2013
Halina at Sumama sa Amin
Nobyembre 2013


Halina, Sumama sa Amin

Anuman ang inyong mga kalagayan, sariling kuwento ng buhay, o lakas ng patotoo, may lugar para sa inyo sa Simbahang ito.

Minsan may isang lalaki na nanaginip na nasa malaking bulwagan siya na pinagtipunan ng mga kinatawan ng mga relihiyon mula sa iba’t ibang bansa. Nalaman niya na maraming bagay sa bawat relihiyon ang kanais-nais at mahalaga.

Nakilala niya ang mabait na mag-asawang kumatawan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at tinanong sila, “Ano ang ipinapagawa ninyo sa mga miyembro ninyo?”

“Wala kaming ipinapagawa sa mga miyembro namin,” sagot nila. “Pero gusto ng Panginoon na ilaan namin ang lahat.”

Ipinaliwanag ng mag-asawa ang mga tungkulin sa Simbahan, ang home teaching at visiting teaching, full-time na misyon, lingguhang family home evening, gawain sa templo, welfare at pagkakawanggawa, at pagtuturo sa klase.

“Binabayaran ba ninyo ang mga tao ninyo sa lahat ng ginagawa nila?” tanong ng lalaki.

“Ah, hindi,” ang sagot ng mag-asawa. “Nag-uukol sila ng panahon nang walang bayad.”

“Isa pa,” patuloy ng mag-asawa, “kada anim na buwan, dumadalo o nanonood ang mga miyembro ng Simbahan namin ng 10 oras na pangkalahatang kumperensya.”

“Sampung oras na nagbibigay ng mensahe?” tanong ng lalaki.

“Kumusta naman ang lingguhang simba ninyo? Gaano ito katagal?”

“Tatlong oras, kada Linggo!”

“Talaga,” sabi ng lalaki. “Ginagawa ba talaga ng mga miyembro ng Simbahan ninyo ang lahat ng sinabi ninyo?”

“Oo at hindi lang iyan. Hindi pa namin nabanggit ang pagsasaliksik ng family history, youth camp, debosyonal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagsasanay sa mga namumuno, linggu-linggong aktibidad ng kabataan, maagang klase ng seminary, boluntaryong pagmementena ng gusali ng Simbahan, at syempre ang batas ng kalusugan ng Panginoon, buwanang pag-aayuno para makatulong sa maralita, at pagbabayad ng ikapu.”

Sabi ng lalaki, “Ngayon naguguluhan na ako. Bakit naman gugustuhin ng sinuman na magpamiyembro sa ganyang simbahan?”

Ngumiti ang mag-asawa at sinabi, “Mabuti’t naitanong mo.”

Bakit Gugustuhin ng Sinuman na Magpamiyembro sa Ganitong Simbahan?”

Sa panahong maraming simbahan ang bumababa ang bilang ng mga miyembro, ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw—bagama’t maliit lang kumpara sa iba—ay isa sa mabibilis umunlad na simbahan sa mundo. Nitong Setyembre 2013 ang Simbahan ay may mahigit 15 milyong miyembro sa buong mundo.

Maraming dahilan kung bakit, pero hayaan ninyong magbigay lang ako ng ilan.

Ang Simbahan ng Tagapagligtas

Una, ang Simbahang ito ay ipinanumbalik ni Jesucristo sa ating panahon. Makikita ninyo rito ang awtoridad na kumilos sa Kanyang pangalan—magbinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan, igawad ang kaloob na Espiritu Santo, at magbuklod sa lupa at sa langit.1

Ang mga sumasapi sa Simbahang ito ay nagmamahal sa Tagapagligtas na si Jesucristo at gusto nilang sundin Siya. Nagagalak sila na malamang nangungusap na muli ang Diyos sa mga tao. Kapag tumatanggap sila ng mga sagradong ordenansa ng priesthood at nakikipagtipan sa Diyos, nadarama nila ang Kanyang kapangyarihan sa kanilang buhay.2 Kapag pumapasok sila sa templo, nadarama nila ang Kanyang presensya. Kapag nagbabasa sila ng mga banal na kasulatan3 at ipinamumuhay ang mga turo ng Kanyang mga propeta, mas nalalapit sila sa Tagapagligtas na kanilang pinakamamahal.

Ipinapamuhay na Pananampalataya

Isa pang dahilan ay ang pagbibigay ng Simbahan ng mga pagkakataong gumawa ng mabuti.

Ang paniniwala sa Diyos ay kapuri-puri, ngunit hindi lamang gusto ng maraming tao na makinig sa magagandang mensahe o mangarap ng biyayang naghihintay.4 Gusto nilang ipamuhay ang kanilang pananampalataya. Gusto nilang ihanda ang kanilang sarili at makibahagi sa dakilang gawaing ito.

At iyan ang nangyayari kapag sumapi sila sa atin—marami silang oportunidad na gamitin ang kanilang talento, pagkakawanggawa, at panahon sa mabubuting gawain. Dahil hindi swelduhan ang mga namumuno sa mga kongregasyon natin sa buong mundo, ang mga miyembro natin mismo ang naglilingkod para sa gawain. Tinatawag sila nang may inspirasyon ng langit. Kung minsan ay nagboboluntaryo tayo; kung minsan ay“ibinoboluntaryo tayo.” Hindi natin itinuturing na pasanin ang mga atas kundi mga oportunidad na tuparin ang mga tipan na masaya nating ginagawa para paglingkuran ang Diyos at Kanyang mga anak.

Natatanging mga Pagpapala

Ang pangatlong dahilan ng pagsapi ng mga tao sa Simbahan ay dahil may natatanging pagpapala ang pagiging disipulo.

Itinuturing natin ang binyag bilang simula ng pagiging disipulo. Ang araw-araw na pagtahak sa landas ni Jesucristo ay humahantong sa kapayapaan at layunin sa buhay na ito at matinding galak at walang hanggang kaligtasan sa kabilang buhay.

Ang tapat na sumusunod sa landas na ito ay makaiiwas sa mga pagkakamali, kalungkutan, at panghihinayang sa buhay.

Ang mga mapagkumbabang-loob at matapat ay makatatagpo ng malaking kayamanan ng kaalaman dito.

Ang mga nagdurusa o nagdadalamhati ay mapapanatag dito.

Ang mga nagdurusa sa kanilang kasalanan ay mapapatawad, mapapalaya, at mapapayapa.

Sa mga Nagsisialis

Ang paghahanap ng katotohanan ay nagdala sa milyong mga tao sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Subalit may ilang iniiwan ang Simbahan na dati nilang mahal.

Maaaring may magtanong, “Kung napakaganda ng ebanghelyo, bakit may mga umaalis pa?”

Kung minsan iniisip natin na iyon ay dahil nasaktan ang loob nila o kaya ay tamad o nagkasala sila. Ang totoo, hindi iyon ganoon kasimple. Sa katunayan, iba’t iba ang dahilan sa magkakaibang sitwasyon.

Ilan sa mga miyembro natin ang matagal nang pinag-iisipan kung lalayo sa Simbahan o hindi.

Sa Simbahang ito na pinahahalagahan ang kalayaang pumili, Simbahang ipinanumbalik ng isang binatilyo na nagtanong at naghanap ng sagot, nirerespeto natin ang mga tapat na nagsasaliksik ng katotohanan. Maaaring malungkot tayo kapag lumalayo sila sa Simbahang minamahal natin at sa katotohanang natagpuan natin, ngunit kinikilala natin ang karapatan nilang sambahin ang Pinakamakapangyarihang Diyos ayon sa atas ng kanilang budhi, na karapatan din natin.5

Hindi Nasagot na mga Katanungan

Ilan sa atin ang nababagabag sa mga tanong na hindi nasagot tungkol sa mga nangyari o nasabi noon. Tinatanggap natin na sa halos 200 taon ng kasaysayan ng Simbahan—kasabay ng patuloy na magaganda, marangal, at sagradong mga pangyayari—may mga nasabi at nagawa na naging dahilan ng pagtatanong ng mga tao.

Kung minsan nagtatanong tayo dahil lang sa kulang tayo sa impormasyon at kailangan lang nating maghintay pa nang kaunti. Kapag ang buong katotohanan ay naihayag na, ang mga bagay na hindi natin maunawaan noon ay lubos na ipauunawa sa atin.

Kung minsan iba-iba ang opinyon sa talagang kahulugan ng “katotohanan.” Ang tanong na nagiging dahilan ng pagdududa ng iba, matapos ang masusing pagsisiyasat, ay maaaring magpalakas naman ng pananampalataya ng iba.

Mga Pagkakamali ng mga Taong Hindi Perpekto

At, sinasabi ko ito nang buong katapatan, may mga pagkakataon na ang mga miyembro o mga lider ng Simbahan ay nagkakamali rin. Maaaring may mga bagay na sinabi o ginawa na hindi ayon sa ating mga pinahahalagahan, alituntunin, o doktrina.

Palagay ko magiging perpekto lang ang Simbahan kung pinangangasiwaan ito ng mga perpektong tao. Ang Diyos ay perpekto, at ang doktrina Niya ay dalisay. Ngunit kumikilos Siya sa pamamagitan natin—na Kanyang mga anak na hindi perpekto—at ang mga taong hindi perpekto ay nagkakamali.

Mababasa natin sa Aklat ni Mormon, “At ngayon, kung may mga pagkakamali ang mga yaon ay kamalian ng mga tao; dahil dito, huwag ninyong hatulan ang mga bagay ng Diyos, nang kayo ay matagpuang walang bahid-dungis sa hukumang-luklukan ni Cristo.”6

Ganito na ito noon pa at magpapatuloy ito bago dumating ang perpektong panahon na maghahari si Cristo sa mundo.

Nakalulungkot na nanghihina ang iba dahil sa mga pagkakamali ng tao. Ngunit sa kabila nito, ang walang hanggang katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo na matatagpuan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nadudungisan, napahihina, o nasisira.

Bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo at bilang isang nakasaksi mismo sa mga kapulungan at gawain ng Simbahang ito, tapat kong pinatototohanan na walang mahalagang pagpapasiyang nakakaapekto sa Simbahan at sa mga miyembro nito ang ginawa nang hindi taimtim na inihingi ng inspirasyon, patnubay, at pagsang-ayon ng ating Walang Hanggang Ama sa Langit. Ito ang Simbahan ni Jesucristo. Hindi hahayaan ng Diyos na malihis ang Kanyang Simbahan mula sa itinakdang landas nito ni mabigong isakatuparan ang banal na tadhana nito.

May Lugar para sa Inyo

Sa mga inilayo ang kanilang sarili sa Simbahan, gusto kong sabihin, mga minamahal kong kaibigan, na may lugar dito para sa inyo.

Halina at idagdag ang inyong mga talento, kaloob, at kakayahan sa amin. Tayong lahat ay higit na mapapabuti dahil dito.

Maaring itanong ng ilan, “Paano na ang mga katanungan ko?”

Natural lamang ang magtanong—ang binhi ng tapat na pagtatanong ay kadalasang sumisibol at lumalagong tulad ng malaking puno ng pang-unawa. May ilang mga miyembro ng Simbahan na, sa anumang pagkakataon, ay hindi nagkaroon ng anumang malalim o sensitibong tanong. Isa sa mga layunin ng Simbahan ang pangalagaan at linangin ang binhi ng pananampalataya—ito man ay nasa lupa ng pagdududa at walang-katiyakan. Ang pananampalataya ay pag-asa sa mga bagay na hindi nakikita ngunit totoo.7

Kung gayon, mahal kong mga kapatid—mahal kong mga kaibigan—mangyaring pagdudahan muna ang inyong pagdududa bago ninyo pagdudahan ang inyong pananampalataya.8 Hindi natin dapat hayaang pigilan tayo ng pagdududa at ilayo tayo sa dakilang pagmamahal, kapayapaan at mga natatanging kaloob na dulot ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.

Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi ako nababagay sa mga tao sa Simbahan ninyo.”

Kung titingnan ninyo ang aming mga puso, makikita ninyo na nababagay kayo nang higit sa inaakala ninyo. Maaaring ikagulat ninyo na malamang may mga inaasam at paghihirap din kami na katulad ng sa inyo. Ang inyong pinagmulan o kinalakhan ay maaaring iba sa nakikita ninyo sa maraming Banal sa mga Huling Araw, ngunit iyan ay maaaring maging pagpapala. Mga kapatid, mahal naming mga kaibigan, kailangan namin ang natatangi ninyong talento at pananaw. Ang pagkakaiba-iba ng mga indibiduwal at grupo sa iba’t ibang panig ng mundo ay lakas ng Simbahang ito.

Maaaring sabihin ng ilan, “Palagay ko hindi ako makakaayon sa mga pamantayan ninyo.”

Mas lalo kayong dapat sumama sa amin kung gayon! Layunin ng Simbahan na pangalagaan ang mga may kakulangan, nahihirapan, at napapagal. Puno ito ng mga taong naghahangad nang buong puso na sundin ang mga kautusan, kahit kulang pa ang kakayahan nilang sundin ang mga ito.

Maaaring sabihin ng ilan, “May kilala akong miyembro ng Simbahan ninyo na mapagkunwari. Kahit kailan hindi ako sasapi sa simbahan na may ganyang klase ng miyembro.”

Kung ang kahulugan sa inyo ng mapagkunwari ay hindi ganap na pamumuhay ng kanyang pinaniniwalaan, kung gayon lahat kami ay mapagkunwari. Wala ni isa sa amin ang ganap na tulad ni Cristo na alam naming siyang dapat naming kahinatnan. Ngunit taimtim naming hinahangad na itama ang mga pagkakamali namin at huwag magkasala. Buong puso at kaluluwa naming hinahangad na maging mas mabuti sa tulong ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Kung ito ang inyong mga hangarin, kung gayon anuman ang inyong mga kalagayan, sariling kuwento ng buhay, o lakas ng patotoo, may lugar para sa inyo sa Simbahang ito. Halina at sumama sa amin!

Halina at Sumama sa Amin!

Sa kabila ng aming mga kahinaan bilang tao, tiwala ako na makikita ninyo sa mga miyembro ng Simbahang ito ang marami sa pinakamabubuting tao sa mundo. Ang Simbahan ni Jesucristo ay nahihikayat ang mababait at mapagmahal, ang matatapat at masisigasig.

Kung inaasahan ninyong makakakita kayo ng mga perpektong tao rito, mabibigo kayo. Ngunit kung hahanapin ninyo ang dalisay na doktrina ni Cristo, ang salita ng Diyos “na humihilom sa sugatang kaluluwa,”9 at ang nakapagpapabanal na impluwensya ng Espiritu Santo, makikita ninyo rito ang mga ito. Sa panahong ito ng paghina ng pananampalataya—kung saan marami ang nakakaramdam na malayo na sila sa Diyos—makikita ninyo rito ang mga taong inaasam na makilala at mapalapit sa kanilang Tagapagligtas sa paglilingkod sa Diyos at kanilang kapwa, tulad ninyo. Halina at sumama sa amin!

Magsisialis Din ba Kayo?

Naaalala ko ang panahon sa buhay ng Tagapagligtas noong Siya ay talikuran ng marami.10 Tinanong ni Jesus sa Kanyang labindalawang disipulo:

“Ibig baga ninyong magsialis din naman?

“Sinagot siya ni Simon Pedro, Panginoon, kanino kami magsisiparoon? ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan.”11

May mga pagkakataong gayon din ang mga tanong na kailangan nating sagutin. Magsisialis din ba tayo? O tayo ba, tulad ni Pedro, ay mahigpit na kakapit sa mga salita ng buhay na walang hanggan?

Kung naghahanap kayo ng katotohanan, kabuluhan at paraang isabuhay ang inyong pananampalataya; kung naghahanap kayo ng lugar na makakabilang kayo: Halina at sumama sa amin!

Kung iniwan ninyo ang relihiyong dati ninyong tinanggap: Bumalik na muli. Sumama sa amin!

Kung natutukso kayong sumuko: Magtiis pa nang kaunti. May lugar dito para sa inyo.

Nagsusumamo ako sa inyo na nakaririnig o nakababasa ng mga salitang ito: Halina at sumama sa amin Halina’t pakinggan ang pagtawag ng mapagmahal na Cristo. Pasanin ang inyong krus at sumunod sa Kanya.12

Halina at sumama sa amin! Sapagka’t dito ay matatagpuan ninyo ang isang bagay na hindi matutumbasan ng salapi.

Pinatototohanan ko na makikita ninyo rito ang mga salita ng buhay na walang hanggan, ang pangako ng dakilang pagtubos, at ang landas tungo sa kapayapaan at kaligayahan.

Taimtim kong idinadalangin na ang paghahanap ninyo ng katotohanan ay magtitimo sa inyong puso ng hangaring sumama sa amin. Sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.