2013
Walang Ibang mga Diyos
Nobyembre 2013


Walang Ibang mga Diyos

Inuuna ba natin ang ibang mga prayoridad o diyos kaysa sa Diyos na ating sinasamba?

Ang Sampung Utos ay pangunahing saligan ng relihiyon ng mga Kristiyano at Judio. Ibinigay ng Diyos sa mga anak ni Israel sa pamamagitan ni propetang Moises, ang una at pangalawa sa mga utos na ito ay mga tagubilin para sa ating pagsamba at mga prayoridad. Sa una, iniutos ng Panginoon, “Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko” (Exodo 20:3). Makalipas ang daan-daang taon, nang tinanong si Jesus, “Alin baga ang dakilang utos sa kautusan?” Sumagot Siya, “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo” (Mateo 22:36–37).

Ipinaliwanag na mabuti sa pangalawa sa Sampung Utos ang tagubilin na huwag magkaroon ng ibang mga diyos at tinukoy kung ano ang dapat na pinakaunang prayoridad sa ating buhay bilang Kanyang mga anak. “Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng anomang anyo” sa langit man o sa lupa (Exodo 20:4). Idinagdag pa sa utos, “Huwag mong yuyukuran sila, o paglilingkuran man sila” (Exodo 20:5). Higit pa sa pagbabawal sa pisikal na diyus-diyusan, ipinapahayag nito ang pinakaunang dapat iprayoridad sa lahat ng oras. Ipinaliwanag ni Jehova, “Sapagka’t akong Panginoon mong Dios, ay Dios na mapanibughuin, … pinagpapakitaan ko ng kaawaan ang … mga umiibig sa akin at tumutupad ng aking mga utos” (Exodo 20:5–6). Kitang-kita ang ibig sabihin ng mapanibughuin. Sa Hebreo ang kahulugan nito ay “pagtataglay ng maselan at masidhing damdamin” (Exodo 20:5, footnote b). Kung gayon ay nasasaktan natin ang Diyos kapag “pinaglilingkuran” natin ang ibang mga diyos—kapag may iba tayong inuunang mga prayoridad.1

I.

Ano ang ibang mga prayoridad na unang “pinaglilingkuran” ng mga tao bago ang Diyos—maging ng mga relihiyosong tao—sa ating panahon? Isipin ang mga posibilidad na ito, na karaniwang lahat sa ating mundo:

  • Mga Kaugalian sa kultura at pamilya

  • Pangungunsinti sa mali

  • Hangad na mga tagumpay sa buhay

  • Mga materyal na ari-arian

  • Mga hangad na libangan

  • Kapangyarihan, katanyagan, at reputasyon

Kung wala ni isa sa mga halimbawang ito ang angkop sa sinuman sa atin, marahil ay makapagmumungkahi tayo ng iba pang halimbawa. Mas mahalaga ang alituntunin kaysa kani-kanyang halimbawa. Ang tinutukoy rito ay hindi kung may iba pa tayong prayoridad. Ang tanong sa pangalawang utos ay “Ano dapat ang ating pinakaunang prayoridad?” Inuuna ba natin ang ibang mga prayoridad o diyos kaysa sa Diyos na ating sinasamba? Nalimutan na ba nating sundin ang Tagapagligtas na nagturo na kung mahal natin Siya, susundin natin ang Kanyang mga utos? (tingnan sa Juan 14:15). Kung magkagayon, ang mga prayoridad natin ay binago na ng kawalan ng malasakit sa espirituwalidad at walang-kabuluhang paghahangad na talamak sa ating panahon.

II.

Para sa mga Banal sa mga Huling Araw, ang mga utos ng Diyos ay nakabatay at di-maihihiwalay sa plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak—ang dakilang plano ng kaligtasan. Ang planong ito, na kung minsan ay tinatawag na “dakilang plano ng kaligayahan” (Alma 42:8), ay ipinaliliwanag ang ating pinagmulan at tadhana bilang mga anak ng Diyos—saan tayo nagmula, bakit tayo narito, at saan tayo pupunta. Ipinaliliwanag ng plano ng kaligtasan ang layunin ng paglikha at ang mga kundisyon ng mortalidad, kabilang na ang mga utos ng Diyos, ang pangangailangan sa isang Tagapagligtas, at ang mahalagang papel ng pamilya sa mundo at sa kawalang-hanggan. Kung tayong mga Banal sa mga Huling Araw, na binigyan ng kaalamang ito, ay hindi ibabatay ang mga prayoridad natin sa planong ito, malamang na matukso tayong maglingkod sa ibang mga diyos.

Ang malaman na may plano ang Diyos para sa Kanyang mga anak ay nagbibigay sa mga Banal sa mga Huling Araw ng magandang pananaw sa pag-aasawa at pagpapamilya. Kilala tayo bilang isang simbahang nakasentro sa pamilya. Nagsisimula ang ating teolohiya sa mga magulang sa langit, at ang pinakamimithi nating matamo ay ang kaganapan ng walang-hanggang kadakilaan. Alam nating posible lamang ito sa pamamagitan ng ugnayan sa pamilya. Alam natin na ang pagpapakasal ng isang lalaki at isang babae ay kailangan para maisakatuparan ang plano ng Diyos. Ang pagpapakasal na ito lamang ang maglalaan ng tamang lugar para magsilang ng mga anak at ihanda ang mga miyembro ng pamilya para sa buhay na walang hanggan. Itinuturing natin ang pag-aasawa at pag-aanak at pag-aaruga sa mga anak na bahagi ng plano ng Diyos at isang sagradong tungkulin ng mga yaong binigyan ng pagkakataon na gawin iyon. Naniniwala tayo na ang pinakamalaking yaman sa lupa at sa langit ay ang ating mga anak at angkan.

III.

Dahil sa nauunawaan natin tungkol sa magiging papel ng pamilya sa kawalang-hanggan, nagdadalamhati tayo sa bumababang bilang ng mga ipinanganganak at nag-aasawa sa maraming bansa sa Kanluran na ang kasaysayan ng mga kultura ay nagmula sa Kristiyano at Judio. Nakasaad sa maaasahang ulat ang sumusunod:

  • Naitala ngayon ang pinakamababang bilang ng ipinanganganak sa buong kasaysayan2 ng Estados Unidos, at sa maraming bansa sa Europa at iba pang mauunlad na bansa, ang bilang ng mga ipinanganganak ay mas mababa sa nararapat para mapanatili ang kanilang populasyon.3 Dahil dito nanganganib na mawala ang mga kultura at maging ang mga bansa.

  • Sa America, ang porsiyento ng mga taong edad 18 hanggang 29 na may asawa ay bumaba sa 20 porsiyento noong 2010 mula 59 na porsiyento noong 1960.4 Ang karaniwang edad sa unang pagpapakasal ang pinakamatanda na ngayon sa buong kasaysayan: 26 para sa mga babae at halos 29 para sa mga lalaki.5

  • Sa maraming bansa at kultura (1) ang tradisyunal na pamilya na kasal ang nanay at tatay at may mga anak ang nagiging eksepsyon sa halip na pamantayan, (2) ang pagtatrabaho sa halip na pagsisilang ng mga anak ang mas pinipili ng maraming kababaihan, at (3) ang papel at ang pangangailangan sa mga ama ay unti-unti nang nawawala.

Sa gitna ng nakababahalang mga kalakarang ito, alam din natin na ang plano ng Diyos ay para sa lahat ng Kanyang mga anak at mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak, sa lahat ng dako.6 Sinasabi sa unang kabanata ng Aklat ni Mormon na ang “kapangyarihan, at kabutihan, at awa [ng Diyos] ay sumasalahat ng mga naninirahan sa mundo” (1 Nephi 1:14). Nakasaad din sa isa pang kabanata na “malaya [niyang ibinibigay ang kanyang kaligtasan] sa lahat ng tao” at na “lahat ng tao ay may pribilehiyo, ang isa tulad ng iba, at walang pinagbabawalan” (2 Nephi 26:27–28). Samakatwid, itinuturo ng mga banal na kasulatan na tungkulin nating maging mahabagin at mapagkawanggawa (mapagmahal) sa lahat ng tao (tingnan sa I Mga Taga Tesalonica 3:12; I Juan 3:17; D at T 121:45).

IV.

Iginagalang din natin ang mga paniniwala ng lahat ng tao sa relihiyon, pati na ang lumalaking bilang ng mga taong hindi naniniwala sa Diyos. Alam natin na dahil binigyan tayo ng Diyos ng kakayahang pumili, marami ang may mga paniniwalang salungat sa ating paniniwala, ngunit umaasa tayo na rerespetuhin din ng iba ang ating paniniwala at uunawain na dahil sa ating mga paniniwala, naiiba sa kanila ang ating mga pinipili at inaasal. Halimbawa, naniniwala tayo na, bilang mahalagang bahagi ng Kanyang plano ng kaligtasan, nagtakda ang Diyos ng walang hanggang pamantayan na ang seksuwal na relasyon ay dapat lamang mamagitan sa isang lalaki at isang babae na ikinasal.

Ang kapangyarihang lumikha ng buhay ang pinakadakilang kapangyarihang ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga anak. Ang paggamit nito ay itinulot ng unang utos ng Diyos kina Eva at Adan (tingnan sa Genesis 1:28), ngunit ang iba pang mahahalagang utos ay ibinigay upang pagbawalan ang maling paggamit nito (tingnan sa Exodo 20:14; I Mga Taga Tesalonica 4:3). Ang pagbibigay-diin natin sa batas ng kalinisang-puri ay ipinaliliwanag sa pag-unawa natin sa layunin ng kapangyarihan nating lumikha sa pagsasakatuparan ng plano ng Diyos. Kung wala ang bigkis ng kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae, lahat ng paggamit ng ating kapangyarihang lumikha ng buhay sa anumang antas nito ay kasalanan at salungat sa plano ng Diyos para sa kadakilaan ng Kanyang mga anak.

Ang pagpapahalaga natin sa batas ng kalinisang-puri ay nagpapakita ng pangako nating tularan ang huwaran ng kasal na nagsimula kina Eva at Adan at nagpapatuloy sa lahat ng panahon bilang huwaran ng Diyos sa paglikha ng bata ng Kanyang mga anak na lalaki at anak na babae at para sa pangangalaga ng Kanyang mga anak. Nakakatuwa na maraming taong kabilang sa ibang relihiyon o organisasyon ang sumasang-ayon sa atin tungkol sa katangian at kahalagahan ng kasal, ilan dito ay batay sa doktrinang ukol sa relihiyon at ang iba ay batay sa ipinapalagay nilang pinakamabuti para sa lipunan.

Ang kaalaman natin sa plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak7 ang dahilan kaya tayo nalulungkot na parami nang parami ang mga batang isinisilang sa mga magulang na hindi kasal—sa kasalukuyan 41 porsiyento ng lahat ng ipinanganganak sa Estados Unidos8—at ang bilang ng nagsasama nang hindi kasal ay mabilis na dumadami sa nakalipas na kalahating siglo. Limang dekada na ang nakaraan, maliit na porsiyento lang ang nagsasama muna bago ikasal. Ngayon ay 60 porsiyento na ang nagsasama muna bago ikasal.9 At patuloy na nangyayari ito, lalo na sa mga tinedyer. Nalaman sa survey kamakailan na tinatayang 50 porsiyento ng mga tinedyer ang nagsasabi na ang pag-aanak nang hindi kasal ay isang “makabuluhang paraan ng pamumuhay.”10

V.

Maraming pagbabago sa batas at patakaran ang ipinipilit sa pamahalaan at lipunan na salungat sa batas ng Diyos sa seksuwal na kalinisan o moralidad at sa kawalang-hanggan at mga layunin ng pag-aasawa at pag-aanak. Ang mga pamimilit na ito ay nagpahintulot na sa kasal ng magkaparehong kasarian sa maraming estado at bansa. Ang iba pang pamimilit ay lilikha ng pagkalito sa kasarian o palalabuin ang mga pagkakaiba ng lalaki sa babae na mahalaga sa katuparan ng dakilang plano ng kaligayahan ng Diyos.

Ang pagkaunawa natin sa plano ng Diyos at sa Kanyang doktrina ay nagbibigay sa atin ng pananaw sa kawalang-hanggan na hindi nagtutulot sa atin na kunsintihin ang gayong gawain o pangatwiranan ang mga batas na nagpapahintulot sa mga ito. At, hindi tulad ng ibang organisasyon na maaaring magbago ng kanilang mga tuntunin at maging ng kanilang mga doktrina, ang ating mga tuntunin ay nakabatay sa mga katotohanang ipinahayag ng Diyos na hindi magbabago kailanman.

Nakasaad sa ating ikalabindalawang saligan ng pananampalataya na naniniwala tayo sa pagpapasailalim sa mga namumuno sa pamahalaan at sa “pagsunod, paggalang, at pagtataguyod ng batas.” Ngunit ang mga batas ng tao ay hindi magagawang moral ang ipinahayag ng Diyos na imoral. Ang katapatan sa ating pinakaunang prayoridad—ang mahalin at paglingkuran ang Diyos—ay nangangailangan ng pagturing natin sa Kanyang batas bilang ating pamantayan ng pag-uugali. Halimbawa, inutusan pa rin tayo ng Diyos na huwag makiapid o makipagtalik nang hindi kasal kahit hindi na kasalanan ang mga ito ayon sa mga batas ng estado o bansa kung saan tayo naninirahan. Gayundin, ang mga batas na ginagawang legal ang “pagpapakasal ng magkaparehong kasarian” ay hindi nagpapabago sa batas ng Diyos sa pagpapakasal o sa Kanyang mga utos at sa mga pamantayan natin hinggil dito. Sakop pa rin tayo ng tipan na mahalin ang Diyos at sundin ang Kanyang mga utos at huwag paglingkuran ang ibang mga diyos at mga prayoridad—kahit na ang mga tanggap na ng karamihan sa ating panahon at lugar.

Sa pagpapasiyang ito maaaring hindi tayo maunawaan, akusahan na mga panatiko, dumanas ng pang-aapi, o panghimasukan ang kalayaan nating ipamuhay ang ating relihiyon. Kung magkagayon, alalahanin natin ang ating unang prayoridad—ang paglingkuran ang Diyos—at, tulad ng mga ninuno nating pioneer, itulak ang sarili nating bagon ng pagsubok taglay ang tibay ng loob na ipinakita nila.

May itinuro si Pangulong Thomas S. Monson na angkop sa sitwasyong ito. Sa kumperensyang tulad nito 27 taon na ang nakararaan, buong tapang niyang ipinahayag: “Maging matapang tayong sumalungat sa gusto ng marami, matapang na manindigan sa prinsipyo. Tapang, hindi kompromiso, ang kalulugdan ng Diyos. Ang tapang ay isang panuntunan sa buhay at kaakit-akit na katangian kapag ang turing dito’y hindi lamang kahandaang mamatay nang may dangal, kundi bilang determinasyon na mamuhay nang disente. Duwag ang taong takot gawin ang inaakala niyang tama dahil hindi siya magugustuhan o pagtatawanan siya ng iba. Tandaan na lahat ng tao ay may kani-kanyang kinatatakutan, ngunit ang humaharap sa kanilang kinatatakutan nang may dignidad ay matapang din naman.”11

Dalangin ko na hindi natin hayaang maging dahilan ang mga pansamantalang pagsubok sa mundo para kalimutan natin ang dakilang mga utos at prayoridad na ibinigay sa atin ng ating Lumikha at Tagapagligtas. Hindi tayo dapat magtuon nang labis sa mga bagay ng mundo at maghangad ng mga parangal ng tao (tingnan sa D at T 121:35) at dahil dito ay makalimutan ang ating walang-hanggang tadhana. Tayo na nakaaalam sa plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak—tayo na nakipagtipan na makibahagi rito—ay malaki ang responsibilidad. Hindi tayo dapat lumihis sa pinakamahalaga nating hangarin, ang kamtin ang buhay na walang hanggan.12 Hindi natin dapat kalimutan ang ating unang prayoridad—ang huwag magkaroon ng ibang mga diyos at huwag unahin ang ibang mga prayoridad kaysa sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak, ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo.

Tulungan nawa tayo ng Diyos na maunawaan ang prayoridad na ito at maunawaan ito ng iba habang hinahangad natin ito sa matalino at mapagmahal na paraan, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan, halimbawa sa, Doktrina at mga Tipan 124:84.

  2. Tingnan sa Joyce A. Martin at iba pa, “Births: Final Data for 2011,” National Vital Statistics Reports, tomo 62, blg. 1 (Hunyo 28, 2013), 4; Gloria Goodale, “Behind a Looming Baby Bust,” Christian Science Monitor Weekly, Peb. 4, 2013, 21, 23.

  3. Tingnan sa Population Reference Bureau, “2012 World Population Data Sheet,” www.prb.org/Publications/Datasheets/2012/world-population-data-sheet/data-sheet.aspx.

  4. Tingnan sa D’Vera Cohn at iba pa, “Barely Half of U.S. Adults Are Married—a Record Low,” Pew Research Center, Social and Demographic Trends, Dis. 14, 2011, makukuha sa www.pewsocialtrends.org/2011/12/14/barely-half-of-u-s-adults-are-married-a-record-low; “Rash Retreat from Marriage,” Christian Science Monitor, Ene. 2 at 9, 2012, 34.

  5. U.S. Census Bureau, “Estimated Median Age at First Marriage, by Sex: 1890 to the Present,” makukuha sa www.census.gov/population/socdemo/hh-fam/ms2.xls.

  6. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Lahat ng Tao sa Lahat ng Dako,” Liahona, Mayo 2006, 77–80.

  7. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “The Great Plan of Happiness,” Ensign, Nob. 1993, 72–75.

  8. Tingnan sa Martin, “Births: Final Data for 2011,” 4.

  9. Tingnan sa The State of Our Unions: Marriage in America, 2012 (2012), 76.

  10. Tingnan sa The State of Our Unions, 101, 102.

  11. Thomas S. Monson, “Courage Counts,” Ensign, Nob. 1986, 41.

  12. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Hangarin,” Liahona, Mayo 2011, 42–45.