2013
Mga Dungawan sa Langit
Nobyembre 2013


Mga Dungawan sa Langit

Darating ang mga esprituwal at temporal na pagpapala sa ating buhay kapag sinunod natin ang batas ng ikapu.

Gusto kong talakayin ang dalawang mahalagang aral na natutuhan ko tungkol sa batas ng ikapu. Ang unang aral ay nakatuon sa mga pagpapala na dumarating sa bawat tao at mga pamilya kapag tapat nilang sinusunod ang kautusang ito. Ang pangalawang aral ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng ikapu sa pag-unlad ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo. Dalangin ko na mapagtibay ng Espiritu Santo sa bawat isa sa atin ang katotohanan ng mga alituntuning tatalakayin ko.

Aral Bilang 1—Mahalaga ngunit Hindi Napapansing mga Pagpapala

Ang ina ni Sister Bednar ay tapat na babae at mahusay na tagapangalaga ng tahanan. Mula noong siya ay ikasal, maingat niyang inirerekord ang pananalapi ng pamilya. Ilang dekada niyang inirekord ang kita at gastos ng pamilya gamit ang simpleng mga ledger. Ang impormasyon na natipon niya sa maraming taon ay komprehensibo at kumpleto.

Noong dalagita pa si Sister Bednar, ginamit ng kanyang ina ang datos sa mga ledger upang bigyang-diin ang mga pangunahing alituntunin ng masinop na pamumuhay at matalinong pangangasiwa sa tahanan. Isang araw habang magkasama nilang nirerepaso ang iba’t ibang pinagkagastusan, may magandang bagay na napansin ang kanyang ina. Ang gastos sa pagpapadoktor at mga gamot para sa kanilang pamilya ay napakababa kaysa inaasahan. Naniwala siya na may kaugnayan ito sa ebanghelyo ni Jesucristo at ipinaliwanag sa kanyang anak ang isang malaking katotohanan: kapag sinunod natin ang batas ng ikapu, madalas tayong nakakatanggap ng mahahalaga ngunit hindi napapansing mga pagpapala na palaging hindi natin inaaasahan at hindi agad nakikita. Hindi tumanggap ng anumang biglaan o karagdagang kita ang pamilya. Sa halip, nagbigay ang mapagmahal na Ama sa Langit ng mga simpleng pagpapala sa paraang tila karaniwan lang. Palaging naaalala ni Sister Bednar ang mahalagang aral na ito mula sa kanyang ina tungkol sa tulong na natatanggap natin na inihuhulog mula sa mga dungawan sa langit, gaya ng ipinangako ni Malakias sa Lumang Tipan (Tingnan sa Malakias 3:10).

Madalas kapag itinuturo natin ang batas ng ikapu, binibigyang-diin natin ang mga daglian, malalaki at madaling napapansing temporal na pagpapala sa atin. At talaga namang ibinibigay ang gayong mga pagpapala. Gayunpaman ang ilan sa maraming pagpapala na natatamo natin kapag sinunod natin ang kautusang ito ay mahalaga ngunit hindi napapansin. Ang gayong pagpapala ay mahihiwatigan lamang kung tayo ay espirituwal na nakatuon at mapagmasid (tingnan sa I Mga Taga Corinto 2:14).

May itinuturo ang matalinghagang paggamit ni Malakias ng “mga dungawan” sa langit. Sa mga dungawan ng gusali pumapasok ang natural na liwanag. Sa gayon ding paraan, ang pagkaunawa at kaalamang espirituwal ay ibinubuhos sa ating buhay mula sa mga dungawan sa langit kapag sinunod natin ang batas ng ikapu.

Halimbawa, ang hindi napapansin ngunit mahalagang pagpapalang natatanggap natin ay ang espirituwal na kaloob na pasasalamat sa kung ano ang mayrooon tayo at pagpipigil na maghangad ng gusto lamang natin. Ang mapagpasalamat na tao ay nakukuntento na. Ang taong hindi mapagpasalamat ay hindi kailanman nakukuntento (tingnan sa Lucas 12:15).

Maaaring kailangan at nagdarasal tayo na makahanap ng magandang trabaho. Gayunpaman, kailangan ang mga mata at tainga ng pananampalataya (tingnan sa Eter 12:19), upang makilala ang kaloob na makahiwatig na magbibigay sa atin ng kakayahan na makahanap ng trabaho na maaaring hindi napapansin ng maraming tao—o mabigyan ng matinding determinasyon na maghanap ng trabaho nang mas masigasig at matiyaga kaysa sa kaya o handang gawin ng ibang tao. Maaaring gusto at umaasa tayong mabigyan ng trabaho, ngunit maaaring ang mga pagpapala na ihuhulog sa atin mula sa mga dungawan ng langit ay mas malaking kakayahan na kumilos at baguhin ang ating kalagayan sa halip na umasang mababago ng isang tao o bagay ang ating kalagayan.

Maaaring hangarin nating tumaas ang ating sweldo at pagtrabahuhan ito upang mas matugunan ang mga pangangailangan sa buhay. Gayunpaman, kailangan ang mga mata at tainga ng pananampalataya upang mapansin natin sa ating sarili ang dagdag na kakayahan sa espirituwal at temporal (tingnan sa Lucas 2:52) upang makapamuhay sa mas kakaunting pera, at ibayong kahusayan sa pagtatakda ng priyoridad at pamumuhay nang simple, at tamang pamamahala sa natamasang mga materyal na bagay. Maaaring gusto at umaasam tayo na magkaroon ng mas malaking pera, ngunit maaaring ang mga pagpapalang ihuhulog sa atin mula sa mga dungawan ng langit ay mas malaking kakayahan na baguhin ang ating kalagayan sa halip na umasang mababago ng isang tao o bagay ang ating kalagayan.

Ang kabataang mandirigma sa Aklat ni Mormon (tingnan sa Alma 53; 56–58) ay taimtim na nanalangin sa Diyos na sila ay palakasin at iligtas sa mga kamay ng kanilang kaaway. Mahalagang pansinin na ang sagot sa mga panalangin na ito ay hindi karagdagang sandata o kawal. Sa halip, tiniyak ng Diyos sa matatapat na mandirigmang ito na sila ay Kanyang ililigtas, pinayapa ang kanilang kaluluwa, at binigyan ng malaking pananampalataya at pag-asa ng kanilang kaligtasan sa Kanya (tingnan sa Alma 58:11). Sa gayon, ang mga anak ni Helaman ay nagkalakas-loob, matatag na nagpasiyang gapiin ang kalaban, at humayo nang buo nilang lakas laban sa mga Lamanita (tingnan sa Alma 58:12–13). Maaaring sa una ay tila hindi katiyakan, kapayapaan, pananampalataya, at pag-asa ang nais na pagpapala ng mga mandirigma, ngunit ang mga pagpapalang ito ang talagang kailangan ng magigiting na kabataang iyon upang makasulong at pisikal at espirituwal na magtagumpay.

Kung minsan hinihiling natin sa Diyos na magtagumpay tayo, at binibigyan Niya tayo ng kalusugan at katalinuhan. Maaaring ang hiling natin ay kasaganaan, at tumatanggap tayo ng mas malawak na kaalaman at ibayong pagtitiyaga o ang hiling natin ay pag-unlad at binibigyan tayo ng kaloob na biyaya. Maaaring pagkalooban Niya tayo ng pananalig at pagtitiwala habang sinisikap nating makamtan ang ating mabubuting mithiin. At kapag sumasamo tayo na maibsan ang paghihirap ng ating katawan, isipan, at espiritu, maaaring pag-ibayuhin Niya ang ating determinasyon at katatagan.

Ipinapangako ko na kapag sinunod natin ang batas ng ikapu, tunay na ang mga dungawan sa langit ay mabubuksan at ihuhulog ang mga espirituwal at temporal na pagpapala na walang sapat na silid na kalalagyan (tingnan sa Malakias 3:10). Maaalala rin natin ang sinabi ng Panginoon:

“Sapagka’t ang aking mga pagiisip ay hindi ninyo mga pagiisip, o ang inyo mang mga lakad ay aking mga lakad, sabi ng Panginoon.

“Sapagka’t kung paanong ang langit ay lalong mataas kay sa lupa, gayon ang aking mga lakad ay lalong mataas kay sa inyong mga lakad, at ang aking mga pagiisip kay sa inyong mga pagiisip” (Isaias 55:8–9).

Nagpapatotoo ako na kapag tayo ay espirituwal na nakatuon at mapagmasid, bibiyayaan tayo ng mga mata na may kakayahan na makakita nang malinaw, mga tainga na palaging nakaririnig, at pusong mas lubos na nakauunawa sa kahalagahan at hindi napapansing mga pamamaraan, pag-iisip at mga pagpapala Niya sa ating buhay.

Aral Bilang 2—Ang Kasimplehan ng Pamamaraan ng Panginoon

Bago ako naglingkod bilang miyembro ng Korum ng Labindalawa, maraming beses ko nang nabasa sa Doktrina at mga Tipan ang tungkol sa council na itinalagang mangasiwa at mamahala sa sagradong ikapu. Ang Council on the Disposition of the Tithes ay itinatag sa pamamagitan ng paghahayag at binubuo ng Unang Panguluhan, ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ng Presiding Bishopric (tingnan sa D at T 120). Habang naghahanda ako noong Disyembre 2004 upang dumalo sa unang miting ko sa council na ito, sabik kong inasam na matuto nang husto sa oportunidad na ito.

Naaalala ko pa ang mga bagay na naranasan at nadama ko sa council na iyon. Nagkaroon ako ng mas malaking pagpapahalaga at paggalang sa mga batas ng pananalapi ng Panginoon para sa indibiduwal, mga pamilya, at para sa Kanyang Simbahan. Ang pangunahing programa sa pananalapi ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw—para sa kita at paggamit nito—ay ipinaliwanag sa mga bahagi 119 at 120 ng Doktrina at mga Tipan. Dalawang pahayag na matatagpuan dito ang pinagbatayan sa pamamahala sa pananalapi ng Simbahan.

Simpleng ipinahayag sa Bahagi 119 na lahat ng miyembro “ay magbabayad ng ikasampung bahagi ng lahat ng kanilang tinubo taun-taon; at ito ay mananatiling batas sa kanila magpakailanman, … wika ng Panginoon” (talata 4).

Pagkatapos, hinggil sa awtorisadong paggamit ng mga ikapu, sinabi ng Panginoon, “Ito ay ipamamahagi sa pamamagitan ng isang kapulungan, na binubuo ng Unang Panguluhan ng aking Simbahan, at ng obispo at ng kanyang kapulungan, at ng aking mataas na kapulungan; at ng sarili kong tinig sa kanila, wika ng Panginoon” (D at T 120:1). Ang “obispo at ng kanyang kapulungan” at “aking mataas na kapulungan” na tinukoy sa paghahayag na ito ay kilala ngayon bilang Presiding Bishopric at Korum ng Labindalawang Apostol. Ang mga sagradong pondong ito ay ginagamit sa mabilis na lumalaking simbahan upang espirituwal na mapagpala ang mga tao at mga pamilya sa pamamagitan ng pagtatayo at pagmementena ng mga templo at bahay-sambahan, pagsuporta sa gawaing misyonero, pagsasalin at paglalathala ng mga banal na kasulatan, pagtataguyod ng family history research, pagpopondo ng mga paaralan at edukasyong pang-relihiyon, at pagsasagawa ng iba pang mga layunin ng Simbahan ayon sa tagubilin ng mga inordenang lingkod ng Panginoon.

Namangha ako sa pagiging malinaw at maikli ng dalawang paghahayag na ito kumpara sa kumplikadong tuntunin at pamamaraan sa pananalapi ng maraming organisasyon at gobyerno sa buong mundo. Paano napamamahalaan sa buong mundo ang gawaing temporal ng isang organisasyon na kasinglaki ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo gamit ang malinaw at maikling tagubiling iyon? Tuwiran ang sagot dito: ito ay gawain ng Panginoon, magagawa Niya ang Kanyang sariling gawain (tingnan sa 2 Nephi 27:20), at binibigyang inspirasyon at ginagabayan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga lingkod kapag sinunod nila ang Kanyang mga tagubilin at gumawa sa Kanyang layunin.

Sa unang council meeting na iyon na dinaluhan ko humanga ako sa kasimplehan ng mga alituntunin na gumabay sa aming pag-uusap at pagpapasiya. Sa pamamahala sa pananalapi ng Simbahan, dalawang pangunahin at hindi nagbabagong alituntunin ang sinusunod. Una, ang Simbahan ay namumuhay nang hindi lampas sa pondo nito at hindi gumagastos nang higit sa tinatangap nito. Pangalawa, isang bahagi ng annual income ang inilalaan sa biglaan at di-inaasahang pangangailangan. Maraming dekada nang itinuturo ng Simbahan sa mga miyembro nito ang pagtatabi ng karagdagang pagkain, panggatong, at pera para sa mga di-inaasahang pangyayari. Ang Simbahan bilang institusyon ay sumusunod lamang sa gayon ding mga alituntunin na paulit-ulit na itinuturo sa mga miyembro.

Habang patuloy ang miting, inasam ko na sana ay sundin ng lahat ng miyembro ng Simbahan ang kasimplehan, kalinawan, at kaayusan, kabutihan, at kahusayan ng sariling pamamaraan ng Panginoon (tingnan sa D at T 104:16) sa pamamahala sa temporal na gawain ng Kanyang Simbahan. Maraming taon na ako ngayong nakikibahagi sa Council on the Disposition of the Tithes. Ang pasasalamat at paggalang ko sa pamamaraan ng Panginoon ay lalo pang nag-ibayo sa bawat taon, at ang mga aral na natutuhan ay naging mas malalim.

Ang puso ko ay puno ng pagmamahal at paghanga sa matatapat at masunuring miyembro ng Simbahang ito mula sa bawat bansa, lahi, wika, at tao. Sa pagpunta ko sa iba’t ibang dako ng mundo, nalaman ko ang mga inaasam at pangarap ninyo, ang magkakaiba ninyong kalagayan sa buhay, at paghihirap. Dumalo ako sa mga miting ninyo sa Simbahan at pinuntahan ang ilan sa inyong mga tahanan. Ang inyong pananampalataya ay nagpalakas sa aking pananampalataya. Ang inyong katapatan ay lalo pang nagpatindi ng aking katapatan. At ang inyong kabutihan at kahandaang sundin ang batas ng ikapu ay nagbibigay-inspirasyon sa akin na maging mas mabuting tao, asawa, ama, at lider ng Simbahan. Naaalala at naiisip ko kayo sa tuwing dumadalo ako sa Council on the Disposition of the Tithes. Salamat sa inyong kabutihan at katapatan sa pagtupad sa inyong mga tipan.

Malaki ang responsibilidad ng mga lider ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon sa tamang pamamahala sa mga handog na inilaan ng mga miyembro ng Simbahan. Batid namin ang kasagraduhan ng lepta ng babaeng balo.

“At umupo [si Jesus] sa tapat ng kabang-yaman, at minasdan kung paanong inihuhulog ng karamihan ang salapi sa kabang-yaman: at maraming mayayaman ang nangaghuhulog ng marami.

“At lumapit ang isang babaing balo, at siya’y naghulog ng dalawang lepta, na ang halaga’y halos isang beles.

“At pinalapit niya sa kaniya ang kaniyang mga alagad, at sinabi sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang dukhang balong babaing ito, ay naghulog ng higit kay sa lahat ng nangaghuhulog sa kabang-yaman:

“Sapagka’t silang lahat ay nagsipaghulog ng sa kanila’y labis, datapuwa’t siya sa kaniyang kasalatan ay inihulog ang buong nasa kaniya, sa makatuwid baga’y ang buong kaniyang ikabubuhay” (Marcos 12:41–44).

Alam ko mula sa sarili kong karanasan na maingat na pinangangalagaan ng Council on the Disposition of the Tithes ang lepta ng babaeng balo. Pinasasalamatan ko si Pangulong Thomas S. Monson at kanyang mga tagapayo sa kanilang mahusay na pamumuno sa banal na gawaing ito. At kinikilala ko ang tinig (tingnan sa D at T 120:1) at kamay ng Panginoon na sumusuporta sa Kanyang inordenang mga lingkod sa pagtupad ng tungkulin na kumatawan sa Kanya.

Isang Paanyaya at Patotoo

Ang tapat na pagbabayad ng ikapu ay higit pa sa tungkulin; ito ay mahalagang hakbang sa pagpapabanal ng sarili. Kayo na nagbabayad ng ikapu, pinupuri ko kayo.

At kayo na hindi sumusunod sa batas ng ikapu sa kasalukuyan, inaanyayahan ko kayo na pag-isipan ang inyong ginagawa at magsisi. Pinatototohanan ko na sa pagsunod ninyo sa batas na ito ng Panginoon, ang mga dungawan sa langit ay mabubuksan sa inyo. Mangyaring huwag ipagpaliban ang araw ng inyong pagsisisi.

Pinatototohanan ko na darating ang mga esprituwal at temporal na pagpapala sa ating buhay kapag sinunod natin ang batas ng ikapu. Nagpapatotoo ako na ang gayong mga pagpapala ay kadalasang mahalaga ngunit hindi napapansin. Ipinapahayag ko rin na ang kasimplehan ng pamamaraan ng Panginoon na nakikita sa temporal na gawain ng Kanyang Simbahan ay nagbibigay ng huwaran na gagabay sa atin bilang indibiduwal at pamilya. Dalangin ko na bawat isa sa atin ay matuto at makinabang sa mahahalagang aral na ito, sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.