2013
Sariling Lakas sa Pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo
Nobyembre 2013


Sariling Lakas sa Pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo

Sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, bawat isa sa atin ay magiging malinis at ang pasaning dulot ng ating paghihimagsik ay maaalis.

Kamakailan, mapalad akong makilala ang isang kahanga-hangang grupo ng mga kabataan mula sa estado ng Idaho. Itinanong sa akin ng isang mabait na dalagita kung ano sa palagay ko ang pinakamahalagang bagay na dapat nilang gawin sa buhay nila ngayon. Sinabi ko na kailangan nilang maunawaan ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa kanilang buhay. Ipaliliwanag ko ngayon ang isang aspeto ng kapangyarihang iyan, na pansariling lakas na makakamtan natin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Sa Aklat ni Mormon ay mababasa natin ang tungkol kay Ammon at sa kanyang mga kapatid na nagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga “mababangis at matitigas at malulupit na tao.”1 Marami sa mga taong iyon ang nagbalik-loob at piniling talikuran ang makasalanan nilang pag-uugali. Dahil ganap ang pagbabalik-loob nila, ibinaon nila ang kanilang mga sandata at nakipagtipan sa Panginoon na hindi na nila gagamiting muli ang mga ito.2

Kalaunan, marami sa kanilang kapatid na di nagbalik-loob ang lumusob sa kanila at pinagpapatay sila. Pinili ng naging-matatapat na taong ito ang mamatay sa espada kaysa lumaban at ipagsapalaran ang kanilang espirituwalidad. Dahil sa kanilang matwid na halimbawa lalong naragdagan ang mga nagbalik-loob at nagsuko ng kanilang mga sandata ng paghihimagsik.3

Sa pamamagitan ni Ammon, ginabayan sila ng Panginoon tungo sa kaligtasan sa kalipunan ng mga Nephita, at sila ay nakilala bilang mga tao ni Ammon.4 Maraming taon silang pinangalagaan ng mga Nephita, ngunit sa huli ay hukbong Nephita ang nagsimulang manghina, at kinailangan nila ng dagdag na puwersa.5

Ang mga tao ni Ammon ay nasa kritikal na sandali ng kanilang esprituwalidad. Naging tapat sila sa kanilang tipan na hindi na muling makikidigma. Ngunit batid nila na responsibilidad ng mga ama na protektahan ang kanilang mga pamilya.6 Ang pangangailangang iyan ay tila sapat na dahilan para sirain nila ang kanilang tipan.7

Alam ng kanilang matalinong lider ng priesthood na si Helaman na ang pagsira sa tipang ginawa sa Panginoon ay hindi mapangangatwiranan kailanman. Nagbigay siya ng magandang alternatibo. Ipinaalala niya sa kanila na hindi nagkaroon ng gayong kasalanan ang kanilang mga anak at samakatwid ay hindi kailangang gawin ang gayunding tipan.8 Bagama’t bata pa ang kanilang mga anak, malalakas sila, at higit sa lahat, sila’y matwid at walang bahid-dungis. Ang mga anak na lalaking ito ay pinatatag ng pananampalataya ng kanilang mga ina.9 Sa pamumuno ng kanilang pinunong propeta, ginampanan ng mga kabataang ito ang tungkulin ng kanilang mga ama na ipagtanggol ang kanilang mga pamilya at tahanan.10

Ang mga pangyayaring kaakibat ng mahalagang pagpapasiyang ito ay nagpapakita kung paano pinalalakas ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang buhay ng bawat anak ng Diyos. Isipin ang matinding emosyong nadama ng mga amang iyon. Ano kaya ang kanilang nadama nang malaman nila na ang kanilang paghihimagsik noon ang naging hadlang sa pagprotekta nila sa kanilang mga asawa’t anak sa sandaling iyon ng pangangailangan? Dahil alam nila mismo ang kalupitan ng digmaang haharapin ng kanilang mga anak ngayon, marahil ay lihim silang tumangis. Mga ama, hindi mga anak, ang dapat magtanggol sa kanilang pamilya!11 Marahil ay napakatindi ng pagdadalamhati nila.

Bakit nag-alala ang mahusay nilang lider ng priesthood na sa pagbawi nila ng kanilang mga sandata ay “baka … mawala ang kanilang mga kaluluwa”?12 Sinabi ng Panginoon, “Masdan, siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito.”13 Ang matatapat na amang ito ay matagal nang nagsipagsisi sa kanilang mga kasalanan at nalinis na ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, kaya bakit sila pinayuhan na huwag ipagtanggol ang kanilang mga pamilya?

Napakahalagang katotohanan na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay malilinis tayo. Tayo ay magiging banal at walang bahid-dungis. Gayunman, kung minsan ay may matagalang epekto ang mga mali nating pagpili. Ang isa sa pinakamahahalagang hakbang para maging ganap ang pagsisisi ay harapin ang pansamantala at pangmatagalang epekto ng nagawa nating mga kasalanan. Dahil sa mga pagpili nila noong araw nalantad ang mga amang Amonita na ito sa makamundong hangarin na maaaring maging dahilan upang muli silang manghina na sasamantalahing kasangkapanin ni Satanas.

Tatangkain ni Satanas na ipaalala sa atin ang anumang nagawa nating kasalanan upang matukso tayong muling magpaimluwensya sa kanya. Kailangan tayong maging maingat na maiwasan ang kanyang mga panunukso. Ganyan ang nangyari sa matatapat na amang Amonita. Kahit matagal na silang namumuhay nang tapat, kailangan pa rin nilang espirituwal na protektahan ang sarili laban sa tuksong maalala ang mga kasalanang nagawa nila.

Sa pagitan ng maraming pakikidigma, iniutos ni Kapitan Moroni na patibayin ang pinakamahihinang lungsod. “Iniutos niya na magtayo sila ng muog na kahoy sa loob ng pampang ng bambang; at sila ay nagtambak ng lupa ng bambang sa muog na kahoy … hanggang sa mapaligiran nila ang lungsod … ng matatag na muog na kahoy at lupa, nang napakataas.”14 Alam ni Kapitan Moroni na mahalagang patibayin ang mahihinang lugar para lumakas.15

Gayon din ang mga amang Amonita. Kinailangan nila ng mas mataas at mas malapad na mga muog sa pagitan ng kanilang matatapat na buhay at ng masamang ugali nila noon. Ang kanilang mga anak na pinagpala ng matwid na mga tradisyon, ay nakayang labanan ang gayong mga tukso. Tapat nilang naipagtanggol ang kanilang pamilya nang hindi ipinagpapalit ang kanilang espirituwal na kapakanan.

Ang masayang balita para sa lahat na naghahangad na iwaksi ang mga bunga ng mga maling pagpili ay na iba ang tingin ng Panginoon sa mga kahinaan kaysa paghihimagsik. Bagama’t nagbabala ang Panginoon na parurusahan ang mga naghimagsik na hindi nagsisi,16 kapag nagsalita ang Panginoon tungkol sa mga kahinaan, lagi itong may kahalong awa.17

Walang duda na may pagsasaalang-alang sa mga amang Amonitang ito dahil naturuan sila nang mali ng kanilang mga magulang, ngunit lahat ng anak ng Ama sa Langit ay isinilang na may Liwanag ni Cristo. Anuman ang sanhi ng kanilang mga kasalanan, ang epekto nito ay hihina ang espirituwalidad na tatangkaing kasangkapain ni Satanas.

Mabuti na lang at tinuruan sila ng ebanghelyo, nagsisi, at sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay mas espirituwal na lumakas kaysa mga panunukso ni Satanas. Malamang na hindi sila natuksong balikan ang masaklap nilang nakaraan, ngunit sa pagsunod nila sa kanilang pinunong propeta, hindi nila binigyan ng pagkakataon si Satanas na “linlangin … ang kanilang mga kaluluwa, at maingat silang [akayin] pababa sa impiyerno.”18 Hindi lamang sila nilinis ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas mula sa kasalanan, kundi dahil sa pagsunod nila sa payo ng kanilang lider ng priesthood, naprotektahan sila ng Tagapagligtas mula sa kanilang mga kahinaan at pinalakas sila. Ang kanilang mapagpakumbaba at habambuhay na pangakong talikuran ang kanilang mga kasalanan ay mas malaki ang nagawa para protektahan ang kanilang mga pamilya kaysa anumang magagawa nila sa digmaan. Sa pagpapailalim nila ay hindi sila pinagkaitan ng mga pagpapala. Pinalakas at pinagpala sila nito at pinagpala nito ang sumunod na mga henerasyon.

Ipinakita sa katapusan ng kuwento kung paano ginawa ng awa ng Panginoon “ang mahihinang bagay na maging malalakas.”19 Ipinadala ng matatapat na amang ito ang kanilang mga anak sa digmaan sa ilalim ng pangangalaga ni Helaman. Bagama’t lumaban sa matinding digmaan ang mga anak na iyon kung saan lahat sila ay nasugatan, wala ni isang namatay.20 Ang mga binatilyong ito ang pinagkunan ng lakas ng nanghihinang hukbo ng mga Nephita. Sila ay matatapat at mas malakas ang espirituwalidad nang magsiuwi na sila. Ang kanilang mga pamilya ay pinagpala, pinrotektahan, at pinalakas.21 Sa ating panahon, maraming estudyante ng Aklat ni Mormon ang nabigyang-inspirasyon ng halimbawa ng walang bahid-dungis at matwid na mga anak na ito.

Bawat isa sa atin ay nagkaroon ng mga pagkakataon sa buhay na nakagawa tayo ng mga maling pasiya. Kailangan nating lahat ang nakatutubos na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kailangang pagsisihan ng bawat isa sa atin ang anumang paghihimagsik. “Sapagkat ako, ang Panginoon ay hindi makatitingin sa kasalanan nang may pinakamaliit na antas ng pagsasaalang-alang.”22 Hindi Niya gagawin iyan dahil alam Niya kung ano ang kailangan para maging katulad Niya.

Marami sa atin ang nagtulot na magkaroon ng kahinaan ang ating pagkatao. Sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, tayo, tulad ng mga Amonita, ay makapagtatayo ng mga espirituwal na muog sa pagitan natin at ng anumang nakaraang mga pagkakamaling tinatangkang kasangkapanin ni Satanas. Ang mga espirituwal na muog na nakapalibot sa mga amang Amonita ay nagpala at nagpalakas sa kanila mismo, sa kanilang pamilya, sa kanilang bansa, at sa sumunod na mga henerasyon. Iyan ay maaaring angkop din sa atin.

Kaya paano natin itatayo ang mga walang-hanggang muog na ito? Ang unang hakbang ay taos, masusi, at lubos na pagsisisi. Sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, bawat isa sa atin ay magiging malinis at ang pasaning dulot ng ating paghihimagsik ay maaalis. Tandaan, ang pagsisisi ay hindi parusa. Ito ang landas na puno ng pag-asa tungo sa mas maluwalhating kinabukasan.

Binigyan tayo ng Ama sa Langit ng mga kasangkapang tumutulong sa pagtatayo ng mga muog sa pagitan ng ating mga kahinaan at ng ating katapatan. Isipin ang sumusunod na mga mungkahi:

  • Gumawa ng mga tipan at tanggapin ang mga ordenansa para sa inyong sarili. Pagkatapos ay unti-unti at patuloy kayong gumawa ng mga ordenansa sa templo para sa inyong mga ninuno.

  • Ibahagi ang ebanghelyo sa di-miyembro o di-gaanong aktibong mga kapamilya o kaibigan. Ang pagbabahagi ng mga katotohanang ito ay magdudulot ng panibagong sigla sa inyong buhay.

  • Maglingkod nang tapat sa lahat ng tungkulin sa Simbahan, lalo na sa tungkulin ninyo bilang home teacher at visiting teacher. Huwag maging home teacher o visiting teacher na bumibisita lang nang 15 minuto sa isang buwan. Sa halip, tulungan ang bawat miyembro ng pamilya. Kilalanin sila nang personal. Maging isang tunay na kaibigan. Sa pagpapakita ng kabaitan, ipakita sa kanila kung gaano ninyo pinagmamalasakitan ang bawat isa sa kanila.

  • Higit sa lahat, paglingkuran ang mga miyembro ng sarili ninyong pamilya. Unahin ang espirituwal na pag-unlad ng inyong asawa at mga anak. Pagtuunan ang mga bagay na magagawa ninyo para tulungan ang bawat isa. Ilaan nang lubos ang inyong oras at atensyon.

Sa bawat mungkahing ito, iisa ang tema: puspusin ang inyong buhay sa paglilingkod sa iba. Kapag nagtuon kayo ng pansin sa paglilingkod sa mga anak ng Ama sa Langit,23 hindi kayo matutukso ni Satanas.

Dahil mahal na mahal kayo ng Ama sa Langit, ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang magbibigay ng lakas na iyan sa inyo. Hindi ba napakaganda? Marami sa inyo ang nakadama ng pasaning dulot ng mga maling pagpili, at nadarama ng bawat isa sa inyo ang nagpapasiglang kapangyarihan ng pagpapatawad, awa, at lakas ng Panginoon. Nadama ko na ito, at pinatototohanan ko na madarama ito ng bawat isa sa inyo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.