Ang Regalo ng Bishop Ko sa Aking Kaarawan
Mariana Cruz, Rio de Janeiro, Brazil
Sa kaarawan ko isang Linggo ng umaga, naghahanda kaming mag-asawa sa pagpunta sa simbahan nang tumunog ang telepono. Sinagot ko ito, at sinabi ng bishop, “Alam kong kaarawan mo ngayon, pero puwede ba tayong magkita sa opisina ko sa loob ng 30 minuto? Gusto kitang makausap.”
Nagtataka, nagmadali ako sa pagpunta sa simbahan.
Sa kanyang opisina, sabi ng bishop sa akin, “Sister Cruz, may regalo ako sa kaarawan mo. Tinatawag ka ng Panginoon na maglingkod bilang Young Women president. Tatanggapin mo ba ang tungkuling ito?” Natigilan ako, pero tinanggap ko ang tungkulin. Sinang-ayunan ako at itinalaga noong araw na iyon.
Pag-uwi ko pagkatapos magsimba, naupo ako sa kama. Naisip ko ang bigat ng responsibilidad. Napaiyak ako at nakadama ng kakulangan sa gawain. Napakalaking responsibilidad ang gabayan ang mga dalagitang iyon! Nabinyagan ako noong 22 anyos ako at hindi pa ako nakadalo sa mga aktibidad ng Young Women kahit kailan. Paano ako magiging Young Women president?
Ginawa ko ang tanging alam kong gawin—lumuhod ako at humingi ng patnubay sa Ama sa Langit sa bagong tungkuling ito. Sa sandaling iyon nagkaroon ako ng karanasang hinding-hindi ko malilimutan. Habang iniisip ko ang bawat kabataang babae, naunawaan ko na bawat isa ay anak ng Ama sa Langit. Bawat isa ay nangangailangan ng pangulo na magmamahal at makatutulong para maunawaan na mahal siya ng Diyos. Sa aking isipan nakita ko ang mga pangalan ng lahat ng di-gaanong aktibong kabataang babae (na hindi ko pa kilala), at naunawaan ko na mga anak din sila ng Ama sa Langit at kailangan ko silang bigyang-pansin. Nadama ko ang potensyal ng bawat isa.
Ang sumunod na mga buwan ay hindi naging madali. Sinikap kong mabuti na makilala ang bawat kabataang babae at maunawaan ang kanyang mga pangangailangan. Kasama ang mga aktibong kabataang babae, tinulungan ng aming panguluhan na magbalik-loob ang matatagal nang di-gaanong aktibo. Nakita ko ang kamay ng Panginoon sa gawain sa maraming paraan.
Nang ma-release ako sa aking tungkulin, nag-alala ako na baka mas marami pa akong dapat na nagawa. Pagkauwi ko, lumuhod ako at nagtanong sa Ama sa Langit kung naging katanggap-tanggap ang aking paglilingkod. Nakadama ako ng kasiyahan na Siya ay nalugod.
Ginunita ko ang kaarawang iyon na tatanggihan ko sana ang tungkulin dahil sa iba ko pang mga responsibilidad. Pero ako sana ang nawalan nang malaki kung hindi ko tinanggap ang tungkulin. Nawalan sana ako ng pagkakataon na matutong magpakumbaba, makaunawa, magpasensya, at maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon. Pero higit sa lahat nabigo ko sana ang Panginoon sa tiwalang ibinigay Niya sa akin, at hindi ko sana nalaman na ang pagkakataong makapaglingkod ay isang kaloob.