Paglilingkod sa Simbahan
Paglilingkod sa Isang Hindi Kakilala
Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.
Nang malapit na akong umalis sa Korea, nag-alala ako. Sino ang mag-aalaga sa tiyahin ko pag-alis ko?
Hindi tinanggap ng nanay ko ang ebanghelyo noong nabubuhay pa siya, kahit ipinagdasal ko na siya at nadama ko na tatanggapin niya ito balang-araw. Isa siyang matatag na babae na habambuhay na nagsakripisyo para matustusan ang aming pamilya pagkatapos ng Korean War. Sa unang-taong anibersaryo ng pagkamatay ng nanay ko, nagpunta kaming mag-asawa sa Los Angeles California Temple upang isagawa ang kanyang binyag at kumpirmasyon. Ang malakas na impluwensya ng Espiritu na naroon sa silid ay nagpatunay sa akin na masayang tinanggap ng nanay ko ang ebanghelyo at mga ordenansa.
Bago pumanaw ang nanay ko, pinakiusapan niya akong alagaan ang kanyang nakababatang kapatid na babae, na nasa isang ospital sa Korea. Kami ng aking pamilya ay nakatira noon sa California, USA, kaya nakakalungkot na tila walang paraan para matupad ang huling pakiusap ni Inay na puno ng pagkahabag. Pagkatapos ay hindi inaasahang nalipat ako ng trabaho sa South Korea, at kinailangan kong mawalay sa pamilya ko nang isang taon. Bagama’t nag-alala ako na malayo ako sa pamilya ko, inasam ko ring mabisita ang tiyahin at ang tatay ko, na nasa isang ospital sa Korea at may sakit na Alzheimer.
Humingi ako ng tulong sa Ama sa Langit sa pamumuhay nang malayo sa pamilya ko. Habang iniisip ko ang panahon na mananatili ako sa Korea, nagpasiya akong bisitahin ang tatay ko, ang tiyahin ko, at ang templo linggu-linggo at ipagdasal ang pamilya ko araw-araw.
Nang nasa Korea na ako, tinawag ako ng bishop ng bago kong ward na maging Young Men president at Gospel Doctrine teacher. Malayo ang ward ko sa mga ospital na kinaroroonan ng tatay at tiyahin ko, at napakahirap ng trabaho ko; ngunit biniyayaan ako ng Ama sa Langit ng lakas at katatagan na gampanang mabuti ang aking mga tungkulin at gawin ang aking mga ipinasiya.
Hindi nagtagal matapos kong bisitahin ang tiyahin ko, natuklasan ko na bihira siyang mabisita. Nagpasiya akong sunduin siya at isama ko tuwing sabado’t linggo sa hotel ko na may isa pang kuwarto. Gayunman, nagkaroon ako ng problema: dapat ko ba siyang isama sa simbahan sa Linggo? Naisip ko na hindi siya magiging interesado ni hindi niya mauunawaan ang mga miting, at kailangan niya akong hintaying matapos sa mga miting at iba pang mga tungkulin nang ilang oras pagkatapos magsimba. Ngunit sa kung anong dahilan ay nadama ko na dapat ko siyang isama.
Noong Linggong iyon ay isinama ko siya, at, tulad ng inaasahan, kinailangan niya akong hintaying matapos. Pagkatapos ng mga miting ko, ibinalik ko siya sa hotel para kumain. Napansin ko na may hawak siyang bag. Tinanong ko siya tungkol dito, at binigyan daw siya ng isang miyembrong babae ng meryenda.
Tuwing may tungkulin ako pagkatapos ng serbisyo sa simbahan, ang miyembrong ito—na hindi kilala ang tiyahin ko—ay palaging inaalok ng meryenda ang tiyahin ko. Isang araw ng Linggo habang nagtuturo ako sa Sunday School, nagboluntaryo ang isang pamilyar na tinig na magbasa ng isang talata sa banal na kasulatan. Hinding-hindi ko inakalang magboboluntaryo ang tiyahin ko, pero hinikayat siya ng isang mabait na miyembrong katabi niya na magbasa sa klase. Bagama’t hindi mahusay makihalubilo ang tiyahin ko dahil sa matagal niyang pagkaratay sa ospital, masaya siyang binati at kinausap ng lahat ng miyembro.
Tuwing Linggo ng gabi ibinabalik ko siya sa ospital at pinangangakuang susunduin siya sa susunod na linggo, na laging nagpapangiti sa kanya.
Isang araw sinabi ng isang kaibigan ko na nag-aalala siya na baka mahirapan ang tiyahin ko kapag bigla akong tumigil sa pagbisita pag-alis ko ng Korea. Nang malapit na akong umalis sa Korea, halu-halo ang damdamin ko—masaya na makakasama kong muli ang aking pamilya ngunit balisa at malungkot na maiiwan kong mag-isa ang tiyahin ko.
Sa huli, ipinaliwanag ko sa tiyahin ko na hindi ko na siya mabibisita nang madalas. Tumigil siya sandali, halatang nalungkot. Pagkatapos ay nagsikap siyang huminahon at nagtanong kung puwede ko siyang bisitahing muli sa isang taon. Napaiyak ako at talagang hiniling ko sa Ama sa Langit na tulungan ang babaeng ito.
Noong huling Linggo ko sa Korea, itinanong ng bishop kung puwedeng sunduin ng mga miyembro ng ward ang tiyahin ko tuwing Linggo para dalhin ito sa simbahan. Sinabi niya na may mga miyembro na handang bisitahin siya nang regular—napakarami kaya kailangan nilang mag-usap-usap at maghalinhinan. Hindi ako makapaniwala sa kanyang alok! Hindi ko inaasahan ang sagot na ito sa matagal ko nang idinadalangin.
Dahil malayo ang tirahan ng mga miyembro sa ospital na kinaroroonan ng tiyahin ko, nag-alok akong mag-iwan ng kaunting pera para sa pamasahe nila, pero hindi ito tinanggap ng mga miyembro. Sinabi nila sa akin na maghahalinhinan sila sa pagbisita minsan sa isang buwan, pero nalaman ko kalaunan na dumadalaw pala sila linggu-linggo. Isang tapat na miyembrong babae ang sumusundo sa tiyahin ko tuwing Biyernes para dumalo sa institute at mananghali. Dinadala pa niya ito sa parlor para pagupitan. Isa pang miyembrong babae, isang ina na walang asawa na may dalawang anak na tinedyer, ang nagboluntaryong sunduin ang tiyahin ko tuwing Linggo ng umaga. Ipinagluluto niya ang tiyahin ko, ipinapasyal, at sabay silang nakikinig sa musika. Ang pinakamahalaga, sinisikap niyang maging kaibigan, at sa wakas ay napalagay ang loob ng tiyahin ko at naging komportableng kausapin siya at ang iba pang mga miyembro. Tuwing Linggo ng gabi sinusundo ng bishop ang tiyahin ko mula sa bahay ng isang miyembro pagkatapos ng kanyang mga miting sa Simbahan at iba pang mga tungkulin para ibalik sa ospital. Tuwing Huwebes ini-email niya ako para ikuwento ang mabuting paglilingkod nila sa tiyahin ko.
Naniniwala ako na nakita ng nanay ko ang mga paglilingkod ng matatapat na Banal sa mga Huling Araw sa nakababata niyang kapatid. At ngayon ay alam ko na, nang mas malinaw kaysa rati, kung bakit tinatawag nating “kapatid” ang mga kapwa miyembro natin sa Simbahan.”