2013
Alam Ba Natin Kung Ano ang Mayroon Tayo?
Nobyembre 2013


Alam Ba Natin Kung Ano ang Mayroon Tayo?

Ang mga ordenansa at tipan ng priesthood ang daan upang matanggap ang kabuuan ng mga pagpapalang ipinangako sa atin ng Diyos, na ginawang posible ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

Sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ay nagsabing: “Lahat ng tao—lalaki at babae—ay nilalang sa larawan ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at, bilang gayon, bawat isa ay may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos.”1 Upang makamit ang banal na tadhanang ito, bawat anak na lalaki at anak na babae ng Diyos ay nangangailangan ng mga ordenansa at tipan ng priesthood.

Kailangan natin ng binyag. Sa paglubog sa atin sa tubig ng binyag, nakikipagtipan tayo na tataglayin natin ang pangalan ni Cristo, lagi Siyang aalalahanin, tutuparin ang Kanyang mga utos, at paglilingkuran Siya hanggang sa wakas, upang ang Kanyang Espiritu ay palaging mapasaatin.2

Kailangan natin ang kaloob na Espiritu Santo. Sa pamamagitan ng ordenansang iyan, maaaring mapasaatin palagi ang Espiritu. Itinuro ni Pangulong Wilford Woodruff: “Ang bawat lalaki o babae na pumasok sa simbahan ng Diyos at nabinyagan para sa kapatawaran ng kasalanan ay may karapatan sa paghahayag, karapatan sa Espiritu ng Diyos, na tutulong sa kanilang mga gawain, sa pangangalaga at pagpapayo sa kanilang mga anak at sa mga taong iniatas na pamunuan nila. Ang Espiritu Santo ay hindi lamang para sa kalalakihan, o sa mga apostol o mga propeta; ito’y para sa bawat matapat na lalaki at babae, at sa bawat bata na nasa hustong edad para tumanggap ng ebanghelyo ni Cristo.”3

Kailangan nating matanggap ang endowment sa templo. Sinabi ni Elder M. Russell Ballard: “Kapag ang kalalakihan at kababaihan ay nagpupunta sa templo, sila ay kapwa pinagkakalooban ng iisang kapangyarihan, na tinatawag na kapangyarihan ng priesthood. … Ang endowment ay literal na kaloob na kapangyarihan.”4

Kailangan natin ang ordenansa ng pagbubuklod, na hahantong sa buhay na walang-hanggan, ang “kaloob [na] pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos.”5 Ang ordenansang ito ng priesthood ay natatanggap lamang ng isang lalaki at isang babae na magkasama. Itinuro ni Elder Russell M. Nelson na, “Ibinalik ang [awtoridad ng] priesthood upang mabuklod sa kawalang-hanggan ang mga pamilya.”6

Kailangan natin ang pagkakataon upang mapanibago ang mga tipan na ito bawat linggo sa pagtanggap natin ng sakramento. Itinuro din ng mga lider ng Simbahan na kapag karapat-dapat tayo sa pakikibahagi ng sakramento, hindi lamang natin pinaninibago ang ating mga tipan sa binyag kundi ang “lahat ng ginawa nating tipan sa Panginoon.”7

Ang mga ordenansa at tipan na ito ng priesthood ang daan upang matanggap ang kabuuan ng mga pagpapalang ipinangako sa atin ng Diyos, na ginawang posible ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Sinasakbitan ng mga ito ang mga anak ng Diyos ng kapangyarihan, ng kapangyarihan ng Diyos,8 at binibigyan tayo ng pagkakataong tumanggap ng buhay na walang-hanggan—ang makabalik sa piling ng Diyos at mamuhay na kasama Niya sa Kanyang walang-hanggang pamilya.

Sumama ako kamakailan sa mga priesthood leader para bisitahin ang mga tahanan ng apat na babae sa Honduras. Ang mga babaing ito at kanilang mga pamilya ay nangangailangan ng mga susi at awtoridad ng priesthood, mga ordenansa at tipan ng priesthood, at kapangyarihan at basbas ng priesthood.

Dinalaw namin ang isang mahal na sister na may-asawa at may dalawang magagandang anak. Siya ay tapat at aktibo sa Simbahan, at nagtuturo sa kanyang mga anak na pumili ng tama. Sinusuportahan siya ng kanyang asawa sa kanyang mga aktibidad sa Simbahan, pero hindi miyembro ang lalaki. Matatag ang kanilang pamilya, ngunit para magkaroon ng higit na lakas sa kanilang tahanan at pamilya, kailangan nila ng karagdagang mga pagpapala ng priesthood. Kailangang matanggap ng ama ang mga ordenansa ng binyag at kaloob na Espiritu Santo at maigawad sa kanya ang priesthood. Kailangan nila ang kapangyarihan ng priesthood na maaaring makamit sa pamamagitan ng endowment at sealing o pagbubuklod.

Sumunod naming binisita ang tahanan ng dalawang babaing walang asawa, mga babaing malakas ang pananampalataya. Ang isang babae ay may anak na naghahanda para sa misyon. Ang isa pa ay ginagamot sa sakit na kanser. Sa panahon ng pagkasiphayo at kawalan ng pag-asa, inaalala nila ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at napupuno sila ng pananampalataya at pag-asa. Kapwa nila kailangan ang dagdag na pagpapala at kapangyarihang nakakamit sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo. Hinikayat namin silang sabayan ang kanilang magiging missionary sa paghahanda sa pagtanggap ng mga ordenansang iyon.

Ang huling binisita namin ay ang tahanan ng isang babae na ang asawa ay kamamatay lang sa isang malagim na aksidente. Dahil bagong miyembro ng Simbahan, hindi niya alam na maaari siyang tumanggap ng sarili niyang endowment at mabuklod sa kanyang asawa. Nang ituro namin sa kanya na mapapasakanya at sa kanyang pumanaw na asawa ang mga pagpapalang ito, napuno siya ng pag-asa. Dahil alam niya na sa pamamagitan ng mga ordenansa at tipan sa templo ay sama-samang mabubuklod ang kanyang pamilya, may pananampalataya at determinasyon siya na harapin ang darating na mga hamon.

Ang anak ng balo ay naghahanda nang tanggapin ang Aaronic Priesthood. Ang kanyang ordenasyon ay malaking pagpapala sa kanya at sa kanyang pamilya. Magkakaroon sila ng priesthood holder sa kanilang tahanan. 

Nang makilala ko ang matatapat na kababaihang ito sa Honduras, nakita ko na sinisikap nilang panatilihing aktibo ang kanilang mga pamilya sa ebanghelyo. Nagpasalamat sila sa mga miyembro ng ward na tumutupad sa mga tipan na magiliw na nangangalaga at tumutulong sa kanilang temporal at espirituwal na mga pangangailangan. Gayunman, bawat isa sa mga babaing ito ay may mga pangangailangan na hindi pa lubusang natutugunan.

Sa bawat isa sa tatlong tahanang binisita namin, isang matalinong lider ng priesthood ang nagtanong sa bawat babae kung nakatanggap na siya ng basbas ng priesthood. Ang sagot nila ay hindi. Bawat babae ay humiling at tumanggap ng basbas ng priesthood sa araw na iyon. Bawat isa sa kanila ay lumuha sa pasasalamat sa kapanatagan, patnubay, panghihikayat, at inspirasyon na nagmula sa kanyang Ama sa Langit sa pamamagitan ng isang karapat-dapat na mayhawak ng priesthood.

Ang mga babaing ito ay nagbigay-inspirasyon sa akin. Nagpakita sila ng pagpipitagan sa Diyos at sa Kanyang kapangyarihan at awtoridad. Nagpasalamat din ako sa mga priesthood leader na kasama kong dumalaw sa mga tahanang ito. Nang lisanin namin ang bawat tahanan, nag-usap-usap kami kung paano matutulungan ang mga pamilyang ito na matanggap ang mga ordenansang kailangan nila upang umunlad sa landas ng tipan at mapatatag ang kanilang mga tahanan.

Kailangan ngayon ang kalalakihan at kababaihan na gagalang sa isa’t isa bilang mga anak ng Diyos at magpipitagan sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang priesthood—Kanyang kapangyarihan at awtoridad.

May plano Siya para sa atin, at kapag nagpakita tayo ng pananampalataya at tiwala sa Kanyang plano, ang pagpipitagan natin sa Kanya at sa kapangyarihan at awtoridad ng Kanyang priesthood ay madaragdagan.

Sa pandaigdigang pagsasanay sa pamumuno tungkol sa Pagpapalakas sa Pamilya at sa Simbahan sa Pamamagitan ng Priesthood, tinuruan tayo na ang mga babae na walang priesthood holder sa kanilang tahanan ay hindi kailangang madama na nag-iisa sila. Sila ay pinagpala at pinalakas sa pamamagitan ng mga ordenansa na natanggap nila at mga tipan na tinutupad nila. Hindi sila dapat mag-alangan na tumulong kapag kinakailangan. Itinuro ni Elder M. Russell Ballard na bawat babae sa Simbahan ay kailangang malaman na siya ay may bishop, may elders quorum president, home teacher, at iba pang karapat-dapat na mga mayhawak ng priesthood na maaasahan niyang pupunta sa kanyang tahanan at tutulong sa kanya at upang, gaya ng sabi pa ni Sister Rosemary M. Wixom, “magbigay ng basbas.”9

Itinuro din ni Elder Ballard na: “Ang ating Ama sa Langit ay bukas-palad sa Kanyang kapangyarihan. Lahat ng lalaki at babae ay may karapatan sa kapangyarihang ito para makatulong sa kanilang buhay. Lahat ng gumawa ng mga sagradong tipan sa Panginoon at gumagalang sa mga tipang iyon ay marapat na tumanggap ng personal na paghahayag, upang mapagpala ng naglilingkod na mga anghel, [at] makipag-ugnayan sa Diyos.”10

Kailangan nating lahat ang bawat isa. Kailangan ng mga anak na lalaki ng Diyos ang mga anak na babae ng Diyos, at kailangan ng mga anak na babae ng Diyos ang mga anak na lalaki ng Diyos.

Magkakaiba tayo ng mga kaloob at kalakasan. Sa Unang Corinto kabanata 12 ay binibigyang-diin na kailangan ng mga anak na lalaki at anak na babae ng Diyos, ng bawat isa sa atin, na gampanan ang ating kani-kanyang papel at responsibilidad ayon sa plano ng Panginoon upang lahat ay makinabang.11

Mga anak na lalaki ng Diyos, alam ba ninyo kung sino kayo? Alam ba ninyo kung ano ang mayroon kayo? Karapat-dapat ba kayong gumamit ng priesthood at tanggapin ang kapangyarihan at mga pagpapala ng priesthood? Ginagampanan ba ninyo ang inyong papel at mga tungkulin na palakasin ang mga tahanan bilang mga ama, lolo, anak, kapatid, at tiyo? Nagpapakita ba kayo ng paggalang sa kababaihan, sa pagiging babae, at pagiging ina?

Mga anak na babae ng Diyos, alam ba natin kung sino tayo? Alam ba natin kung ano ang mayroon tayo? Karapat-dapat ba nating tanggapin ang kapangyarihan at mga pagpapala ng priesthood? Tinatanggap ba natin ang mga kaloob na ibinigay sa atin nang may pasasalamat, kabutihang loob, at dignidad? Ginagampanan ba natin ang ating papel at mga tungkulin na palakasin ang mga tahanan bilang mga ina, lola, anak, kapatid, at tiya? Nagpapakita ba tayo ng paggalang sa kalalakihan, sa pagiging lalaki, at sa pagiging ama?

Bilang mga pinagtipanang anak na lalaki at babae, mayroon ba tayong pananampalataya sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang walang-hanggang plano para sa atin? Tayo ba ay may pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala? Naniniwala ba tayo na mayroon tayong likas na kabanalan at banal na tadhana? At sa pagsisikap nating kamtin ang tadhanang ito at tanggapin lahat ng mayroon ang Ama,12 sinisikap ba nating unawain ang kahalagahan ng pagtanggap ng mga ordenansa ng priesthood at paggawa, pagtupad, at pagpapanibago ng ating mga tipan sa Panginoon?

Tayo ay minamahal na mga anak ng mga magulang sa langit, na may banal na katangian at tadhana. Ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo ay nagmahal sa atin ng sapat upang ibigay ang Kanyang buhay para sa atin. Ang Kanyang Pagbabayad-sala ang nagtuturo sa atin upang sumulong sa landas at makabalik sa ating tahanan sa langit, sa pamamagitan ng sagradong mga ordenansa at tipan ng priesthood.

Ang mga ordenansa at tipang ito ng priesthood ay ipinanumbalik sa mundo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, at ngayon si Pangulong Thomas S. Monson ang mayhawak ng lahat ng susi ng priesthood sa buong mundo.

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson: “Matatagpuan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang awtoridad ng priesthood na mangasiwa sa mga ordenansa para tayo makapasok sa nagbubuklod na mga tipan sa ating Ama sa Langit sa pangalan ng Kanyang Banal na Anak. … Tutuparin ng Diyos ang mga pangako Niya sa inyo kung tutuparin ninyo ang inyong mga tipan sa Kanya.”13

Ang mga bagay na ito ay pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.

  2. Tingnan sa Moroni 4:3; 6:3.

  3. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff (2004), 54.

  4. M. Russell Ballard, “Let Us Think Straight” (Brigham Young University Education Week devotional, Ago. 20, 2013); speeches.byu.edu.

  5. Doktrina at mga Tipan 14:7; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 131:1–4.

  6. Russell M. Nelson, “Pangangalaga sa Kasal,” Liahona, Mayo 2006, 37; o sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society (2011), 158.

  7. Delbert L. Stapley, sa Conference Report, Oct. 1965, 14; sinipi sa L. Tom Perry, “Habang Aming Tinatanggap Itong Sakrament,” Liahona, Mayo 2006, 41; tingnan din sa Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 561; The Teachings of Spencer W. Kimball, ed. Edward L. Kimball (1982), 220.

  8. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109:22.

  9. Tingnan sa M. Russell Ballard at Rosemary M. Wixom, “Mga Pagpapala ng Priesthood sa Bawat Tahanan” sa Patatagin ang Pamilya at ang Simbahan sa Pamamagitan ng Priesthood (pandaigdigang pagsasanay sa pamumuno, 2013); lds.org/broadcasts.

  10. M. Russell Ballard, “Let Us Think Straight”; speeches.byu.edu.

  11. Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 46:9, 12.

  12. Tngnan din sa Doktrina at mga Tipan 84:38.

  13. D. Todd Christofferson, “Ang Kapangyarihan ng mga Tipan,” Liahona, May 2009, 22.