Paano Pumili ng Mabubuting Kaibigan
Mula sa isang mensahe sa debosyonal sa Brigham Young University noong Nobyembre 6, 2005.
Sa isang survey na ginawa sa mga piling ward at stake ng Simbahan, may nalaman kaming isang napakahalagang katotohanan. Ang mga tao na may mga kaibigang ikinasal sa templo ay karaniwang ikinakasal din sa templo, samantalang ang mga tao na may mga kaibigang hindi ikinasal sa templo ay karaniwang hindi rin ikinakasal sa templo. Mukhang mas malaki ang impluwensya ng mga kaibigan kaysa panghihikayat ng mga magulang, pagtuturo sa klase, o pagiging malapit sa templo.
May tendensiya tayong maging katulad ng mga hinahangaan natin. Tulad ng nasa klasikong kuwento ni Nathaniel Hawthorne na “The Great Stone Face,” ginagaya natin ang mga gawi, saloobin, maging ang ugali ng mga taong hinahangaan natin—at kadalasan ay mga kaibigan natin sila. Makisama sa mga taong katulad mo, na nagpaplano hindi para sa pansamantalang kaginhawahan, mababaw na mga mithiin, o limitadong ambisyon kundi para sa mga bagay na pinakamahalaga—maging mga walang-hanggang mithiin.
Nakaukit sa silangang pader ng Stanford University Memorial Church ang katotohanang: “Lahat ng hindi ukol sa walang hanggan [ay] napakaikli, [at] lahat ng may katapusan [ay] napakaliit.”1
Maliban sa grupo ng mga kaibigan ninyo sa lupa, hinihimok ko kayong kaibiganin ang inyong Ama sa Langit. Handa Siyang sagutin ang dalangin ng inyong puso. Dahil Siya ang Ama ng inyong espiritu at nilikha kayo sa Kanyang sariling larawan, nalalaman ang wakas mula sa simula, ang Kanyang karunungan ay hindi magkukulang at ang payo Niya ay angkop kailanman. Kaibiganin Siya.
May isa pang mahalagang tao na dapat ninyong kaibiganin, at iyan ay ang bishop ng inyong ward. Tinawag siya ng Diyos sa pamamagitan ng propesiya at pagpapatong ng mga kamay ng mga taong may karapatan. Siya ay may karapatan sa tulong ng langit para bigyan kayo ng payo at patnubay. Kaibiganin siya.
Maingat na piliin ang inyong mga kaibigan.