2013
Magagawa Na Ninyo Iyan Ngayon!
Nobyembre 2013


Magagawa Na Ninyo Iyan Ngayon!

Hangga’t handa tayong bumangon at magpatuloy sa landas, … may matututuhan tayo sa pagkadapang iyon at magiging mas mabuti at mas masaya tayo.

Noong bata pa ako, napakabilis kong tumayo kapag nadarapa ako. Gayunman, habang tumatanda ako, nabagabag akong matanto na nagbago na ang batas ng physics—at hindi ko na kayang tumayo.

Kamakailan nag-ski ako kasama ang aking 12-taong-gulang na apo. Masaya kaming magkasama nang tumama ang ski ko sa mayelong bahagi at nadapa ako.

Ginawa ko ang lahat para makatayo pero hindi ko makaya—nadapa ako, at hindi na ako makatayo.

Hindi naman nasaktan ang katawan ko, pero medyo nasaktan ang ego ko. Kaya’t tiniyak kong maayos ang helmet at goggles ko, dahil mas gusto kong hindi ako makilala ng ibang mga skier. Nakikinita ko ang aking sarili na kaawa-awang nakaupo habang buong husay silang nag-i-ski, at masayang sumisigaw ng, “Hello, Brother Uchtdorf!”

Nagsimula akong mag-isip kung paano ako masasagip. Noon dumating ang apo ko sa aking tabi. Sinabi ko sa kanya ang nangyari, pero parang hindi siya gaanong interesado sa paliwanag ko kung bakit hindi ako makatayo. Tiningnan niya ako sa mga mata, inabot ang kamay ko, at sa matatag na tinig ay sinabi, “Lolo, magagawa na ninyo iyan ngayon!”

Sa isang iglap, nakatayo ako.

Hindi pa rin ako makapaniwala. Ang tila imposible kani-kanina lang ay agad nagawa dahil isang 12-taong-gulang na bata ang tumulong sa akin at nagsabing, “Magagawa na ninyo iyan ngayon!” Para sa akin, pinag-ibayo nito ang aking tiwala, sigla, at lakas.

Mga kapatid, maaaring may mga panahon sa ating buhay na tila hindi natin kayang bumangon at magpatuloy na mag-isa. Sa maniyebeng dalisdis sa araw na iyon, may natutuhan ako. Kahit iniisip natin na hindi natin kayang bumangon, may pag-asa pa. At kung minsan ay kailangan lang natin ng isang taong titingnan tayo sa mata, aabutin ang ating kamay, at sasabihing, “Magagawa na ninyo iyan ngayon!”

Ang Maling Akala tungkol sa Pagiging Matatag

Maaari nating isipin na mas malamang na makadama ng kakulangan at kabiguan ang kababaihan kaysa kalalakihan—na mas naaapektuhan sila ng mga ito kaysa sa atin. Hindi ko tiyak kung totoo ito. Ang kalalakihan ay dumaranas ng pagkabagabag, depresyon, at kabiguan. Maaari tayong magkunwari na hindi tayo apektado ng mga damdaming ito, pero apektado talaga tayo. Maaaring lubha tayong nabibigatan sa ating mga kabiguan at kakulangan kaya naiisip natin na hindi tayo magtatagumpay kailanman. Maaari pa nga nating isipin na dahil nabigo na tayo noon, tadhana na nating mabigo. Sabi nga ng isang manunulat, “Nagpapatuloy tayo, tulad ng mga bangkang sa agos ay lumalaban, at laging natatangay pabalik sa pinanggalingan.”1

Namasdan ko ang kalalakihang puno ng potensyal at biyaya na tumigil sa pakikibahagi sa mahirap na gawaing itayo ang kaharian ng Diyos dahil isa o dalawang beses na silang nabigo. Ang kalalakihang ito ay maraming potensyal na naging mahuhusay sanang mayhawak ng priesthood at alagad ng Diyos. Ngunit dahil nagkamali sila at pinanghinaan ng loob, hindi nila tinupad ang mga pangako nila sa priesthood at isinagawa ang mas madali ngunit di-gaanong makabuluhang mga gawain.

At sa gayon, nagpapatuloy sila, na ginagawa lamang ang maliit na bahagi ng kaya nilang gawin, na hindi naaabot kailanman ang potensyal na taglay na nila nang isilang sila. Tulad ng panangis ng makata, kasama sila sa kapus-palad na mga kaluluwang “pumanaw nang hindi nagagawa ang [karamihan sa] mga bagay na kaya [pa] nilang gawin.”2

Walang gustong mabigo. At lalong ayaw nating makita ng iba—lalo na ng ating mga mahal sa buhay—na mabigo tayo. Gusto nating lahat na respetuhin at igalang tayo. Gusto nating maging kampeon. Ngunit tayong mga mortal ay hindi magiging kampeon nang walang pagsisikap at disiplina o hindi nagkakamali.

Mga kapatid, ang ating tadhana ay hindi nasusukat sa dami ng pagkadapa natin kundi sa dami ng ating pagbangon, pagpagpag ng dumi sa ating sarili, at pagpapatuloy.

Kalumbayang Mula sa Diyos

Alam natin na ang buhay na ito ay isang pagsubok. Ngunit dahil sakdal ang pagmamahal sa atin ng ating Ama sa Langit, ipinakita Niya kung saan natin matatagpuan ang mga kasagutan. Binigyan niya tayo ng mapa upang malagpasan natin ang di-pamilyar na lupain at di-inaasahang mga pagsubok na makakaharap ng bawat isa sa atin. Ang mga salita ng mga propeta ay bahagi ng mapang iyan.

Kapag naligaw tayo—kapag nadapa tayo o lumayo mula sa landas ng ating Ama sa Langit—sinasabi sa atin ng mga salita ng mga propeta kung paano makabangon at makabalik sa tamang landas.

Sa lahat ng alituntuning itinuro ng mga propeta sa paglipas ng mga siglo, ang isang bagay na paulit-ulit na binibigyang-diin ay ang mensaheng puno ng pag-asa at panghihikayat na ang tao ay maaaring magsisi, magbago, at magbalik sa totoong landas ng pagkadisipulo.

Hindi ibig sabihin niyan ay dapat na tayong mapanatag sa ating mga kahinaan, pagkakamali, o kasalanan. At may mahalagang kaibhan sa pagitan ng kalungkutan dahil sa kasalanan na humahantong sa pagsisisi at ng kalungkutang humahantong sa kawalan ng pag-asa.

Itinuro ni Apostol Pablo na ang “kalumbayang mula sa Dios ay gumagawa ng pagsisisi sa ikaliligtas … datapuwa’t ang kalumbayang ayon sa sanglibutan ay [na]kamamatay.”3 Ang kalumbayang mula sa Diyos ay naghihikayat ng pagbabago at pag-asa sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang kalumbayang ayon sa sanglibutan ay hinahatak tayo pababa, pinapawi ang pag-asa, at inuudyukan tayong magpatangay pa sa tukso.

Ang kalumbayang mula sa Diyos ay humahantong sa pagbabalik-loob4 at pagbabago ng puso.5 Nagiging dahilan ito para kamuhian natin ang kasalanan at mahalin ang kabutihan.6 Hinihikayat tayo nitong bumangon at lumakad sa liwanag ng pagmamahal ni Cristo. Ang tunay na pagsisisi ay tungkol sa pagbabago, hindi paghihirap o pagdurusa. Oo, ang taos-pusong dalamhati at taos na pagsisisi dahil sa pagsuway ay kadalasang masakit at napakahalagang mga hakbang sa sagradong proseso ng pagsisisi. Ngunit kapag ang pagkabagabag ay humantong sa pagkasuklam sa sarili o pinigilan tayong bumangong muli, humahadlang ito sa halip na maghikayat sa atin na magsisi.

Mga kapatid, may mas mabuting paraan. Magsibangon tayo at maging kalalakihan ng Diyos. May kampeon tayo, isang Tagapagligtas, na lumakad sa libis ng lilim ng kamatayan alang-alang sa atin. Ibinigay Niya ang Kanyang sarili para tubusin tayo sa ating mga kasalanan. Walang may lalong dakilang pag-ibig kaysa rito—si Jesucristo, ang Korderong walang kapintasan, ay kusang inialay ang Kanyang sarili at nagbayad para sa ating mga kasalanan hanggang sa “katapustapusang beles.”7 Inako Niya ang ating pagdurusa. Pinasan Niya ang ating mga pasanin, ang ating kasalanan sa Kanyang mga balikat. Mahal kong mga kaibigan, kapag nagpasiya tayong lumapit sa Kanya, kapag tinaglay natin sa ating sarili ang Kanyang pangalan at buong tapang tayong lumakad sa landas ng pagkadisipulo, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ay pinangakuan tayo hindi lamang ng kaligayahan at “kapayapaan sa daigdig na ito” kundi maging ng “buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.”8

Kapag nagkamali tayo, kapag nagkasala at nadapa tayo, isipin natin ang tunay na kahulugan ng pagsisisi. Ibig sabihin ay isuko ang ating puso at kalooban sa Diyos at talikuran ang kasalanan. Ang taos-pusong pagsisisi ay naghahatid ng banal na katiyakan na “magagawa na natin iyan ngayon.”

Sino Kayo?

Isa sa mga paraan ng kaaway para hadlangan tayo sa pag-unlad ay ang lituhin tayo tungkol sa kung sino tayo talaga at kung ano ang talagang nais natin.

Gusto nating makasama ang ating mga anak, ngunit gusto rin nating gawin ang paborito nating mga libangang panlalaki. Nais nating magbawas ng timbang, ngunit nais din nating kainin ang mga pagkaing gusto natin. Nais nating maging katulad ni Cristo, ngunit nais din nating kagalitan ang taong humarang sa ating sasakyan.

Layon ni Satanas na tuksuhin tayong ipagpalit ang pinakamahahalagang perlas na tunay na kaligayahan at mga walang-hanggang pinahahalagahan sa mumurahing alahas na isa lamang guniguni at huwad na kaligayahan at kagalakan.

Ang isa pang paraang gamit ng kaaway para panghinaan tayo ng loob na bumangon ay ang ipaisip sa atin na pinipilit tayong sundin ang mga kautusan. Palagay ko likas sa tao ang tanggihan ang anumang hindi naman natin sariling ideya.

Kung itinuturing natin ang masustansyang pagkain at ehersisyo na isang bagay na inaasahan lamang sa atin ng ating doktor, malamang na mabigo tayo. Kung titingnan natin ang mga pagpapasiyang ito ayon sa kung sino tayo at ano ang gusto nating kahinatnan, mas malamang na manatili tayo sa tamang landas at magtagumpay.

Kung iniisip natin na ang home teaching ay mithiin lang ng stake president, maaaring hindi natin gaanong pahalagahan ang paggawa nito. Kung itinuturing nating mithiin natin ito—isang bagay na hangad nating gawin para maging mas katulad tayo ni Cristo at makapaglingkod sa kapwa—hindi lang natin tutuparin ang ating pangako kundi isasagawa natin ito sa paraang tunay na magpapala sa mga pamilyang binibisita natin at maging sa sarili nating pamilya.

Kadalasan, tayo ang tinutulungan ng mga kaibigan o kapamilya. Ngunit kung magmamasid tayo sa paligid at nanaisin nating pangalagaan ang iba, makikita natin ang mga oportunidad na laan ng Panginoon para matulungan natin ang iba na makabangong muli at patuloy na abutin ang kanilang tunay na potensyal. Sabi sa mga banal na kasulatan, “Anomang inyong ginagawa, ay inyong gawin [na]ng buong puso, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao.”9

Ito ay pagmumulan ng espirituwal na kapangyarihang mamuhay nang may dangal at kabutihan at magtuon ng paningin sa nais nating kahinatnan sa mga kawalang-hanggan. Kahit titingnan lang natin ang banal na hantungang ito nang may pananampalataya, tutulungan tayo nitong manatili sa tamang landas.

Kapag ang ating pansin ay nakatuon lamang sa ating tagumpay o kabiguan sa araw-araw, maaari tayong maligaw ng landas, malihis, at madapa. Ang pagtutuon sa mas matataas na mithiin ay tutulong sa atin na maging mas mabubuting anak at kapatid, mas mababait na ama, at mas mapagmahal na asawa.

Maging yaong mga nagtuon ng kanilang puso sa mga banal na mithiin ay maaaring magkamali paminsan-minsan, ngunit hindi sila madaraig. Nagtitiwala at umaasa sila sa mga pangako ng Diyos. Muli silang babangon na may maningning na pag-asa sa kabutihan ng Diyos at sa nakasisiglang tanawin ng magandang kinabukasan. Alam nilang magagawa na nila iyan ngayon.

Magagawa Na Ninyo Iyan Ngayon

Lahat ng tao, bata at matanda, ay nakaranas nang madapa. Nadarapa tayong mga mortal. Ngunit hangga’t handa tayong bumangon at magpatuloy sa landas tungo sa espirituwal na mga mithiing ibinigay sa atin ng Diyos, may matututuhan tayo sa pagkadapang iyon at magiging mas mabuti at mas masaya tayo dahil doon.

Mahal kong mga kapatid, mahal kong mga kaibigan, may mga pagkakataon na akala ninyo ay hindi na ninyo kayang magpatuloy. Magtiwala sa Tagapagligtas at sa Kanyang pagmamahal. Taglay ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa kapangyarihan at pag-asa ng ipinanumbalik na ebanghelyo, makakaya ninyong tumindig at magpatuloy.

Mga kapatid, mahal namin kayo. Ipinagdarasal namin kayo. Sana marinig ninyo ang pagdarasal ni Pangulong Monson para sa inyo. Kayo man ay bata pang ama, may edad nang priesthood holder, o bagong orden na deacon, inaalala namin kayo. Inaalala kayo ng Panginoon!

Alam namin na kung minsan ay nahihirapan kayo sa buhay. Ngunit ipinapangako ko ito sa inyo sa pangalan ng Panginoon: bumangon at sundan ang mga yapak ng ating Manunubos at Tagapagligtas, at balang-araw ay maaalala ninyo ito at mapupuspos kayo ng walang-hanggang pasasalamat na pinili ninyong magtiwala sa Pagbabayad-sala at sa kapangyarihan nitong tulungan at palakasin kayo.

Mahal kong mga kaibigan at kapatid, ilang beses man kayo madulas o madapa, bumangon! Maluwalhati ang inyong tadhana! Tumindig at lumakad sa liwanag ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo! Mas malakas kayo kaysa inaakala ninyo. Mas may kakayahan kayo kaysa inaakala ninyo. Magagawa na ninyo iyan ngayon! Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ng ating Panginoon at Manunubos na si Jesucristo, amen.