2013
Ang Mabuting Impluwensya ng Kababaihan
Nobyembre 2013


Ang Mabuting Impluwensya ng Kababaihan

Ang inyong intuwisyon ay gumawa ng mabuti at maging mabuti, at sa pagsunod ninyo sa Banal na Espiritu, higit kayong magiging halimbawa ng kabutihan at magandang impluwensya.

Noong araw pa man, umaasa na ang lipunan sa mabuting impluwensya ng kababaihan. Bagama’t totoong hindi lang ito ang nakaiimpluwensya nang mabuti sa lipunan, ang pundasyon ng kabutihang laan ng kababaihan ay napatunayang kapaki-pakinabang sa kapakanan ng lahat. Marahil, dahil lagi naman itong naririyan, ang mabuting impluwensya ng kababaihan ay hindi gaanong napapahalagahan. Gusto kong pasalamatan ang impluwensya ng mabubuting kababaihan, tukuyin ang ilan sa mga pilosopiya at kalakaran na nagbabanta sa lakas at katayuan ng kababaihan, at magsumamo sa kababaihan na linangin ang kabutihang likas sa kanila.

Isinilang ang kababaihan na may taglay na kabutihan, isang banal na kaloob na nagbibigay sa kanila ng kakayahang magkintal sa puso’t isipan ng pananampalataya, katatagan, pakikiramay, at kapinuhan sa pakikipag-ugnayan at sa mga kultura. Nang papurihan ang “pananampalatayang hindi pakunwari” na nakita niya kay Timoteo, sinabi ni Pablo na ang pananampalatayang ito ay “namalagi muna kay Loida na iyong lelang, at kay Eunice na iyong ina.”1

Noong nakatira pa ako sa Mexico, maraming taon na ang nakararaan, naobserbahan ko mismo ang ibig sabihin ni Pablo. Naaalala ko ang isang bata pang ina, isa sa maraming kababaihan sa Simbahan sa Mexico na dahil likas nang ipinamumuhay ang pananampalataya sa Diyos ay halos hindi na nila napapansin ito. Ang magandang babeng ito ay halimbawa ng kabutihan dahil sa likas na kabaitang nakaimpluwensya sa mga nasa paligid niya. Katuwang ang kanyang asawa, isinakripisyo niya ang ilang kasiyahan at materyal na bagay kapalit ng mas mahalagang priyoridad, nang walang pag-aatubili. Sa kakayahan niyang magbuhat, yumuko, at magbalanse kasama ng kanyang mga anak ay para na siyang superhuman. Marami siyang responsibilidad at kadalasan ay paulit-ulit at nakakapagod ang kanyang ginagawa, ngunit payapa ang kanyang kalooban, dahil alam niya na ang ginagawa niya ay gawain ng Diyos. Tulad ng Tagapagligtas, ang pagtulong sa kapwa sa pamamagitan ng paglilingkod at sakripisyo ay nagpadakila sa kanya. Isa siyang halimbawa ng pagmamahal.

Lubos akong pinagpala ng mabuting impluwensya ng kababaihan, lalo na ng aking ina at ng aking asawa. Isa sa mga babaeng pinasasalamatan ko si Anna Daines. Si Anna at kanyang asawang si Henry, at ang kanilang apat na anak ay kabilang sa mga pioneer ng Simbahan sa New Jersey sa Estados Unidos. Simula 1930s, noong si Henry ay kumukuha pa ng doctorate sa Rutgers University, masigasig silang nakibahagi ni Anna sa mga organisasyon sa paaralan at sa komunidad sa Metuchen, kung saan sila nakatira, upang maalis ang maling paniniwala ng iba sa mga Mormon at gawing mas mabuting lugar ang komunidad para sa lahat ng magulang na nagpapalaki ng mga anak.

Halimbawa, nagboluntaryo si Anna sa Metuchen YMCA at napakahalaga ng tulong niya roon. Sa taon ding iyon hinirang siyang presidente ng Mothers’ Auxiliary at pagkatapos “hinilingan siyang tumakbo para sa isa sa tatlong posisyon ng kababaihan sa YMCA board of directors. Nanalo siya nang walang tumututol, at naging bahagi ng konseho na ilang taon lang bago iyon ay tumangging pagdausin ng pulong ang mga Banal sa kanilang gusali!”2

Lumipat ang pamilya ko sa New Brunswick Ward noong tinedyer ako. Napansin ako ni Sister Daines at madalas niyang sabihin sa akin na tiwala siya sa kakayahan at potensyal ko, at dahil doon nainspirasyunan akong magmithi nang mataas—mas mataas pa sa dati kong inasam noong hindi pa niya ako hinihikayat. Minsan, dahil sa magiliw na babala na tamang-tamang ibinigay niya sa akin, naiwasan kong malagay sa isang sitwasyon na tiyak na pagsisisihan ko. Bagama’t pumanaw na, ang impluwensya ni Anna Daines ay patuloy na nadarama at nakikita sa buhay ng kanyang mga inapo at ng marami pang iba, pati na sa akin.

Itinuro sa akin ng lola kong si Adena Warnick Swenson na maging tapat sa paglilingkod sa priesthood. Hinikayat niya akong isaulo ang mga pagbabasbas sa sakramento ng tubig at tinapay, at ipinaliwanag na sa paraang ito ay masasambit ko ito nang may higit na pag-unawa at damdamin. Sa nakita kong pagsuporta niya sa aking lolo, na isang patriarch, nagkaroon ako ng pagpipitagan sa mga sagradong bagay. Kahit kailan hindi natutong magmaneho ng sasakyan si Lola Swenson, pero alam niya kung paano tulungan ang mga binatilyo na maging mabubuting lalaki na mayhawak ng priesthood.

Walang ibang lugar kung saan higit na nadarama o higit na napapakinabangan ang mabuting impluwensya ng babae kaysa sa tahanan. Ang pinakamainam na lugar sa pagpapalaki ng bagong henerasyon ay sa tradisyunal na pamilya, na may ama at ina na nagtataguyod, nagtuturo, at nangangalaga sa kanilang mga anak. Sa mga lugar na walang ganitong huwaran, pinipilit gayahin ng mga tao ang mga pakinabang nito hangga’t kaya nila sa kani-kanilang sitwasyon.

Sa lahat ng sitwasyon, ang impluwensya ng isang ina ay hindi mapapantayan ng sinumang tao sa anupamang ugnayan. Sa kanyang mabuting halimbawa at aral, natututuhan ng kanyang mga anak na lalaki na igalang ang kababaihan at magkaroon ng disiplina at mataas na pamantayan ng moralidad sa kanilang buhay. Natututo ang kanyang mga anak na babae na linangin ang kanilang sariling kabutihan at manindigan sa tama, nang paulit-ulit, hindi man ito gusto ng nakararami. Ang pagmamahal at mataas na inaasahan ng ina ay humihikayat sa kanyang mga anak na mamuhay nang tama, maging responsable, pagbutihin ang pag-aaral at personal na pag-unlad, at patuloy na tumulong para sa kapakanan ng iba sa lipunang kanilang ginagalawan. Minsan ay itinanong ni Elder Neal A. Maxwell: “Kapag ang tunay na kasaysayan ng sangkatauhan ay ganap nang naihayag, itatampok ba nito ang tunog ng mga putok ng baril o ang magiliw na himig ng mga kantang pampatulog sa mga bata? Ang pansamantalang pagpapatigil ng labanan ng militar o ang pagpapayapa ng kababaihan sa tahanan at sa komunidad? Ang nangyari ba sa mga duyan at kusina ay mas makaiimpluwensya kaysa sa nangyari sa mga kongreso?”3

Napakasagrado ng tungkulin ng babae sa paglikha ng buhay. Alam natin na ang ating pisikal na katawan ay may banal na pinagmulan4 at na kailangan nating danasin kapwa ang pisikal na pagsilang at espirituwal na muling pagsilang upang matamo ang pinakamataas na selestiyal na kaharian ng Diyos.5 Kaya nga napakahalaga ng tungkulin ng kababaihan (na kung minsan ay halos kanilang ikamatay) sa gawain at kaluwalhatian ng Diyos na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”6 Bilang mga lola, ina, at huwaran, ang kababaihan ang nagsisilbing tagabantay ng pinagmumulan ng buhay, nagtuturo sa bawat henerasyon ng kahalagahan ng kadalisayan ng puri—ng kalinisang-puri bago ikasal at katapatan sa asawa. Sa paraang ito, sila ang mapaglinang na impluwensya sa lipunan; nailalabas nila ang pinakamagandang katangian ng tao; napapanatili nila ang magandang kapaligiran kung saan makakapagpalaki sila ng matatatag at malulusog na anak.

Mga kapatid na babae, ayokong purihin kayo nang labis-labis tulad ng ginagawa natin kung minsan kapag Araw ng mga Ina na nakakaasiwa sa inyo. Hindi ninyo kailangang maging perpekto;7 hindi ko sinasabing perpekto kayo (maliban lang sa isang nakaupo malapit dito). Ang ibig kong sabihin ay dalaga man kayo o may asawa, nagsilang man kayo ng mga anak o hindi, kayo man ay matanda, bata, o nasa pagitan nito, ang pagiging halimbawa ninyo ng kabutihan ay mahalaga, at marahil ay nababalewala na namin ito at kayo. Walang dudang may mga kalakaran at puwersang umiiral na nagpapahina at nagwawaksi pa sa inyong impluwensya, na ikinapapahamak ng mga indibiduwal, pamilya, at lipunan sa kabuuan. Hayaan ninyong magbanggit ako ng tatlong paalala at babala.

Ang nakapipinsalang pilosopiya na nagpapahina sa mabuting impluwensya ng kababaihan ay ang pagwawalang-halaga sa pag-aasawa at sa pagiging ina at simpleng maybahay. Tahasan pang hinahamak ng ilan ang pagiging maybahay, at ikinakatwiran na nagpapababa ito ng pagkatao ng kababaihan at na ang nakakapagod na pagpapalaki ng mga anak ay pananamantala sa kanila.8 Kinukutya nila ang tinatawag nilang “mommy track” bilang propesyon. Hindi ito tama o makatwiran. Hindi natin binabawasan ang halaga ng naabot na tagumpay ng kababaihan o kalalakihan sa aumang makabuluhang gawain o propesyon—lahat tayo ay nakikinabang sa mga tagumpay na iyon—ngunit kinikilala pa rin natin na walang mas mabuti kaysa pagiging ina at ama sa pamilya. Walang matagumpay na propesyon, at walang malaking halaga ng salapi, kapangyarihan, o pagkilala ng tao ang makahihigit sa walang-kapantay na gantimpalang dulot ng pamilya. Anuman ang makamtan ng isang babae, wala nang ibang lugar na mas lubusan niyang magagamit ang kanyang mabuting impluwensya kaysa rito.

Ang pananaw sa seksuwalidad ay banta sa pagiging halimbawa ng kabutihan ng kababaihan sa maraming aspeto. Ang sadyang pagpapalaglag para sa personal na kaginhawahan o para walang masabi ang lipunan ay sumisira sa napakasagradong kapangyarihan ng isang babae at sumisira sa kanyang pagiging halimbawa ng kabutihan. Ganyan din sa imoralidad at mahalay na pananamit na hindi lamang nagpapababa ng pagkatao ng kababaihan kundi nagbibigay-diin din sa kasinungalingan na maganda ang isang babae kung siya ay kaakit-akit.

May matagal nang kulturang may pinapaboran na ang kababaihan ay inaasahang iingatan ang kanilang pagkababae samantalang binibigyan nila ng dahilan ang imoralidad ng kalalakihan. Kitang-kitang di-makatarungan ang ganitong kultura, at dapat lamang itong pulaan at huwag tanggapin. Sa di-pagtanggap na iyan, aasahan ng isang tao na itataas ng kalakihan ang kanilang pamantayan ng moralidad, ngunit taliwas ang nangyari—hinihikayat na ngayon ang kababaihan na maging imoral batay sa kulturang ito na pumapabor sa kalalakihan. Kung noong araw ay mas mataas ang pamantayan ng kababaihan sa pagiging tapat at responsable ng kalalakihan, ngayon ay may mga relasyong seksuwal nang walang pakundangan, mga pamilyang walang ama, at tumitinding kahirapan. Ang imoralidad na ito na ginagawa kapwa ng lalaki at babae ay nag-aalis ng mabuting impluwensya ng kababaihan at nagpapababa sa lahat ng lipunan.9 Sa walang-kabuluhang relasyong ito, ang kalalakihan ang “nawawalan ng responsibilidad” at ang kababaihan at mga bata ang higit na nagdurusa.

Ang ikatlong bagay na nakababagabag ay nagmumula sa mga yaon, na naghahangad ng pagkakapantay-pantay, na gustong alisin ang pagkakaiba ng lalaki sa babae. Kadalasan ay hinihikayat pa nito ang mga babae na magkaroon ng katangiang panlalaki—maging mas agresibo, matigas ang loob, at palaban. Karaniwan na ngayong makakita sa pelikula at video games ng mababangis na babae, pumapatay at pumipinsala. Nakababagabag ng kalooban na makita ang kalalakihan sa gayong mga papel ngunit walang alinlangang mas nakababagabag kapag ang kababaihan ang gumagawa ng karahasan.

Itinuro ng dating Young Women general president na si Margaret D. Nadauld: “Sapat na ang malalakas na babae sa mundo; kailangan natin ng mapagmahal na mga babae. Sapat na ang magagaslaw na babae; kailangan natin ng mga babaeng mabait. Sapat na ang mga walang-galang na babae; kailangan natin ng mga babaeng pino. Sapat na ang mga babaeng bantog at mayaman; kailangan natin ng mga babaeng may pananampalataya. Sapat na ang kasakiman; kailangan natin ng higit na kabutihan. Sapat na ang kayabangan; kailangan natin ng kabutihan. Sapat na ang katanyagan; kailangan natin ng higit na kadalisayan.”10 Sa lumalabong kaibhang ito ng babae sa lalaki, nawawala sa atin ang magkakaiba ngunit magkakatugmang kaloob ng babae at lalaki na kung pagsasamahin ay lilikha ng mas magandang kabuuan.

Isinasamo ko sa kababaihan at kabataang babae ngayon na pangalagaan at linangin ang mabuting impluwensyang likas na sa inyo. Pangalagaan ang likas na kabutihang iyan at ang natatanging kaloob na taglay ninyo sa pagsilang ninyo sa mundo. Ang inyong intuwisyon ay gumawa ng mabuti at maging mabuti, at sa pagsunod ninyo sa Banal na Espiritu, higit kayong magiging halimbawa ng kabutihan at magandang impluwensya. Sa mga kabataang babae ay sinasabi ko, panatilihin ang mabuting impluwensyang iyan kahit hindi pa ninyo ito lubusang taglay. Tiyakin na malinis ang inyong pananalita, hindi magaspang; tiyakin na ang pananamit ninyo ay kakikitaan ng kahinhinan, hindi kayabangan; at na ang inyong ugali ay dalisay, hindi imoral. Hindi ninyo maaakay sa kabutihan ang iba kung kayo mismo ay hindi mabuti.

Mga kapatid na babae, sa lahat ng inyong pakikisama, ang pakikipag-ugnayan ninyo sa Diyos, na inyong Ama sa Langit, ang pinagmumulan ng impluwensya ng inyong kabutihan, na siyang dapat ninyong unahin palagi sa inyong buhay. Alalahanin na ang kapangyarihan ni Jesus ay nagmula sa katapatan Niya sa kagustuhan ng Ama. Hindi Siya lumihis kailanman sa nakalulugod sa Kanyang Ama.11 Pagsikapang maging ganyang uri ng disipulo ng Ama at ng Anak, at hindi maglalaho ang inyong impluwensya kailanman.

At huwag matakot na gamitin ang impluwensyang iyan nang hindi nangangamba o nangangatwiran. “Lagi kayong handa ng pagsagot sa bawa’t [lalaki, babae at bata] na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pagasang nasa inyo.”12 “Ipangaral mo ang salita; magsikap ka sa kapanahunan, at sa di kapanahunan, sumawata ka, sumaway ka, mangaral ka na may buong pagpapahinuhod at pagtuturo.”13 “Palakihin ang inyong mga anak sa liwanag at katotohanan.”14 “[Turuan sila] na manalangin, at magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon.”15

Sa mga payong ito sa kababaihan, huwag hayaang sadyang hindi ito maunawaan ng sinuman. Sa pagpuri at paghikayat na maging mabuting impluwensya ang kababaihan, hindi ko sinasabing huwag nang gampanan ng kalalakihan at kabataang lalaki ang tungkulin nilang manindigan para sa katotohanan at kabutihan, na ang responsbilidad nilang maglingkod, magsakripisyo, at mangaral ay hindi kasimbigat ng sa kababaihan o maipapabahala na lang sa kababaihan. Kalalakihan, samahan natin ang kababaihan, tulungan natin sila sa kanilang pasanin, at pag-ibayuhin ang sarili nating impluwensya sa kabutihan sa ating kabiyak.

Mahal naming mga kapatid na babae, umaasa kami sa mabuting impluwensyang hatid ninyo sa mundo, sa buhay may-asawa, sa pamilya, sa Simbahan. Umaasa kami sa mga pagpapalang ibinaba ninyo mula sa langit sa pamamagitan ng inyong mga panalangin at pananampalataya. Dalangin namin ang inyong kaligtasan, kapakanan, at kaligayahan at nawa’y manatili ang inyong impluwensya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. II Kay Timoteo 1:5.

  2. Orson Scott Card, “Neighborliness: Daines Style,” Ensign, Abr. 1977, 19.

  3. Neal A. Maxwell, “The Women of God,” Ensign, Mayo 1978, 10–11.

  4. Tingnan sa Moises 2:27.

  5. Tingnan sa Moises 6:57–60.

  6. Moises 1:39.

  7. “Isang siglo na ang nakalipas, natuklasan ni John Bowlby, isang attachment scholar, na ang pagkakabigkis ng ina sa anak na likha ng madalas na pakikipag-ugnayan nila sa isa’t isa ang pinakamahalagang pundasyon para sa sosyal at emosyonal na pag-unlad. … At tinukoy ng peministang si Sara Ruddick na ang ‘buong pusong pagmamahal’ ng isang ina ang pinakamahalaga sa pagpapalaki ng anak. Sa ‘matiyagang pagmamahal,’ nagkakaroon ng natatanging kaalaman ang mga ina tungkol sa kanilang mga anak—kaalamang nagtuturo sa kanila kung ano ang ‘pinakamainam gawin’ sa bawat anak” (Jenet Jacob Erickson, “Love, Not Perfection, Root of Good Mothering,” Deseret News, Mayo 12, 2013, G3).

  8. Totoong maraming kababaihan sa maraming henerasyon ang sinamantala o pinagpasan ng di-makataong mga pasanin sa pamilya at trabaho, ngunit hindi kailangan at hindi dapat abusuhin o samantalahin ang kanilang pagiging di-makasarili at sakripisyo. Napansin ni Elder Bruce C. Hafen: “Kung ang ibig sabihin ng ‘pagiging di-makasarili’ ay isantabi ng babae ang kanyang identidad at sariling pag-unlad, ang pagkaunawang iyan sa pagiging di-makasarili ay mali. … Ngunit ang paniniwala ng mga nagtataguyod sa kababaihan ay lihis na lihis dito, na nagsasabing ang kababaihan ay dapat lang na huwag asahan sa kanilang pamilya. Ang mas makatwirang pananaw ay nararapat na ang mag-asawa ay umaasa sa isa’t isa. … Ang mga kritikong nagsasabi na ang mga ina ay hindi dapat umasa at asahan ay winawalang-halaga ang kabutihan ng pag-asa sa isa’t isa. Ang mga nagsasabing dapat lamang isipin ng mga ina ang kanilang sarili ay winawalang-halaga ang kabutihan ng kusang paglilingkod na nagdaragdag sa pansariling pag-unlad ng isang babae, Dahil sa mga pagmamalabis na ito, ang mga pagtatalo tungkol sa halaga ng pagiging ina ay naging dahilan para balewalain ng buong lipunan hindi lamang ang mga ina kundi lahat ng kababaihan” (“Motherhood and the Moral Influence of Women,” [mensahe sa World Congress of Families II, Geneva, Plenary Session IV, Nob. 16, 1999], http://worldcongress.org/wcf2_spkrs/wcf2_hafen.htm).

  9. Ipinahayag ng isang ina sa isang editoryal ng Wall Street Journal: “Maliban lang sa ilang Mormon, evangelical, at Orthodox Jew, marami sa atin ang hindi nakakaalam kung paano ituro sa ating mga anak na lalaki at babae na huwag iparaya kaagad ang kanilang katawan. … Sa amin ng mga kaibigan kong babae, gusto pa rin naming ibalik ang kahinhinan. Wala akong alam ni isa sa kanila na gustong balikan pa ang nagawa nila noon na may kinalaman sa seks. At wala ni isa sa mga babaeng tinanong ko tungkol sa bagay na iyan ang nagsabi na sana ay ‘sinubukan’ pa niya itong lalo” (Jennifer Moses, “Why Do We Let Them Dress Like That?” Wall Street Journal, Mar. 19, 2011, C3).

  10. Margaret D. Nadauld, “Ang Kagalakan ng Pagkababae,” Liahona, Ene. 2001, 18.

  11. Tingnan sa Juan 8:29.

  12. I Ni Pedro 3:15.

  13. II Kay Timoteo 4:2.

  14. Doktrina at mga Tipan 93:40.

  15. Doktrina at mga Tipan 68:28.