2014
Matatapat na Magulang at mga Anak na Naliligaw ng Landas: Patuloy na Umaasa Habang Nilulutas ang Di-Pagkakaunawaan
Marso 2014


Matatapat na Magulang at mga Anak na Naliligaw ng Landas Patuloy na Umaasa Habang Nilulutas ang Di-Pagkakaunawaan

Elder David A. Bednar

Isa sa pinakamatitinding pagdurusang maaaring maranasan ng masunuring magulang sa Sion ay ang magkaroon ng anak na lumilihis sa landas ng ebanghelyo. Ang mga tanong na “Bakit?” o “Ano ba ang nagawa kong mali?” at “Paano ko ngayon tutulungan ang anak kong ito?” ay walang tigil na pinagbubulayan sa puso’t isipan ng gayong mga magulang. Ang kalalakihan at kababaihang ito ay taimtim na nagdarasal, masigasig na sinasaliksik ang mga banal na kasulatan, at matamang nakikinig sa payo ng mga lider ng priesthood at auxiliary sa kanilang pagbaling sa ebanghelyo ni Jesucristo para mapatnubayan, mapalakas, at mapanatag ang kalooban.

Ang mga pahayag mula sa mga General Authority ng Simbahan na naglalarawan sa impluwensya ng matatapat na magulang sa mga anak na naliligaw ay patuloy na pinagkukuhanan ng malaking kapanatagan ng pamilya.1 Ang kapanatagang nagmumula sa pag-asang hatid ng mga mensaheng ito ay nagsasaad na ang mga magulang na tumutupad sa mga tipan ng ebanghelyo, sumusunod sa mga utos ng Panginoon, at tapat na naglilingkod ay makaaapekto sa kaligtasan ng kanilang mga anak na naliligaw. Gayunman, dahil sa pakahulugan ng ilang miyembro ng Simbahan sa mga pahayag na ito, naging mali ang pag-unawa sa doktrina. Nagkaroon ng kalituhan dahil paiba-iba ang pakahulugan sa doktrina ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa mga alituntunin ng kalayaang moral at sa pananagutan sa kasalanan at paglabag ng bawat indibiduwal.

Ang pagrepaso sa mga katotohanang paulit-ulit na binibigyang-diin sa mga pamantayang aklat o mga banal na kasulatan, ang paglilinaw ng mga itinuturo ng mga apostol at propeta sa panahon ngayon, at ang kaukulang katibayan mula sa kasaysayan ng Simbahan ay patuloy na magbibigay ng pag-asa habang nilulutas ang di-pagkakaunawaan.

Mga Pangako ng Propeta Tungkol sa mga Inapo

Ang sumusunod na sipi ay mababasa sa Teachings of the Prophet Joseph Smith, na tinipon ni Joseph Fielding Smith habang siya ay naglilingkod bilang historian at recorder ng Simbahan: “Kapag ang ama at ina ay ibinuklod, pinatatatag nito ang kanilang mga inapo, upang hindi sila mawalay at mangaligaw, at sa halip ay mailigtas sa bisa ng tipan ng kanilang ama at ina.”2

Isa pang turo na kahalintulad nito, na malinaw na ibinatay sa pahayag ni Propetang Joseph, ay mula kay Elder Orson F. Whitney (1855–1931) ng Korum ng Labindalawang Apostol noong 1929: “Sinabi ni Propetang Joseph Smith—at ito ang doktrinang itinuro niya na higit na nagbibigay-[kapanatagan]—na ang walang hanggang pagkakabuklod ng matatapat na magulang at ang banal na mga pangako dahil sa magiting nilang paglilingkod sa Gawain ng Katotohanan, ay magliligtas hindi lamang sa kanila, kundi maging sa kanilang mga inapo. Bagama’t naliligaw ang ilan sa mga tupa, ang mga mata ng Pastol ay nakatuon sa kanila, at sa malao’t madali ay madarama nila ang mga galamay ng Banal na Maykapal na tumutulong at umaakay sa kanila pabalik sa kawan. Maging sa buhay na ito, o sa kabila, sila ay babalik. Kailangan nilang bayaran ang hinihingi ng katarungan; pagdusahan ang kanilang mga kasalanan; at marahil tatahakin nila ang matinik na landas; ngunit kung sa wakas ay ihatid sila nito, gaya ng nagsising Alibugha, pabalik sa mapagmahal at mapagpatawad na puso at tahanan ng ama, ang masakit na karanasan ay hindi nasayang. Ipanalangin ang inyong walang-ingat at suwail na mga anak; pangalagaan sila sa pamamagitan ng inyong pananampalataya. Patuloy na umasa, patuloy na manalig, hanggang sa makita ninyo ang kaligtasan ng Diyos.”3

Para sa ilang miyembro ang mga pahayag nina Joseph Smith at Orson F. Whitney ay nangangahulugan na ang mga anak na nangangaligaw ay makatatanggap ng kaligtasan nang walang kundisyon dahil sa katapatan ng kanilang mga magulang. Gayunman, ang pakahulugang ito ay bahagyang nabago dahil sa katotohanang wala pa sa historian ng Simbahan ang kumpletong sermon ng Propeta noong tinipon nila ang pinag-isang bersyon ng kanyang mga turo mula sa mga tala nina Willard Richards at William Clayton. Sa mas kumpletong tala nina Howard at Martha Coray, mas nilinaw at tiniyak ni Joseph Smith ang kanyang pahayag para maisaad na kailangang sumunod ang mga anak upang makamit ang mga ipinangakong pagpapala:

“Kapag ang ama at ina ng isang pamilya ay [nabuklod], ang kanilang mga anak na hindi lumabag ay ligtas sa buklod na nagbuklod sa kanilang mga Magulang. At ito ang Sumpa ng Diyos kay Abraham at ang doktrinang ito ay mananatili kailanman.”4

Ang paglilinaw na ito ay mas tugma sa doktrina. Maliban sa karagdagang impormasyong nasa mga tala ng mga Coray, ang konsepto na maliligtas ang mga anak kahit hindi sila sumusunod ay sasalungat sa maraming pangunahing turo ni Propetang Joseph Smith, kabilang na ang pangalawang saligan ng pananampalataya na “ang mga tao ay parurusahan dahil sa kanilang sariling mga kasalanan” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:2).

Ang pag-unawang ito ay alinsunod din sa maraming halimbawa sa mga pamantayang aklat o mga banal na kasulatan. Halimbawa, ipinaliwanag ni Alma sa kanyang anak na si Corianton:

“Ngunit masdan, hindi mo maaaring itago ang iyong mabibigat na kasalanan sa Diyos; at maliban kung ikaw ay magsisisi, ang mga ito ay tatayo bilang patotoo laban sa iyo sa huling araw.

“Ngayon anak ko, nais ko na ikaw ay magsisi at talikuran ang iyong mga kasalanan, at huwag nang sundin pa ang pagnanasa ng iyong mga mata, kundi pigilin mo ang iyong sarili sa mga bagay na ito; sapagkat maliban kung gagawin mo ito ay hindi ka sa ano mang paraan magmamana ng kaharian ng Diyos. O, pakatandaan, at iyong isaloob, at pigilin ang iyong sarili sa lahat ng bagay na ito” (Alma 39:8–9; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ipinahayag ni Samuel ang Lamanita sa mga Nephita:

“At ito ay sa layunin na sinumang maniniwala ay maligtas, at ang sinumang hindi maniniwala, isang makatarungang kahatulan ang ipapataw sa kanila; at gayon din kung sila ay maparusahan sila ang nagdala ng kaparusahan sa kanilang sarili.

“At ngayon, tandaan, tandaan, mga kapatid, na ang sinumang masawi, ay masasawi sa kanyang sarili; at sinumang gagawa ng kasamaan, ay ginagawa ito sa kanyang sarili; sapagkat masdan, kayo ay malaya; kayo ay pinahintulutang kumilos para sa inyong sarili; sapagkat masdan, binigyan kayo ng Diyos ng kaalaman at ginawa niya kayong malaya.

“Kanyang ibinigay sa inyo na malaman ninyo ang mabuti sa masama, at kanyang ibinigay sa inyo na kayo ay makapamili ng buhay o kamatayan; at maaari kayong gumawa ng mabuti at ibalik sa inyo yaong mabuti, o yaong mabuti ay ibalik sa inyo; o maaari kayong gumawa ng masama, at ang masama ay ibalik sa inyo” (Helaman 14:29–31; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Gayundin, maraming karagdagang banal na kasulatan ang nagpapatunay sa alituntunin na ang kalalakihan at kababaihan ay binigyan ng moral na kalayaan at pananagutan ang kanilang iniisip, sinasabi, at ginagawa.5

Ang mga Galamay ng Banal na Maykapal

Walang mga tala ang Simbahan ng kahit anong karagdagang turo sa partikular na paksang ito ni Propetang Joseph Smith. Bagama’t maraming kasunod na mga lider ng Simbahan ang magkakaiba ng pagbibigay-diin sa maraming aspeto ng mga pahayag nina Joseph Smith, Orson F. Whitney, at ng iba pa, sang-ayon silang lahat sa katotohanang ang mga magulang na tumutupad sa kanilang mga tipan sa templo ay higit ang espirituwal na impluwensya sa kanilang mga anak sa paglipas ng panahon. Ang matatapat na miyembro ng Simbahan ay mapapanatag sa kaalamang makakamtan nila ang mga pangakong banal na patnubay at kakayahan, sa pamamagitan ng inspirasyon ng Espiritu Santo at sa mga pribilehiyo ng priesthood, sa pagsisikap na tulungan ang kanilang pamilya na matanggap ang mga pagpapala ng kaligtasan at kadakilaan.

Ang “mga galamay ng Banal na Maykapal” na inilarawan ni Elder Whitney ay maituturing na isang uri ng espirituwal na kapangyarihan, isang paghila o paghatak ng langit na humihikayat sa anak na nalilihis ng landas na bumalik sa kawan. Hindi mapapawalang-halaga ng gayong impluwensya ang kalayaang moral ng anak ngunit ito ay maka-aanyaya at makahihikayat. Sa huli, dapat gamitin ng anak ang kanyang kalayaang moral at tumugon nang may pananampalataya, magsisi nang buong puso, at kumilos ayon sa mga turo ni Cristo.

Si Pangulong James E. Faust (1920–2007), dating Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ay ipinaliwanag nang napakalinaw ang walang hanggang konseptong ito:

“Naniniwala ako at tanggap ko ang nakaaalong pahayag ni Elder Orson F. Whitney:

“‘Sinabi ni Propetang Joseph Smith—at ito ang doktrinang itinuro niya na higit na nagbibigay-[kapanatagan]—na ang walang hanggang pagkakabuklod ng matatapat na magulang at ang banal na mga pangako dahil sa magiting nilang paglilingkod sa Gawain ng Katotohanan, ay magliligtas hindi lamang sa kanila, kundi maging sa kanilang mga inapo. Bagama’t naliligaw ang ilan sa mga tupa, ang mga mata ng Pastol ay nakatuon sa kanila, at sa malao’t madali ay madarama nila ang mga galamay ng Banal na Maykapal na tumutulong at umaakay sa kanila pabalik sa kawan. Maging sa buhay na ito, o sa kabila, sila ay babalik. Kailangan nilang bayaran ang hinihingi ng katarungan; pagdusahan ang kanilang mga kasalanan; at marahil tatahakin nila ang matinik na landas; ngunit kung sa wakas ay ihatid sila nito, gaya ng nagsising Alibugha, pabalik sa mapagmahal at mapagpatawad na puso at tahanan ng ama, ang masakit na karanasan ay hindi nasayang. Ipanalangin ang inyong walang-ingat at suwail na mga anak; pangalagaan sila sa pamamagitan ng inyong pananampalataya. Patuloy na umasa, patuloy na manalig, hanggang sa makita ninyo ang kaligtasan ng Diyos.’6

“Ang alituntunin sa pahayag na ito na madalas makaligtaan ay na dapat silang lubos na magsisi at ‘pagdusahan ang kanilang mga kasalanan’ at ‘bayaran ang hinihingi ng katarungan.’ Batid kong ngayon ang panahon upang ‘maghanda sa pagharap sa Diyos’ [Alma 34:32]. Kung ang pagsisisi ng naligaw na mga anak ay hindi magaganap sa buhay na ito, maaari bang maging sapat ang tibay ng bigkis ng pagbubuklod upang makapagsisi pa rin sila? Sinabi sa atin sa Doktrina at mga Tipan, ‘Ang mga patay na magsisisi ay matutubos, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ordenansa ng bahay ng Diyos,

“‘At pagkatapos nilang mabayaran ang kaparusahan sa kanilang mga kasalanan, at mahugasang malinis, ay tatanggap ng gantimpala alinsunod sa kanilang mga gawa, sapagkat sila ay mga tagapagmana ng kaligtasan’ [D at T 138:58–59].

“Magugunita nating winaldas ng alibughang anak ang kanyang mana at nang maubos iyon lahat ay bumalik siya sa bahay ng kanyang ama. Doon muli siyang tinanggap ng kanyang pamilya, ngunit ubos na ang mana niya. [Tingnan sa Lucas 15:11–32.] Hindi maaaring manaig ang habag sa katarungan, at ang kapangyarihan ng pagkakabuklod ng matatapat na magulang ay maaari lamang makasagip sa nangaliligaw na mga anak batay sa kanilang pagsisisi at sa Pagbabayad-Sala ni Cristo. Kakamtin ng nagsising naligaw na mga anak ang kaligtasan at lahat ng pagpapalang kaakibat nito, ngunit ang kadakilaan ay higit pa rito. Ito’y kailangang ganap na paghirapan. Ang tanong sa kung sino ang tatanggap ng kadakilaan ay dapat ipaubaya sa Panginoon ayon sa Kanyang habag.

“May ilan na ang nagawang kasamaan ay lubhang napakalaki kung kaya’t dahil ‘sa bigat ng kanilang kasalanan ay hindi na sila makapagsisisi.’7 Ang paghatol na ito ay dapat ding ipaubaya sa Panginoon. Sinabi Niya sa atin, ‘Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao’ [D at T 64:10].

“Marahil sa buhay na ito ay hindi natin lubos na mauunawaan kung gaano katibay ang mga bigkis ng pagkakabuklod ng matatapat na mga magulang sa kanilang mga anak. Marahil may iba pang mga puwersang tumutulong dito na hindi natin batid.8 Naniniwala akong may malakas na impluwensya pa rin sa atin ang minamahal nating mga ninuno na nasa kabilang panig ng tabing.”9

Ang mga turo ni Pangulong Faust ay mariing nagbubuod ng mga bagay na alam at hindi natin alam tungkol sa mabubuting magulang at mga anak na naliligaw ng landas. Ang impluwensya ng mga magulang na tumutupad sa mga tipan at sumusunod sa mga utos ay tunay na may espirituwal na epekto sa mga anak na naliligaw ng landas sa pamamagitan ng pagpapakilos sa mga galamay ng banal na Maykapal—sa mga paraan na hindi ganap na naihahayag at lubusang nauunawaan. Gayunman, ang impluwensya ng mabubuting magulang (1) ay hindi humahalili sa pangangailangan ng bawat tao sa nakatutubos at nagpapalakas na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, (2) hindi nagpapawalang-saysay sa mga bunga ng di-matwid na paggamit ng kalayaang moral, at (3) hindi taliwas sa responsibilidad ng tao na katawanin ang sarili, “kumikilos … at hindi pinakikilos” (2 Nephi 2:26).

Ang matatapat na magulang ay maaaring makahanap ng lakas na magtiis habang tinutularan nila ang mga halimbawa ng ibang matwid na mga magulang na may suwail na mga anak. Sa Aklat ni Mormon, patuloy at matiyagang hinikayat ni Amang Lehi ang kanyang suwail na mga anak na bumaling sa Panginoon. Si Lehi “ay nangusap kay Laman, sinasabing: O sana ay maging katulad ka ng ilog na ito, patuloy na umaagos patungo sa bukal ng lahat ng kabutihan!

“At siya ay nangusap din kay Lemuel: O sana ay maging katulad ka ng lambak na ito, matibay at matatag, at hindi matitinag sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon!

“Ngayon, ito ay nasabi niya dahil sa katigasan ng leeg nina Laman at Lemuel; sapagkat masdan, sila ay bumubulung-bulong sa maraming bagay laban sa kanilang ama” (1 Nephi 2:9–11).

Kalaunan, nang malapit nang pumanaw si Lehi sa mundong ito, inanyayahan at hinikayat pa rin niya ang kanyang suwail na mga anak na “pakinggan ang [kanyang] mga salita” (2 Nephi 1:12):

“Gumising! at bumangon mula sa alabok, at makinig sa mga salita ng nanginginig na magulang, na ang mga biyas ay tiyak na malapit na ninyong ihimlay sa malamig at tahimik na libingan. …

“At nais kong inyong pakatandaang sundin ang mga batas at kahatulan ng Panginoon; masdan, ito ang ikinababalisa ng aking kaluluwa mula pa sa simula.

“Ang aking puso ay manaka-nakang bumibigat sa kalungkutan, sapagkat ako ay natatakot, na baka sa katigasan ng inyong mga puso ang Panginoon ninyong Diyos ay dumalaw sa inyo sa kaganapan ng kanyang galit, na kayo ay mahiwalay at mamatay magpakailanman; …

“O mga anak ko, sana’y huwag sumapit sa inyo ang mga bagay na ito, bagkus kayo ay maging isang pinili at mga pinagpalang tao ng Panginoon. Datapwat masdan, masusunod ang kanyang kalooban; sapagkat ang kanyang mga landas ay katwiran magpakailanman” (2 Nephi 1:14, 16–17, 19).

Isang anghel ng Panginoon ang nagpakita sa rebeldeng Nakababatang Alma at nagsabing, “Napakinggan ng Panginoon ang mga panalangin ng kanyang mga tao, at gayon din ang mga panalangin ng kanyang tagapaglingkod na si Alma, na iyong ama; sapagkat nanalangin siya nang may labis na pananampalataya hinggil sa iyo na baka sakaling madala ka sa kaalaman ng katotohanan; anupa’t dahil sa layuning ito ako ay naparito upang papaniwalain ka sa kapangyarihan at karapatan ng Diyos, upang ang mga panalangin ng kanyang mga tagapaglingkod ay matugon alinsunod sa kanilang pananampalataya” (Mosias 27:14).

Isang dahilan kaya nangyari ang napakagandang karanasang ito ay dahil sa mga panalangin ni Alma—na dalawang ulit na kinilala ng anghel bilang tagapaglingkod ng Diyos. Sa gayon, maaanyayahan ng matatapat na magulang ang kapangyarihan ng langit upang maimpluwensyahan ang kanilang mga anak. Gayunpaman, ang mga anak na ito ay mananatiling kumikilos para sa kanilang sarili, at ang pagpapasiyang magsisi o hindi ay nasa kanila pa rin sa bandang huli. Si Nakababatang Alma ay tunay na pinagsisihan ang kanyang mga kasalanan at isinilang sa Espiritu (tingnan sa Mosias 27:24), ang bunga na buong pusong inaasam ng lahat ng magulang na may mga anak na naliligaw.

Habang matiyaga at patuloy na minamahal ng mga magulang ang kanilang mga anak at nagiging buhay na halimbawa ng mga disipulo ni Jesucristo, napakabisa nilang naituturo ang plano ng kaligayahan ng Ama. Ang kasigasigan ng gayong mga magulang ay matibay na sumasaksi sa nakatutubos at nagpapalakas na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at nag-aanyaya sa mga anak na nangaliligaw na tumingin nang may bagong pananaw at makinig nang may bagong pang-unawa (tingnan sa Mateo 13:43).

Ang pagkilos nang naaayon sa mga turo ng Tagapagligtas ay nag-aanyaya ng espirituwal na kakayahan sa ating buhay—kakayahang makinig at tumalima, kakayahang makahiwatig, at kakayahang magpatuloy. Ang pagiging matapat na disipulo ang pinakamainam at tanging kasagutan sa bawat tanong at hamon ng buhay.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Joseph Smith, Teachings of the Prophet Joseph Smith, tinipon ni Joseph Fielding Smith (1938), 321; Joseph Smith, sa History of the Church, 5:530; Brigham Young, sa Journal of Discourses, 11:215; Lorenzo Snow, sa Brian H. Stuy, tinipon sa, Collected Discourses, 5 tomo. (1987–92), 3:364; Joseph Fielding Smith, sa Doctrines of Salvation: Sermons and Writings of Joseph Fielding Smith, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo. (1954–56), 2:90–91, 179, 182–83; Bruce R. McConkie, Mormon Doctrine, Ikalawang Edisyon. (1979), 685; Spencer W. Kimball, “Ocean Currents and Family Influences,” Ensign, Nob. 1974, 111–12; Howard W. Hunter, “Parents’ Concern for Children,” Ensign, Nob. 1983, 63; Boyd K. Packer, “Our Moral Environment,” Ensign, Mayo 1992, 68; Russell M. Nelson, “Doors of Death,” Ensign, Mayo 1992, 73; Gordon B. Hinckley, sa “Prophet Returns to ‘Beloved England,’” Church News, Set. 2, 1995, 4; Boyd K. Packer, “Huwag Matakot,” Ensign, Mayo 2004, 77; Robert D. Hales, “Lakip ang Lahat ng Damdamin ng Nagmamahal na Magulang: Isang Mensahe ng Pag-asa para sa mga Pamilya,” Liahona, Mayo 2004, 88.

  2. Joseph Smith, Teachings of the Prophet Joseph Smith, tinipon ni Joseph Fielding Smith (1938), 321.

  3. Orson F. Whitney, sa Conference Report, Abr. 1929, 110.

  4. Joseph Smith, The Words of Joseph Smith, tinipon nina Andrew F. Ehat at Lyndon W. Cook (1980), 241; idinagdag ang pagbibigay-diin. Tingnan din sa pahina 300.

  5. Inilalarawan ng mga banal na kasulatang ito ang alituntunin na ang kalalakihan at kababaihan ay malayang makapipili at mananagot sa Diyos sa kanilang mga ginawa. Sadyang hindi pa kumpleto ang listahang ito: 2 Mga Taga Corinto 5:9–10; Mga Taga Galacia 6:7–9; Mosias 4:30; 7:30–33; Alma 12:12–14; 33–35; 34:13–17; 42:24–30; Doktrina at mga Tipan 6:33–34; 101:78; Moises 7:32–33.

  6. Orson F. Whitney, sa Conference Report, Abr. 1929, 110.

  7. Alonzo A. Hinckley, sa Conference Report, Okt. 1919, 161.

  8. Tingnan sa John K. Carmack, “When Our Children Go Astray,” Ensign, Peb. 1997, 7; Liahona, Mar. 1999, 28.

  9. James E. Faust, “Dear Are the Sheep That Have Wandered,” Ensign, Mayo 2003, 62.