Mga Pioneer sa Bawat Lupain
Zimbabwe Lupain ng Kagandahan, mga Taong May Pananampalataya
Ang Zimbabwe ay may maunlad na komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Ang Kagandahan ng Zimbabwe
Itinuturing na isa sa Seven Natural Wonders of the World, ang Victoria Falls sa hangganan ng Zimbabwe ay hindi pinakamalawak ni pinakamalalim na talon sa mundo—ngunit maraming nagsasabi na ito ang may pinakamaraming tubig. Mahigit isang milya (1.6 km) ang lapad, bumabagsak ang tubig nang daan-daang talampakan (108 m) at sumasalpok sa mga bato sa ibaba. Malakas ang tilamsik ng bumabagsak na tubig kaya hindi ninyo makikita ang ibaba ng talon kapag tag-ulan.
Ang Victoria Falls ay isa lamang sa maraming napakagagandang tanawin sa Zimbabwe. Nasa timog-silangang Africa, nabibighani ng Zimbabwe (dating Southern Rhodesia) ang mga manlalakbay mula sa iba’t ibang panig ng mundo para makita ang mga parke, mga hayop, kagandahan, at kultura nito.
Kung gusto ninyong sumama sa isang wildlife safari o subukan ang white-water rafting pababa sa rumaragasang Zambezi River, maraming ganyan sa Zimbabwe—pati na ang maunlad na komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Ang Simbahan sa Zimbabwe
Mahigit 23,000 miyembro ng Simbahan ang naninirahan sa Zimbabwe. Mabilis na dumami ang mga miyembro sa nakalipas na 35 taon. Halimbawa, bago ang taong 1980, mahigit 1,000 lang ang mga miyembro.
Ang ipinahayag ng propetang si Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) noong Hunyo 8, 1978, na “lahat ng karapat-dapat na lalaking kasapi ng Simbahan ay maaaring ordenan sa pagkasaserdote nang walang pagsasaalang-alang ng lahi o kulay” (Opisyal na Pahayag 2) ay nagkaroon ng magandang epekto sa paglago ng Simbahan sa Zimbabwe.
Nakatulong ang maraming Banal sa mga Huling Araw na palakasin ang Simbahan sa Zimbabwe. Narito ang maikling sulyap sa ilan sa mga pioneer na iyon.
Mga Makabagong Pioneer sa Zimbabwe
Hubert Henry Hodgkiss
Nagpadala ng mga missionary sa Southern Rhodesia sa loob ng maikling panahon noong mga unang taon ng 1930s. Subalit pagsapit ng 1935 inalis ang lahat ng missionary sa Southern Rhodesia (na noon ay bahagi ng South African Mission) at isinara ang lugar dahil kulang ang mga missionary at malayo ang mission home sa Cape Town, South Africa.
Noong Setyembre ng 1950, walong missionary ang ipinadala para muling buksan ang Southern Rhodesia. Pagkaraan ng limang buwan, idinaos ang unang binyag sa lugar.
Isinilang sa England noong 1926, si Hubert Henry Hodgkiss ay lumipat sa Salisbury, Southern Rhodesia, noong 1949. Una niyang nalaman ang tungkol sa Simbahan mula sa isang kaibigang nagsisiyasat sa ebanghelyo. May mga alinlangan si Hugh sa ipinanumbalik na ebanghelyo at tinangkang patunayan sa kanyang kaibigan na hindi totoo ang Simbahan. Sa halip, matapos saliksiking mabuti ang ebanghelyo, nagkaroon ng patotoo si Hugh tungkol sa katotohanan nito at nagpasiyang magpabinyag. “Nagkamali ako,” sabi niya sa kanyang kaibigan. “Sasapi ako sa Simbahan.”1
Nabinyagan si Hugh noong Pebrero 1, 1951, na siyang unang taong nabinyagan sa Southern Rhodesia. Nasiyahan siyang makihalubilo sa mga tao at makipagkaibigan saanman siya magtungo. Ang likas niyang kabaitan ay nagdulot ng malalaking kontribusyon sa paglago ng Simbahan sa lugar.
Noong 1959 naging pangulo ng Salisbury Branch si Hugh. Ang kanyang mga tagapayo ay mga miyembrong tagaroon din. Ito ang unang pagkakataon na puro mga miyembrong tagaroon ang nasa branch presidency. Bago ito, laging mga full-time missionary ang tumutupad sa mga responsibilidad ng branch presidency.
Ernest Sibanda
Nakilala ni Ernest Sibanda ang dalawang Mormon missionary na nakabisikleta—sina Elder Black at Elder Kaelin—noong Disyembre 1978. Siya ay binigyan nila ng Aklat ni Mormon. Bago sila nagkausap, maraming taon nang nag-aaral ng relihiyon si Ernest. Katunayan, siyam na taon na siyang guro sa kanilang simbahan at tatlong taon siyang naging pastor.
Noong gabing matanggap ni Ernest ang kanyang kopya ng Aklat ni Mormon, alas-2:00 ng umaga na siya natulog dahil sa masigasig na pagbabasa nito. Hindi na siya makapaghintay pa na makausap ang mga missionary kinabukasan. Sinabi sa kanila ni Ernest na mas marami siyang natutuhan tungkol kay Jesucristo mula kay Joseph Smith kaysa sa lahat ng pastor na nakilala niya. Agad nabinyagan si Ernest pagkatapos niyon, at sumunod ang kanyang asawa at mga anak pagkaraan ng ilang linggo.
Sa araw ng kanyang binyag, isinulat niya, “Nakadama ako ng lubos na kalayaan. Nadama kong nakalaya ako mula sa lahat ng kasamaan. Nalaman ko na mahal ko ang aking pamilya. Nalaman ko na mahal ko ang Simbahan.”2
Si Ernest Sibanda ay naging matinding lakas sa Simbahan. Naglingkod siya bilang Sunday School president, branch clerk, at pangalawang tagapayo sa branch presidency. Ginawa rin niya ang ipinagagawa ng South Africa mission president na isalin sa wikang Shona ang mga himnong Ingles.
Edward Dube
Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2013, tinawag si Edward Dube bilang miyembro ng Unang Korum ng Pitumpu, kaya siya ang naging unang General Authority ng Simbahan mula sa Zimbabwe. Ito lamang ang pinakahuli sa maraming una para kay Elder Dube. Siya rin ang unang katutubong stake president, unang katutubong mission president, at unang katutubong area seventy mula sa Zimbabwe. Si Elder Dube ay naging isang tunay na pioneer ng matwid na pamumuno.
Gayunman, bago nangyari ang lahat ng iyon, may isa pang una para kay Elder Dube: ang unang araw ng kanyang pagsisimba. Dalawang taon bago siya nagsimba sa unang pagkakataon, binigyan siya ng Aklat ni Mormon ng isang lalaking Banal sa mga Huling Araw na amo niya sa trabaho. Binasa ni Elder Dube ang Aklat ni Mormon at nadama niya ang impluwensya at kapangyarihan nito.
Noong Pebrero 1984 tinanggap ni Elder Dube ang paanyayang dumalo sa pulong sa pag-aayuno at patotoo ng isang lokal na branch. Kabadung-kabado siya nang pumasok siya sa chapel kaya muntik na siyang tumalikod at lumabas.
Gayunman, hindi nagtagal ay nagsimulang magbago ang damdamin ni Elder Dube nang tumayo ang branch president at magpatotoo tungkol sa Aklat ni Mormon. Ang patotoo sa Aklat ni Mormon ay isang bagay na mayroon din si Elder Dube. Tumayo siya at nagbahagi ng kanyang sariling mga kaisipan at damdamin tungkol sa Aklat ni Mormon matapos magpatotoo ang ilang miyembro.
Hindi nagtagal matapos ang unang sacrament meeting na iyon, sinimulang siyasatin ni Elder Dube ang Simbahan nang buong sigasig. Bininyagan siya makalipas ang ilang buwan. Pagkatapos ay nagmisyon siya sa Zimbabwe Harare Mission. Pinakasalan ni Elder Dube si Naume Keresia Salizani noong Disyembre 9, 1989. Mayroon silang apat na anak.
Nakita na ni Elder Dube ang maraming masasaya at malulungkot na karanasan ng mga Banal sa Zimbabwe dahil sa kaguluhan sa pulitika. Sa lahat ng ito, umasa siya sa Panginoon para sa lakas at patnubay. “Nililingon ko ang dati kong buhay at talagang nagpapasalamat ako,” sabi niya. “Ang ebanghelyo ang naging lahat-lahat sa buhay ko.”3
“Para sa akin, si Elder Dube ang Brigham Young o Wilford Woodruff ng Zimbabwe,” sabi ni President Keith R. Edwards, dating miyembro ng Pitumpu na kasalukuyang naglilingkod bilang pangulo ng England Missionary Training Center. Si President Edwards ang mission president ng Zimbabwe Harare Mission mula 2000 hanggang 2003 at kasama niya palagi sa gawain si Elder Dube, na naglilingkod noon bilang stake president. “Nauunawaan ni Elder Dube kung ano ang nararapat gawin ng ebanghelyo at kung paano ito magiging mabisa.”4
Pagsisikap ng mga Missionary sa Zimbabwe
Noong nasa Zimbabwe siya, nasaksihan mismo ni President Edwards ang pag-unlad ng Simbahan sa isang lupain na lalo pang tumatanggap sa ebanghelyo. “Maganda ang pananaw sa buhay ng mga taga-Zimbabwe,” sabi ni President Edwards. “Masayahin sila at likas na napakaespirituwal. Napakadali nilang turuan.”
Ipinaliwanag ni President Edwards na ang missionary badge—dahil taglay nito ang pangalan ng Tagapagligtas—ay isa sa mga pinakamadaling paraan para sa mga missionary upang masimulan ang pakikipag-usap sa mga taga-Zimbabwe tungkol sa ebanghelyo. Madalas basahin ng mga tagaroon ang pangalan ng Simbahan at nagiging interesado sila. “Sinasabi nilang, ‘Mga kaibigan din kami ni Jesucristo.’ Kaagad na may nag-uugnay sa kanila,” sabi ni President Edwards.
Dumarami pa ang maaaring maging pinuno at pioneer na sumasapi sa Simbahan sa Zimbabwe. “Laging abala ang mga missionary,” sabi ni President Edwards.