2013
Pagbati sa Kumperensya
Nobyembre 2013


Pagbati sa Kumperensya

Dalangin ko na mapuspos tayo ng Espiritu ng Panginoon habang tayo ay nakikinig at natututo.

Kalugud-lugod, mga kapatid ko, na magkakasama tayong muli. Mahigit 183 taon na simula nang iorganisa ang Simbahan sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, sa patnubay ng Panginoon. Sa pulong na iyon noong Abril 6, 1830, anim na miyembro ng Simbahan ang naroon.1

Masaya kong ibinabalita sa inyo na noong nakaraang dalawang linggo, ang bilang ng mga miyembro ng Simbahan ay 15 milyon na. Ang Simbahan ay patuloy na lumalago at binabago nito ang mas marami pang mga buhay sa bawat taon. Ito ay lumalaganap sa buong mundo habang hinahanap ng ating mga missionary ang mga taong naghahanap ng katotohanan.

Mahigit isang taon pa lang nang ibalita ko ang pagbaba ng edad ng paglilingkod ng mga missionary. Simula noon, ang bilang ng mga full-time missionary na nasa 58,500 noong Oktubre 2012 ay nasa 80,333 na ngayon. Lubos na kahanga-hanga at nagbibigay-inspirasyon ang tugon na nasaksihan natin!

Ang mga banal na kasulatan ay walang nilalamang pahayag na mas mahalaga, responsibilidad na mas kailangang gawin, tagubiling mas tahasan kaysa sa utos ng nabuhay na mag-uling Panginoon nang magpakita Siya sa Galilea sa labing-isang disipulo. Sabi Niya, “Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.”2 Tulad ng pahayag ni Propetang Joseph Smith, “Matapos masabi ang lahat, ang pinakadakila at pinakamahalagang tungkulin ay ipangaral ang Ebanghelyo.”3 Maaalala pa ng ilan sa inyo na narito ngayon ang mga salita ni Pangulong David O. McKay, na binanggit ang pamilyar na katagang “Bawat miyembro ay misyonero!”4

Magdaragdag ako sa sinabi nila. Panahon na para ang mga miyembro at missionary ay magsama-sama, magtulungan, magsigawa sa ubasan ng Panginoon upang magdala ng mga kaluluwa sa Kanya. Naghanda Siya ng maraming paraan para maibahagi natin ang ebanghelyo, at tutulungan Niya tayo sa ating mga pagsisikap kung gagawin natin nang may pananampalataya ang Kanyang gawain.

Para mapanatili ang pagdagdag ng bilang ng mga missionary, hiniling ko sa ating mga miyembro noon na mag-ambag, sa abot-kaya nila, sa kanilang ward missionary fund o sa General Missionary Fund ng Simbahan. Ang tugon sa kahilingang iyan ay nakalulugod at nakatulong sa pagsuporta sa libu-libong missionary na walang kakayahang suportahan ang kanilang sarili. Salamat sa inyong bukas-palad na mga kontribusyon. Patuloy ang pangangailangan ng tulong, upang patuloy nating matulungan ang mga taong matindi ang hangaring maglingkod, ngunit walang sapat na pantustos para dito.

Narito tayo ngayon, mga kapatid, upang matagubilinan at mabigyan ng inspirasyon. Maraming mensahe, na tatalakay sa iba’t ibang paksa sa ebanghelyo, ang ibibigay sa susunod na dalawang araw. Ang mga kalalakihan at kababaihang magsasalita sa inyo ay naghangad ng tulong ng langit hinggil sa mga mensaheng kanilang ibibigay.

Dalangin ko na mapuspos tayo ng Espiritu ng Panginoon habang tayo ay nakikinig at natututo. Sa pangalan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Bagamat ilang dosenang tao lamang ang naroon noong araw na iorganisa ang Simbahan, anim ang opisyal na nakalista bilang mga miyembrong nag-organisa nito.

  2. Mateo 28:19.

  3. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 386.

  4. David O. McKay, sa Conference Report, Abr. 1959, 122.