2014
Isang Hardin na Puno ng mga Biyaya
Marso 2014


Para sa Maliliit na Bata

Isang Hardin na Puno ng mga Biyaya

Buzz! Buzz! Buzz! Isang masipag na dilaw na bubuyog ang dumapo sa isang bulaklak ni Andrea. Tumayo siya at nagmamadaling lumayo. Ayaw ni Andrea sa mga bubuyog. Lumipat siya sa ibang bahagi ng hardin para bunutin ang mga damo sa tabi ng madahong puno ng kamatis.

Mainit sa likod ni Andrea ang sikat ng araw. Dinig niya na nasa mga hanay lang ng mais si Inay. Biglang narinig na muli ni Andrea ang ugong ng bubuyog. Buzz! Buzz! Buzz! Tumakbo siya para hanapin si Inay.

“Ang daming bubuyog, Inay!” wika niya. “Gusto kong magtrabaho sa hardin nang wala ang mga bubuyog.”

“Kailangan natin ng mga bubuyog para lumago ang hardin natin,” sabi ni Inay. “Nilikha ni Jesus ang mga bubuyog para ma-pollinate ang mga halaman at magkaroon tayo ng mga paborito nating pagkain.”

“Kapag wala po bang mga bubuyog wala tayong hardin?” tanong ni Andrea. Naisip niya ang lahat ng paborito niyang halaman. Mahilig siya sa magagandang bulaklak. Mahilig siyang kumain ng mga strawberry at kamatis. Malulungkot siyang mabuhay sa isang mundong wala ng mga ito.

“Natutuwa po ako na nilikha ni Jesus ang mga halaman,” sabi ni Andrea. “Natutuwa po ako na nilikha rin niya ang mga bubuyog!” ◼