2013
Hindi Tayo Kailanman Nag-iisa
Nobyembre 2013


Hindi Tayo Kailanman Nag-iisa

Balang-araw ay tatayo kayo sa isang tabi at makikita ninyo ang mga panahon ng inyong paghihirap, at matatanto ninyo na palagi Siyang nariyan sa inyong tabi.

Mahal kong mga kapatid, ang diwang nadarama natin sa gabing ito ay nagpapakita ng inyong kalakasan, katapatan, at kabutihan. Sabi nga ng Panginoon: “Kayo ang asin ng lupa. … Kayo ang ilaw ng sanglibutan.”1

Habang pinag-iisipan ko ang pagkakataong makapagsalita sa inyo, naalala ko ang pagmamahal ng aking asawang si Frances para sa Relief Society. Noong nabubuhay pa siya naglingkod siya sa maraming katungkulan sa Relief Society. Noong kapwa kami 31 anyos, tinawag akong maging pangulo ng Canadian Mission. Sa loob ng tatlong taon ng tungkuling iyon, si Frances ang namuno sa lahat ng Relief Society sa malawak na lugar na iyon, na sumasakop sa mga probinsya ng Ontario at Quebec. Ang ilan sa matatalik niyang pakikipagkaibigan ay nagmula sa tungkuling iyon, gayundin sa maraming tungkuling ginampanan niya sa Relief Society ng aming ward. Siya ay matapat na anak ng ating Ama sa Langit, ang pinakaiibig kong kabiyak, at pinakamamahal kong kaibigan. Hindi kayang bigkasin ng salita ang pangungulila ko sa kanya.

Mahal ko rin ang Relief Society. Nagpapatotoo ako sa inyo na itinatag ito sa pamamagitan ng inspirasyon at isa itong mahalagang bahagi ng Simbahan ng Panginoon dito sa lupa. Imposibleng kalkulahin ang lahat ng kabutihang nagmumula sa organisasyong ito at lahat ng buhay na napagpala dahil dito.

Ang Relief Society ay binubuo ng iba’t ibang klaseng kababaihan. Mayroon sa inyo na mga dalaga pa—marahil ay nag-aaral, o nagtatrabaho—subalit maganda at masaya ang buhay. Ang ilan sa inyo ay mga inang abala sa lumalaking mga anak. May ilan din sa inyo na nawalan ng asawa dahil sa diborsyo o kamatayan at hirap sa pagpapalaki ng inyong mga anak nang walang tulong ng isang asawa at ama. Ang ilan sa inyo ay napalaki na ang inyong mga anak ngunit natanto na patuloy pa rin silang umaasa sa tulong ninyo. Marami sa inyo ang matatanda na ang magulang na nangangailangan ng mapagkalingang pagmamahal na kayo lamang ang makapagbibigay.

Saan man tayo naroon sa buhay, may mga pagkakataon na lahat tayo ay may dinaranas na mga hamon at hirap. Bagama’t magkakaiba ang ating mga hamon, lahat tayo ay mayroon nito.

Nariyan ang marami sa mga hamong kinakaharap natin dahil nabubuhay tayo sa mortal na mundong ito, na tinitirhan ng lahat ng uri ng tao. Kung minsan naitatanong natin, “Paano ako makapagtutuon sa selestiyal habang nabubuhay ako dito sa telestiyal na mundo?”

Magkakaroon ng mga pagkakataon na lalakad kayo sa landas na puno ng mga tinik at paghihirap. Maaaring may mga pagkakataon na pakiramdam ninyo ay nakahiwalay kayo—at malayo—sa Tagapagbigay ng bawat mabuting kaloob. Nag-aalala kayo na nag-iisa kayo. Nahahalinhan ng takot ang pananampalataya.

Kapag gayon ang inyong sitwasyon, nakikiusap ako na alalahanin ninyong manalangin. Gustung-gusto ko ang sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson tungkol sa panalangin. Sabi niya:

“Sa buong buhay ko ang payo na umasa sa panalangin ang pinakamahalaga na yata sa lahat ng payong … natanggap ko. Naging bahagi na ito ng aking pagkatao—isang angkla, na lagi kong pinaghuhugutan ng lakas, at ang batayan ng kaalaman ko sa mga bagay na banal. …

“… Kahit hindi maganda ang mga nangyayari, sa panalangin ay muli tayong makasusumpong ng katiyakan, sapagkat ang Diyos ay bubulong ng kapayapaan sa kaluluwa. Ang kapayapaang iyon, and diwa ng katiwasayan, ang pinakamalaking pagpapala ng buhay.”2

Ipinayo ni Apostol Pablo:

“Ipakilala ninyo ang inyong mga kahilingan sa Dios.

“At ang kapayapaan ng Dios, na di masayod ng pagiisip, ay magiingat ng inyong mga puso at ng inyong mga pagiisip kay Cristo Jesus.”3

Napakagandang pangako! Kapayapaan ang ating hangad, ang ating minimithi.

Hindi tayo inilagay sa mundong ito para lumakad nang mag-isa. Kamangha-manghang mapagkukunan ng kapangyarihan, ng lakas, at ng kapanatagan ang nariyan para sa bawat isa sa atin. Siya na mas kilala tayo kaysa kilala natin ang ating sarili, Siya na mas nakakaunawa at nakakaalam ng wakas sa simula pa lamang, ay tiniyak sa atin na nariyan Siya para tulungan tayo kung hihilingin lang natin. Ipinangako Niya sa atin: “Manalangin tuwina, at maging mapanampalataya, at lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti.”4

Kapag nagdarasal tayo sa Panginoon, huwag nating kalimutan ang mga itinuro sa atin ng Tagapagligtas. Nang humarap Siya sa matinding pasakit sa Getsemani at sa krus, nanalangin Siya sa Ama, “Huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo.”5 Mahirap man kung minsan, responsibilidad din nating magtiwala sa ating Ama sa Langit na alam Niya kung paano at kailan at sa anong paraan pinakamainam na ilaan ang tulong na hinahanap natin.

Mahalaga sa akin ang mga salita ng makata:

Hindi ko alam kung paano,

Ngunit alam kong sinasagot ng Diyos ang ating pagsamo.

Alam kong pangako’y Kanyang iniwan,

Na panalangin ay laging tutugunan,

At sasagutin, kaagad o kalaunan.

Kaya nagdarasal ako’t payapang naghihintay.

‘Di ko alam kung ang hangad na pagpapala

Ay darating tulad ng aking inakala;

At sa Kanya lamang ako dumadalangin,

Sa Kanya na ang katalinuha’y higit pa sa akin,

Nakatitiyak na kahilinga’y ipagkakaloob Niya,

O Siya’y magpapadala ng mas malaking pagpapala.6

Mangyari pa, ang panalangin ay hindi lamang para sa oras ng kagipitan. Paulit-ulit na sinasabi sa atin sa mga banal na kasulatan na “manalangin tuwina”7 at manalangin palagi sa ating puso.8 Ang mga titik ng isang paborito at pamilyar na himno ay may katanungan na makabubuting itanong natin sa ating sarili araw-araw: “Naisip bang manalangin?”9

Kasama sa panalangin na tulungan tayong malampasan ang kadalasa’y mahirap nating mundo ay ang pag-aaral ng banal na kasulatan. Ang mga salita ng katotohanan at inspirasyong matatagpuan sa ating apat na pamantayang aklat ay mga natatanging pag-aari para sa akin. Hindi ako nagsasawang basahin ang mga ito. Nabibigyan ako ng espirituwal na sigla tuwing sasaliksikin ko ang mga banal na kasulatan. Ang mga banal na salitang ito ng katotohanan at pagmamahal ang patnubay sa buhay ko at itinuturo nito ang daan tungo sa walang-hanggang kasakdalan.

Kapag binasa at pinagnilayan natin ang mga banal na kasulatan, madarama natin ang magiliw na mga bulong ng Espiritu sa ating kaluluwa. Mahahanap natin ang mga sagot sa ating mga katanungan. Nalalaman natin ang mga pagpapalang dumarating sa pagsunod sa mga utos ng Diyos. Nagkakaroon tayo ng tiyak na patotoo tungkol sa ating Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo at sa Kanilang pagmamahal sa atin. Kapag hinaluan natin ng panalangin ang pag-aaral ng banal na kasulatan, tiyak na malalaman natin na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay totoo.

Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley, “Pagpalain ng Panginoon ang bawat isa sa atin upang magpakabusog sa kanyang banal na [mga salita] at makahugot mula sa [mga ito] ng lakas, ng kapayapaan, at ng kaalaman na “di masayod ng pag-iisip’ (Filipos 4:7).”10

Kapag naaalala natin ang panalangin at nag-uukol tayo ng oras na bumaling sa mga banal na kasulatan, ang ating buhay ay lalo pang pagpapalain at ang ating mga pasanin ay pagagaanin.

Ibabahagi ko sa inyo ang kuwento kung paano sinagot ng ating Ama sa Langit ang mga dalangin at pagsamo ng isang babae at binigyan siya ng kapayapaan at katiyakan na pinakahahangad niya.

Ang hirap na dinanas ni Tiffany ay nagsimula noong isang taon na may mga bisita siya sa bahay para sa Thanksgiving at naulit iyon noong Pasko. Nag-aaral noon ng medisina ang asawa niya at nasa ikalawang taon na ng kanyang medical residency. Dahil mahabang oras ng trabaho ang kailangan nito, gustuhin man nila pareho ay hindi siya gaanong natulungan nito, kaya’t karamihan sa mga kailangang gawin sa pista-opisyal na ito, bukod pa sa pag-aalaga sa apat nilang anak, ay si Tiffany ang gumawa. Nabibigatan na siya, pagkatapos ay nalaman niya na isang taong malapit sa kanya ang natuklasang may kanser. Ang stress at pag-aalala ay nagsimulang makabigat sa kanya, at nakadama siya ng kawalan ng pag-asa at depresyon. Nagpatingin siya sa doktor, ngunit walang nagbago. Nawalan siya ng ganang kumain, at nagsimula siyang mangayayat, na hindi kaya ng kanyang maliit na pangangatawan. Naghanap siya ng kapayapaan sa mga banal na kasulatan at ipinagdasal niya na mapawi ang kapanglawang nadarama niya. Nang tila walang kapayapaan o tulong na dumarating, nadama niyang pinabayaan siya ng Diyos. Ipinagdasal siya ng kanyang pamilya at mga kaibigan at sinikap nilang tulungan siya. Hinatiran nila siya ng kanyang mga paboritong pagkain sa pagtatangkang mapanatiling malusog ang kanyang katawan, ngunit tumitikim lang siya at hindi niya ito nauubos.

Isang partikular na araw, tinangka ng isang kaibigan na pakainin siya ng pagkaing gustung-gusto niya ngunit nawalan ito ng saysay. Nang ayaw niyang kumain, sinabi ng kaibigan, “Alam kong may isang bagay na masarap sa pandinig mo.”

Sandaling nag-isip si Tiffany at nagsabi, “Ang naiisip ko lang na masarap sa pandinig ko ay ang tinapay na gawang-bahay.”

Ngunit wala siyang dalang ganoon.

Kinahapunan ay tumunog ang doorbell ni Tiffany. Nagkataong nasa bahay ang kanyang asawa at binuksan nito ang pinto. Pagbalik nito, may bitbit na siyang tinapay na gawang-bahay. Nagulat si Tiffany nang sabihin sa kanya ng asawa na galing iyon sa isang babaing nagngangalang Sherrie, na hindi pa nila gaanong kilala. Kaibigan siya ng kapatid ni Tiffany na si Nicole, na nakatira sa Denver, Colorado. Naipakilala na si Sherrie kay Tiffany at sa asawa nito ilang buwan bago iyon nang mamalagi si Nicole at ang kanyang pamilya sa bahay ni Tiffany para sa Thanksgiving. Si Sherrie, na nakatira sa Omaha, ay nagpunta sa bahay ni Tiffany para bisitahin si Nicole.

Ngayon, makalipas ang ilang buwan, hawak ang masarap na tinapay, tinawagan ni Tiffany ang kapatid niyang si Nicole para pasalamatan na inutusan niya si Sherrie na magdala ng tinapay. Sa halip, nalaman niya na hindi si Nicole ang may pakana sa pagbisita nito at wala itong alam tungkol doon.

At lumabas ang tunay na nangyari nang alamin ni Nicole sa kaibigan niyang si Sherrie kung ano ang nagtulak sa kanyang ihatid ang tinapay na iyon. Ang natuklasan niya ay nagsilbing inspirasyon sa kanya, kay Tiffany, kay Sherrie—at inspirasyon ito sa akin.

Nang umagang iyon na inihatid ang tinapay, nadama ni Sherrie na dapat siyang gumawa ng dalawang tinapay sa halip na isa lang na siyang plano niyang gawin. Sinabi niya na nadama niya na dapat niyang dalhin ang pangalawang tinapay sa kanyang kotse sa araw na iyon, kahit hindi niya alam kung bakit. Matapos mananghalian sa bahay ng isang kaibigan, nagsimulang umiyak ang kanyang isang-taong-gulang na anak na babae at kinailangan itong iuwi para umidlip. Nag-alangan si Sherrie nang madama niya ang malinaw na pahiwatig na kailangan niyang ihatid ang sobrang tinapay sa kapatid ni Nicole na si Tiffany, na 30 minuto ang layo ng tinitirhan sa kabilang panig ng bayan at hindi pa niya gaanong kilala. Sinubukan niyang huwag pansinin ang ideyang iyon, dahil gusto na niyang iuwi ang pagod niyang anak at medyo nahihiya siyang ihatid ang tinapay sa mga taong halos hindi niya kilala. Gayunman, matindi ang pakiramdam niyang magpunta sa bahay ni Tiffany, kaya sinunod niya ang pahiwatig.

Pagdating niya, asawa ni Tiffany ang nagbukas ng pinto. Ipinaalala dito ni Sherrie na kaibigan siya ni Nicole na sandali lang niya nakilala noong Thanksgiving, iniabot dito ang tinapay, at umalis na.

Kaya nga nangyari na nagpadala ng isang halos estranghero ang Panginoon mula sa kabilang bayan para ihatid hindi lamang ang hinahangad na tinapay na gawang-bahay kundi maging ang malinaw na mensahe ng pagmamahal kay Tiffany. Ang nangyari sa kanya ay hindi maipapaliwanag sa iba pang paraan. Matindi ang pangangailangan niya na madamang hindi siya nag-iisa—na alam ng Diyos na nariyan siya at hindi siya pinabayaan. Ang tinapay na iyon—na siya mismong gusto niya—ay inihatid sa kanya ng isang taong hindi niya gaanong kilala, isang taong walang alam sa pangangailangan niya ngunit nakinig sa pahiwatig ng Espiritu at sumunod sa pahiwatig na iyon. Naging malinaw na palatandaan iyon kay Tiffany na alam ng kanyang Ama sa Langit ang kanyang mga pangangailangan at mahal na mahal siya para padalhan ng tulong. Sinagot Niya ang kanyang mga pagsamo na maginhawahan.

Mahal kong mga kapatid, mahal kayo ng inyong Ama sa Langit—bawat isa sa inyo. Ang pagmamahal na iyan ay hindi nagbabago. Hindi ito naiimpluwensyahan ng inyong hitsura, ng inyong mga ari-arian, o ng pera ninyo sa bangko. Hindi ito nababago ng inyong mga talento at kakayahan. Basta nariyan lang ito. Nariyan ito para sa inyo kapag malungkot kayo o masaya, nawawalan ng pag-asa o umaasa. Ang pag-ibig ng Diyos ay nariyan para sa inyo marapat man kayong mahalin o hindi. Basta nariyan lang ito palagi.

Sa paghahanap natin sa ating Ama sa Langit sa taimtim at taos na panalangin at sa masugid at tapat na pag-aaral ng banal na kasulatan, ang ating patotoo ay lalakas at mag-uugat. Malalaman natin na mahal tayo ng Diyos. Mauunawaan natin na hindi tayo nag-iisa. Ipinapangako ko sa inyo na balang-araw ay tatayo kayo sa isang tabi at makikita ninyo ang mga panahon ng inyong paghihirap, at matatanto ninyo na palagi Siyang nariyan sa inyong tabi. Alam ko na ito ay totoo sa pagpanaw ng aking walang-hanggang kabiyak—si Frances Beverly Johnson Monson.

Iniiwan ko sa inyo ang aking basbas. Iniiwan ko sa inyo ang aking pasasalamat sa lahat ng kabutihang ginagawa ninyo at sa inyong mabuting pamumuhay. Nawa’y biyayaan kayo ng lahat ng mabuting kaloob ang dalangin ko sa pangalan ng ating Tagapagligtas at Manunubos, maging ang Panginoong Jesucristo, amen.