2013
Pagpapabilis sa Plano ng Panginoon!
Nobyembre 2013


Pagpapabilis sa Plano ng Panginoon!

Kailangan nating bumuo at magsagawa ng sarili nating plano upang masigasig na maglingkod na kasama ng mga full-time missionary.

Ilang taon na ang nakalipas kinailangan kong kausapin ang asawa ng isa sa mga bishop sa aming stake, kaya’t tumawag ako sa kanilang tahanan. Isang batang anak na lalaki ang sumagot sa telepono. Sabi ko, “Hello. Nariyan ba ang nanay mo?”

Sagot niya ay: “Opo, narito siya. Tatawagin ko po. Sino po sila?”

Ang sagot ko’y: “Sabihin mo si President Nielsen ito.”

Tumigil siya saglit, at pagkatapos, sa nakakatuwang tinig, narinig kong, “Nay, si President Hinckley po nasa telepono!”

Hindi ko maisip kung ano ang maaaring iniisip noon ng ina. Siguro iyon ang pinakamatagal na paglalakad niya papunta sa telepono. Pumasok sa isip ko: “Dapat ba akong magpanggap?” Hindi ako nagpanggap, pero nagkatawanan kami. Ngayon kapag naiisip ko ito, siguro nadismaya siya na ako ang nakausap niya.

Ano ang gagawin ninyo kung ang propeta ng Panginoon ay talagang tumawag sa inyo? Talagang tumatawag siya! Si Pangulong Thomas S. Monson, tulad ng ginawa niya ulit sa umagang ito, ay tinatawag ang bawat isa sa atin sa isang napakahalagang gawain. Sabi niya, “Panahon na para ang mga miyembro at missionary ay magsama-sama, magtulungan, magsigawa sa ubasan ng Panginoon upang magdala ng mga kaluluwa sa Kanya” (“Pananampalataya sa Gawain ng Kaligtasan,” [brodkast para sa pandaigdigang pagsasanay sa pamumuno, Hunyo 2013]; lds.org/broadcasts).

Nakikinig ba tayo?

Sa buong mundo, ang mga stake, district, at mission ay dumaranas ng bagong antas ng kasiglahan, habang natutupad ang pahayag ng Tagapagligtas kay Joseph Smith noong 1832 na: “Masdan, aking mamadaliin ang aking gawain sa panahon nito” (D at T 88:73).

Mga kapatid, ang panahong iyon ay ngayon na! Nadarama ko ito, at natitiyak kong kayo rin.

Gusto kong ipakita sa gawa ang aking pananabik at pananampalataya kay Jesucristo. Noong naglalaro ako ng football, ang nasa isip ko ay mga game plan. Tiwala kami noon na sa pagsali sa contest, kung ang aming team ay handa sa tamang paglalaro, magtatagumpay kami. Gayunman, nakausap ko kamakailan ang kilala at mahusay na coach ng BYU na si LaVell Edwards tungkol sa aming mga game plan, at sabi niya, “Wala akong pakialam noon kung ano ang gusto mong laro basta ang mahalaga ay makapuntos tayo!” Bilang isa sa kanyang mga quarterback, akala ko mas kumplikado pa roon, pero siguro ang kanyang simpleng pilosopiya ang dahilan kaya ipinangalan sa kanya ang isang istadyum.

Yamang tayong lahat ay kabilang sa team ng Panginoon, may kani-kaniya ba tayong plano para manalo sa laro? Handa ba tayong maglaro? Kung tayo, bilang mga miyembro, ay tunay na nagmamahal sa ating pamilya, mga kaibigan, at kasamahan, hindi ba natin gugustuhing ibahagi sa kanila ang ating patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo?

Sa seminar para sa mga bagong mission president noong Hunyo, naitalang 173 bagong president at kanilang mga asawa ang tumanggap ng mga huling tagubilin bago simulan ang paglilingkod nila. Lahat ng 15 miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagsalita sa espesyal na grupong ito.

Idinagdag ni Elder L. Tom Perry sa pangwakas na mensahe: “Ito ang pinakamahalagang panahon sa kasaysayan ng Simbahan. Ito ay katumbas ng mga dakilang pangyayari na naganap noon sa kasaysayan, gaya ng Unang Pangitain, gaya ng kaloob na Aklat ni Mormon, gaya ng Panunumbalik ng Ebanghelyo, gaya ng lahat ng bagay na nagtatayo sa pundasyong iyon upang makasulong tayo at magturo sa kaharian ng ating Ama sa Langit” (“Concluding Remarks” [mensaheng ibinigay sa seminar para sa mga bagong mission president, Hunyo 26, 2013], 1, Church History Library, Salt Lake City).

Kailangan tayong makibahagi higit kailanman upang tumugma sa kasiglahan ng ating mga lider at sa katapatan ng ating mga full-time missionary. Ang gawaing ito ay hindi susulong sa paraang nilayon ng Panginoon kung wala tayo! Gaya ng sabi ni Pangulong Henry B. Eyring, “Anuman ang ating edad, kakayahan, tungkulin sa Simbahan, o kinaroroonan, tayong lahat ay tinawag sa gawain upang tulungan Siya sa pag-aani ng mga kaluluwa” (“Tayo’y Nagkakaisa,” Liahona, Mayo 2013, 62).

Maaari ko bang ibahagi sa inyo ang isang plano na nadama kong dapat isagawa matapos manalangin, basahin ang kabanata 13 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo, at pag-isipan ang mga naging karanasan noon? Inaanyayahan ko kayong isaisip ang tatlong puntong ito habang iniisip ang inyong sariling plano.

Una, ipanalangin na mas mailapit ang isang tao sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo araw-araw. Magagawa ninyo ito sa pagturing sa lahat ng tao bilang mga anak ng Diyos at pagtulong sa isa’t isa sa paglalakbay pauwi. Isipin ang mga magiging bagong kaibigan ninyo.

Pangalawa, ipagdasal ang mga missionary na naglilingkod sa inyong lugar at banggitin ang pangalan ng kanilang mga investigator araw-araw. Ang tanging paraan para gawin ito ay batiin sila, tingnan ang kanilang badge, tawagin ang kanilang pangalan, at itanong kung sino ang tinuturuan nila. Matalinong sinabi ni Elder Russell M. Nelson, “Hangga’t hindi ninyo kilala sa pangalan at mukha ang isang tao, hindi kayo matutulungan ng Panginoon na malaman ang niloloob ng kanyang puso.”

Dumalo ako sa binyag ng isang kahanga-hangang babae, na nagbahagi ng kanyang patotoo. Palagi kong maaalala ang sinabi niya na, “Ngayon lang may ganito karaming tao na nagdarasal para sa akin at nagmahal sa akin nang lubos! Alam ko na totoo ang gawaing ito!”

Pangatlo, anyayahan ang isang kaibigan sa isang aktibidad sa loob o labas man ng inyong tahanan. Saanman kayo magpunta o anuman ang inyong ginagawa, isipin kung sino ang masisiyahan sa aktibidad at pakinggan ang Espiritu habang ginagabayan Niya kayo.

Isang aral ang itinuro ng Tagapagligtas sa akin sa personal kong pag-aaral ng ebanghelyo na pinaniniwalaan kong angkop talaga sa “pagpapabilis.” Kapag maganda ang pakiramdam ko sa isang bagay, nakikita ito sa aking pagsusulat at madalas natatapos sa exclamation point na nagpapahiwatig ng “matinding damdamin [o] indikasyon ng malaking kahalagahan” (Merriam-Webster’s Collegiate Dictionary, ika-11 ed. [2003], “exclamation point”).

Naging interesado ako nang ang mga talata tungkol sa “pagtitipon” na nagtatapos sa punctuation mark na ito ay nagsimula kong makita, gaya ng taos-pusong pagsamo ni Alma: “O na ako’y isang anghel, at matatamo ang mithiin ng aking puso, na ako ay makahayo at makapangusap nang may pakakak ng Diyos, nang may tinig upang mayanig ang mundo, at mangaral ng pagsisisi sa lahat ng tao!” (Alma 29:1).

Ayon sa pagsasaliksik mayroong 65 talata na nagpapakita ng ganitong uri ng matinding damdamin ng missionary, kabilang na ang mga ito:

“At anong laki ng kanyang kagalakan sa kaluluwang nagsisisi! …

“At kung mangyayaring kayo ay gagawa nang buo ninyong panahon sa pangangaral ng pagsisisi sa mga taong ito, at magdala, kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong kagalakang kasama niya sa kaharian ng aking Ama!

“At ngayon, kung ang inyong kagalakan ay magiging malaki sa isang kaluluwa na inyong nadala sa akin sa kaharian ng aking Ama, anong laki ng inyong kagalakan kung makapagdadala kayo ng maraming kaluluwa sa akin!” (D at T 18:13, 15–16).

Ang pagkaunawa ko sa mga pambihirang talatang ito ay nagkaroon ng mahalagang papel sa unang assignment ko bilang Area Seventy. Medyo kabado ako noon dahil kasama ko ang isang Apostol, si Elder Quentin L. Cook, sa stake conference. Pagpasok ko sa opisina ng stake president para sa unang miting sa linggong iyon, napansin ko ang isang pares ng luma at kulay tansong sapatos na nasa kabinet sa likod ng kanyang mesa, may kasama itong talata mula sa banal na kasulatan na nagtatapos sa exclamation point. Nang basahin ko iyon, nadama kong batid ng Panginoon ang pag-aaral ko, sinagot ang mga dasal ko, at na alam Niya talaga ang kailangan ko para mapanatag ang balisang puso ko.

Hiniling ko sa stake president na ikuwento sa akin ang tungkol sa sapatos.

Sabi niya:

“Ito ay sapatos ng isang batang naging miyembro ng Simbahan na ang pamilya ay mahirap, gayunman determinado siyang matagumpay na makapagmisyon at nagawa niya ito sa Guatemala. Nang bumalik siya nagkita kami para ipaabot ang honorable release at napansin ko ang kanyang lumang-lumang sapatos. Ibinigay ng binatang ito ang lahat ng mayroon siya sa Panginoon nang walang gaano, kung mayroon man, na suporta ng pamilya.

“Napansin niyang nakatingin ako sa kanyang sapatos at nagtanong, ‘President, may problema po ba?’

“Sumagot ako, ‘Wala, Elder, ayos lang ang lahat! Puwede bang akin na lang ang sapatos mo?’”

Sabi pa ng stake president: “Ang paggalang at pagmamahal ko sa pauwing missionary na ito ay nag-uumapaw! Gusto kong lagi itong maalala, kaya’t hiningi ko ang kanyang kulay tansong sapatos. Paalala ito sa akin sa pagpasok ko sa opisinang ito na tayong lahat ay kailangang magbahagi anuman ang ating kalagayan. Ang talata ay mula sa Isaias: ‘Anong pagkaganda sa mga bundok ng mga paa niyaong nagdadala ng mga mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan, na nangagdadala ng mga mabuting balita sa ikabubuti, na nagtatanyag ng kaligtasan, na nagsasabi sa Sion, Ang iyong Dios ay naghahari!’ (Isaias 52:7).”

Mahal kong mga kapatid, ang butihing asawa ng bishop ay maaaring nagtataka kung bakit siya tinawagan ng propeta. Nagpapatotoo ako na siya at tayo ay hindi na dapat magtaka pa—EXCLAMATION POINT!

Alam ko na kailangan nating bumuo at magsagawa ng sarili nating plano na masigasig na maglingkod na kasama ng mga full-time missionary—EXCLAMATION POINT!

Idaragdag ko ang aking patotoo sa patotoo ni Propetang Joseph Smith: “At ngayon, matapos ang maraming patotoo na ibinigay hinggil sa kanya, ito ang patotoo, na pinakahuli sa lahat, na aming ibibigay tungkol sa kanya: Na siya ay buhay!” (D at T 76:22). Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.