2014
Pag-anyaya sa Tagumpay
Marso 2014


Pag-anyaya sa Tagumpay

Sa simpleng pagtatanong sa iba kung interesado sila sa ebanghelyo, maaari kayong makibahagi sa pagpapabilis ng gawain ng kaligtasan.

Ang pagbabahagi ng ebanghelyo kadalasan ay kasingsimple ng pag-anyaya, pagtatanong, o pagsali sa usapan. Habang inihahanda natin ang ating puso na ibahagi ang ebanghelyo, gagabayan tayo ng Panginoon sa mga taong handa nang makinig dito.

“[Ang Panginoon] ay naghanda ng maraming paraan para maibahagi natin ang ebanghelyo, at tutulungan Niya tayo sa ating mga pagsisikap kung gagawin natin nang may pananampalataya ang Kanyang gawain,” sabi ni Pangulong Thomas S. Monson sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2013.1 Narito ang ilang halimbawa.

Bawiin ang Bisikleta

Nang lumipat si Nick Barton at ang kanyang asawang si Morgan sa Arizona, USA, kung saan mag-aaral si Nick sa law school, sinimulan nilang ipagdasal na magkaroon sila ng mga pagkakataon para sa gawaing misyonero. “Hiniling namin sa Ama sa Langit na tulungan kaming maging mas sensitibo sa mga ipinadarama ng Espiritu Santo at magkaroon ng sapat na lakas ng loob na kumilos,” sabi ni Nick.

Isang Sabado, kinailangan ni Morgan ang kanilang kotse sa trabaho, kaya nagbisikleta si Nick papunta sa kampus. Gayunman, nang oras na para umuwi, wala na ang bisikleta.

“Sadyang karaniwan na ang pagnanakaw ng mga bisikleta kaya’t nagtanong ang pulis kung mayroon bang anumang bagay na makatutulong upang matukoy ito. Naalala ko na may idinikit si Morgan na label sa hawakan na nagsasabing, ‘Mahal Kita.’”

Muling nanalangin si Nick. “Hiniling ko na may matutuhan ako sa sitwasyong iyon,” sabi niya. Pagkatapos ay sumakay siya ng tren para malapit na lang siya sa bahay nila bago niya tawagan ang kanyang asawa para sunduin siya.

“Sa sumunod na istasyon ng tren, nakita kong sumakay sa tren ang isang malaking lalaki na nakasumbrero nang pabaligtad, na dala ang bisikleta ko! Nakita ko ang ‘Mahal Kita’ sa hawakan nito, kaya’t nalaman kong akin iyon,” sabi ni Nick. Tinapik niya sa balikat ang lalaki.

“Sabi ko, ‘Kailangan kitang tanungin kung saan mo nakuha ang bisikletang iyan.’ Sumagot siya, ‘Sa isang yard sale sa tabi ng kalsada.’” Ipinaliwanag ni Nick na ninakaw ang kanyang bisikleta. Sumagot ang binata na hindi siya magnanakaw at na maaaring bawiin ni Nick ang bisikleta.

“Pinasalamatan ko siya at sinabi ko na patatawagin ko sa kanya ang pulis para maimbestigahan ang ‘yard sale,’ sabi ni Nick. “Sinabi niya sa akin na Harley ang pangalan niya at ibinigay sa akin ang numero ng kanyang telepono. Sinabi ko sa kanya na makikihati ako sa halagang ibinayad niya, yamang kapwa kami nabiktima, at naglakad na ako palayo sa tren na natutuwang naibalik ang bisikleta ko.”

Ngunit simula pa lamang iyon.

“Dahil gusto kong malaman ang nangyari, tinawagan ko si Harley kinabukasan. Sinabi niya na nag-iimbestiga na ang mga pulis. Pagkatapos ay itinanong niya kung gusto naming mag-asawa na maglibang sa hapong iyon. Natanto ko na gusto niyang makipagkaibigan.

“Dahil araw ng Linggo, sinabi ko sa kanya na magsisimba kami pero matutuwa kaming makipagkita sa kanya sa ibang araw. Nang ibaba ko ang telepono, naisip ko na malinaw na pagkakataon ito para sa gawaing misyonero. Tinawagan ko siya ulit at itinanong kung interesado siyang sumama sa amin sa simbahan. Pumayag siya! Dumalo siya sa lahat ng pulong at ipinaalam sa akin pagkatapos na nadama niya na parang nagsasalita nang tuwiran sa kanya ang mga tagapagsalita at guro.

“Nasa ibang bansa ang pamilya ni Harley at di-nagtagal ay nagpunta siya roon matapos kaming magkita,” sabi ni Nick. “Pero naging kaibigan namin siya, iginalang niya ang Simbahan, at muli niyang natiyak na nagmamalasakit sa kanya ang Ama sa Langit.”

Kausapin ang Technician

“Isang araw, matapos makinig sa isang mensahe sa kumperensya, nadama ko na kailangan kong kausapin ang pharmacy technician sa tindahan,” sabi ni Hannah Rawhouser, na mula rin sa Arizona. “Sabi ng tinig sa aking isipan, ‘Mabuti siyang tao. Kailangan mo siyang anyayahan sa isang aktibidad sa Simbahan.’”

Nang muling magdaan sa drive-through si Hannah, hinanap niya ito, pero wala ito roon. Gayunpaman, patuloy pa rin ang panghihikayat ng Espiritu.

“Makalipas ang ilang linggo, dumaan akong muli sa drive-through, at naroon na siya. Dahil alam ko na sandali lang ako roon, agad kong sinabi ang pakay ko. ‘Nagsisimba ka ba?’ tanong ko. Natigilan siya at saka nagsabing “Oo.” Iniabot ko sa kanya ang aking business card. ‘Tawagan mo lang ako,’ sabi ko at umalis na ako. ‘Ginawa ko na ang bahagi ko,’ naisip ko. ‘Ngayon ay hindi na ako makokonsiyensya.’”

Laking gulat niya nang tumawag ang lalaki kinabukasan at nagpakilala na siya si Greg Eiselin. “Sinabi niya sa akin kalaunan na, dahil pareho kaming bata pa at walang asawa, akala niya ay gusto kong makipagdeyt sa kanya,” sabi niya. “Pero nauwi ang usapan namin sa relihiyon na tumagal nang tatlong oras, at sinimulan niyang alamin ang tungkol sa Simbahan.” Ngayon ay naglilingkod na si Elder Eiselin bilang missionary sa Montana, USA.

Tanungin ang Elevator Operator

Sa edad na 26, si Robert G. Ellis Jr. ay nagtatrabaho noon bilang pulis sa gusali ng opisina ng Senado sa Washington, D.C., USA.

“Maraming oras kong pinag-iisipan ang natutuhan ko tungkol kay Jesus,” paggunita niya. “Hindi dumadalo noon ang tatay at nanay ko sa alinmang simbahan, pero pinayagan nila akong magsimba, at nasiyahan akong dumalo sa mahigit isang dosenang sekta ng relihiyon.” Noong siya ay bagong kasal na young adult, nadama niya na dapat siyang mabinyagan—pero sa aling simbahan?

“Nagulumihanan ang aking espiritu. Gusto kong makahanap ng simbahang tapat sa mga turo ni Cristo. Sinasabi ng mga tao na lahat ng simbahan ay Simbahan ng Panginoon, pero hindi sila nag-aatubiling sabihin na mali ang ibang sekta. Nagdasal ako, ‘Gusto kong magpabinyag, pero hindi ko alam kung aling simbahan ang sasapian ko.’”

Naaalala ang sinabi ni Jesucristo, “Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan” (Mateo 7:7), patuloy na nagsumamo si Robert. Isang araw habang nasa trabaho, muling nabagabag si Robert, at napaiyak siya.

“Nakadama ako ng takot at hindi ko alam kung tama o mali ang mga naiisip ko. Pagkatapos ay nakadama ako ng kapayapaan. Hindi lubos na nauunawaan kung bakit ko iyon ginagawa, lumapit ako sa isang elevator operator at nagtanong, ‘Anong simbahan ang kinabibilangan mo?’”

Ang elevator operator ay si Norman Maxfield, isang returned missionary na nag-aaral sa Georgetown University.

“Tumingala siya mula sa pagbabasa ng ilang aklat. Halatang nagulat siya. Sabi niya, ‘Mormon ako. Bakit po?’

“Sabi ko, ‘Gusto kong magpabinyag, pero hindi ko alam kung aling simbahan ang sasapian ko.’

“Tanong niya, ‘Ano ba ang pinaniniwalaan mo?’

“‘Si Jesucristo,’ buong pagmamalaki kong sagot.

“Tanong niya, ‘Maaari ba kitang kuwentuhan tungkol sa simbahan ko, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?’ Nang sabihin niya sa akin na ang Simbahan ni Cristo ay ipinanumbalik na sa lupa, alam ko na nasagot na ang aking mga dalangin. Napakaganda ng pakiramdam ko.”

Noong 1977 iyon. Ngayon miyembro na ng Simbahan sina Brother at Sister Ellis sa Virginia, USA.

Umasa sa Panginoon

Sinabi ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol na “kapag tumatayo tayo bilang ‘mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay’ (Mosias 18:9), magbubukas ang Panginoon ng mga daan upang makakita at magkaroon tayo ng pagkakataong makausap ang mga naghahanap na iyon. Darating ito kapag naghahangad tayo ng patnubay at kumikilos dahil sa tunay at mala-Cristong pagmamahal sa iba.”2

Sina Nick, Hannah, Greg, Robert, at Norman ay sasang-ayong lahat na totoo ang sinabi niya.

Mga Tala

  1. Thomas S. Monson, “Pagbati sa Kumperensya,” Liahona, Nob. 2013, 4.

  2. Dallin H. Oaks, “Pagbabahagi ng Ebanghelyo,” Liahona, Ene. 2002, 8.

  3. Russell M. Nelson, “Tanungin ang mga Missionary! Matutulungan Nila Kayo!” Liahona, Nob. 2012, 18–21.