May Nakikinig Ba sa Akin?
Maraming beses nang nagdasal si Lucas, pero may patotoo na ba siya tungkol sa panalangin?
“Araw-araw akong lumuluhod para magdasal. Kinakausap ko ang Ama sa Langit. Pinapakinggan at sinasagot Niya ako kapag nagdarasal ako nang may pananampalataya” (“I Pray in Faith,” Children’s Songbook, 14).
Nag-alala ako. Hiniling ng guro ko sa Primary na magsalita ako sa susunod na linggo sa oras ng pagbabahagi. “Maaari kang magpatotoo tungkol sa panalangin,” sabi niya. Katatapos lang naming pag-usapan ang panalangin sa klase namin.
Nagdasal na ako nang maraming beses. Lagi akong nagdarasal, at madalas ay ako ang nagdarasal sa panalangin namin ng pamilya ko. Maraming beses na rin akong nagbasbas sa pagkain, at nagdasal na ako dati sa Primary. Pero ngayon hindi ako sigurado kung may patotoo nga ako tungkol sa panalangin o kung nauunawaan ko kung paano ako matutulungan ng panalangin. “Talaga bang may nakikinig sa akin kapag nagdarasal ako?” naisip ko.
Nagpunta ako sa kusina, kung saan naghahanda ng hapunan ang nanay ko.
“Mama,” sabi ko, “paano po ako magbabahagi ng patotoo tungkol sa panalangin samantalang hindi naman ako sigurado kung may patotoo ako tungkol dito?”
Niyakap ako ng nanay ko. “Bakit hindi ka magturo tungkol sa panalangin sa family home evening bukas, at sama-sama nating pag-usapan ito,” sabi niya.
Tinulungan ako ni Inay na maghanap ng mga kuwento at mensahe sa kumperensya tungkol sa panalangin. Pagkatapos ay sinimulan kong maghanda para sa family home evening at para sa mensahe ko sa Primary.
Nang ituro ko ang aralin noong Lunes, sinabi sa akin ng nanay at tatay ko kung paano sila natulungan ng panalangin. Nakapagbigay rin ako ng mensahe sa Primary nang sumunod na Linggo, pero wala akong nadamang kakaiba. Inisip ko pa rin kung may patotoo nga ba ako tungkol sa panalangin. Taimtim kong ipinagdasal ang mga pagdududa ko, pero hindi dumating kaagad ang sagot.
Isang araw umuwi ang tatay ko matapos maghanap ng trabaho sa buong maghapon nang walang saysay. Lungkot na lungkot siya. Ilang linggo na siyang walang trabaho. Tumakbo ako sa kanya at niyakap siya, tulad ng lagi kong ginagawa.
“Huwag po kayong malungkot, Papa,” sabi ko. Pagkatapos ay bigla akong may naramdaman sa puso ko. “Kailangan po nating magdasal,” sabi ko.
“Ngayon na?” tanong ng tatay ko.
“Opo, ngayon na,” sabi ko. “Naniniwala po ako na pakikinggan tayo ng Ama sa Langit.”
Magkasama kaming lumuhod at nagdasal, na hinihiling sa Ama sa Langit na panatagin kami.
Matapos magdasal nagbasa kami ng mga banal na kasulatan, tulad ng ginagawa namin gabi-gabi, at pagkatapos ay nag-usap kami. Napansin ko na unti-unting napalitan ang kalungkutan ng kaligayahang lagi naming nadarama noon sa aming tahanan. Nag-iba ang pakiramdam ko—para bang ligtas kami at protektado, at alam ko na magiging maayos ang lahat. Ang sarap ng pakiramdam na iyon.
Napansin din iyon ni Mama. “Nararamdaman mo ba, Lucas?” mahina niyang tanong. “Pinapanatag tayo ng Espiritu Santo, para malaman natin na hindi tayo nag-iisa.”
“Opo, nararamdaman ko po,” sabi ko. Alam ko na narinig ng Ama sa Langit ang aming panalangin.
Isang gabi iyon na hinding-hindi ko malilimutan. Ngayon ay may sarili na akong patotoo sa kapangyarihan ng panalangin.