2014
Kailangan Niya ng Pagmamahal
Marso 2014


Kailangan Niya ng Pagmamahal

Jay Mcfarland, Utah, USA

Hindi ako isang tinedyer na talagang kahanga-hanga at hindi ako gaanong naglilingkod sa iba. Sa panahong ito niyaya ako ng aking ina na samahan siyang bisitahin ang aking tiya-sa-tuhod sa isang bahay-kalinga.

Sinamahan kami ng pinsan ko at ng kanyang anak na si Stephanie sa pagbisitang ito. Si Stephanie ay pito o walong taong gulang noon. Habang naglalakad kami papunta sa bahay-kalinga, kinawayan niya ang lahat ng taong nakita niya. Sumaya sila na para bang namimigay siya ng sikat ng araw at bahaghari. Sa kabilang banda, iniwasan ko namang tingnan sila sa mata.

Pagpasok namin sa kuwartong kinaroroonan ng aking tiya at ng isa pang matandang babae, ginawa ko ang lahat para hindi ako mapansin. Pero si Stephanie ay agad na naupo sa tabi ng kama ng tita ko at sinimulang kuwentuhan ito.

May napansin ako sa kuwarto. Sa kinalalagyan ng tiya ko ay may mga tanda ng pagmamahal at pamilya. May nakasabit na mga larawan at drowing sa krayola sa dingding, at may palamuting mga bulaklak sa mesa sa tabi ng kama. Ang kabilang bahagi ng kuwarto ay malinis at walang dekorasyon. Walang mga palatandaan na may bumibisita; walang mga kard o larawang nakasabit sa dingding.

Nakaupong mag-isa sa wheelchair ang kasama ng tita ko sa kuwarto at hindi pinansin ang aming pagdating. Humihimig ang babae at tinutuktok ang mga patungan ng kamay sa kanyang wheelchair, kaya hindi ako mapakali.

Hinila ni Stephanie sa braso ang kanyang ina at itinanong, “Inay, ano po ang nangyayari sa matandang iyon?” Yumukod ang ina ni Stephanie at bumulong, “Kailangan niya ng pagmamahal.” Hindi ko inaasahan ang sumunod na nangyari.

Walang pag-aatubiling tumakbo si Stephanie at kumandong sa matanda. Pagkatapos ay nagsimula siyang magkuwento at nagtanong nang nagtanong. Hindi sumagot ang matanda. Sa halip, dumaloy ang mga luha sa kanyang pisngi nang yakapin niya si Stephanie. Nang sumunod na ilang minuto, nakakandong si Stephanie sa kanya, hinahagod ang kanyang buhok at hinahagkan ang kanyang pisngi.

Noon ko lang nasaksihan ang ganitong uri ng di-makasariling pagmamahal, at sinikap kong itago ang aking mga luha. Kalaunan, nang lisanin namin ang bahay-kalinga, namangha ako na sa murang edad ni Stephanie nagawa niyang maging di-makasarili at mapuno ng pagmamahal at pagkahabag sa isang taong hindi niya kilala.

Kalaunan ay lubos kong binago ang buhay ko at nagmisyon ako. Habang nasa misyon ako, sinulatan ako ni Stephanie ng nakakatuwang mga liham na kinabilangan ng mga drowing na tulad ng nasa kuwarto ng tiya ko sa bahay-kalinga.

Bago ako umuwi, natanggap ko ang nakapanlulumong balita na binawian na ng buhay si Stephanie dahil sa isang karamdaman. Iniiyakan ko pa rin ang kanyang maagang pagpanaw, ngunit pinasasalamatan ko ang kanyang magandang halimbawa hanggang ngayon. Itinuro niya sa akin kung ano talaga ang paglilingkod.

Hindi natin kailangang isipin kailanman kung paano o kung dapat tayong maglingkod. Kung mabuti ang layunin ng ating puso, magiging bahagi ng ating pagkatao ang paglilingkod, hindi lamang ng ating ginagawa.