Hindi Natitinag
Nang bumaling kami sa Panginoon matapos ang lindol, naalala namin na mahalagang lagi Siyang alalahanin.
Biyernes, Marso 11, 2011, 2:46 n.h.; Kōriyama, Japan; Kōriyama chapel, ikalawang palapag.
Nagsimulang magsanay sa pagtuturo tungkol kay Joseph Smith ang labinlimang missionary sa kalagitnaan ng pagsasanay sa pamumuno. Nang mapuno ng mensahe ng pag-asa at kapayapaan ang silid, nagsimulang kumalampag ang mga bintana. Tumindi ang ingay. Ang nagsimulang mga pagyanig ay naging dagundong.
Gumewang-gewang ang gusali, at bumilis at lumakas ang pagyanig hanggang sa tuluy-tuloy itong umalog. Halos imposibleng tumayo at maglakad. Sinubukang magtago ng ilang missionary sa ilalim ng mga mesa—hanggang sa tumilapon ang mga mesa sa kabilang panig ng silid. Ang gusali, ang lungsod, maging ang buong lalawigan ay naligalig sa pagyanig na para bang bubuka ang lupa. Ito ang malinaw na pumasok sa isipan ko: “Ilabas mo ang mga missionary dito!”
Ang Aming Mahimalang Paglikas
Bilang mission president ng Japan Sendai Mission, ilang buwan kong naituro sa mga missionary at miyembro na “[bumaling] sa Panginoon” (Mosias 7:33). Ngayon, nang bumaling ako sa Kanya para mapatnubayan, mabilis na dumating ang inspirasyon: “Buksan mo ang pintuan—gumawa ka ng paraan sa pagtakas.” Alam ko na kailangan kong buksan ang pintuan bago bumagsak ang kisame, at madaganan kami sa loob. Kaya dali-dali akong pumunta sa pintuan at binuksan ko ito. “Labas kayo rito!” sigaw ko.
Kandarapa ang mga missionary sa umuuga, umuugoy, at taas-babang sahig papunta sa bukas na pintuan; pagkatapos ay bumaba sila sa hagdanan palabas ng simbahan. Nang makalabas na kami, nadama namin na mas ligtas kami roon, bagama’t hindi pa kami ligtas sa masamang panahon. Lumamig nang husto ang klima, at hinagupit ng niyebe ang mga mukha namin.
Sa tapat ng simbahan, nangabuwal ang mga lapida sa sementeryo ng mga Buddhist; gumuho ang pader ng sementeryo. Isang malaking bitak ang nagpaekis-ekis sa buong 12 palapag ng isang gusali ng apartment sa likod ng simbahan. Malalaking bloke ng konkretong harapan ang bumagsak at nagpaguho sa mga pader ng isang kalapit na paaralang elementarya. Nabasag ang mga bintana, at nagkalat ang mga basag na salamin sa lupa. Sa kabilang panig ng kalsada, nasa lapag ang pira-pirasong asul na bubong. Tinipon ko ang 15 missionary sa paradahan ng simbahan, at nagpasalamat kami sa ating Ama sa Langit na naprotektahan kami at humiling sa Kanya na patuloy kaming tulungan.
Ang Aming mga Panalangin ng Pasasalamat
Nagkagulo sa buong lungsod. Takot na mawawalan sila ng pagkain, binili ng mga tao ang lahat ng makita nila. Nabili kaagad ang lahat ng tinapay at gatas, at ilang oras lang ay wala nang mabiling tinapay sa lungsod. Milya-milya ang haba ng linya sa mga istasyon ng gasolina.
Salungat sa kalituhan ng mga tao sa mga lansangan, payapang-payapa ang mga missionary. Nagdasal kami at nagpasalamat, at nakadama kami ng katiyakan na magiging maayos ang lahat.
Hindi kami makaalis ng lungsod—sira ang mga kalye at sarado ang mga highway, at walang nagbibiyaheng mga tren o bus. Pinaalis na ang mga taong naghintay nang napakatagal sa mahahabang linya para bumili ng gasolina. Sistematikong pumasok ang mga inspektor ng pamahalaan sa bawat tirahan, pinagbawalan ang ilan at pinayagan ang iba na manatili sa bahay nila. Kaya magdamag kaming nanatili sa mga evacuation center kasama ang maraming iba pa na katulad namin ay hindi makabalik sa kanilang mga tahanan.
Pagiging Disipulo sa Gitna ng Paghihirap
Kinabukasan, Sabado, nagsimula kaming mag-aral ng banal na kasulatan at manalangin tulad ng dati. Nang araw na iyon lalo naming kinailangan ang tulong ng ating Ama sa Langit. Matapos mag-aral ng banal na kasulatan, iginrupu-grupo ko ang mga missionary. Ang isang grupo ay nagpunta sa simbahan para tumulong sa paglilinis at pagkatapos ay tumulong sila sa branch president sa pagkumpuni ng mga bahay ng mga miyembro. Pinuntahan naman ng isang grupo ang mga inspektor ng lungsod para alamin kung ligtas nang pumasok sa mga missionary apartment. Inalam naman ng isa pang grupo kung nagbibiyahe na ang mga tren at bus. Ang ilang iba pa ay pumila para makakuha ng tubig samantalang ang iba naman ay naghanap ng pagkain. Espesyal naman ang ipinagawa sa isang pares ng missionary: maghanap ng tinapay para sa sakramento sa Linggo. Buong maghapon kong sinikap na makontak ang lahat ng missionary sa mission.
Nang araw na iyon nadama namin ang patnubay ng ating Ama sa Langit sa lahat ng ginawa namin. Ang mga missionary na nakapila para sa tubig ay may nakilalang dalawang lalaki na nabahaginan nila ng ebanghelyo. Ibinahagi ng mga missionary ang mga patotoo nila tungkol sa pagmamahal ng Diyos at isinama ang dalawang lalaki sa testimony meeting namin kinagabihan at sa simbahan kinabukasan.
Kaagad nalaman ng mga sister missionary na naghanap ng pagkain para sa amin na ginagabayan ng Diyos ang kanilang mga yapak. Walang makitang anumang mabibili sa mga tindahan, nakakita sila ng pagkain sa mga lugar na karaniwan ay hindi nila iisiping puntahan, tulad ng mga eskinitang walang tao at sa maliliit na tindahan. Naibigay na sa amin ang aming “kakanin sa araw-araw” (Mateo 6:11).
Sa pagtatapos ng maghapon nag-ulat kami sa ating Ama sa Langit. Hindi nawala ang pokus namin. Kami ay mga “disipulo [pa rin] ni Jesucristo,” na “tinawag niya na ipahayag ang kanyang mga salita sa kanyang mga tao, upang magkaroon sila ng buhay na walang hanggan” (3 Nephi 5:13).
Ang Lakas, Kapangyarihan, at Kapayapaan ng Ama
Nang gabing iyon nadama namin na mas kailangan namin ng lakas at kapangyarihan ng ating Ama sa Langit. Kailangan namin ang patnubay ng Kanyang Espiritu. Kaya nagkaroon kami ng testimony meeting sa chapel. Nagpasalamat ang mga missionary sa Panginoon sa pagbibigay sa amin ng aming kakainin sa araw-araw, at kinilala nila na kami ay inakay, ginabayan, pinatnubayan, at pinrotektahan. Alam nila na maraming iba pa na hindi pinalad at hindi na inabot ang pagsikat ng araw. Tunay ngang “sa magkabikabila ay nanga[gipit] kami, gayon ma’y hindi nangaghihinagpis; nanga[tilihan], gayon ma’y hindi nangawawalan ng pag-asa; … ini[lugmok], gayon ma’y hindi nangasisira” (II Mga Taga Corinto 4:8–9).
Lahat ng missionary ay nagpatotoo sa kapayapaang nadama nila. Pinatotohanan nila na pinrotektahan sila ng Diyos at pinanatag ang kanilang kaluluwa. Nabingit sila sa kamatayan ngunit hindi sila natakot. Wala silang tubig, pagkain, o init na kailangan para makatagal sila, subalit pinangalagaan sila ng tubig na buhay; pinakain sila ng salita ng Diyos; pinainit sila ng Espiritu. Sa maliit na grupo ng aming mga missionary, wala ni isang natakot. Nadama ng bawat missionary ang nagpapalakas na kapangyarihan ng Diyos noong gabing iyon at naging mas malapit sila sa Diyos kaysa rati.
Sa pagtatapos ng araw na iyon, nagpasalamat kami na buhay pa kami. Nagpasalamat kami sa Panginoon sa tulong na ibinigay Niya sa amin sa napakaliteral na mga paraan. Gumawa kami ng mga assignment para sa pagsisimba namin kinabukasan at nilisan namin ang chapel para sumama sa iba pang mga nawalan ng tirahan at pansamantalang nasa evacuation center.
Ang Tinapay ng Sakramento
Ngunit may dalawang elder na napakatahimik. Sila ang pinakuha ng tinapay para sa sakramento kinabukasan at hindi nila naisagawa ito.
Nang makarating kami sa evacuation center noong Sabado ng gabi, malugod na tinanggap ng mga empleyado ng lungsod ang aming pagbabalik. Humingi sila ng paumanhin na kakaunti ang ibinigay nilang pagkain (20 biskwit) sa amin noong Biyernes ngunit pagkatapos ay masaya nilang iniabot sa amin ang aming rasyon para sa kinabukasan: isang bote ng tubig at walong hiwa ng tinapay.
Tiningnan ako ng mga elder ko na parang gustong sabihing, “Ano pa ba ang mahihiling natin niyan sa Panginoon?”
Ang Diyos, na nakakaalam sa pagkahulog ng isang maya, ay muli kaming tinulungan, na para bang hindi pa sapat na naligtas ang aming buhay. Tiniyak ng ating Ama sa Langit na “lagi [naming] aalalahanin” ang Kanyang Anak (D at T 20:77). Naging mas malapit kami sa ating Tagapagligtas nang sandaling iyon.
Nag-alay ng espesyal na panalangin ang mga missionary nang gabing iyon. Lumuhod sila para pasalamatan ang ating Ama sa Langit para sa isa pang himala sa sunud-sunod na natatanging mga himala. Naunawaan nila ang priyoridad na inilagay ng Diyos sa ating tipan na laging alalahanin si Jesucristo, at nagpasalamat sila sa awa at kabaitan ng isang mapagmahal na Diyos na tinutulutan tayong makibahagi ng sakramento bawat linggo.
Nagpatotoo ngayon ang mga missionary na ito, nang may higit na pananalig kaysa noon, na nais ng Diyos na lagi nating alalahanin ang Kanyang Anak na si Jesucristo.