2014
Alam Ko na Ngayon na Mayroong Diyos
Marso 2014


Alam Ko na Ngayon na Mayroong Diyos

Carla Sofia Gavidia, Ontario, Canada

Ilang taon na ang nakararaan naglingkod ako bilang temple worker sa Santiago Chile Temple. Minsan nang panggabi ang shift o duty ko nahirapan ako sa paghinga, kaya atubiling hiniling ko na makaalis nang maaga.

Habang naglalakad ako papunta sa istasyon ng tren, ipinagdasal ko na naroon na sana ang tren na sasakyan ko para makauwi na ako kaagad. Naisip ko na sinagot ang dalangin ko nang makita kong tumigil ang tren sa may riles. Ngunit habang papalapit ako, nakita kong nagmamadali ang tauhan ng tren na tulungan ang isang pasahero na posibleng inaatake sa puso. Naisip ko ang mga titik ng paborito kong himno: “Ako ba’y may kabutihang nagawa?”1 Agad kong naisip na tumulong.

Nagmamadali akong pumunta sa pinagdalhan ng tauhan sa binatilyo para hintayin ang ambulansya, at pinayagan nila akong manatili roon. Ipinagdasal kong malaman kung ano ang gagawin at nagsumamo ako sa Ama sa Langit na iligtas ang buhay ng binatilyo. Ayaw ko siyang iwanang mag-isa at takot, kaya hinawakan ko ang kanyang kamay at sinikap na tulungan siyang manatiling mahinahon. Tiniyak ko sa kanya na tatagal pa ang buhay niya at na may layunin ang Diyos para sa kanya. Inalam ko ang numero ng telepono ng kanyang pamilya, tinawagan ko sila, at ipinaalam ko na papunta ng ospital ang anak nila at may kasama ito.

Pagdating ng mga paramedic, sinundan ko sila sa ambulansya. Nadama ko na dapat kong samahan ang binatilyo hanggang sa dumating ang kanyang pamilya. Nagulat ako dahil ipinasiya ng mga paramedic na dapat akong sumama sa kanila, kaya hawak ko ang kamay ng binatilyo hanggang sa ospital.

Hindi nagtagal pagdating namin, dinala na siya sa emergency room, at lumabas ako para abangan ang kanyang pamilya. Pagdating nila, humagulgol ang kanyang ina, niyakap ako, at sinabing natutuwa siya na may mabubuting tao pa rin sa mundo.

Pagkaraan ng isang linggo tinawagan ako ng binatilyo. Sinabi niya sa akin na sinabi ng mga doktor na ang pananatiling mahinahon ay napakahalaga noong panahong iyon bago siya nakarating sa ospital.

Hanggang sa araw na iyon, hindi siya naniniwala sa Diyos. Hindi ako nakapagsalita nang sabihin niyang, “Iniligtas ninyo ang buhay ko, at walang hanggan ang pasasalamat ko sa inyo! Alam ko na ngayon na mayroong Diyos.”

Nang lisanin ko ang templo nang maaga noong araw na iyon, inakay ako ng Espiritu sa tamang lugar at tamang oras. Nagpapasalamat ako sa ating Ama sa Langit sa paggabay at pagbibigay sa akin ng lakas ng loob na gawin ang sinasabi sa himno at huwag hayaang lumampas ang pagkakataon, kahit na ang tanging magagawa ko ay hawakan lamang ang kamay ng isang estranghero.

Tala

  1. “Ako Ba’y May Kabutihang Nagawa?” Mga Himno, blg. 135.