Randall L. Ridd
Bagong Pangalawang Tagapayo sa Young Men General Presidency
Bilang anak ng isang manggagawa, maagang natutuhan ni Randall L. Ridd na mahalagang gawin ang isang trabaho sa tamang paraan. Sa ilang pagkakataon, kahit tapos na ng batang si Randall ang isang trabaho, maririnig pa rin niya ang kanyang amang si Leon Ridd na magsabi ng, “Hindi ka pa tapos.”
Ang gayong pagiging metikuloso ay nakintal sa isipan ng lalaking naglilingkod ngayon bilang pangalawang tagapayo sa Young Men general presidency. Hanggang ngayon ay naririnig pa niya kung minsan ang mahigpit ngunit mapagmahal na mga salita ng kanyang ama kapag ginagawa niya ang kanyang mga tungkulin sa trabaho, sa pamilya, at sa Simbahan: “Hindi ka pa tapos; gawin mo ‘yan nang tama.”
Sinabi ni Brother Ridd na ang ugali ng kanyang pamilya sa trabaho ay naging pagpapala sa buhay niya. Gayon din ang ginagawa ng mga tagapagturo at lider ng priesthood na paminsan-minsang gumagabay sa kanya sa landas ng ebanghelyo. Habang marami sa kanyang mga kaklase sa high school ang tumanggap ng mission call sa edad na 19, pinili ni Randall na mag-aral sa kolehiyo at magpalista sa hukbong sandatahan. Kalaunan ay nagtrabaho siya bilang X-ray technician habang patuloy na nag-aaral sa University of Utah. Sinabihan siya ng ilang matatalinong lalaki na ang lugar para sa kanya ay sa mission field. Sinunod niya ang sinabi nila at nagpadala ng kanyang aplikasyon para magmisyon. Hindi nagtagal ay ibinabahagi na niya ang ebanghelyo sa Mexico North Mission. “Hindi ko maisip kung ano ang magiging buhay ko kung hindi ako nagmisyon,” sabi niya.
Umuwi siya, nagpatuloy sa pag-aaral, at ikinasal kay Tamina Roark sa Salt Lake Temple noong 1975. Nagkaroon ng apat na anak ang mga Ridd habang umuunlad si Brother Ridd sa kanyang propesyon sa commercial real estate at iba pang negosyo.
Mahal pa rin niya ang gawaing misyonero. Siya ang namuno sa Ecuador Guayaquil North Mission mula 2005 hanggang 2008 at muling nasaksihan ang pagbabagong dulot ng full-time mission sa buhay ng isang binata o dalaga.
Si Brother Ridd ay naglilingkod bilang miyembro ng Young Men general board nang tawagin siya sa Young Men general presidency noong Mayo 2013.