2013
Tinawag Niya upang Ipahayag ang Kanyang Salita
Nobyembre 2013


Tinawag Niya upang Ipahayag ang Kanyang Salita

Kung kayo ay mapagpakumbaba at masunurin at nakikinig sa tinig ng Espiritu, higit na kaligayahan ang naghihintay sa inyong paglilingkod bilang missionary.

Nang sang-ayunan ako bilang General Authority noong Abril, naglilingkod ako bilang mission president sa India. Sa aking paglilingkod napansin ko mismo ang sinasabi sa akin ng isa pang dating mission president: “Ang mga missionary ng Simbahang ito ay talagang kahanga-hanga.”1

Isa sa maraming bukod-tanging missionary na nakasama namin ni Sister Funk si Elder Pokhrel na taga-Nepal. Matapos maging miyembro ng Simbahan sa loob lamang ng dalawang taon, tinawag siyang maglingkod sa India Bangalore Mission, na isang English-speaking mission. Sasabihin niya sa iyo na hindi siya gaanong nakapaghanda. Nauunawaan ko iyon. Nakakita lang siya ng missionary nang maging missionary na siya, dahil walang naglilingkod na missionary sa Nepal. Hindi siya gaanong mahusay magbasa ng Ingles para maunawaan ang mga tagubiling kalakip ng kanyang mission call. Nang magreport siya sa missionary training center, sa halip na magdala ng magagandang pantalon, mga puting polo, at mga kurbata, nag-empake siya, sabi niya, “ng limang pares ng pantalong maong, ilang kamiseta, at maraming hair gel.”2

Kahit matapos siyang makakuha ng angkop na kasuotan, asiwa raw siya araw-araw sa unang ilang linggo. Inilarawan niya ang panahong iyon ng kanyang mission: “Hindi lang mahirap ang Ingles, kundi malaking hamon din ang gawain. … Bukod pa riyan, ako’y gutom, pagod, at nangungulila sa pamilya. … Kahit mahirap ang sitwasyon, determinado ako. Nakadama ako ng kahinaan at kakulangan. Nagdasal ako sa mga pagkakataong iyon sa Ama sa Langit na tulungan ako. Walang palya, tuwing magdarasal ako, napapanatag ang loob ko.”3

Bagama’t bago at malaking hamon ang gawaing misyonero para kay Elder Pokhrel, naglingkod siya nang may malaking pananampalataya at katapatan, na naghahangad na unawain at sundin ang natutuhan niya mula sa mga banal na kasulatan, sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, at sa kanyang mga lider sa mission. Naging mabisang guro siya ng ebanghelyo—sa Ingles—at isang napakahusay na lider. Pagkatapos ng kanyang mission at kaunting panahon sa Nepal, nagbalik siya sa India para ituloy ang kanyang pag-aaral. Simula noong Enero naglingkod na siya bilang branch president sa New Delhi. Dahil sa tunay na paglagong naranasan niya bilang missionary, patuloy siyang tumutulong sa tunay na paglago ng Simbahan sa India.

Paano naging missionary na may gayon kalakas na espirituwalidad ang isang binatang hindi pa nakakita ng missionary? Paano ka tatanggap ng espirituwal na kapangyarihan bilang missionary para mabuksan ang mga pintuan, in-box, at puso ng mga nasa mission kung saan ka maglilingkod? Tulad ng dati, matatagpuan ang mga sagot sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga buhay na propeta at apostol.

Nang unang ipinangaral ang ebanghelyo sa England noong Hulyo 1837, inihayag ng Panginoon, “Sinuman ang iyong isusugo sa aking pangalan, sa pamamagitan ng tinig ng iyong mga kapatid, ang Labindalawa, na nararapat na itinagubilin at inatasan mo, ay magkakaroon ng kapangyarihang buksan ang pintuan ng aking kaharian sa alinmang bansa kung saan mo sila isugo.”4

Saanman kayo isugo, saanmang mission kayo madestino, dapat ninyong malaman na isang miyembro ng Labindalawa ang nagrekomenda ng destinong iyan at kayo ay tinawag ng propeta ng Panginoon. Kayo ay tinawag “sa pamamagitan ng propesiya, at ng pagpapatong ng mga kamay.”5

Sa gayon ay nagbigay ng mga kundisyon ang Panginoon para matupad ang pangakong ito. Sabi Niya, “Yayamang [ibig sabihin ay matutupad ang pangako kung] sila [ibig sabihin ay ang mga missionary na isinugo] ay [1] magpapakumbaba sa harapan ko, at [2] mananatili sa aking salita, at [3] makikinig sa tinig ng aking Espiritu.”6

Ang mga pangako ng Panginoon ay malinaw. Para magkaroon ng espirituwal na kapangyarihang kailangan upang mabuksan ang pintuan ng kaharian ng Diyos sa bansa kung saan kayo isinugo, kailangang kayo ay mapagpakumbaba at masunurin at may kakayahang pakinggan at sundin ang Espiritu.

Ang tatlong katangiang ito ay lubhang magkakaugnay. Kung kayo ay mapagpakumbaba, nanaisin ninyong maging masunurin. Kung kayo ay masunurin, madarama ninyo ang Espiritu. Ang Espiritu ay mahalaga, dahil, tulad ng itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson, “Kung wala ang Espiritu, hindi ka magtatagumpay kahit kailan anuman ang iyong talino at kakayahan.”7

Noong mission president ako, may mga pagkakataon na nag-interbyu ako ng mga missionary na nahihirapan dahil hindi pa sila lubusang malinis. Namuhay sila nang mas mababa kaysa kanilang espirituwal na potensyal. Gaano man sila kasipag o gaano man karami ang kabutihang ginawa nila, hindi nila nadama ang kapayapaan at natamasa ang patnubay ng Espiritu Santo hangga’t hindi sila nagpakumbaba, lubusang nagsisi, at nakibahagi sa awa at biyaya ng Tagapagligtas.

Inuutusan ng Panginoon ang Kanyang mga lingkod na magpakumbaba dahil ang proseso ng espirituwal na paggaling ay nagsisimula sa bagbag na puso. Isipin ang kabutihang nagmumula sa mga bagay na binungkal o dinurog o pinagputul-putol: Ang lupa ay binubungkal para mataniman ng trigo. Ang trigo ay dinudurog para magawang tinapay. Ang tinapay ay pinagpuputul-putol para maging sagisag ng sakramento. Kapag ang taong nagsisisi ay nakibahagi ng sakramento nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, siya ay nagiging buo o gumagaling.8 Kapag nagsisi tayo at naging buo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, mas marami tayong magagawa para sa Tagapagligtas habang naglilingkod tayo sa Kanya. “Oo, lumapit as kanya, at ialay ang inyong buong kaluluwa bilang handog sa kanya.”9

Kung nabibigatan ka dahil sa kasalanan at kailangan mong magsisi, gawin ito kaagad. Nang pagalingin ng Tagapagligtas ang mga maysakit, kadalasan ay pinabangon Niya sila. Nakatala sa mga banal na kasulatan na nagbangon nga sila kaagad, o kapagdaka.10 Para mapagaling sa inyong espirituwal na mga pasakit, tanggapin ninyo ang Kanyang paanyayang magbangon. Agad kausapin ang inyong bishop, branch president, o mission president at simulan na ang proseso ng pagsisisi ngayon.

Ang nagpapagaling na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ay maghahatid ng kapayapaan sa inyong kaluluwa at ipadarama nito sa inyo ang Banal na Espiritu. Ang sakripisyo ng Tagapagligtas ay hindi masusukat, ngunit ang ating mga kasalanan, bagama’t napakarami at mabigat, ay maaaring bilangin at ipagtapat, talikuran at mapatawad. “At anong laki ng kanyang kagalakan sa kaluluwang nagsisisi!”11

Ang pangakong ito sa Doktrina at mga Tipan ay napakabisa: “Puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay; sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos.”12 Kapag banal ang inyong pamumuhay, madarama ninyo ang payapang tiwala sa katayuan ninyo sa harap ng Diyos at sasainyo ang kapangyarihan ng Espiritu.13

Maaaring sabihin ng ilan sa mas bagong mga miyembro ng Simbahan o mga nagbalik sa lubos na pagkaaktibo kailan lang, “Karapat-dapat na ako ngayon at hangad kong maglingkod, pero hindi ko alam kung sapat na ang nalalaman ko.” Noong Abril itinuro sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson na, “Ang kaalaman sa katotohanan at ang mga sagot sa ating malalaking katanungan ay dumarating sa atin kapag sinusunod natin ang mga kautusan ng Diyos.”14 Nakapapanatag na malaman na sa ating pagsunod ay nagkakaroon tayo ng kaalaman.

Maaaring madama ng iba na limitado ang kanilang mga talento, kakayahan, o karanasan. Kung nag-aalala kayo tungkol dito, tandaan ang karanasan ni Elder Pokhrel. Maghanda sa abot ng makakaya ninyo, at unawain na palalawakin ng ating Ama sa Langit ang inyong mapagpakumbaba at masunuring mga pagsisikap. Ibinigay ni Elder Richard G. Scott ang nakahihikayat na payong ito: “Kapag sinunod natin ang mga utos ng Panginoon at pinaglingkuran natin ang Kanyang mga anak nang walang halong kasakiman, ang likas na ibubunga nito ay lakas mula sa Diyos—lakas na magawa ang higit pa sa magagawa nating mag-isa. Ang ating mga kaalaman, talento, at kakayahan ay nadaragdagan dahil tumatanggap tayo ng lakas at kapangyarihan mula sa Panginoon.”15

Kapag nagtiwala kayo sa Panginoon at sa Kanyang kabutihan, pagpapalain ng Diyos na Maykapal ang Kanyang mga anak sa pamamagitan ninyo.16 Maagang natutuhan iyan ni Elder Hollings na taga-Nevada sa kanyang mission. Kinabukasan pagdating niya sa India, naglakbay siyang kasama namin ni Sister Funk patungong Rajahmundry, ang una niyang area. Nang hapong iyon bumisita sina Elder Hollings at Elder Ganaparam sa isang miyembro ng Simbahan at sa ina nito. Gustong malaman ng ina ang iba pa tungkol sa Simbahan dahil nakita niya kung paano biniyayaan ng ebanghelyo ang buhay ng kanyang anak. Sumama si Sister Funk sa kanila para makipagkaibigan sa kanila. Dahil magtuturo sila sa Ingles at Telugu lamang ang wikang alam ng ina, naroon ang isang brother sa branch para isalin ang itinuturo.

Ang nakaatas na tungkulin ni Elder Hollings sa pinakauna niyang appointment ay ang ituro ang Unang Pangitain, gamit ang mga salita ni Propetang Joseph. Sa puntong iyon ng pagtuturo, bumaling siya kay Sister Funk at nagtanong, “Dapat ko po bang sabihin ang bawat salita?” batid na isasalin iyon.

Sagot nito, “Sabihin mo ang bawat salita para mapatotohanan ng Espiritu ang sinasabi mo.”

Nang taos-pusong ituro ng bagong missionary na ito ang Unang Pangitain, gamit ang mga salita ng Propeta, nagbago ang anyo ng mahal na sister na iyon. Tumulo ang mga luha. Nang matapos ni Elder Hollings ang napakagandang mensaheng iyon at bago pa naisalin ang kanyang sinabi, nagtanong ang lumuluhang babae sa kanyang katutubong wika, “Maaari ba akong binyagan? At puwede ba ninyong turuan ang isa ko pang anak?”

Mga kabataang kapwa ko tagapaglingkod, ang mga pintuan at puso ay nabubuksan araw-araw sa mensahe ng ebanghelyo—isang mensaheng hatid ay pag-asa at kapayapaan at galak sa mga anak ng Diyos sa buong mundo. Kung kayo ay mapagpakumbaba at masunurin at nakikinig sa tinig ng Espiritu, higit na kaligayahan ang naghihintay sa inyong paglilingkod bilang missionary.17 Kaygandang panahon nito para maging missionary—isang panahon kung kailan pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain!

Pinatototohanan ko ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo at ang Kanyang “banal na utos”18 na “magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa.”19 Ito ang Kanyang Simbahan. Pinamumunuan Niya ito sa pamamagitan ng mga buhay na mga propeta at apostol. Sa susunod na oras, tuturuan tayo ng Unang Panguluhan. Tayo nawa’y maging “mabilis magmasid,”20 na tulad ni Mormon, upang tayo, pagdating ng tawag, ay karapat-dapat at may kakayahang ipahayag sa kapangyarihan ng Espiritu: “Masdan, ako ay disipulo ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos. Ako ay tinawag niya na ipahayag ang kanyang mga salita sa kanyang mga tao, upang magkaroon sila ng buhay na walang hanggan.”21 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Personal na pakikipag-usap kay Dennis C. Brimhall, pangulo ng Kentucky Louisville Mission, 2005–8.

  2. Ashish Pokhrel, “My Name Is Ashish Pokhrel and This Is My Story” (di-nakalathalang personal na kasaysayan, Set. 2011).

  3. Pokhrel, “My Name Is Ashish Pokhrel.”

  4. Doktrina at mga Tipan 112:21.

  5. Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5.

  6. Doktrina at mga Tipan 112:22.

  7. Ezra Taft Benson, sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2004), 200.

  8. Mga ideyang hango sa mensaheng ibinigay ni Elder Jeffrey R. Holland sa Bountiful Utah North Stake conference, Hunyo 8–9, 2013.

  9. Omni 1:26.

  10. Tingnan sa Marcos 5:41–42; Juan 5:8–9.

  11. Doktrina at mga Tipan 18:13.

  12. Doktrina at mga Tipan 121:45.

  13. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:46.

  14. Thomas S. Monson, “Ang Pagsunod ay Nagdudulot ng mga Pagpapala,” Liahona, Mayo 2013, 89.

  15. Richard G. Scott, “Para sa Kapayapaan sa Tahanan,” Liahona, Mayo 2013, 30.

  16. Sa paglalarawan ng gagawin ng maraming bagong missionary, sinabi ni Elder Russell M. Nelson: “Gagawin nila ang ginagawa ng mga missionary noon pa man. Ipapangaral nila ang ebanghelyo! Pagpapalain nila ang mga anak ng Makapangyarihang Diyos!” (“Makibahagi sa Kasiglahan ng Gawain,” Liahona, Mayo 2013, 45).

  17. Tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, v.

  18. Thomas S. Monson, “Halina, mga Anak ng Diyos,” Liahona, Mayo 2013, 66.

  19. Mateo 28:19.

  20. Mormon 1:2.

  21. 3 Nephi 5:13.