2013
Tumingin sa Hinaharap at Maniwala
Nobyembre 2013


Tumingin sa Hinaharap at Maniwala

Sa paningin ng Panginoon, hindi mahalaga kung ano ang nagawa natin o kung saan tayo galing kundi kung saan tayo handang pumunta.

Noong bata pa ako, habang nagtatrabaho sa bukid kasama ang nanay ko, itinuro niya sa akin ang isa sa pinakamahahalagang aral sa buhay. Malapit nang magtanghali, mataas na ang sikat ng araw at sa isip ko ay napakatagal na naming nag-aararo. Tumigil ako para tingnan ang nagawa na namin at sinabi sa nanay ko, “Tingnan po ninyo ang nagawa na natin!” Hindi sumagot si Inay. Inisip na hindi niya ako narinig, inulit ko nang mas malakas ang sinabi ko. Hindi pa rin siya sumagot. Nagsalita ako nang mas malakas, inulit muli ang sinabi ko. Sa wakas, tumingin siya sa akin at sinabing, “Edward, huwag kang kailanman lumingong pabalik. Tumingin ka sa unahan sa mga kailangan pa nating gawin.”

Mahal kong mga kapatid, ang tipang ginawa natin sa Panginoon nang binyagan tayo, “tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan [tayo] maaaring naroroon” (Mosias 18:9), ay isang habambuhay na pangako. Ipinayo ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf: “Ang mga lumusong sa tubig ng binyag at nakatanggap ng kaloob na Espiritu Santo ay tumatahak sa landas ng pagkadisipulo at inuutusang patuloy at matapat na sundan ang mga yapak ng ating Tagapagligtas” (“Ang mga Banal sa Lahat ng Panahon,” Liahona, Set. 2013, 5). Tinatawag tayong maglingkod sa iba’t ibang tungkulin ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod, na tinatanggap natin nang buong puso. Kapag ine-release tayo at tinawag sa ibang tungkulin, masaya nating tinatanggap ito, batid na, tulad ng alam ng ating mga ninuno, “sa paglilingkod sa Panginoon, hindi mahalaga kung saan ka naglilingkod kundi kung paano” (J. Reuben Clark Jr., sa Conference Report, Abr. 1951, 154).

Kaya’t kapag na-release ang isang stake president o bishop, masaya niyang tinatanggap ang kanyang pagka-release, at kapag tinawag siyang maglingkod sa anumang paraan na “minarapat” ng Panginoon, sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod, (Mosias 3:19), siya ay hindi napapangibabawan ng dating karanasan, at hindi rin siya lumilingong pabalik at iniisip na nakapaglingkod na siya nang sapat. Siya ay “hindi napapagod sa paggawa ng mabuti” dahil alam niya na siya ay “naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain” nang may malinaw na pananaw na ang ganitong pagsusumigasig ay magpapala ng mga buhay hanggang sa kawalang-hanggan. Sa gayon “mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila” (D at T 64: 33).

Dapat tayong lahat ay maging “sabik sa paggawa ng mabuting bagay, at gumawa ng maraming bagay sa [ating] sariling kalooban, at isakatuparan ang maraming kabutihan” (D at T 58:27).

Ipinayo ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Dapat matuto sa nakaraan at hindi na buhayin pa ito. Lumingon tayo upang matuto mula sa magagandang karanasan ngunit huwag mamuhay sa nakaraan. At kapag natutuhan na natin kung ano ang dapat nating matutuhan at napulot na natin ang pinakamaganda sa ating naranasan, magpatuloy tayo at tandaan na ang pananampalataya ay laging nakaturo tungo sa hinaharap” (“Ang Pinakamaganda ay Darating Pa,” Liahona, Ene. 2010, 18).

Samantalang nakatuon ang aral ni Inay sa mga hahawanin ko pang mga damong nasa harapan ko sa bukid, ito ay katiting lamang kung ihahambing sa mga pinagdaanan ng mga naunang mga Banal. Mahusay na inilarawan ni Elder Joseph B. Wirthlin ang karanasang ito: “Noong 1846, nilisan ng mahigit 10,000 katao ang maunlad na lungsod ng Nauvoo na nasa pampang ng Mississippi River. Dahil sa pagtitiwala sa propeta nilang pinuno, iniwan ng mga naunang miyembro ng Simbahan ang “Lungsod na Maganda” at naglakbay patungo sa ilang ng Amerika. Hindi nila alam kung saan sila pupunta, kung ilang milya ang babagtasin nila, kung gaano katagal ang paglalakbay, o ano ang kakaharapin nila. Ngunit talagang alam nila na ang Panginoon at Kanyang mga lingkod ang namumuno sa kanila” (“Faith of Our Fathers,” Ensign, Mayo 1996, 33).

Alam nila kung paano ang tumingin sa hinaharap at maniwala. Mahigit labinlimang taon bago mangyari ito, ang ilan sa mga miyembrong ito ay naroon nang tanggapin ang isang paghahayag:

“Sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, pinagpala siya na sumusunod sa aking mga kautusan, maging sa buhay o sa kamatayan; at siya na matapat sa kapighatian, ang gantimpala ng gaya niya ay mas dakila sa kaharian ng langit.

“Hindi ninyo mamamasdan ng inyong likas na mga mata, sa kasalukuyan, ang balangkas ng inyong Diyos hinggil sa mga bagay na yaon na darating pagkaraan nito, at ang kaluwalhatiang susunod matapos ang maraming kapighatian” (D at T 58:2–3).

Tayo rin ay maaaring tumingin sa hinaharap at maniwala. Maaari nating tanggapin ang paanyaya ng ating Panginoon, na bukas ang mga kamay na nag-aanyaya sa atin:

“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.

“Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan” (Mateo 11: 28–30).

Ang ating mahal na propeta, si Pangulong Thomas S. Monson; ang kanyang mga tagapayo; at ang Korum ng Labindalawang Apostol ay bukas ang mga kamay na nag-aanyaya sa ating lahat na makibahagi sa gawain ng kaligtasan. Ang mga bagong binyag, kabataan, young adult, ang mga nagretiro na mula sa kanilang propesyon, at mga full-time missionary ay kailangang maging pantay ang pamatok sa pagpapabilis sa gawain ng kaligtasan.

Minsan dumalo si Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, sa isang paligsahan ng pabilisan ng paghila ng mga baka, at ginamit niya ito sa analohiya. Sinabi niya tungkol sa karanasan: “Isang kahoy na kareta ang pinatungan ng mga bloke ng semento: sampung libong libra [4,535 kg] — limang tonelada. … Ang layunin ay hilahin ng mga baka ang kareta sa layo na tatlong talampakan [91 cm]. … Napansin ko ang isang mainam na pares ng malalaking, nakakabisadang, kulay asul at abong mga hayop… [ang] malalaking asul na baka ng nakaraang mga panahon.”

Sa pagkuwento niya tungkol sa naging resulta ng paligsahan, sinabi niya: “Isa-isang natanggal sa paligsahan ang mga pares ng baka. … Ang malalaking asul na baka ay hindi man lamang tumagal sa paligsahan! Isang maliit at ordinaryong pares ng mga hayop, na hindi magkapares ng laki, ang nakahila ng kareta nang tatlong beses.”

Pagkatapos ay binigyan siya ng paliwanag sa nakakagulat na resulta: “Ang mga asul na baka ay mas malaki at mas malakas at mas magkapares ang laki kaysa sa ibang mga pares ng baka. Ngunit ang maliliit na baka ay mas mahusay sa pagtutulungan at koordinasyon. Sabay nilang hinahatak ang pamatok. Sabay na humahatak na pasulong ang dalawang baka at ang puwersang ito ang humahatak sa kareta” (“Equally Yoked Together,” mensaheng ibinigay sa seminar para sa mga regional representative, Abr. 3, 1975; sa Teaching Seminary: Preservice Readings [2004], 30).

Habang tumitingin tayo sa hinaharap at naniniwala, kailangan natin ang katulad ng pagtutulungang ito sa pagpapabilis sa gawain ng kaligtasan habang inaanyayahan natin ang iba na lumapit kay Cristo Sa ating sariling kakayahan, kailangan nating sundin ang payo ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na “magkakasama tayong tumayo at maglingkod kung saan man tayo tawagin” (“Magbuhat Kung Saan Kayo Nakatayo,” Liahona, Nob. 2008, 56). Magagamit natin ang ating buong potensiyal, tulad ng sinabi ni Elder L. Tom Perry ng Korum ng Labindalawa: “Sa paglalakbay ko sa buong Simbahan namamangha ako sa magagandang bagay na nangyayari. Subalit hindi ko pa rin nadarama na tayo, bilang mga tao, ay nakagaganap sa tunay nating potensyal. Sa palagay ko hindi tayo laging nagtutulungan, lubos pa rin tayong interesado sa mga adhikain natin para sa ating personal na karangalan at tagumpay, at kakaunti lamang ang interes natin sa iisang mithiin na pagtatayo ng kaharian ng Diyos” (“United in the Kingdom of God,” Ensign, Mayo 1987, 35).

Sana’y magkaisa tayong lahat sa iisang layunin “na isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).

Ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo, na nakakakita mula sa simula hanggang sa katapusan, ay alam na alam ang daan na tatahakin Niya patungong Getsemani at Golgota nang sabihin Niya, “walang taong pagkahawak ng araro, at lumilingon sa likod, ay karapat-dapat sa kaharian ng Diyos” (Lucas 9:62). Sa paningin ng Panginoon, hindi mahalaga kung ano ang nagawa natin o kung saan tayo galing kundi kung saan tayo handang pumunta.

Ang ating mga gabay na alituntunin ay itinuro sa atin ni Propetang Joseph Smith: “Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Si Joseph Smith [2007], 58).

Nagpapatotoo ako na kapag tinutularan natin ang halimbawa ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, at magtataas ng kamay sa pagsuporta sa ating pinakamamahal na propeta, si Pangulong Thomas S. Monson, makatatagpo tayo ng kapayapaan, kapanatagan, kagalakan at ating “kakainin ang taba ng lupain … sa mga huling araw na ito” (D at T 64:34). Sa pangalan ni Jesucristo, amen.