2014
Si Jesucristo ang Ating Tagapagligtas
Marso 2014


Dalhin sa Tahanan ang Turo sa Primary

Si Jeuscristo ang Ating Tagapagligtas

Alamin ang iba pa tungkol sa tema ng Primary sa buwang ito!

Isang 12-taong-gulang na batang babae ang nakahiga sa kanyang kama, at palubha nang palubha ang sakit. Nakamasid sa kanya ang kanyang mga magulang na wala nang magawa. Wala na silang magagawa para iligtas siya.

Pagkatapos ay naalala nila ang kamangha-manghang kuwentong narinig nila tungkol sa isang lalaking kasa-kasama nila na nagngangalang Jesus. Sabi ng mga tao, kaya Niyang pagalingin ang mga maysakit at bigyan ng paningin ang mga bulag. Baka-sakaling mailigtas Niya ang buhay ng kanilang anak!

Tumakbo si Jairo na ama ng bata para hanapin si Jesus. Nagsumamo siya kay Jesus na pagalingin ang kanyang anak. Pagkatapos ay dumating ang isang alila na may kakila-kilabot na balita. Huli na ang lahat. Patay na ang bata. “Huwag kang matakot,” sabi ni Jesus kay Jairo, “manampalataya ka lamang” (Marcos 5:36).

Pagdating nina Jesus at Jairo sa bahay ni Jairo, pumasok sila sa silid kung saan nakahiga ang bata. Hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabihan itong magbangon. Nang tumayo ito, namangha ang kanyang mga magulang. Binuhay na muli ni Jesus ang kanilang anak!

Sa araw na iyon ipinakita ni Jesus kung gaano kalaki ang pagmamahal Niya sa bata at sa pamilya nito sa paglilingkod sa kanila. Ipinakita ni Jesus kung gaano kalaki ang pagmamahal Niya sa atin sa maraming magaganda at kamangha-manghang paraan:

  • Tumulong Siya sa paglikha ng magandang daigdig at lahat ng nilalang dito.

  • Nagkusa Siyang pumarito sa lupa upang maging Tagapagligtas natin, kahit alam Niyang magiging napakahirap nito.

  • Ginugol niya ang Kanyang buhay sa lupa sa pagbabasbas, pagpapagaling, at pagtuturo sa iba.

  • Naging sakdal ang Kanyang buhay.

  • Kusang-loob siyang nagdusa para sa ating mga kasalanan sa Halamanan ng Getsemani at namatay sa krus upang tayo ay mabuhay na mag-uli at makabalik sa langit.