Nadama Ko ang Espiritu
“Sinabi ni Jesus, Pabayaan ninyo ang maliliit na bata, at huwag ninyong pagbawalan silang magsilapit sa akin: sapagka’t sa mga ganito ang kaharian ng langit” (Mateo 19:14).
Naaalala ko ang dalawang simpleng kaganapang nangyari noong bata pa ako. Bawat isa ay nagpapakita kung paano inaantig ng Espiritu ang mga puso sa natatanging mga paraan anuman ang edad natin.
Ang unang karanasan ay nangyari nang magkasakit ang kapatid kong lalaki. Pinapunta ng tatay ko sa bahay namin ang isang lalaki mula sa aming ward at pinatulong sa pagbibigay ng basbas ng priesthood. Nang magtipon ang pamilya namin bago ang basbas, iminungkahi ng lalaki na lumabas kaming mga bata dahil baka masira namin ang kasagraduhan ng basbas. Mahinahong tumugon si Itay na mahalagang naroon ang bawat bata sa oras ng basbas dahil kailangan ang aming dalisay na pananampalataya. Kahit sa murang edad na iyon, hindi ko lamang nadama ang presensya ng Espiritu, kundi nadama ko rin ang matinding pagmamahal ng aking ama sa kanyang mga anak. Ang pagmamahal ng aking ama ay nakatulong sa akin na paniwalaan at maunawaan na mahal ako ng aking Ama sa Langit.
Makalipas ang ilang taon, nakibahagi ang aming pamilya sa sacrament meeting. Ang nanay ko ay magaling sa musika. Gayunman, ibinigay niya sa aming magkakapatid na babae ang pagkakataong kumanta sa halip na siya. Malinaw ko pang naaalala ang awitin na nagkainspirasyon siyang ipakanta sa amin:
Ako’y nagninilay t’wing mababasa,
Mga kuwento tungkol kay Jesus,
Nang tawagin N’ya ang mga munting bata;
Sana’y naroroon din ako.
(“Ako ay Nagninilay Tuwing Mababasa,” Aklat ng mga Awit Pambata, 35)
Nang kantahin naming magkakapatid ang awitin, masigla at masaya ang pakiramdam ko. Ang magiliw kong patotoo ay napalakas nang ipadama sa akin ng Espiritu Santo na mahal ako ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Lubos akong nagpapasalamat sa pagpapala ng Espiritu Santo at sa pagmamahal ng aking mga magulang at ng aking Ama sa Langit.