Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Paghihintay sa Lobby
Nalungkot ako nang paghintayin ako sa lobby at sa labas ng templo dahil may mali at kulang sa dokumento.
Isang gabi isinama ko sa templo ang tatlo sa nakababata kong mga kapatid para magpabinyag [para sa mga patay]. Habang tinitingnan ng temple worker ang aming mga recommend, natuklasan niya na walang lagda ng bishop ang recommend ng kapatid ko. Sinimulan kong punan ang form na dadalhin sa temple recorder, na siyang tatawag sa bishop. Pagkatapos ay tiningnan ng temple worker ang recommend ng kapatid ko at nakitang hindi pa ito na-activate. Hawak ko ang bolpen, kaya kinuha ko ang form na iniabot sa amin at pinunan ko rin ito.
Alam ko na hindi makakapasok ang mga kapatid ko kapag may mali sa mga recommend nila, pero nadama ko na pananagutan ko sila, at kapag hindi ko sila tinulungang ayusin ang mga pagkakamaling ito, hindi rin ako makakapasok. Lungkot na lungkot ako na hindi ako pinapasok sa templo. Nilisan namin ang bautismuhan at umakyat sa itaas sa pasukan ng templo para ipaliwanag ang aming sitwasyon sa front desk. Sinabi ng temple recorder na maaayos niya ang problema sa loob lamang ng ilang minuto, kaya naupo kaming apat at naghintay sa lobby.
Habang nakaupo ako roon, nauwi sa panlulumo ang kalungkutan ko. Hindi kami pinapasok dahil sa gayon kasimpleng mga pagkakamali, pero iyon ang dahilan kaya kami pinaghintay sa lobby sa halip na papasukin sa bahay ng Panginoon. Nahirapan ako sa buong maghapon, at umasa ako na matutulungan ako ng templo para mapanatag. Hindi ako ang nagkamali, pero habang tumatagal ang paghihintay, parang maiiyak na ako. Sinikap kong magpakabuti sa pamamagitan ng pagpunta sa templo at pagpapakita ng halimbawa sa mga kapatid ko na mahalagang pumunta sa templo. Kaya bakit ayaw kaming papasukin gayong gustung-gusto kong pumasok?
Pagkatapos ay may napagtanto ako: kung nanlumo ako nang hindi ako papasukin sa templo dahil lang sa kaunting mali sa dokumento, gaano katinding panlulumo kaya ang madarama ko kung hindi ako papasukin nang dahil sa sarili kong mga pagkakamali—na hindi ako nararapat pumasok sa templo? Nang maisip ko ito, bigla akong huminahon. Nadama ko na natutuhan ko ang aral na gusto ng Diyos na matutuhan ko. Nangako ako sa Kanya na lagi kong sisikaping maging karapat-dapat na makapasok sa templo. Nangako ako na hinding-hindi ko hahayaan na hindi ako makapasok sa bahay ng Panginoon nang dahil sa sarili kong mga pagkakamali; ayaw kong magkamali sa mga kilos ko at manatili lang sa lobby.
Kalaunan nang gabing iyon may appointment ako sa aking bishop para ma-renew ang temple recommend ko. Bago ako nakipagkita sa kanya, inisip ko kung may nagawa akong mga pagkakamali na maaaring makahadlang sa pagpasok ko sa templo. Nang itanong ng bishop kung karapat-dapat ba akong pumasok sa bahay ng Panginoon, nagpapasalamat ako na nakasagot ako ng oo.