2014
Abraham
Marso 2014


Mga Propeta sa Lumang Tipan

Abraham

“Kapag sinunod natin ang halimbawa ni Abraham, … masusumpungan natin ang higit na kaligayahan at kapayapaan at kapahingahan, [at] kakasihan tayo ng Diyos at ng tao.”1 —Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985)

Ang latian ng Ur sa Caldea ang naging unang tahanan ko. Ang mga Caldeo, kabilang na ang aking ama, ay sumamba sa diyus-diyusan at nag-alay ng mga tao bilang sakripisyo. Ngunit naniwala ako sa isang totoo at buhay na Diyos at naghanda para sa araw na matatanggap ko ang priesthood, tulad ng aking mga ninuno.2

Isang araw iginapos ako ng mga Caldeo para ialay sa altar ng diyos ni Elkenah. Nang papatayin na nila ako, nanalangin ako sa Diyos na iligtas ako at nakalag kaagad ang aking mga gapos. Pagkatapos ay nangusap sa akin ang Panginoon: “Narinig kita, at bumaba upang iligtas ka, at upang ilayo ka … [patungo] sa isang di kilalang lupain.”3

Sinimulan akong pagpalain nang husto ng Panginoon: tinanggap ko ang priesthood mula kay Melquisedec,4 at nakipagtipan sa akin ang Panginoon na ako ay magiging ama ng maraming bansa at pagpapalain ng ebanghelyo ang buong sangkatauhan sa pamamagitan ng aking mga inapo. Ang pangalan kong Abram ay pinalitan Niya ng Abraham, na ibig sabihin ay “ama ng maraming bansa.”5

Dinala ko ang aking pamilya sa Canaan, ang lupaing inihanda ng Panginoon para sa amin.6 Ipinangako sa akin ng Panginoon na ang Kanyang tipan hinggil sa aking mga inapo ay matutupad sa pamamagitan ng isang anak na isisilang ng asawa kong si Sara. Matagal na kaming hindi magkaanak ni Sara. Naisip namin kung paano kami magkakaanak samantalang matanda na kami pareho—100 taong gulang ako at si Sara ay 90 noon.7 Ngunit tulad ng pangako ng Panginoon, nagkaroon kami ng anak na lalaki, si Isaac.8

Pagkaraan ng ilang taon, dumating ang isa sa pinakamabibigat na pagsubok sa buhay ko. Kahit nasaksihan ko ang pait ng pag-aalay ng tao bilang sakripisyo, ipinaalay ng Panginoon sa akin ang anak kong si Isaac bilang sakripisyo sa Panginoon. Nagdalamhati ang puso ko, ngunit nagtiwala ako sa Panginoon. Nang papatayin ko na si Isaac, tinawag ako ng isang anghel, at sinabing, “Huwag mong buhatin ang iyong kamay sa bata, … sapagka’t talastas ko ngayon, na ikaw ay natatakot sa Dios, sa paraang hindi mo itinanggi sa akin … ang iyong bugtong na anak.”9 Naglaan ang Panginoon ng isang tupang lalaki na isasakripisyo kapalit ni Isaac, na inialay naman namin ni Isaac sa Panginoon.10

Dahil sa aking pagsunod, pinagtibay ng Panginoon ang Kanyang tipan: “Pararamihin ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit, … at pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa; sapagka’t sinunod mo ang aking tinig.”11