabalik sa kanlungan.1

Sa diwa ng kuwentong iyan, dalangin ko na tulungan tayo ng Espiritu Santo na sama-samang matuto ngayong gabi tungkol sa pagtupad ng tipan. Ang paggawa at pagtupad ng mga tipan ay pagpiling ibuklod ang ating sarili sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ito ay matibay na pangakong susundin ang Tagapagligtas. Ito ay pagtitiwala sa Kanya at paghahangad na magpasalamat para sa sakripisyo Niya upang mapalaya tayo sa pamamagitan ng walang-hanggang kaloob na Pagbabayad-sala.

Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland na “ang tipan ay isang may bisang espirituwal na kasunduan, isang taimtim na pangako sa Diyos na ating Ama na mamumuhay at mag-iisip at kikilos tayo sa isang partikular na paraan—sa paraan ng Kanyang Anak, ang Panginoong Jesucristo. Bilang kapalit, ipinapangako sa atin ng Ama, Anak, at Espiritu Santo ang ganap na kaluwalhatian ng buhay na walang hanggan.”2 Sa kasunduang iyan, ang Panginoon ang nagtatakda ng mga kundisyon at sumasang-ayon tayong tutuparin ang mga ito. Ang paggawa at pagtupad ng ating mga tipan ay pagpapakita ng ating pangakong maging katulad ng Tagapagligtas.3 Ang nararapat gawin ay pagsikapang magkaroon ng saloobing higit na naipapahayag sa ilang talata ng isang paboritong himno: “Tutungo ako saanman. O Diyos … Bibigkasin ko ang inyong nais. … Susundin ang Inyong utos.”4

Bakit Ba Kailangang Gumawa at Tumupad ng mga Tipan?

1. Ang pagtupad ng mga tipan ay nagpapalakas, nagbibigay-kakayahan, at nagpoprotekta.

Nakita ni Nephi sa pangitain ang mahahalagang pagpapalang ipinagkakaloob ng Panginoon sa mga tumutupad ng tipan: “At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ay namasdan ang kapangyarihan ng Kordero ng Diyos, na ito ay napasa … mga pinagtipanang tao ng Panginoon, … at nasasandatahan sila ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian.”5

Kamakailan ay nagkaroon ako ng bagong kaibigan. Pinatotohanan niya na matapos niyang matanggap ang kanyang endowment sa templo, nadama niyang nagkaroon siya ng lakas na labanan ang mga tuksong nahirapan siyang labanan noon.

Sa pagtupad ng ating mga tipan, nagkakaroon din tayo ng tapang at lakas na pagaanin ang mga pasanin ng isa’t isa. May isang nagdadalamhating miyembrong babae na may anak na malubha ang kapansanan. Dahil nananalig siya na tinutupad ng mga Relief Society sister ang kanilang tipan, lakas-loob niyang hiniling sa kanila na ipag-ayuno at ipagdasal ang kanyang anak. Ipinahayag ng isa pang sister na sana ay hiniling din niya iyon sa kanyang mga sister. Ilang taon bago iyon, nahirapan din ang kanyang anak. Inisip niya na sana ay nagpatulong siya sa kanila na pagaanin ang pasanin ng kanyang pamilya. Sabi ng Tagapagligtas, “Sa ganito’y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pagibig sa isa’t isa.”6

Ah, mga kapatid, lahat tayo ay may mga pasaning daranasin at pagagaanin. Ang pag-anyayang pasanin ang dalahin ng isa’t isa ay pag-anyayang tuparin ang ating mga tipan. Ang payo ni Lucy Mack Smith sa unang kababaihan ng Relief Society ay mas mahalaga ngayon kaysa rati: “Kailangan nating pakamahalin ang isa’t isa, [pangalagaan] ang isa’t isa, aliwin ang isa’t isa at maturuan, upang makaupo tayo nang magkakasama sa langit.”7 Ito ang pinakamagandang paraan ng pagtupad ng tipan at paggawa ng visiting teaching!

Ipinapaalala sa atin ng Aklat ni Mormon na maging ang propetang si Alma ay kinailangang tiisin ang pagkakaroon ng isang suwail na anak. Ngunit mapalad si Alma na magkaroon ng mga kapatid sa ebanghelyo na tumutupad ng mga tipan at tunay na nagbalik-loob sa Panginoon at alam kung paano pasanin ang dalahin ng isa’t isa. Pamilyar tayo sa talata sa Mosias tungkol sa taimtim na panalangin ni Alma para sa kanyang anak. Ngunit nakatala na “napakinggan ng Panginoon ang mga panalangin ng kanyang mga tao, at gayon din ang mga panalangin ng kanyang tagapaglingkod na si Alma.”8

Alam natin na nagagalak ang Panginoon “sa kaluluwang nagsisisi,”9 ngunit ang pinakahahangad natin sa lahat ay sundin ng ating mga anak ang payo ni Pangulong Henry B. Eyring na “simulan nang maaga at magpatuloy” ang paggawa at pagtupad ng mga tipan.10 Kailan lang ay may nakakahamon at taimtim na tanong na binanggit sa isang lupon ng mga priesthood at auxiliary leader: talaga bang inaasahan natin na tutuparin ng mga walong-taong-gulang ang kanilang mga tipan? Sa aming pagpupulong, iminungkahi na ang isang paraan para maihanda ang mga bata na gumawa at tumupad ng sagradong mga tipan sa binyag ay tulungan silang matutong gumawa at tumupad ng isang simpleng pangako.

Ang matatapat na magulang ay may karapatang malaman kung paano pinakamabuting magturo para matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang mga anak. Kapag ang mga magulang ay naghangad ng personal na paghahayag at kumilos ayon dito, nag-usap, naglingkod at nagturo ng mga simpleng alituntunin ng ebanghelyo, magkakaroon sila ng kapangyarihang patatagin at protektahan ang kanilang pamilya. Makakatulong din ang ibang mga miyembro ng pamilya. Itinuro sa amin ng mahal naming lolo ang kahalagahan ng pagtupad sa mga pangako sa isang simpleng awitin. Ganito ang sabi roon: “Bago ka mangako, pakaisipin mo ito. At kapag nangako na, ito ay isapuso. Ito ay isapuso.” Ang maikling awiting ito ay itinuro nang may pagmamahal, pananalig, at kapangyarihan dahil isinapuso ni Lolo ang kanyang mga pangako.

May kilala akong matalinong ina na isinasama ang mga anak niya sa pagtupad ng kanyang mga tipan. Masaya niyang pinagagaan ang mga pasanin ng mga kapitbahay, kaibigan, at miyembro ng ward—at inaaliw ang mga nangangailangan ng aliw. Hindi nakapagtataka na nagpatulong ang kanyang anak na babae kamakailan para malaman kung paano niya maaaliw ang kanyang kaibigang namatayan ng ama. Magandang pagkakataon iyon para ituro na ang hangarin niyang aliwin ang kanyang kaibigan ay isang paraan para matupad niya ang kanyang tipan sa binyag. Paano natin maaasahan ang mga bata na gumawa at tumupad ng mga tipan sa templo kung hindi natin aasahang tutuparin nila ang kanilang unang tipan—ang kanilang tipan sa binyag?

Sinabi ni Elder Richard G. Scott, “Ang isa sa pinakadakilang mga pagpapala na maibibigay natin sa mundo ay ang kapangyarihan ng isang tahanang nakasentro kay Cristo kung saan itinuturo ang ebanghelyo, tinutupad ang mga tipan, at may pagmamahalan.”11 Ano ang ilang paraan na makabubuo tayo ng gayong tahanan para maihanda ang ating mga anak na gumawa at tumupad ng mga tipan sa templo?

  • Maaari nating sama-samang tuklasin kung paano maging karapat-dapat sa temple recommend.

  • Maaari nating sama-samang tuklasin kung paano makinig sa Espiritu Santo. Dahil ang endowment sa templo ay natatanggap sa pamamagitan ng paghahayag, kailangan tayong magkaroon ng ganyang kakayahan.

  • Maaari nating sama-samang tuklasin kung paano matuto gamit ang mga simbolo, simula sa mga sagradong simbolo ng tipan at ng sakramento.

  • Maaari nating sama-samang tuklasin kung bakit sagrado ang katawan, bakit ito tinatawag na templo kung minsan, at paano nauugnay ang disenteng pananamit at ayos sa kasagraduhan ng kasuotan sa templo.

  • Maaari nating tuklasin ang plano ng kaligayahan sa mga banal na kasulatan. Kapag naging mas pamilyar tayo sa plano ng Ama sa Langit at sa Pagbabayad-sala sa mga banal na kasulatan, magiging mas makahulugan ang pagsamba sa templo.

  • Maaaring sama-sama tayong matuto tungkol sa mga kuwento ng ating mga ninuno, magsaliksik ng family history, mag-index, at magsagawa ng gawain sa templo para sa pumanaw nating mga mahal sa buhay.

  • Maaari nating sama-samang tuklasin ang kahulugan ng mga katagang tulad ng endowment, ordenansa, pagbubuklod, priesthood, mga susi, at iba pang mga katagang may kaugnayan sa pagsamba sa templo.

  • Maaari nating ituro na nagpupunta tayo sa templo para magkipagtipan sa ating Ama sa Langit—at umuuwi para tuparin ang mga ito!12

Alalahanin natin ang konsepto ng “maganda, mas maganda, at pinakamaganda” sa ating pagtuturo.13 Makabubuting ituro sa ating mga anak ang tungkol sa templo. Mas magandang ihanda at asahan silang gumawa at tumupad ng mga tipan. Pinakamagandang ipakita sa kanila sa ating halimbawa na masaya tayong tumutupad sa sarili nating mga tipan sa binyag at sa templo! Mga kapatid, nauunawaan ba natin ang ating mahalagang papel sa gawain ng kaligtasan sa ating pangangalaga, pagtuturo, at paghahanda sa ating mga anak sa landas ng tipan? Mauunawaan natin ito kapag iginalang at tinupad natin ang ating mga tipan.

2. Ang pagtupad ng mga tipan ay mahalaga para tunay na lumigaya.

Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson, “Ang mga sagradong tipan ay dapat nating pagpitaganan, at ang pagiging tapat dito ay kailangan para lumigaya.”14 Mababasa natin sa 2 Nephi, “At ito ay nangyari na, na kami ay namuhay nang maligaya.”15 Sa bandang unahan ng kabanatang ito nalaman natin na katatapos lamang magtayo ng templo ni Nephi at ng kanyang mga tao. Tunay ngang sila ay masayang tumutupad ng mga tipan! At mababasa natin sa Alma, “Subalit masdan hindi pa nagkaroon ng higit na masayang panahon sa mga tao ni Nephi, magmula sa mga araw ni Nephi, kaysa sa mga araw ni Moroni.”16 Bakit? Muli nating malalaman sa isang naunang talata na sila ay “matatapat sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon.”17 Ang mga tumutupad ng tipan ay sumusunod sa utos!

Gustung-gusto ko ang talatang nagsasabing: “At ngayon, nang marinig ng mga tao ang mga salitang ito [ang mga salita tungkol sa tipan sa binyag], ipinalakpak nila ang kanilang mga kamay sa kagalakan, at nagbulalas: Ito ang mga naisin ng aming mga puso.”18 Gustung-gusto ko ang naisin ng kanilang mga puso. Masaya nilang ninais na gumawa at tumupad ng kanilang mga tipan!

Isang araw ng Linggo isang dalagita ang masayang nagsabi, “Tatanggap ako ng sakramento ngayon!” Kailan tayo huling nagalak sa pribilehiyong iyan? At paano natin ito ipinakikita? Ginagawa natin ito sa laging pag-alaala sa Tagapagligtas at laging pagsunod sa Kanyang mga utos, kasama na riyan ang pagpapanatiling banal sa araw ng Kanyang Sabbath. Ginagawa natin ito sa laging pag-alaala sa Kanya kapag lagi tayong umuusal ng personal na panalangin at ng mga panalangin ng pamilya, araw-araw na pagbabasa ng mga banal na kasulatan, at mga family home evening linggu-linggo. At kapag hindi natin pinagtuunan o sineryoso ang mahahalagang bagay na ito, nagsisisi tayo at nagsisimulang muli.

Ang paggawa at masayang pagtupad ng ating mga tipan ay nagpapatibay at nagbibigay ng kahulugan sa mahalagang sagrado at nakapagliligtas na mga ordenansang kailangan nating matanggap para matamo ang “lahat ng mayroon ang Ama.”19 Ang mga ordenansa at tipan ang “mga napakahalagang espirituwal na pangyayari” na tinukoy ni Pangulong Henry B. Eyring nang ituro niya na: “Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay mga pinagtipanang tao. Mula sa araw ng binyag hanggang sa mahahalagang espirituwal na pangyayari sa ating buhay, nangangako tayo sa Diyos at nangangako rin Siya sa atin. Siya ay laging tumutupad sa Kanyang mga pangako sa pamamagitan ng Kanyang mga awtorisadong lingkod, ngunit ang pinakamahalagang pagsubok sa ating buhay ay ang alamin kung tayo ay gagawa at tutupad ng ating mga tipan sa Kanya.”20

3. Ang pagtupad ng ating mga tipan ay nagpapakita ng ating pagmamahal sa Tagapagligtas at sa ating Ama sa Langit.

Sa lahat ng dahilan kung bakit dapat nating higit na pagsikapang tuparin ang ating mga tipan, ito ang pinakamatindi—pagmamahal. May isang talata sa Lumang Tipan na umaantig sa puso ko kapag pinag-uusapan natin ang alituntunin ng pagmamahal. Sino sa atin ang hindi maaantig sa kuwento ng pag-ibig nina Jacob at Raquel kapag nabasa natin, “At naglingkod si Jacob dahil kay Raquel, na pitong taon; at sa kaniya’y naging parang ilang araw, dahil sa pagibig na taglay niya sa kaniya”?21 Mga kapatid, tinutupad ba natin ang ating mga tipan na may gayong uri ng matindi at tapat na pagmamahal?

Bakit handa ang Tagapagligtas na tuparin ang Kanyang mga tipan sa Ama at isakatuparan ang Kanyang banal na misyon na magbayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan? Iyon ay dahil sa pagmamahal Niya sa Kanyang Ama at sa atin. Bakit handa ang Ama na tulutan ang Kanyang Bugtong at perpektong Anak na dumanas ng hirap na di-kayang ilarawan upang pasanin ang mga kasalanan, sakit, at kahinaan ng sanlibutan at ang lahat ng di-makatarungan sa buhay na ito? Makikita natin ang kasagutan sa mga salitang ito: “Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak.”22

“Kung ganap nating pinahahalagahan ang maraming pagpapalang napasaatin dahil sa pagtubos na ginawa para sa atin, walang iuutos sa atin ang Panginoon na hindi natin sabik at handang gawin.”23 Ayon sa pahayag na ito ni Pangulong Joseph Fielding Smith, ang pagtupad ng tipan ay isang paraan ng pagpapakita ng ating pagmamahal sa di-maunawaan at walang-hanggang Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas at Manunubos at sa sakdal na pagmamahal ng ating Ama sa Langit.

Makabagbag-damdamin ang pahayag ni Elder Holland, “Hindi ko tiyak kung ano ang mangyayari sa atin sa Araw ng Paghuhukom, ngunit ikagugulat ko nang lubos kung sa ating pakikipag-usap sa Diyos ay hindi niya itatanong sa atin ang mismong itinanong ni Cristo kay Pedro na: ‘Inibig mo baga ako?’”24 Ngayong gabi inaanyayahan ko ang bawat isa sa atin na suriin kung gaano natin kamahal ang Tagapagligtas, at gamiting panukat kung gaano kasaya natin tinutupad ang ating mga tipan. Sinabi ng Tagapagligtas, “Ang mayroon ng aking mga utos, at tinutupad ang mga yaon, ay siyang umiibig sa akin: at ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama, at siya’y iibigin ko, at ako’y magpapakahayag sa kaniya.”25 Kailangang-kailangan nating maipakita palagi na nasa buhay natin ang Tagapagligtas araw-araw!

Alalahanin natin na maging ang mga nalihis ng landas noon o nahihirapan ngayon ay madarama ang haplos ng kamay ng Mabuting Pastor sa kanilang ulo at maririnig ang Kanyang tinig na nagsasabing: “Halika na. Hindi ka na nakatali. Malaya ka na.” Sabi ng Tagapagligtas, “Ako ay mabuting pastor: ibinibigay ng mabuting pastor ang kaniyang buhay dahil sa mga tupa.”26 Masasabi Niya iyan dahil tinupad Niya ang Kanyang mga tipan nang may pagmamahal. Ang tanong ay, tayo rin kaya? Nawa’y sumulong tayo nang may pananampalataya, masayahing puso, at matinding hangaring tuparin ang mga tipan. Sa ganito natin maipapakita ang ating pagmamahal sa ating Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas, na kapwa ko pinatototohanan nang may lubos na pagmamahal sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa D. Todd Christofferson, “Ikaw ay Malaya,” Liahona, Mar. 2013, 16, 18.

  2. Jeffrey R. Holland, “Pagtupad ng mga Tipan: Isang Mensahe para sa mga Magmimisyon,” Liahona, Ene. 2012, 49.

  3. Tingnan sa “Pag-unawa sa Ating mga Tipan sa Diyos,” Liahona, Hulyo 2012, 23.

  4. “Tutungo Ako Saanman,” Mga Himno, blg. 171; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  5. 1 Nephi 14:14.

  6. Juan 13:35.

  7. Lucy Mack Smith, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society (2011), 30.

  8. Mosias 27:14; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  9. Doktrina at mga Tipan 18:13.

  10. Tingnan sa Henry B. Eyring, “Kahandaang Espirituwal: Simulan nang Maaga at Magpatuloy,” Liahona, Nob. 2005, 37–40.

  11. Richard G. Scott, “Para sa Kapayapaan sa Tahanan,” Liahona, Mayo 2013, 30.

  12. Tingnan sa D. Todd Christofferson, “The Gospel Answers Life’s Problems and Challenges” (pandaigdigang pulong sa pagsasanay sa pamumuno, Peb. 2012); lds.org/broadcasts.

  13. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Maganda, Mas Maganda, Pinakamaganda,” Liahona, Nob. 2007, 104.

  14. Thomas S. Monson, “Happiness—the Universal Quest,” Liahona, Mar. 1996, 5.

  15. 2 Nephi 5:27.

  16. Alma 50:23.

  17. Alma 50:22.

  18. Mosias 18:11.

  19. Doktrina at mga Tipan 84:38.

  20. Henry B. Eyring, “Witnesses for God,” Ensign, Nob. 1996, 30; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  21. Genesis 29:20.

  22. Juan 3:16.

  23. Joseph Fielding Smith, “Importance of the Sacrament Meeting,” Relief Society Magazine, Okt. 1943, 592.

  24. Jeffrey R. Holland, “Ang Unang Dakilang Utos,” Liahona, Nob. 2012, 84.

  25. Juan 14:21.

  26. Juan 10:11.